"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Wednesday, October 31, 2012
Sepultorero
Isang patay pinatay, patay! boses ni Mike Enriquez.
Araw-araw may naibabalitang namatay pero bihira ang binabalitang nabubuhay o ipinapanganak. Ang newscaster nga raw ay ang taong magsasabi ng magandang gabi at iuulat kung ano ang hindi maganda sa gabi. Ok pwede na `yan para sa intro.
Ang sepulturero ay isang salitang espanyol na kapag natranslate sa ingles ay grave-digger, kung may trabaho na ang isang paa ay nasa hukay, ang trabaho namin ang buong katawan ay nasa hukay.
Hanapbuhay ko ay ang mga namamatay. In demand ang trabaho ko ngayon dahil sa dami ng namamatay dito sa Pilipinas. Gusto ko mang hilingin na sana ay wala na lamang namamatay hindi ko rin magagawa, hindi lang dahil dito ang trabaho ko kundi imposible rin ito sa mata ng tao. Mahirap hanapin ang kaluluwa ng patay pero kusang lumalapit sa amin ang mga namamatayan. Trabaho namin ito na dapat gampanan.
Noong una ay takot ako sa mga patay lalo na `yong unang araw ko sa trabaho. Kung pwede lang umabsent sa unang araw ay gagawin ko sana pero sayang ang paunang experience. Kung ang paghuhukay lamang ng kanilang libingan ay walang kapagod-pagod kong gagawin. Ni hindi nga tutulo ang pawis ko pero nang makita ko ang labi ng isang matanda ay hindi ko napigilang magpawis ng napakalamig. Isama mo pa ng iyakan ng mga kamag-anak niya ay tutulo rin ang aking luha. Parang kumain ako ng sisig o bicol express na pati sipon ay tutulo na rin.
May labi ng matanda na natural na kung makita pero ang makita ang bata na cute pa ang itsura, nakakapanghinayang at nakakaawa. May labi rin ng dalaga na pwedeng pagpantasyahan, sabay tingin sa tatay ng bangkay. Nakakatawa o nakakainis mang isipin hindi natin maaalis ang halu-halong emosyon kapag may inililibing.
Ilang taon na rin ako sa trabaho ko at ilang taon na rin akong hindi umiiyak. Hindi na kasi kami nag-aaway ni misis at hindi na rin ako namomroblema sa pera na laging dahilan ng aking pag-iyak. Nasanay na rin akong makakita ng mga inililibing kaya namanhid na ang puso ko sa pakiramdam na nadadama ko sa mga nag-iiyakang kamag-anak ng inililibing ko. Napapadali rin ang trabaho kapag minsang ang mga kalalakihan ng pamilya ang nais magpuno ng buhangin sa hukay ng kanilang minamahal dahil mas ramdam nila na nakapag-ambag sila kahit sa huling pagkakataon sa kanilang pumanaw na minamahal.
Pangarap kong maibaon ang mga pulitikong kurap. `Yung tipong lumubog na sa lupa, tatapakan mo pa para magpantay ang lupa. Kahit sa hantungan nila, makita ko silang mawala. Pasensya na sa tinamaan, ako'y isang tao lamang na may sariling pangarap.
Sana'y pwedeng ibaon din sa limot ang mga nakaraang nais mong makalimutan gaya ng mga ex at mga alaala ng ibang babaeng nakana sa papag. Nais ko ng ibaon sa limot ang kahapon lalo na noong natae ako sa shorts ko noong bata ako na hindi malimutan ng mga kainuman ko kapag katapusan. Sana'y naibaon ko na lamang din ang aking byenan na wala ng ginawa kundi magdadada at magsayang ng laway na sana'y pandilig ng orchids ni misis. Maibabaon ba nito ang mga kasalanang nagawa ko noong makakita ako ng alahas sa isang hukay sa panahong kailangan namin ng pera? May mga pamahiin na kapag isinuot ng patay ang kanilang alahas ay dadalhin sa kabilang buhay pero heto ang isa, nagawang sagipin ang buhay ng aking anak.
Hindi maibabaon sa limot ang paghatiran ako ng pagkain ng irog ko. Ang mga masasayang alaala ng aking mag-ina sa bawat uwi ko ng spaghetti para kay Nina at halik para sa misis kong si Paula. Ang mga alaalang aking nadaraanan sa bawat araw na may kabaong na naililibing. Totoong kung walang namamatay ay walang ngiti sa labi namin ngunit hindi dahil namatayan kayo kundi dahil sa galak ng sweldo ng hanapbuhay namin. Kung walang gagawa nito, baka naitapon na lang sa ilog ang bangkay ng mga tao dyan o kaya ay isinilid na lang sa de lata. Maliit man ang sweldo namin parte pa rin kami ng mundo at ng buhay ng tao.
May mga nagpapalibing rin ng hayop, test paper, love letter, kuko at buhok. Tinatanggap ko naman basta patay na at walang buhay. Pero isang araw ay may nagpapalibing. Agad akong tumanggi. Buhay pa ang pinalilibing, kumakatok at sumisigaw sa loob ng kahon. Inaalok ako ng isang bayong ng pera pero hindi ko kaya. Hindi ito maibabaon ng isip at konsensya ko sa limot kung gagawin ko ito. Hindi ko alam na may kabayaran ang nangyari.
Ang mga luha ko'y nagbalik, nang ang anak at asawa ang aking ilibing. Bawat pulgada na ibinababa nila sa hukay ay ganoon din ang lalim ng sakit sa puso kong unti-unting dinudurog at nilalapirot. Bawat pagtapon ng buhangin na tumatakip sa kanilang mukha ay siya ring lungkot na yumayakap sa aking pagkatao. Nais kong maging perpekto ang aking huling pagsasakripisyo para sa kanila. Ngayon ko naramadaman kung gaano kahirap ang pakawalan ang iyong mahal kahit araw-araw ko itong nakikita sa iba. Napakahirap gawin ang paghuhukay sa sariling libingan ng iyong minamahal. Napakasakit tanggapin na wala na sila at hinuhukay ko ang magiging puntod nila. Nakakapagod sa damdamin ang bawat pagpala kung ang puso mo ang iyong tinatamaan. Ang maliit ay tinapakan, wala akong magawa habang ang malalaki ay humahalakhak.
Napakahirap ngayong ngumiti kung dahil sa trabaho ko, sila'y nasawi. Isang masaker dahil sa aking pagtanggi, ang pagpapatahimik sa akin ang tanging sagot sa mga mukha noong gabing natatak sa memorya ko. Ngunit bakit pati pamilya ko'y dapat mawala kung bukas alam kong isa na rin ako sa ililibing sa hukay.
- wakas -
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.