Friday, October 26, 2012

Noong Bata Ako 4




Hindi ko man lang maiurong ang ulo ko para makaiwas sa babaeng ito. Kung pwede lang akong higupin ng lupa sa sitwasyon ngayon sana'y nangyari na lang ito. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatitig sa akin. Kitang-kita ko ang pupil ng mata niya, paano ko ba ito idedescribe, hindi naman matamlay kundi wala ng buhay. Napapikit ako. Ayokong makita ang mga matang 'yon. Ayoko na!

"Aaaaaaaaaaaaaaaahhhhh!!!" sigaw kong muli para mailabas ang takot sa aking dibdib pero kahit isigaw ko pati lalamunan ko'y hindi nito maibsan ang nanginginig kong katawan. Ayoko ng magmulat, panaginip lang ba ang lahat? Paano kung pagmulat ko ay si Prince Charming pala ang nasa harap ko? Paano kung pagbukas ng mata ko ay may nakaharap pang babae sa akin?



Nainip ako, sumilip ang nanginginig kong talukap sa liwanag na tumama sa mata ko. Umaga na, walang babaeng bumulaga sa akin.

Narinig ko ang tilaok ng mga manok, nasa labinlimang minuto na akong gising pero hindi nagmumulat. Nakatulog ako sa pagod kagabi malamang kakaiyak. Noong bata ako, sabi ni lola na ang iniisip mo ay siyang mapapanaginipan mo. Ngayon ko lang ito napagtantong tama. Napanaginipan ko nga ang iniisip ko, pero parang hindi panaginip ang mga nakita ko pero malinaw ang lahat na parang totoo. Panginip ba ang lahat?

Hingal.

Hinga.

Hinto.

Ok na ang lahat. Sa ngayon.

>

Namamaga ang mga mata kong pumasok sa eskwela.

"Wala pa si Ed." sabi ni Tina sa akin.

Nagpalinga-linga ako. Wala pa nga kahit patak ng dugo ni Ed. Bigla kong naalala ang mukha ng babaeng may hiwa sa pisngi. Nanginig ang katawan ko ang napamulagat ang mga mata ko. Tumulo ang luha ko sa sobrang takot, bumalik sa mabilis na pagtibok ang puso ko, bimilis muli ang paghinga ko at gusto kong sumigaw.

"Anong nangyari sa'yo?" tanong ni Tina.

Hindi ako makasagot. Parang may nakabara sa lalamunan ko. Napasukob na lang ako.

"O mas tamang itanong kung anong ginawa mo kay Ed?" pumintig ang tainga ko sa nadinig. Wala akong magawa. Usapan ay usapan. Hindi uli ako umiimik hanggang sa may malakas na tumapik sa batok ko.

Inangat ko ang ulo ko at nasilayan si Gelo. "Ang lakas ng loob mong pumasok pa dito!" sigaw niya sa akin. Napaluha na lamang ako. Wala akong magawa.

Dinumog kami ng mga kaklase namin pero lahat sila sa akin nakatingin.

"Baliw ata ang babaeng yan."

"Hindi, may sapi siguro."

"Baka aswang sa gabi."

"Dapat ng sunugin sa park yan!"

May mga nagbubulungan at may nanduduro sa noo ko.

"Tama na! Hindi pa naman tayo sigurado. Hindi pa nakikita ang bangkay ni Ed baka hindi pa siya patay." sabat ni Tina na nakikita kong naaawa sa akin.

"Pinagtatanggol mo pa yang aswang na yan?" sarkastikong tanong ni Gelo. "Nakadalawa na siya sa mga kaibigan niya, ikaw na ang isusunod niyan!"

"Oo nga!" sabi pa ng mga manonood. "Ipakulong 'yan!"

"Tina," bulong ko at tumayo, "Huwag mo na akong ipagtanggol. Wala ka ring magagawa." Inunat ko ang kamay ko para alisin ang pananggalang ng katawan ko. "Kung gusto niyo akong patayin, gawin niyo na."

"Sira ka ba?!" sabi ni Tina.

"Anong nangyayari dito?" tanong ni Ma'am Jen.

Nakakatawa dahil kanina'y napakatapang magsalita ng mga 'to. Wala naman palang may kayang gawin ang sinasabi nila. Puro sila satsat. Nagsibalikan ang mga estudyande sa kanya-kanyang room at upuan at nagsimula na ang klase ni Ma'am Jen. Malamang may alam kung may alam siya sa pagkamatay ng kanyang mga estudyante pero hindi niya alam na ako ang pinaghihinalaan ng mga kaibigan ng mga ito.S

Tuluyan ngang hindi pumasok si Ed sa unang subject. Nawawalan na ako ng pag-asa pero wala akong balak tumakas. Ayokong madamay pa ang magulang ko sa isyung ito. Pero kaya ko ba itong solusyunan mag-isa?

Natigil ang pag-iisip ko nang may nambato sa akin ng papel. Napatingin ako sa likod pero wala akong maaninag na suspek. Naalala ko noong bata ako ay normal lang naming laro ito.  Kahit saan ay pupunit kami para lang may maipangbato. Nandyang pupunit sa notebook, sa papel ng katabi at pati libro hindi namin pinatakas. Ngayon iba ang sitwasyon, binabato nila ako dahil isa raw akong masamang tao na gusto nilang palayasin sa mundong ito.

Isa pa.

At isa pa.

Isa pa uli.

Hindi sila nahuhuli ni Ma'am Jen dahil mababait silang lahat. Ako lang ang masama rito. Ako lang ang makasalanan. Ako lang ang naiiba. Tinatakwil nila ako. Hindi ko na lang iniinda ang pagkairita sa mga ito pero lahat ng nagtitiis ay napupuno rin.

Lumingon ako at hinuhuli sa akto ang nambabato. Nahuli ko si Gelo nga ang nambabato sa akin. Tatayo na dapat ako ng makitang may nakaharang pala sa pagitan namin. Si Anet! Hinaharang niya ang bawat pagbato ni Gelo pero tumatagos lamang ang mga ito.

Mabagal kong ibinalik sa harap ang aking paningin. Parang robot ako sa bagal ng aking paggalaw, may konting pagnginig ng katawan ko sa gulat. Bakit bigla kong nakikita ang mga multo? Bakit?

"Ang mga nakita ng babae ay dapat sumagot sa tanong niya kung hindi ay hahanapin ka niya at tatanunging muli." bulong ng hangin sa aking tainga. Ayokong lumingon dahil tanda ko ang boses na ito ay kay Anet.

"Naida!" sigaw ni Ma'am Jen na nagpabalik sa mundo ko. "Ano ang pangalan ng aso ni Jose Rizal?" tanong nito sa akin pero hindi ko alam ang sagot. Naalala ko nga na Rizal's Life and Writings ang aming subject ngayon.

"Usman." sabi ng boses.

Tumayo ako at nagtiwala sa boses. "Usman po ma'am."

"Next time, you pay attention ha? `Wag tutula-tulala." sermon sa akin ni ma'am kahit hindi niya alam ang sitwasyon ko pero alam ko wala akong magagawa. Walang maniniwala sa akin. Magdadala na lamang ako ng extrang pera pambayad ng attention na sinasabi ni ma'am.

"Yes ma'am. Sorry." naupo ako at napaisip muli. Ibig sabihin ay kakampi ko ang multo ni Anet at wala siyang gagawin masama sa akin. May gusto lang siguro siyang sabihin o may nais iparating.

Tama ang naisip niyo! Gusto niyang sabihin sa akin kung sino ang pumatay sa kanya at dahil nakatakas ako sa babae ay binalaan niya ako. Kailangan kong makausap muli si Anet. Malamang ay siya rin ang nagdala sa akin ng mahiwagang magazine na bigla na lamang sumusulpot.

May kumalabit sa likod ko. Naalala ko rin noong bata ako kung gaano kami kalakas magtrip sa pangangalabit sa taong nasa harapan namin. Lalo na pag liningon ito at may daliring tatama sa pisngi niya, o kaya ay papasok sa butas ng ilong, o maisusubo sa bibig, ang malala kapag mata ang natusok mo. Patay ka kay principal no'n.

Dahan-dahan akong lumingon para hindi ako mapagtripan kung sakaling trip ito pero may lumabas na papel sa balikat ko. Galing ito kay Tina, "Puntahan natin si Ed mamaya." nakasulat sa papel.

"Ang mga nakita ng babae ay dapat sumagot sa tanong niya kung hindi ay hahanapin ka niya at tatanunging muli." naalala ko ang sinabi ni Anet. Kung mahuhuli kami ay baka hindi namin maabutan si Ed. O kaya ay mauna ako sa kanya. Pero hindi ganito ang Kuchisake Onna, hindi siya naghahabol ng taong nakatakas na sa kanya. Malamang hindi siya kagaya ng alamat sa Japan, isa siyang babaeng kaluluwa na mapaghiganti.

Ibinalik ko ang papel na may kasamang sagot ko. "Ngayon na. Bago mahuli ang lahat."

Eksakto namang natapos ang klase namin kay Ma'am Jen.

>

"Pagpasensyahan mo na ang mga kaklase natin. Nadadala lang sila." sabi ni Tina habang papunta kami kina Ed.

"Ikaw rin naman `di ba?" malungkot kong sabi.

Yumuko lamang siya at hindi sumagot.

Ilang minuto ng paglalakad ay nakaabot ako kina Ed ng ligtas. Malamang dahil umaga pa kaya nasisiguro kong pati si Ed ay buhay pa.

"Tao po!" sigaw ni Tina.

Si Tina lang ang nagtatawag dahil wala akong ganang magsalita. Ilang minuto rin kaming naghihintay nang lumabas ang isang kapitbahay. "Walang tao dyan!" pasigaw na sabi nito.

"Saan po nagpunta?" tanong ni Tina.

"Nasa ospital kasi ang anak ni Rina, ipinagbilin lang sa'kin ang bahay." sagot nito.

"Ano po?!" gulat na reksyon ni Tina.

"Saang ospital po?" tanong ko bigla. Nag-aalala ako para kay Ed.

>

Madali naming tinahak ang daan papunta sa ospital. "Manong pakibilis po." sabi ko sa tricycle driver.

"Bakit ba nagmamadali ka?" tanong ni Tina.

"Baka mahuli tayo. Kalaban natin ang oras." sagot ko kahit hindi maintindihan ni Tina ang nangyayari ay sumusuporta lang ito.

Biglang harurot ng tricycle.

>

"Room 201 po." tanong ko sa information booth ng ospital.

"Second floor po, tapos head left." patakbo kong tinahak ang hagdan. Hindi ko na nahintay si Tina, nauna na ako sa pagtakbo at siya na ang nagbayad sa driver ng tricycle at nagpa-thank you sa nurse na napagtanungan ko.

Muntik muntik pa akong matisod sa pagmamadali pero wala akong pakialam sa mga nakakita, ang importante ay makita ko agad si Ed. Pagkakita ko ng room ay nandoon na si Tina na ipinagtaka ko. Hinihintay niya ako sa labas ng pinto. Siguro nag-elevator siya.

Kinatok niya ito at pumasok na kami, "Aling Rina, `musta po si Ed?" tanong ni Tina.

"Ok na siya. Natutulog lang." sagot ni Aling Rina.

"Bakit nakatakip po ang mukha niya?" tanong ko dahil hindi ko talaga alam kung ano ang ginawa ng babae sa kanya. Buhay pa si Ed, nakaligtas kami. Magagawa naming mawarningan ang mga tao.

Tumulo ang luha ni Aling Rina, agad siyang hinaplos ni Tina. "Walang awa ang gumawa sa kanya niyan!"

"Tahan na po." ani Tina.

"Hiniwa ang pisngi niya hanggang tainga." muling hagulgol niya dahil muling naalala ang kalagayan ng anak. "Magbabago na ang buhay niya niyan. Nakaligtas nga siya sa kamatayan pero habambuhay niyang dadalin ang peklat na gawa ng kahapon."

Napamulagat akong muli sa narinig. Hiniwa ang pisngi niya.

"Ma, si Naida ba 'yan?" Napabalikwas kami nang magsalita si Ed.

"Huwag ka munang magsalita at baka bumuka ang sugat mo." tama hindi nga makakapagsalita si Ed, paano ko siya tatanungin?

"Sapat na ang makita ka naming buhay Ed." sabi ni Tina at agad na binalita ang mabuting balita.

Sumenyas si Ed ng panulat.

Inabot namin ang sticky note at ang bolpen na malapit dito.

Nag-umpisang magsulat si Ed. "Matatakasan natin siya. May alam akong paraan." basa ko sa isinulat niya.

Hindi kami nagsalita at hinayaan siyang magsulat.

"Binalaan ako ni Anet..." basa ko.

"Oo! Ako rin!" sabat ko sa pagsusulat niya.

"Wala ba siyang sinabi sa'yo kung papano tatakasan ang babae?"

"Wala eh."

Nanatiling nanonood si Aling Rina at Tina dahil binigyan kami ng privacy sa pag-uusap.

"Tinanong ako ng babae kung maganda siya, sumagot ako ng 'Oo' pero sinaktan niya ako. Tinawag mo siyang panget pero sinugod ka rin niya." sunod na sulat ni Ed.

Tango lang ang naisagot ko.

"Ibig sabihin kapag neutral lang ang sagot natin, malamang hindi na niya tayo guluhin."

Napahanga ako kay Ed dahil sa sitwasyong ito ay nagawa pa niyang makapag-isip ng ganoon. Napakatalino rin niya, siguro kapag sinukat ang IQ niya ay nasa 120 ito mahigit.

"Pero hindi sigurado 'yon." sulat niyang muli.

"Ikaw Naida, delikado ka dahil hindi ka pa nakakasagot sa tanong niya." nangilabot akong bigla sa kanyang nais sabihin.

"Sorry." sabi ni Ed. Nagsalita siya para lamang sabihin iyon.

"Huwag ka ng magsalita." sabi ni Naida.

"Siya pala si Naida." sabi ni Aling Rina kay Tina.

..itutuloy..

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.