Tuesday, October 23, 2012

Noong Bata Ako 2



"Maganda ba ako?" tanong ng babae kay Anet habang nakatingin sa palayo nang si Naida.

"Teka lang miss may hinahabol ako." sagot nito sa babaeng nakasurgical mask at dali niyang itong tinalikuran, hindi niya na ito pinansin habang nakatingin kay Naida at mabilis na naglalakad. "Naida!" tawag nito pero parang hindi siya nito naririnig.

Bumagsak siya sa gulat nang harangan siya ng babae sa dadaanan niya. Takot na takot si Anet nang makita ang nakangising bibig ng babae. May hiwa ito hanggang tainga, kita dito ang gilagid, dila at ang mga ngipin. Paatras siyang gumapang nang ilabas na ng babae ang kanyang gunting, "Maganda ba ako?" kasabay nito ang nakakalokong ngiti.

Dahil sa takot ay nanginginig siyang sumagot, "O-oo. Oo!"


Hindi na nagawa pang sumigaw ni Anet nang maramdaman ang malamig na bagay na tumusok sa kanyang leeg. Hindi pa nakuntento ay ginupit pa ng babae ang pisngi ni Anet upang maging kagaya ng kanyang hiwa sa bibig. "Ngayon, maganda ka na rin." masiglang sagot ng babae na parang batang naglalaro ng manika. Manika na inaayusan at ginugupitan ng bahagi ng katawan upang makita ng nais nitong itsura ng laruan.

Ramdam ni Anet ang bawat gupit sa kanyang magkabilang pisngi at ang malakas na pag-agos ng kanyang pulang likido pababa sa kanyang dibdib. Ang tanging naisip na lang niya ay si Naida. "Malapit na ako." ito ang huling mensahe nito para kay Naida ngunit ngayon lamang nagring ang kanyang cellphone, tanda na may pumasok na mensahe para sa kanya.

"Huwag ka ng pumunta. Pinapauwi na ako ng bantay."

>

Noong bata ako, itinataob ko ang tabong may lamang tubig sa ulo ko habang naliligo. Ang sarap sa pakiramdam no'n sa ulo, nararamdaman kong unti-unting naghahanap ng daan ang pag-agos ng tubig na nakakulong sa tabong ito. Ramdam ko rin ang paggalaw ng tubig na parang maliliit na alon ng baha at ang buhok ko 'yung mistulang lumot ng kanal. Paano kaya kung dugo ang dumadaloy sa katawan mo, habang nararamdaman mong umaagos ito mula sa sugat mo?

"Eh bakit ikaw buhay? Si Anet, patay?!" pagdiin pa ni Ed sa akin ng bagay na hindi ko maintindihang nangyari. Hindi naman ako manghuhula para mahulaan ang nangyari noong gabing iyon at wala rin akong kakayahang mag-time leap para makita ang pangyayari  noong nakaraang gabi.

"Hindi ko alam..." tanging nasagot ko na lang. Alam kong sinabihan ko siya na huwag nang tumuloy pero bakit namatay pa rin siya? Hindi ba niya nareceive ang text ko? Kasalanan nanaman ito ng network namin kung sakaling hindi niya natanggap ang akin mensahe. It's not working, kaya namatay ang aking kaibigan? Tumuloy pa ba siya? Mga tanong na tanging si John Titor lamang ang makakasagot.

Walang klase ang section namin dahil sa pagkamatay ni Anet, may ilang tumungo sa computer shop para magDotA, may ilan ding nagpasyang pumunta sa burol ni Anet. Ako? Nagpasya akong umuwi dahil alam kong nahuhusgahan ako ng mga matang puno ng muta sa paligid ko.

Noong bata ako, gusto kong maging doktor para magamot ang mga nagkakasakit pero ngayon HRM ang balak kong kunin para pagbigyan ang gusto ng aking tyan. Magagamot ko ba si Anet kung naging doktor ako? Mabubuo ko kaya ang putol-putol niyang katawan at magawa pa siyang buhayin sa sitwasyon niyang iyon?

Marami ng tanong ang nabubuo sa mga nagbabasa ngayon kaya kailangan ng masagot nito bago matapos ang kwento.

>

"Hindi ka ba uuwi ngayon? May iba ka na? Ipagpapalit mo na ako? Ano pa ba ang kulang sa'kin Daniel? Nakangiti na nga ako kahit na harapan mong nilalandi ang tindera diyan sa kanto. Kulang pa ba 'yon?" mangiyak-iyak na sabi ni Mica sa asawa sa phone, pinipilit ngumiti kahit na hirap na itong pigilin ang luha na pumupuno sa kanyang mga mata.

"Umuwi ka lang ngayon, pagbibigyan kitang tumabi sa akin ngayon, please?" ngiti pa rin ni Mica pagkasabi ng 'please.'

"Mas maganda ba siya sa akin? Maganda rin naman ako `di ba? `Di ba Daniel?" kasunod nito ang tunog ng pagkaputol ng linya sa tawag na akala mo'y Call A Friend sa iksi ng usapan nila at nagawa pa siyang pagbabaan ng telepono.

Buong gabing umiiyak si Mica, walang kayakap at ang tanging kasama ay ang kanyang telebisyon at ang barahang nakakalat sa sala ng bahay. Pinugpog ng lamok ang katawan sa dilim na tanging liwanag ng telebisyon ang umaaninag sa mga luhang nagpapatalbog ng liwanag sa isang baraha. Pinulot niya ang barahang ito at pinagmasdan ang ngiting abot tainga ng barahang pinangalanang Joker. Sinubukan niyang ngumiting gaya nito ngunit ang mga ngiting ito ay kulang upang matakpan ang hapdi, sakit at galit pati poot na kanyang nararamdaman ngayon.

Pasuray-suray naglakad si Mica hawak ang isang gunting, ribbon, at isang kahon ng regalo na sa liit nito ay halatang kwintas o singsing. Katatapos lang niyang iribbon ang regalo nito sa kaarawan ng katipan, ang kulang na lang ay ang magmamay-ari. Sa Kalye 19 natagpuan ni Mica si Daniel at ang kirida habang pauwi sa bahay ng kalaguyo nito. Napakadilim na ng langit tanda na gabi na, inabot nga ganitong oras sa paghahanap si Mica. Tiis ang gutom, init ng araw, mga galos sa paa at sakit na dala ng palaso ni kupido na nabali sa mismong dibdib ni Mica. "Happy Birthday!" ngiti pa rin ni Mica sabay abot ng maliit na kahon.

Tinabig lamang siya ni Daniel at tinawanan lamang ng kirida ang tagpo. "Kawawa." pabulong pang sabi ng kabit paglampas sa nakaluhod at nakayukong si Mica.

"Sandali!" sabi ni Mica sabay hawak sa paa ng katipan.

Walang tao sa paligid, tanging ang tatlong ito lamang ang laman ng madilim na kalye. Sinipa si Mica ng tandang na ang tanging inasikaso ay ang bagong inahin.

"Kulang pa ba ang ngiti ko Daniel?" bulong ni Mica paglampas ni Daniel sa kanya. Gamit ang hawak na gunting ay ginupit niya ang kanyang labi upang lumaki ang ngiti at saka ito tumayo at ngumiti sa harap ng dalawang tulalang makasalanang anak ng Diyos.

"Maganda pa ba ako Daniel?" tanong ni Mica sa gulat na gulat na asawa habang isang wasiwas ng hawak na gunting ang sumugat sa leeg ng kabit na kumitil agad sa buhay nito.

"Ano bang ginagawa mo?!" tarantang tanong ni Daniel pero bago pa siya makalakad ay sinaksak siya ni Mica sa hita dahilan upang hindi siya makalakad. "Araaaaaaaaaaaaaay!!!" sigaw lang nito.

"O-oo! Maganda ka pa rin Mica." tarantang sagot ng sugatang si Daniel umaasang mauuto pa niya ang asawa.

"Sinungaling!" isang gupit ang ginawa nito sa kaliwang pisngi.

"Tama na! Ito ang totoo! Bakit mo ginagawa ito?" singit pa niyang buka sa bibig kahit na sobrang hapdi na ng kanyang sugat.

"Manloloko!" isa pang gupit sa kanan.

"Manhid!" isang saksak sa dalawang mata dahilan upang bumagsak ang lalake.

"Walang kwenta!" isang saksak sa tadyang at niyakap ang katawan ng lalakeng minsan niyang minahal.

"Demonyoooooo!!!" at isang gupit sa leeg nito kaya lumitaw na nakatiwangwang ang lalamunan nito.

Tumayo siya sa bangkay ni Daniel nang makita ang marami ng taong nakapaligid sa kanya. Kumiliti sa paa niya ang dugo na kasalukuyang pumupuno sa kalsada ng Kalye 19. "Maganda ba ako?" tanong nito na nakangiti bago sinaksak ng dalawang beses ang dibdib.

>

Noong bata ako, kinwento sa akin ni nanay ang kwento ni Cinderella at Snow White bago ako matulog. Napakaganda ng storyang iyon kahit na ang nakatuluyan nila ay parehong si Prince Charming. Kahit bata pa ako noon, gusto ko ng makilala ang prince charming ng buhay ko. Pero paano kung ang kwentong ito ang binasa ni nanay sa akin, makakatulog pa kaya ako?

"Ngayon lang ako natakot sa buong taong nag-iisa ako dito sa dorm." sabi ko sa sarili.

Hindi ako makatulog na para bang uminom ako ng isang barrel ng kape, at daig pa ang toothpick sa pilikmata ko dahil hindi na yata ako kumukurap habang iniisip ang pagkamatay ni Anet. Hindi ko na alam kung paano ako mabubuhay sa mga susunod na araw na maari akong mapagbintangang pumapaslang.

"Kuchisake Onna, also known as The Slit-Mouth Woman, is a scary Japanese urban  legend about a disfigured Japanese woman who brandishes a large scissor and preys for children." basa ko sa isang magazine na napulot ko sa dormitoryo, hindi ko alam paano ito napunta dito at kung may ganito ba talaga dito noon pa pero hindi ko pinapansin gaya ng luma kong damit na iniregalo ng kung sino.

Inilipat ko ang pahina at muntik na akong atakihin sa puso nang tumambad sa akin ang buong pahina ng magazine ay ang letrato ng isang babaeng may hiwa sa bibig hanggang sa magkabilang tainga, nakangiti ito kita ang kanyang ngipin at ang kanyang dila, parang nakatitig ito sa aking mga mata. Napakagaling ng pagkakagawa, nakakatakot at nakakapangilabot, tatatak sa isip mo ang imaheng ito at baka nga umayaw ka ng pumikit dahil sa panaginip mo'y makikita ito kahit na baka kapag patay ka na hindi ka pumikit dahil baka pagpikit mo ay ang letrato ng babaeng ito ang iyong makikita.

Isinara ko ang magazine at pumikit.

Nakatulog naman ako.

Kinabukasan ay pumasok ako na tila manhid dahil iniirapan ko lang ang mga taong nakatingin sa'kin. Diretso lamang akong maglakad kahit na naririnig ko ang mga mapanghusgang boses sa paligid. Hindi ko man sila maintindihan ay alam kong ako ang pinag-uusapan nila. Manhid na nga ata ako dahil hindi ko man lang napansin ang dumikit na bubble gum sa palda ko kung hindi ko lang ito nakapa. Hindi ko tuloy alam kung ano ang tinitignan nila sa akin.

"Walang fingerprints mo sa katawan ni Anet." bungad ni Ed sa akin pag-upo sa aking silya, mabuti na lang at hindi niya hinila ang upuan ko na ginawa sa akin noong bata ako dahil nawawala ako sa sarili ko noon. Hinamon ko pa ng sabunutan ang lalakeng humila nito, nagulat na lang ako nang sabunutan nga ako ng bruha.

"Pinaghihinalaan mo pala ako." diretsong sagot ko. "Sabagay hindi kita masisisi."

"Hindi ako naniniwala sa multo pero gusto kong malaman kung paano namatay si Anet." sabi ni Ed.

"May gusto ka pa rin sa kanya?" biglang tanong ng kadarating lang na si Tina.

"Eh wala na kasi wala na siya. Naghintay ako ng ilang taon para maligawan siya pero isang iglap lang nawala." sagot ni Ed at tumingin sa'kin. Wala akong nagawa kundi lumihis sa titig niya.

"Alam ko pinagbibintangan ninyo akong lahat. Wala akong motibo para patayin si Anet pero wala rin akong sapat na ebidensya para malinis ang pangalan ko." alam kong nadungisan na ang aking pangalan, sikat na nga ako pero napakanegative naman ng pagsikat ko. Parang si Hayden at Bin Laden lang, sikat nga, masama naman ang tingin ng tao sa'kin. Kung magagawa ko lang malaman kung sino ang pumatay kay Anet. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, ngunit ang pagpapaimbestiga kay Detective Conan o pagdecode ng Quatrains ni Nostradamus at pag-imbento ng time machine ay hindi ko makakaya.

"Alam ko gusto mong malinis ang pangalan mo..." bakit? Malilinis ba ng tide ito? "...at gusto ko ring malaman ang totoo. Samahan mo ako, mamaya." padalos-dalos niyang sabi.

"Mamaya? Ano?" taka ko naman.

"Mamaya, dadaan tayo sa Kalye 19." desperadong sabi ni Ed.

..itutuloy..

1 comment:

Note: Only a member of this blog may post a comment.