Tuesday, August 20, 2013

Noong Bata Ako Book 2 - Chapter 1

Chapter 1




Noong bata ako, pakiramdam ko sinusundan ako ng buwan kahit saan ako magpunta. Bawat tingin ko kasi sa buwan lagi siyang nandoon sa pwesto niyang yun. Mula noong makita ko ang Kalye 19, pagdating ng 11pm ay nagigising na lamang ako noon sa kalyeng yun at may hawak na patalim na puno ng dugo. Minsan may dugo ang damit ko at minsan may hawak pa akong putol na kamay. Mapapatakbo na lamang ako pauwi at hindi na makakatulog. Sana lang nababantayan ako ng buwan sa mga ginagawa ko para kapag tinanong ko ang buwan, masasagot niya kung ano ang nakita niya.



>

Noong bata ako, tumakas ako sa amin para maglaro sa labas (pasaway ako noon eh). Hinihintay kasi ako ng mga kalaro ko noon kaya kahit binawalan ako ni nanay na lumabas ng bahay ay tinakasan ko siya. Daig ko pa si Lupin sa pagtakas noon, minsan ginagaya ko rin ang mga ginagawa niya. Nasa ten o'clock na yata noon pero naisipan pa naming maglaro ng taguan. Ang ingay pa nga ni Boy-boy kaya noong taya si Leni, una niya akong nakita. Hindi ko malilimutan ang mga panahong naglalaro kami ng taguan dahil kahit gabi ay hindi kami natatakot kung saan man kami magtago. Mas mahirap ngang maghanap kapag gabi dahil sa dilim. Parang 'Hide and Clap'.

"Pagbilang ng tatlo, nakatago na kayo." wika ko habang nakatakip ang mata sa bakod nina Aling Marta. Oo nga naging taya ako pero hindi ako magpapaburo. "Isa... Dalawa - "

"Wala! Sumisilip ka Pido eh!" angal ni Gel-gel na nagpatigil sa akin sa pagbibilang. Natatawa na lang ako kapag naaalala ko yung ganoong alibi namin kapag hindi pa kami nakapagtago sa bilang na tatlo.

"Hindi naman kita nakikita Gel-gel." sabi ko at kunwaring sumisilip nga sa mga palad ko. Pinagbigyan ko na lang siya kasi, uhm, crush ko kasi siya. Ang ganda ni Gel-gel kasi kahit na payat siya kapag gumagalaw ang kanyang buhok, hindi ko mapigilan ang mailang sa kanya. Nahihiya ako kaya kapag nagkalakas ako ng loob, pinapangiti ko siya lagi.

"Dali na! Ulit!" paglitaw naman ni Boy-boy. Panira talaga siya ng magandang mood. Nginingitian na ako ng Gel eh. Tsss.

Muli akong tumalikod sa kanila, "Pagbilang ng tatlo-" napatigil ako sa pagsasalita noon kasi parang may malamig na hangin ang humaplos sa likuran ko papunta sa direksyon ng Kalye 19. Napalingon tuloy ako doon at nakita kong may dumaan na kotse. Binale-wala ko lang yun at itinuloy ang pagbibilang. "... nakatago na kayo! One!" medyo malayo pa naman ang Kalye 19 sa amin pero kita mo ang mga dumadaang sasakyan papunta dito. Naalala ko na hindi pala ako pinapayagang pumunta ni nanay malapit doon at bawal ring dumaan doon ang mga sasakyan kapag gabi. Kahit sino pala bawal pumunta doon, hindi ko alam kung bakit.

"Two!" mukhang wala ng kumokontra. Sisilip sana ako pero may bumubulong sa tainga ko na hindi ko naman naiintindihan kaya kahit na gusto kong sumilip hindi ko nagawa. Hindi ako natatakot pero parang nacurious ako sa Kalye 19 kaya parang gusto kong dumiretso doon pagbilang ng tatlo.

"Three!" pagtingin ko sa likuran ko, wala na ang mga kalaro ko. Dilim ng langit, mga sumasayaw na puno, mga hollow blocks at ang nakakatakot na anino ng mga ito ang nakita ko. Mukhang mahihirapan ako sa paghahanap ngayon, maganda yata ang mga nataguan nila dahil wala sila sa mga dati na nilang pinagtataguan. Sana naman hindi pa sila nagsiuwian, kung hindi maghahanap ako rito ng walang hinahanap. Talagang parang may kung anong humihila sa akin para pumunta sa Kalye 19. Parang tinutulak ang likod ko ng dalawang pares ng kamay papunta rito.

Isang liko na lang at makikita ko na ang buong kalye. Doon sa isang poste napatigil ako nang makita ang isang kotse sa hindi kalayuan, may ibinaba silang babae na nakapiring pa ng panyo. Ito yung kotse na dumaan kanina, dapat mabawalan sila dahil bawal ang tao doon kapag ganitong oras ng gabi pero natameme lang ako. Tahimik lang akong nakatago doon, hindi ko alam kung bakit parang ayoko silang pigilan. Curious ako, parang gusto kong makita kung ano ang itinatago ng kalyeng ito.

Nakikita ko ang buong pangyayari. Mabilis na humarurot ang kotse papunta sa akin kaya napatakbo ako, baka makita nila ako. Sa aking pagtakbo, nakita nga nila ako (ang tanga ko talaga) at muntik na nila akong masagasaan. Naiiwas nila ang kotse at bumangga sa posteng kinatatayuan ko kanina. Kung hindi pala ako umalis doon ay baka nabangga nila ako. Hindi ko alam kung ako nga ba ang dahilan ng pagkabangga nila dahil pagewang-gewang na ang kotse noong tumakbo ako. Walang lumalabas mula sa loob ng kotse. Patay na yata sila.

Naagaw ang atensyon ko ng mga boses mula sa pinagbabaan sa babae. Nakakatakot yung itsura nung isang babae. May hawak siyang gunting na malaki, tapos yung bibig niya may hiwa na malaki. Sa bakod naman ako sumandal ngayon, hindi ko maigalaw ang mga paa ko. Parang ang bigat nila. Parang may nakahawak na mga kamay at pilit hinihila pababa ang paa ko. Ayokong tignan kasi parang naiihi na ako sa takot. Ngayon lang ako nakaramdam ng takot habang naglalaro kami ng taguan ng gabi. Dati rati, kahit na magtago pa ako sa ilalim ng trak o sa loob ng mga nakaparadang jeepney na sobrang dilim ay seryoso kong aabangan ang paa ng taya pero ngayon, nanginginig ako.

Unang beses kong maihi sa salawal ko. Unang beses ko ring makakita ng tao na transparent. Dalawang babae sila. Tinitignan nila yung kotse. Tapos, pumasok sila doon ng hindi binubuksan ang pinto. Multo ba ang mga ito? Grabe, nakakatakot pero wala akong magawa kundi ang manood. Buhay pa ang dalawang lalake sa kotse pero inumpisahan silang saktan ng dalawang babae. Naroon na iuuntog ang ulo sa manibela. Yung isa naman ay pilit binabali ang ulo. Iniikot nila ang mga ulo hanggang sa likuran nila. Parang pinapakita sa kanila ang nangyayari doon sa babaeng ibinaba nila. Gusto ko man silang tulungan, ano ba ang magagawa ng isang batang paslit na gaya ko? Imbes na mabuhay sila at makatakbo palabas ay hindi na nila nagawa. Kita ng dalawang mata ko kung paano lumuwa ang mata nung lalakeng nakaikot ang ulo hanggang sa mamatay siya. Pati ang isa na halos gripo na tumulo ang dugo mula sa kanyang noo, parang balat lang ng itlog na butas ang kanyang noo. Bumabaligtad ang sikmura ko. Uuulllgggkkk!!!

Napatingin muli ako doon sa babae. Bumagsak siya bigla. Paghiga niya, kita ko ang malaking gunting kanina na hawak ng babaeng may malaking pilat sa mukha na nakasaksak na sa dibdib nung babaeng nakapiring. Mulat na mulat ang mata ko sa nakikita ko. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam ko. Wala naman akong hika pero parang napakahirap huminga lalo pa noong makita ko yung babaeng may malaking pilat na lumitaw sa malapit sa akin.

Doon na talaga lumabas. Hindi ko na napigilang maihi sa short ko. Kita ko ang mukha niya na parang sariwa pa ang sugat sa pisngi niya. Nagtatakbo na ako pabalik sa mga kalaro ko. Paglingon ko, unti-unting nawawala yung babae. "Asan na sila... asan na sila..." pabulong kong sabi. Talagang nagpapanic ako at tulo ang uhog ko.

"Waaaaaaaaaaaaaahhhh!!!" napasigaw ako nang may mabangga ako sa harapan ko. Napapikit ako at hinarang ko ang mga kamay ko sa mukha ko. Ayokong makita, ayokong makita, ayokong makita, ayokong makita, ayokong makita.

"Hoy Pido! Saan ka ba nanggaling? Kanina pa kita hinahanap!" sigaw ng nasa harap ko.

"Nay?"

"Oh bakit parang -"

"Uwi na tayo nay. Uwi na tayo. Huhuhu." iyak ko kay nanay. Lahat ng takot ko nailabas ko na. Nandito na si nanay. "Nay pramis! Hindi na ako tatakas." alam kong nagtataka si nanay pero niyakap niya lang ako. Doon mismo sa yakap niya, narelax na ako. Tumahan na ako sa pag-iyak. Malamang alam na niya ang nakita ko dahil hindi niya ako pagbabawalan doon kung hindi niya alam ang nangyayari sa Kalye 19.

"Tara na. Baka makita ka pa ng mga kalaro mo na naihi sa salawal mo." kaya napatingin ako sa shorts ko. Doon ko lang ito napansin, nakakahiya baka makita ako ni Gel-gel.



Pag-uwi ko naisip ko kung ano na ang nangyari sa mga kalaro ko. Nakatago pa rin kaya sila? Hindi talaga mawala sa isip ko. Nagsisisi ako na sana hindi na lang ako sumilip doon. Sana sinunod ko na lang ang bilin ni nanay. Sana lang makatulog ako ngayong gabi. Kahit na katabi ko pa si nanay, natatakot pa rin ako. Nine years old pa lang ako noon, kaya ok lang na magkatabi kami ni nanay. Si tatay kasi nasa Saudi nagtatrabaho at bihira siya umuwi. Hindi pa nga pala siya umuuwi mula noong ipanganak ako. May picture siya dito sa amin pero hindi ko pa siya nakikita ng personal. Nakakausap ko rin siya sa telepono pero hindi ako masaya doon. May kulang.

Si tatay ang iniisip ko nang makatulog ako. Sabi nila, kung ano ang iniisip mo bago ka matulog ay iyon ang mapapanaginipan mo. Kung mapanaginipan ko man si tatay, sana yakapin niya ako. Gaya ng pagyakap ni nanay sa akin kanina para mawala ang takot ko.

Napamulat ako ng mata dahil biglang sumingit sa iniisip ko ang babaeng may pilat ang mukha. Nakakatakot talaga ang makita ang mukha niya. Hindi naman ganoon kainit ang panahon pero sobra ang pagtulo ng pawis sa noo ko. Kinuha ko ang kamay ni nanay at iniyakap ito sa akin pero bakit ganoon? Hindi nawala ang takot ko. Pilit akong sumiksik kay nanay at alam kong naramdaman niya ito. Hinaplos niya ang noo ko. Parang magic, gumaan muli ang pakiramdam ko.

"Good night." bulong niya sa tainga ko.

"I love you nay." sabi ko.

~itutuloy

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.