Wednesday, August 28, 2013

Ang Miradin

Sa isang liblib na baranggay sa Pampanga, may isang kakaibang uri ng nilalang ang nakikita. Sabi-sabi na sa bawat gabi na may namamatay na ang tama ng bala ay sa ulo, siya ang may gawa.


Del Carmen, Lubao, Pampanga kung saan isang manggahan ang pinaniniwalaang binabantayan ng isang matandang lalake. Ang pagkakakilanlan raw rito ay ang kanyang mahabang balbas. Ayon sa nakakita, isa siyang maliit at matabang matanda na sa tantya nila ay isang metro lamang ang taas. Hindi siya mukhang tao, mas mukha siyang elf ngunit walang makasiguro nito dahil sa takot na wakasan ng Miradin ang kanilang buhay.

Miradin ang tawag ng mga matandang taga-roon sa nilalang na ito. Isang daang taon na raw pinoprotektahan ng Miradin ang manggahan dahil dito siya nakapagtago at namatay noong panahon ng mga Hapon. Makalat na nga rito, puno ng mga mukha ng pulitiko, mga tuyong dahon, at mga diaper na hinahagis. Gabi ng Hulyo ika-13 taong 2012 muling nabuhay ang alamat ng Miradin, may isang bata na pumuslit sa kanyang magulang upang manungkit ng mangga mula rito at nabalitaan na lamang siyang patay kinabukasan sa 'di kalayuan sa manggahan na may tama sa ulo. Ayon sa imbestigasyon ay binaril siya gamit ang isang lumang baril, na malamang ay naimbento noong panahon ng mga Hapon. Hindi naniniwala ang mga pulis sa Miradin kaya pinuntahan nila ang manggahan.

Gabi ng ika-14 ng Hulyo taong 2012, binalaan ang mga pulis ng mga nakatirang malapit rito na huwag nang tumuloy ngunit tinawanan lamang sila. Hindi pa man nakakalayo ang mga kumausap sa mga pulis ay nakarinig na sila ng malakas na kalabog. Agad kinilabutan ang mga ito at nagtatakbo, hindi na nila naisipan pang balikan ang mga pulis dahil ang tanging naisip nila ay pagligtas sa kanilang sarili. Sunud-sunod na putok ng baril ang narinig bago tuluyang tumahimik ang lugar.

Ika-15 ng Hulyo, natagpuang basag ang bungo ng mga pulis. Ang isa ay lumuwa ang mata dahil sa pagitan ito tinamaan ng bala. Tatlong pulis ang kumpirmadong patay at tadtad ng bala ang kanilang sasakyan, mga bala mula sa hanay ng pulis. Ang pagkakahiga nila at talsik ng dugo ang nagsasabi na galing sa manggahan ang bumaril sa kanila ngunit ipinagtataka kung bakit puno ng butas ang kanilang sasakyan. Maaari bang dito nila nakita ang Miradin? O walang habas lamang silang nagpaputok dahil hindi nila nakikita ang kanilang kalaban? Mas pinaniniwalaan na ginawa itong pananggalang ng Miradin. Inangat niya ito sa lupa ng hindi hinahawakan at ihinarang sa mga balang ipinapaputok ng mga pulis dahil ayon sa mga huling kumausap sa mga pulis ay hindi nila doon nakitang nakapwesto ang sasakyang ito. Gaya ito ng nangyari noon ayon sa kwento ng matatanda.

Sa kasalukuyan ay binabakuran ito ng may-ari sa tuwing umaga, ngunit kinabukasan ay makikita nilang wasak at natibag ang kanilang ginawa. Isinumbong nila ito sa baranggay ngunit ang sabi lamang ng mga opisyal, "Hindi 'yan gawa ng tao. Gawa 'yan ng Miradin." at ipinakita sa kanila ang artist sketch ng mahiwagang nilalang.




~enD

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.