"Tag-ulan nanaman at namimili nanaman ang mga tao ng ipapangalan sa mga bagyong darating. Kung pwede lang ay mga pangalan ng mga kinamumuhian nilang pulitiko ang mga ibibigay nilang mga pangalan." Inaaccess ngayon ng isang tao ang kanyang bagong computer at inaabangan ni Loonie ang balita mula sa atin, sa PAGASA nating mga tao. Hindi man nila maintindihan ang ating mga salita pero nakagawa ng paraan si Loonie kung paano maiintindihan ito ng kanyang kapwa langgam.
Si Loonie ay isang matalinong langgam, siya ang unang nakaimbento ng unang computer para sa mga langgam. Gawa lang ito sa kanyang pinag-tagpi-tagping kusot ng bakal na masipag niyang inipon sa garahe na kanyang tinitirhan. Siya ay maituturing na imbentor ng mga langgam. Nakakagawa siya ng mga simple machines gaya ng pulley at levers para makatulong sa kanyang kapwa langgam. Sa edad na 40 days ay kilala na siya sa kanilang kolonya na pinakamatalinong langgam na nabuhay, pinakamasipag siya noong kabataan niya at hindi maitatagong may angking kasikatan sa mga babaeng langgam.
Namulat siya sa kanyang katalinuhan noong may nakita siyang mansanas sa gitna ng tubig at palutang-lutang. "Makakagat lang ako sa mansanas na ito, naku! Masaya na ako." sabi nya noon sa sarili. Tumingin siya sa paligid at nakakita ng isang dahon. Idinikit niya ang isa pang dahon dito gamit ang pagkagat sa mga ito. Kung titignan mo ay nakagawa siya ng isang bangka na may layag. Kinokontrol niya ang dahon para sumabay sa ihip ng hangin palapit sa mansanas. Nakita siya ng ibang mga langgam at binalaan.
"Oy! Ikamamatay mo yan! Tulungan natin!" wika ng kaibigan niyang si Abra.
Ngunit pawang nakatitig lamang ang kanyang mga kasama sa ginagawang pagkontrol ni Loonie sa bangka. "Napakatapang niya at paano niya nagawa yan?" tanong ng isa.
"Hindi ko alam, hindi na kasi ako lumalapit sa tubig mula noong namatay ang mga kasama ko dahil naabutan kami ng rumaragasang tubig sa kanal."
Sumikat si Loonie noon at gumawa ng maraming bangka. Tinuruan niya kung paano gamitin ito at sa kanilang kolonya ay bihira ang namamatay dahil sa rumaragasang tubig. Noong minsan ay naipit ang kanyang mga kaibigan kasama si Abra sa kanilang imbakan ng pagkain habang pumapasok ang tubig. "Loonie! Tulungan mo kami!" tawag ni Abra habang unti-unting pinapanood ang pagtaas ng tubig. "O mahal kong Buko Girl, mukhang katapusan ko na. Hindi na yata tayo magkikita ulit." sabi niya habang ang iba niyang mga kasama ay unti-unti nang inaanod ng tubig.
Ngunit bago pa mahuli ang lahat ay isang buhok ng mais ang nahulog mula sa itaas. Unahan lahat sa pagkapit rito hanggang sa makalabas na ang lahat. Konti lang ang namatay sa kanila at naiwasan ang maraming nasawi. Mula noong ginawan ng mga pulley, at mga push cart ang kanilang imbakan para hindi malagay sa panganib ang kapwa niya, mas napapadali pa ang kanilang trabaho. Hindi na rin napapagod ang mga langgam sa kanilang lugar, at malaki ang pasasalamat nila kay Loonie.
At dahil sa itinuturing na bayani si Loonie ng kanilang kolonya, hindi maiiwasang mapag-usapan siya nga mga kababaihan. "Uy, sana pansinin ako ni Loonie para naman balang araw kapag reyna na ako, siya ang magiging hari ko." wika ng isang dilag.
"Ikaw Denise? `Wag mong sabihing hindi mo pinangarap maging asawa si Loonie. Bagay naman kayo eh." sagot ng isa nilang kasama.
"Ok lang din." tipid niyang sagot. Lingid sa kaalaman ng lahat, si Denise ang nag-iisang babaeng langgam ang ikinikilig ng mga antena ni Loonie.Kapag nakikita niya si Denise ay parang nabubuhol ang anim niyang mga paa. Hindi siya makakilos at parang pulot pukyutan sa tamis ang kanyang panlasa. Makalalglag ngipin nga naman kasi ang kagandahan ni Denise. Napakaraming nagkakagusto sa kanya at lagi siyang sinasabayan sa paglalakad.
May isang pagkakataon na nastranded siya at ang kanyang kasama sa isang puno ng mangga. Hindi makaalis doon si Denise dahil tumataas na ang tubig at may taong may dalang insecticide ang papalapit. Napakalakas ng kabog ng dibdib ni Denise ng mga panahong iyon. Nag-umpisang ihanda ng tao ang pag-spray ng insecticide at napasigaw na lang si Denise, "Loonie! Tulungan mo `ko!" isa-isang bumagsak ang kanyang mga kasama habang kita ng mga mata niya kung paano indahin nito ang kanilang naaamoy.
Hindi na niya kaya pang pigilin ang kanyang hininga nang dumating si Loonie. Matapang niyang tinalon ang tao at kinagat sa bahaging hindi niya nanaising makagat. "Sige lang! Kaya niyo yan!" sigaw ni Loonie habang tumatakbo palapit kay Denise. Agad niya itong binuhat at inilayo.
Pagmulat ng mga mata ni Denise ay nasa kanilang imbakan siya nahiga. "Hindi man lang ako nakapagpasalamat kay Loonie." sabi nya sa sarili nang bumalik sa alaala ang mga pangyayari.
Ngunit sa lahat ng mabuting gawain ay may masama ring epekto ang kanyang mga imbensyon. May iilang langgam ang natutulog na lang at inaasa na lang sa kanilang kagamitan ang paghahakot ng pagkain. May mga iilan rin na ginagamit ito para manloko at manamantala. Marami na rin sa kanila ang hindi man lang kayang magbuhat ng isang butil ng bigas, iaasa ito sa kanilang kagamitan.
Mayroong panahon noong sinusubukan ni Loonie na gumawa ng computer. Buong araw siyang nakakulong sa kanyang kwarto at walang ibang inatupag kundi ito. Hindi na rin siya nag-iimbak ng kanyang pagkain. Hindi na siya halos natutulog. Ilang linggo rin siyang ganito, hanggang sa dumating ang isang pagsubok na susukatin ang kanyang abilidad.
Tag-ulan na muli at hindi pa natatapos ni Loonie ang kanyang computer. "Loonie! Delikado na, kailangan na nating lumikas!" sigaw ng kanyang kaibigan.
"Sandali na lang ito!" sagot naman niya.
"Mas mahalaga ang buhay mo kaysa diyan! Halika na! Kailangan pa nating tumulong maghakot, bilisan mo!"
"Kaya niyo na yan!" pabalang na sagot ni Loonie habang nakakunot ang noo at tuwid na tuwid ang kanyang antena tanda na naiinis siya. Atat na atat na siyang makita at magamit ang pinakamahalagang tuklas sa lahi ng mga langgam. Alam niyang kapag nagawa niya ito ay maaring simula na ito na kanilang paghahari sa lupa at mas mapapadali ang kanilang mga trabaho lalo na kapag mga ganitong tag-ulan. Pero...
"Nagbago ka na Loonie..." pailing na umalis si Abra. Sa kanyang paglabas ay nakita niyang inaanod na ang kanilang mga kasama, mga bata, mga itlog, mga kagamitan at ang kanilang mga pagkain. Patakbong palapit sa kanya si Denise. Hangos na hangos ito at basang-basa, halatang pinilit lang makaabot sa kanyang kinatatayuan ngayon.
"Si Loonie?" tanong ni Denise kay Abra.
"Nandoon! Nakakulong pa rin sa laboratoryo niya." padiin na sagot habang itinuturo ang daan papunta sa kwarto ni Loonie gamit ang kanyang pangharap na paa.
"Bakit hindi mo siya tawagin? Delikado na ang magpatuloy pa siya sa eksperimento niya." alalang sabi ni Denise.
"Nagbago na si Loonie..." at patakbong tinulungan ni Abra ang isang kapwa langgam na inaanod na ng tubig.
"Tsk!" walang magawa si Denise kundi ang puntahan si Loonie.
Hindi pwedeng basta na lang niya iwan si Loonie. Naging kaibigan na rin niya ito at malaki ang utang na loob niya dito, hindi lamang siya kundi pati ang kanilang buong kolonya. Pagdating niya ay agad siyang kumatok. "Busy ako! Kaya niyo na yan!" sabi ni Loonie sa tonong parang nakukulitan.
"Si Denise to." mahinahon niyang sabi.
Pinagbuksan siya ng pinto ni Loonie, "Oh napadaan ka? Kailangan mo ng tulong?" sarkastikong sabi niya.
"Kailangan mo ng umalis. Kung lalabas ka, makikita mo ang sitwasyon sa labas." nakakatakot ang itsura ni Loonie. Nakangiti ito na parang nababaliw pero kailangang kumbinsihin niya ito.
"Hindi ko maaaring iwan itong imbensyon ko lalo pa't magagamit na natin ito." ngiti niya.
"Sa laki niyan hindi natin iyan maililikas, iwan mo na yan at gumawa na lang ng bago!"
"Hindi talaga ito maililikas dahil nakakonekta ang mga kable nito sa taas. Konting eksperimento pa at mapeperpekto ko na ito-" napatigil sa pagsasalita si Loonie nang masampal siya ni Denise. Para siyang nagising sa isang malalim na panaginip. Pakiramdam niya ay matatanggal ang kanyang ulo sa lakas nito. Mabagal siyang tumingin muli kay Denise habang hinahaplos ng kanyang antena ang kanyang pisngi.
"Nagbago ka na nga. Hindi ikaw ang Loonie na nakilala ko. Naging sakim ka Loonie! Hindi na kita nakikitang tumutulong sa mga kapwa langgam na naghahakot ng pagkain. Wala ka na rin kapag may panganib na nangyayari. Hindi ka na namin nakakasama. Oo, makakabuti sa atin ang ginagawa mo at oo ikaw lang ang makakagawa niyan, pero sana huwag mo kaming kalimutan. Para sa ating lahat 'yan diba? Bakit nagpakalulong ka sa paggawa niyan? Ano ba ang kayang gawin niyan? Hindi ko man alam ang sagot, alam ko naman na importante sa ating mga langgam ang magkaisa, at magtulungan. Hindi ka na gano'n eh."
Maya-maya ay pumasok ang rumaragasang tubig sa kanilang daan. Tinangay nito si Denise, kasunod noon si Abra, at sumunod pa ang iba pang mga imbensyon niya kasama ang iba pang mga langgam. Sa harap niya mismo ito dumaan na para bang ipinamukha sa kanya na ang kanyang katalinuhan na noo'y nagagamit niya sa kabutihan ay naglalaho na. Ang natira ay ang kanyang eksperimento na maaaring makabuti at sa kabilang banda ay maaari ring makasama para sa kanila. Nakakapit si Loonie sa kanyang mga kable at tulala pa rin habang unti-unting pinupuno ng tubig ang kanyang kwarto.
"Tulong...!" boses ni Denise ang nagpagising kay Loonie sa kanyang pagkakatulala. At kahit na masisira ang kanyang kompyuter ay walang alinlangan niyang hinugot lahat ng kable dahil magiging dahilan ito ng pagkakuryente ng lahat. Inilayo niya lahat ng mga langgam sa tubig katulong si Abra at dali-dali niyang sinaklolohan si Denise. Buhat niya ito gamit ang kanyang dalawang paa habang nakatingin siya sa mga mata nito. "Salamat Denise." sabi niya at ihinagis ito papunta kay Abra.
"Huwag na huwag kayong aapak sa tubig!" sigaw niya. Tanging siya na lamang ang nasa tubig nang tuluyang mapuno ng tubig ang kanyang kwarto. Mabilis na dumaloy ang kuryente sa mga kableng nabasa ng tubig at agad rin itong naramdaman ni Loonie. Kita niya ang pagbukas ng labi ni Denise at ang paghangos ng iba pang mga langgam. Wala na siyang naririnig. Unti-unti na ring lumalabo ang kanyang paningin. Ilang segundo lang ay nilubog na siya ng tubig at sumama sa agos nito.
Walang natirang umaandar sa mga imbensyon ni Loonie upang kanilang magamit. Balik muli sila sa panahong wala silang mga kagamitan at ang tanging pinanghahawakan nila ay ang kanilang sipag at tiyaga. Wala na ring Loonie na mag-eeksperimentong muli pero ang kanyang alaala at karanasan ay tumatatak sa puso ng bawat langgam at naikukwento nila sa susunod pang henerasyon.
Malay mo, may isang henyong langgam muli ang kanilang ipanganak. Malay mo, yung natapakan mong langgam kanina ang ama ng henyong langgam na ipinangingitlog. Magugulat na lang tayo, mayroong mga hightech na kagamitan ang mga langgam. Ang teknolohiya ay gawa ng kyuryosidad ng tao, ang malikot nating pag-iisip. Sana di tayo matulad sa mga langgam sa kwentong ito na nagbago hindi patungo sa ikauunlad ng kanilang kolonya. Kundi maging masipag tayo at gamitin ang ating talino upang pahalagahan ang mga bagay na naririrto sa mundo natin. Maraming kagaya ni Loonie ang nabubuhay sa katawan ng mga tao, nawa'y ang kanyang kasipagan at pagiging matulungin ang ating gayahin huwag ang kanyang pagiging lango sa teknolohiya.
~enD
"With fame I become more and more stupid, which of course is a very common phenomenon." - Albert Einsten
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.