Sunday, May 20, 2012

Everyday in the Rain 10


Rejected

Dali-dali akong tumakbo pabalik at kinatok ko ang pinto. "Angel..." bulong ko sa pinto dahil dinig ko pa rin ang paghikbi niya. "Nandito lang ako para sa'yo pero hindi ko maintindihan bakit hindi mo ako pwedeng mahalin? Ano ba'ng ibig sabihin no'n?" sabi ko at narinig ko lang siyang tumahan saglit. "Angel..." pahangos na sabi ko, iniisip kung nagtatago pa sa likod ng pinto ang aking kausap.

"Wala yun. Kalimutan mo na ang sinabi ko." ganun lang ba kadaling kalimutan ang lahat? Matapos kong maramdaman ang sikip ng dibdib at problema niya, kakalimutan na lang basta-basta ng hindi nareresolba? Siyempre gusto ko siyang mahalin niya ako pero higit doon, gusto ko siyang maging masaya.

"Kailangan kong malaman Gel. Tutulungan kita sa problema mo. Mahal ki..." hindi na niya pinatapos ang sinasabi ko.

"Sinabi ng wala eh! Umalis ka na Victor! Umalis ka na at huwag ka ng magpapakita sa'kin! Please!" biglang pagbago ng mood niya habang humahagulgol pa rin.

"Hindi ang paglayo ko ang makakapagpasaya sa'yo Gel. Alam ko, mahal mo rin ako. Gusto ko maging masaya ka. Angelica..." pakiusap ko sa kanya, gusto kong malaman ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito.

"At kailan ko sinabing mahal kita? Hindi kita mahal! Wala kang pag-asa! Masaya ka na? Umalis ka na Victor! Pakiusap..." pasigaw at biglang hagulgol niyang sabi na ikinagulat ko. Talagang natameme ako, natulala. Ano na ang gagawin ko? Parang lalala lang ang sitwasyon kung kukulitin ko pa siya. Basted na ako? Umiiyak pa rin siya. Ano na?

>

Tinahak kong tuliro ang daan papunta sa aking silong sa ulan ng problema, ang aming tahanan, kung nasaan si Inay. Pagagaanin nanaman niya ang loob ko. "Nakauwi na ko." matamlay kong bati.

"Aba. Dati pag-uwi mo may magandang kwento ka para sa'kin. Hindi ko na nga kailangan manood ng teleserye kasi sa mga kwento mo pa lang kinikilig na ako pero ngayon. Tsk. Ano anak?" sabi ni mama.

"Nandito na ako." matamlay ko uling sabi. Naulit talaga, hindi mali ang pagkabasa niyo.

"Alam ko nandyan ka na. Hindi ako bulag, nakikita kita. O siya, ayaw mo muna bang kumain?" alok ni mama.

"Papasok na 'ko sa kwarto." matamlay ko pa ring sabi. Nawala ang tamlay ko nang batukan ako ni Mama.

"Wag ka ngang overacting dyan loverboy." at ayun nga, nakwento ko na lahat kay nanay. Lumuwag na ang paghinga ko, ok na uli ako dahil nailabas ko na ang problema na dinadala ko. Da best si nanay.

"Basta, gagawin ko ang alam kong tama diba?" sabi ko matapos matauhan sa mga naganap.

"O sige ikaw na ang bahala." pasinghap na sabi ni nanay. "Ang teleserye talaga, kapag hindi mo nasubaybayan, hindi mo malalaman ang kwento. May mga magandang parte na puro kilig at may parteng pagsubok para sa bida. Ganyan ang buhay, anak." pagpapaliwanag ni mama sa'kin. Ngayon alam ko na kung kanino ako nagmana para magsalita ng makahulugan.

>

Binisita ko uli si Angelica sa trabaho at gaya rin ng inaasahan makikita ko rin si Joyce. "Good afternoon!" masiglang bati niya sa'kin.

Kinawayan ko lang siya at sumenyas para pumunta kay Angelica. Pagtalikod ko sa kanya ay hindi ko inaasahang hahawakan niya ang kamay ko, "Dito ka muna. Nasa meeting siya." sabay tingin sa akin na parang nang-aakit.

"Kailangan pang hawakan ang kamay ko?" pabiro kong sabi sa kanya.

"Masama ba? Ang damot naman nito, kamay lang ayaw ipahawak." pagngunguso pa niya na parang batang nadadabog. May kung anong dumi nanaman sa isip ko sa pagkasabi niya. Napatingin tuloy ako ng malagkit kay Joyce. Sexy, maganda at malambot ang mga kamay.

Ngumiti na lang ako at iniwas sa luntiang parang ang aking pag-iisip. "Baka kasi makita ni Angelica, galit kasi siya sa'kin ngayon. Kakausapin ko sana siya at sasabay na pauwi."

"Bukambibig mo talaga si Angel." malungkot niyang sabi. "Para kang kabayo. Nakatakip ang mata sa gilid kapag sinasakyan ng hinete, yan tuloy hindi mo nakikita ang nasa tabi-tabi kung hindi ka susunod sa hinete mo." matalinhaga niyang sabi.

Sa una ay hindi ko maintindihan ang kanyang nais ipahiwatig, "Ano'ng ibig mong sabihin?" napatanong na lang ako.

"Wala. Manhid ka Victor." sabi niya, hindi ko maintindihan. Meron siyang nais ipahiwatig, kaya titignan ko siya sa mata at babasahin ang mga kilos nito. "Sabagay, si Angelica pala ang gusto mo kaya siya lang ang nakikita mo." pagpapatuloy pa ni Joyce.

Brain blast! May gusto siya sa'kin! Teka, si Joyce? May gusto sa'kin? "Wag mong sabihing may gusto ka sa'kin?"

"Edi hindi ko sasabihin." pilosopong sagot niya. Umugong ang bell, uwian na. "Sige puntahan mo na si Angel mo. Ipaparamdam ko na lang." pagpapatuloy niya at umalis. May ngiti sa labi ko, may napupuwing din pala akong magandang dilag.

Naglakad ako papunta kay Angelica, walang buhay sa office niya kundi ang mga computer at ang ilaw, at ang mapupulang rosas sa kanyang mesa. Kanino galing ang mga ito? Gusto kong kunin ito at itapon.

Naunang dumating si Ken na may ngisi sa mga labi. "What are you doing here?"

Humarap ako sa likuran kung ako ba ang kausap niya. Wala namang ibang tao rito kundi ako. "Oh me? I just wanna throw those roses from the table of my Angel." pag-iinglis ko matapos mapagtanto na galing kay Ken ang mga ito.

"No. No. No. Today is our 6th Monthsary so stop acting like you're a boyfriend because I am the boyfriend!" nagulat ako sa sinabi niya. Nagulat. Nashock. Stunned.

"Ok pretender. I believe in you jerk!" walang suntukan, mga salita namin ang nag-aaway. Parang games na Ancient Empires na lulusob ang bawat sundalong letra at mauubos ang kalaban.

"Why don't you ask her?" sabi ni Ken at itinuro si Angel na mapatigil sa paglalakad pagkakita sa akin at waring nagbago ng aura at mabilis uling naglakad. Hindi niya ako pinansin, paglampas niya sa akin, lumabas na ang mga tanong sa aking bibig. "So 6th monthsary niyo daw sabi ng kolokoy na 'to?"

Tumingin muna siya ng matalim kay Ken at maamong tingin sa akin. "Oo, tama siya." sagot niya.

Para akong nahulog sa isang malalim na balon at ang babagsakan ay salamin na siguradong mababasag pagbagsak ko. "Ok. You win." sabi ko at tumalikod. Nakita ko pang inakbayan niya si Angel pagkatapos nitong sumagot. Kung babae lang ako, tumatakbo na akong lumuluha at binabangga ang mga nakaharang sa dadaanan ko. Pero lalake ako, naibulsa ko na lang ang mga kamay habang naglalakad sa tuwid na hallway. Pakiramdam ko spiral ang nilalakad ko, nakayuko at pumipintig ang pulso sa ulo ko. Gusto kong sumigaw pero mamaya na.

Nag-aabang akong masasakyan sa tahimik na shed nang dumaan si Ken sakay ang kanyang kotseng nakabukas pa ang bintana. Inilabas niya ang kanyang kamay at kumaway sa'kin. Nanggagalaiti ako sa yabang ng lalakeng to. Kung kaya ko lang ihagis ang 5-inch diameter na bato rito ay ihahagis ko sa mukha niya.

Nakita ko ang malungkot na mukha ni Angelica sa front seat ng kotse. Hindi ko siya maintindihan, pinagmukha niya akong tanga! Gusto kong ulitin ang ginawa ko noong saktan din ako ni Gladys. Magpakalango sa alak, magpa-ulan, at sumuntok sa semento pero alam kong walang maidudulot na mabuti sa akin 'yun. Sino naman kaya ang magmamagandang loob na pagaanin ang loob ko at saktan din ako sa bandang huli?

Nasa puntong hindi ko na mapigilang bumagsak ang luha ko noong magdilim ang langit. Sasabayan nanaman ako sa isang malungkot na takipsilim. Eksaktong bumagsak ang isang patak ng aking luha, pumatak ang malalaking patak ng ulan at tumabi sa akin ang isang dilag sabay alok ng panyo sa lumuluhang mama.

"Joyce?" sabi ko pag-angat ng mukha ko sa dalagang ito.

"Nakita kung paano ka pinag-mukhang tanga ni Angel. Nandito ako para damayan ka, samahan ka." pag-abot niya ng panyo sa akin.

"Edi mukha na akong tanga ngayon? Hindi pala, tanga na pala talaga ako. Hindi ko naman kailangan ng karamay eh. Ok lang ako. Aanhin ko yang panyo mo?" pagsusuplado ko sa kanya.

"Suplado ka nga pala. Kahit nakikita kong umiiyak ka diyan, suplado ka parin." sabi niya at tumabi sa'kin. Maarte naman akong lumayo sa kanya kunwari.

Napangiti naman ako nung lumapit siya sa'kin. "Sasamahan mo talaga ako?"

"Oo." matipid niyang sagot.

"Gusto kong uminom. Magpakalasing."

"Tara. May alam akong lugar." walang alinlangang sagot ni Joyce.


itutuloy...

Tuesday, May 15, 2012

Kulang ba ang Pakiusap?

"Sorry na. Wala ka namang dapat ikagalit eh. Magkaibigan lang kami. Wag mo namang hayaan ang selos mo ang manaig sa pagmamahalan natin. Kung ang pag-iwas sa kanya ang huhupa sa galit at selos mo, gagawin ko para sa'yo." pakiusap ko kay Hanna dahil umuusok sa galit ang kanyang ilong dahil sa selos. Nabasa kasi niya ang pinakaiingatan kong text sa akin ni Carla.

"Magkaibigan pero may gusto ka sa kanya! Magtatatlong buwan na itong text niya para itago mo! Hindi naman ito quotes o jokes katulad ng mga iniipon mo, bakit hindi mo pa burahin ang pagbati niya noong birthday mo?! Ginto ba yan? Pagkain, ha?!" pagbunganga niya sa'kin pero wala akong magawa dahil may bahid ng katotohanan ang mga sinasabi niya. Crush ko kasi si Carla mula highschool at nagkalabuan kami matapos niyang malaman ito. Itinago ko pa sa morse code ang pangalan niya para hindi mahalata sa keychain ng bag ko pero hindi ko akalaing nakakabasa pala ng ganitong code si Ron. Hindi ko magawang burahin ang pagbati niya kasi iyon ang unang text niya sa akin mula noong magkaayos kami at kausapin niya na ako.

Sunday, May 13, 2012

Tripped By a Poltergeist

Marami ang nagsasabi na kapag nagising ka ng ala una hanggang alas tres ng madaling araw, may nakatitig sa iyo na kung ano man. Sabi nila lagi ka ring maghanda ng papel at bolpen para isulat ang napanaginipan mong numero dahil sa paniniwala na maswerte raw yun. Nasa pagitan rin ng ala una hanggang alas tres nagaganap ang mga malabangungot nating panaginip dahil sa oras na ito gising ang mga kaluluwa. May narinig akong kwento ng isang manunulat na namatay dahil sa di maipaliwanag na dahilan. Si Elmer, isa siyang writer at kalilipat lang niya ng tirahan. Naghahanap siya ng tirahan na natatama sa kanyang pagsulat.

Nagising si Elmer ng alas dos at naisipan niyang gumawa ng kwento, kapag ganitong oras kasi maganda ang mga ideyang lumalabas sa isip niya. Dahil sa bahay na ito, napakatahimik raw. Importante para kay Elmer na tahimik ang lugar dahil ito ang mood na nagpapagana sa kanya para sumulat.

Bumangon siya at sinindi ang laptop para makagawa ng storya. Nasa kalagitnaan na siya ng kwento nang walang anu-ano ay bigla na lang nahagis ang mga damit niya na nakasabit sa sampayan ng kwarto nito. Napatingin siya kung saan yun nahagis. Nagtataka siya dahil wala namang nakabukas sa kanyang pinto at bintana.
Pumikit si Elmer at nagdasal ng walang humpay. Kumakabog ang dibdib. "Ano yun?!" May kalabog sa yero. Bumilis ang paghinga nito. Nilapitan niya ang mga damit para pulutin pero pakiramdam niya may nakatitig sa kanya. Luminga-linga siya pero walang nakita. Matapang niyang nilapitan ang mga damit. Nabangga siya sa kanyang paglapit na parang may napakalaking katawan na tao ang nabangga niya. Bigla siyang nahagis ng napakalakas kasama ang mga gamit pati ang kama niya. Para siyang nabangga ng kotse sa lakas ng pagkakahagis sa kanya. Doon pa lang ay nabali na ang kanyang binti. Hindi na niya pinilit bumangon pero nahagis siyang muli na dahilan upang mabali ang kanyang likod.
Hindi na siya nakabangon. Lumagutok ang kanyang mga buto na parang papel siyang tinutupi. Malaking pagsubok ang madaling araw na iyon para kay Elmer.

Kinabukasan natagpuan patay si Elmer, bali-bali ang buto at pinaniniwalaan poltergeist ang may gawa. Hindi na tinirhan ang bahay mula noon at hanggang ngayon may mga ingay pa ring naririnig dito.

Mabuti na lang at nagawan ko ng paraan para maipublish ang kwentong ito. Salamat sa pagbasa ng huling storya ko. Ako nga pala si Elmer.

Friday, May 11, 2012

Everyday in the Rain 9


Pagtataka at Luha

Lalapitan ko na sana si Angel, "Excuse me lang." wika ko kay Joyce at bahagyang tinapik sa balikat dahilan para tumalsik ang isinusubo niya sanang sabaw sa kutsara. "Ay! Sorry." sabi ko na lang at nang aktong pupunasan ang labi niya ay inilayo niya ang panyo ko hawak ang aking kamay. Wala lang sa kanya ito pero para sa'kin, parang ibang parte ng katawan ko ang nahawakan. Napakagaan ng kamay niya at tama lang para maging sweet at malambing, if you know what I mean. Tinignan ko siya at sumenyas siya na ok lang siya matapos ng isang maasim na ngiti. "Sorry talaga. Excuse me." at tuluyan na akong lumapit kay Angel.

"Mukhang nagkakamabutihan na kayo ni Joyce ah." patalikod na sabi niya sa akin. Hindi man niya sabihin, ramdam ko na may konti ring epekto sa kanya ang pagkasulyap niya sa amin ni Joyce na nagkakatuwaan. Hindi maitatago sa mga mata niya, parang mapungay at nangungusap. Madalas ko itong ginagawa sa babae kapag alam kong may nais silang iparating, tinitignan ko sa mata at doon ko nahuhulaan ang kanilang nararamdaman.

"Nagseselos ka?" sabi ko at ngumisi, akala ko ituturing niya itong biro pero lumayo siya sa'kin. Ayaw ata niya ng sinasabihan ng katotohanan o umiiwas lang siya sa akin dahil ayaw niya itong aminin?

Sumabay ako sa kanyang paglalakad, napakatahimik at napakabagal. Yumuko lang ako kasi hindi ko alam ang sasabihin, baka lalo lang itong makasama sa amin. Lumingon ako sa malawak na sakop ng kumpanya nang mabangga ako sa kanya. Bigla kasi siyang tumigil. "Oops. Sorry." sabi ko sabay hawak sa braso niya upang maglambing at para ipahiwatig na hindi ko sinasadya.

"Nilingon mo pa ata siya." sabi ni Angelica.

"Hindi ah. Napatingin lang ako sa laki ng kumpanya. Teka, nagseselos ka ba?" sabi ko pero hindi pa rin siya humaharap sa'kin. "Alam mo, ikaw lang ang mahal ko. Saka, bago pa lang kami magkakilala kasi nagtanong ako kung saan kita matatagpuan. Akala ko, pakikiramdaman ko lang ang puso ko malalaman ko. Pero hindi naman masama ang magtanong kaya kinausap ko siya."

"Baka naman sa kanya ka dinala ng nararamdaman mo?"

"Hindi rin. Kasi wala namang sinabi ang puso ko na siya na. Mabuti pa ngayon, pakinggan mo, binubulong ang pangalan mo."

"Akala ko normal ang maririnig kong sagot sa'yo gaya ng ibang bolero. Pero iba sa inaasahan ko, pinagaganda mo ang pakiramdam ko sa mga bola mo!"

"Alam mo naman kapag inlove. Hindi ko na binibili ang bulaklak, kasi kusa itong lumalabas sa mga salita ko."

"Oo na! Lalo lang akong kinikilig eh!" napatawa ko na uli si Angelica, iba talaga ako, akala ko magagalit na siya ng tuluyan sa'kin. Sana naman hindi na-minus ang points ko para sagutin na niya ako. Ang puti ng ngipin niya, ang pula ng labi niya, para talaga siyang perpekto para sa'king paningin. Ano ba yan? Lahat na lang nasisita ko, ganito pala pag umiibig. Pati nunal natatandaan.

"Hey! Sir is looking for you." sabi ng epal na si Ken. Panira ng rainbow!

"Ah. Victor, salamat sa pagbisita." sabi niya, "Asahan mo, babantayan kita." sagot ko dahil nandoon si Ken.

Nakangisi itong si Ken na umalis kasama si Angel ko pero wala akong magawa, inakbayan pa siya nito pero hinayaan lang siya ni Angel na parang hindi nararamdaman ang tsansing ng mayabang na lalakeng ito sa kanyang balat. Hindi ko alam kung ano ang namamagitan sa kanila. Hindi ko alam kung sino ang paniniwalaan ko. Hindi ko alam kung totoo ba ang sinasabi ni Angel. Hindi ko naman maiiwasan ang mainis dahil sa aking nakita. Ano ba'ng kaguluhan 'to?

Lumabas ang usok sa tainga ko dahil sa init ng aking ulo. Hinintay ko na rin ang uwian dahil malapit na rin naman. Sabay kaming umuwi ni Angelica at nabalot lang ito ng katahimikan. "Ano ba talaga ang meron sa inyo ni Ken? Pwede ko bang malaman?" matapang kong tanong sa kanya upang basagin ang katahimikan pagdating namin sa bahay nila.

"Ha? Bakit bigla mo namang naitanong?"

"Wala. Para alam ko kung saan ako lulugar."

Natahimik siya pero naghihintay pa rin ako ng sagot galing sa kanya. "Sa akin na lang yun. Pwede?" hindi ko inaasahang sagot niya.

"Kung may problema ka. Sabihin mo lang at baka matulungan kita." masigasig na sabi ko kasi pakiramdam ko malalim ang napasok kong sitwasyon.

"Paano kung isang araw bigla na lang akong mawala? Mawala ng hindi mo nalalaman? Ano ang gagawin mo?" tanong niya bigla na ikinagulat ko. Kailangan ko ng magandang sagot, yung tama lang at swabe para sagot sa kanyang mga tanong. Maraming posibilidad ang pumasok sa isip ko. Mahirap na, baka isa dito totoo pala na sitwasyon niya.

"Hahanapin kita. Kahit ano pa man ang dahilan mo, hahanapin kita. Magtitiyaga ako na halughugin ang gilid ng bilog na mundo."

"Paano kung hindi mo ako makita?"

"Makikita kita, dahil yun ang paniniwalaan ko."

"Sabihin na nating nahanap mo ako, paano kung hindi tayo pwedeng magsama?" tanong na may tusok sa puso ko. Matutunaw ata ito sa lamig ng haplos nito. Iba ang pakiramdam ko sa tanong na ito, dahil ito ang pinaka-ayaw kong mangyari sa ngayon sa buhay ko.

"Sabi nga nila, kung gusto maraming paraan at kung ayaw maraming dahilan. Kung makakaya kong ipaglaban ka, gagawin ko. Ipapakita ko at papatunayan ko ang pagmamahal ko sa iyo, anumang hadlang upang tayo ay magsama ay bubuwagin ko. Kung hindi man kita mapilit, iiwan ko sa iyo ang desisyon kung ano ang gusto mo at least, ipinahayag ko ang aking nadarama at hindi ako sumuko ng basta na lang."

Sinandal niya ang katawan sa akin hawak niya ang kanyang puso sa kaliwang kamay at nakadampi ang kanang palad niya sa aking dibdib. Tinamaan pa ng matigas niyang ulo ang baba ko nang isiksik niya ang mukha sa aking dibdib. Nagulat ako at napa-aray sa loob loob ko pero balewala ito para kay Angelica.

Dahan-dahan kong inangat ang aking mga kamay upang ikulong siya sa aking bisig upang madama niya ang kaginhawaan at kalayaan. Sinikipan ko ang pagkayakap sa kanya upang iparamdam na ayaw ko siyang pakawalan at nais ng isang libong ako na siya ay makasama. Naramdaman ko ang paghikbi niya at unti-unting humarap sa akin. Gamit ang aking palad na sandaling kumawala sa mahigpit na paggapos sa kanya ng aking pag-ibig ay hinaplos ko ang luha na pumapatak at umaagos sa kanyang pisngi. Ayaw ko siyang makitang lumuluha dahil sa bawat patak ng luha na sumisilip sa kanyang mata ay parang bumabagsak ang napakalakas na ulan sa aking paligid at humahampas ang galit na hangin sa aking magaang katawan.

"Sana ikaw na lang. Sana pwede kitang mahalin. Sana malaya ako gaya ng tubig na naghahanap ng daan patungo sa kanyang dagat." pagkasabi nito ay bahagya niya akong naitulak at pumasok ng kanyang bahay.

Napakalaking palaisipan sa akin ng mga salitang kanyang ginamit. Hindi na ako nakaimik, gumalaw mag-isa ang aking paa palayo kay Angelica kahit alam kong nasa likod lamang siya ng pinto. Rinig ko ang kanyang pag-iyak pero mas pinili kong iwan siya, baka mas makakabuti kung siya'y mapag-iisa. Konting espasyo para makapag-isip o ayaw ko lang siyang makitang lumuluha? Paano ko siya ipaglalaban kung ang kahinaan ko ay ang kanyang mga luha? Paano ko siya babantayan kung ngayon ko siya iiwan?

Tumigil ako sa paglalakad palayo. " Kailangan niya ako. Babalik ako!"

...sa next chapter..itutuloy..

Monday, May 07, 2012

Nakakapagpabagabag (Tula Para Sa Iyong Dila)

Itong pagbigkas na aking nilimbag,
Ay sadyang nakakapagpabagabag,
Dahil ang baybay nito'y hirap kong mabigkas,
Dila ko'y baluktot sa baybay at balagtas.

Ito pala'y hindi lamang balangkas,
Tula ito ng pagkabagabag,
Tula din para sa dilang madulas,
Sabay-sabay tayong bumigkas.

Salitang-ugat ay bagabag,
Magagawang kapagabagabag,
Nakakapagpabagabag at kabagabagabag,
Hindi ka ba nabagabag?

'Wag madugas at baka magkakabag,
Sipag at tiyaga lang ang ilimbag,
Itaga mo, ikaw ay tatatag,
Upang hindi na mabagabag.

Bigkasin ang bigas hanggang wakas,
Wagas ang gasgas ng dilang matigas,
Talagang kabagabagabag,
Bigkasin ng mabilis hanggang wakas.

Friday, May 04, 2012

Sky's Coverage

Blue, blue skies so calm and so nice,
Fly, fly above and reach that sky,
Stare, stare whole day with my joyful eyes,
To feel, feel those cotton clouds and lie that high.

My sky is you, solemn, so calm,
My cloud is you, so tender in my palm,
My blue is when you're not with me,
My sky is not lonely when you're smiling at me.

While looking above those soft white clouds,
Dreaming with you, silence but tweeting sounds,
Lying beside you in a green grassland,
Holding each other's perfectly matched hand.

My love for you is as wide as the sky,
Along the horizon sight you'll need to fly,
To measure my love is impossible to try,
While you're in my wings, there'll be no tear to cry.

I'll never stop loving you 'til skies turn red,
Nor plague in my body and heart will spread,
I'll always guide you in a wonderful rainbow,
A rainbow where colors of love sweetly glow.

Thursday, May 03, 2012

Babaeng Multo sa Jeepney



"Bumaba ako sa jeepney, kung saan tayo'y dating magkatabi. Magkadikit ang pisngi nating dalawa, nating dalawa." Maraming love story ang nabubuo sa loob ng isang masikip na jeepney dahil dito tayo maraming nakakasalamuha, nakikilala at nasisilipan.


Tuesday, May 01, 2012

Everyday in the Rain 8





Ken and Joyce

Parang kailan lang noong nag-emo ako sa park kung saan ko nakilala ang aking anghel. Ang bilis ng panahon, ang batang kalaro ko noon na hindi ko na gaanong matandaan ay siya pa lang mamahalin ko. Pakiramdam ko napakaespesyal ko sa kanya pero hindi ito ang dahilan kung bakit ko siya minahal. Hindi ko rin inaabuso ang pagiging malapit namin kaya ko siya niligawan. Niligawan ko siya dahil mahal ko siya, wala na akong ibang dahilan, walang gayuma o pang-akit na ginamit sa'kin, sigaw lang ng puso at panaghoy ng damdamin ang tanging nag-udyok sa'kin para magpursige na makasama siya sa buong buhay ko.