Sunday, May 20, 2012

Everyday in the Rain 10


Rejected

Dali-dali akong tumakbo pabalik at kinatok ko ang pinto. "Angel..." bulong ko sa pinto dahil dinig ko pa rin ang paghikbi niya. "Nandito lang ako para sa'yo pero hindi ko maintindihan bakit hindi mo ako pwedeng mahalin? Ano ba'ng ibig sabihin no'n?" sabi ko at narinig ko lang siyang tumahan saglit. "Angel..." pahangos na sabi ko, iniisip kung nagtatago pa sa likod ng pinto ang aking kausap.

"Wala yun. Kalimutan mo na ang sinabi ko." ganun lang ba kadaling kalimutan ang lahat? Matapos kong maramdaman ang sikip ng dibdib at problema niya, kakalimutan na lang basta-basta ng hindi nareresolba? Siyempre gusto ko siyang mahalin niya ako pero higit doon, gusto ko siyang maging masaya.

"Kailangan kong malaman Gel. Tutulungan kita sa problema mo. Mahal ki..." hindi na niya pinatapos ang sinasabi ko.

"Sinabi ng wala eh! Umalis ka na Victor! Umalis ka na at huwag ka ng magpapakita sa'kin! Please!" biglang pagbago ng mood niya habang humahagulgol pa rin.

"Hindi ang paglayo ko ang makakapagpasaya sa'yo Gel. Alam ko, mahal mo rin ako. Gusto ko maging masaya ka. Angelica..." pakiusap ko sa kanya, gusto kong malaman ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito.

"At kailan ko sinabing mahal kita? Hindi kita mahal! Wala kang pag-asa! Masaya ka na? Umalis ka na Victor! Pakiusap..." pasigaw at biglang hagulgol niyang sabi na ikinagulat ko. Talagang natameme ako, natulala. Ano na ang gagawin ko? Parang lalala lang ang sitwasyon kung kukulitin ko pa siya. Basted na ako? Umiiyak pa rin siya. Ano na?

>

Tinahak kong tuliro ang daan papunta sa aking silong sa ulan ng problema, ang aming tahanan, kung nasaan si Inay. Pagagaanin nanaman niya ang loob ko. "Nakauwi na ko." matamlay kong bati.

"Aba. Dati pag-uwi mo may magandang kwento ka para sa'kin. Hindi ko na nga kailangan manood ng teleserye kasi sa mga kwento mo pa lang kinikilig na ako pero ngayon. Tsk. Ano anak?" sabi ni mama.

"Nandito na ako." matamlay ko uling sabi. Naulit talaga, hindi mali ang pagkabasa niyo.

"Alam ko nandyan ka na. Hindi ako bulag, nakikita kita. O siya, ayaw mo muna bang kumain?" alok ni mama.

"Papasok na 'ko sa kwarto." matamlay ko pa ring sabi. Nawala ang tamlay ko nang batukan ako ni Mama.

"Wag ka ngang overacting dyan loverboy." at ayun nga, nakwento ko na lahat kay nanay. Lumuwag na ang paghinga ko, ok na uli ako dahil nailabas ko na ang problema na dinadala ko. Da best si nanay.

"Basta, gagawin ko ang alam kong tama diba?" sabi ko matapos matauhan sa mga naganap.

"O sige ikaw na ang bahala." pasinghap na sabi ni nanay. "Ang teleserye talaga, kapag hindi mo nasubaybayan, hindi mo malalaman ang kwento. May mga magandang parte na puro kilig at may parteng pagsubok para sa bida. Ganyan ang buhay, anak." pagpapaliwanag ni mama sa'kin. Ngayon alam ko na kung kanino ako nagmana para magsalita ng makahulugan.

>

Binisita ko uli si Angelica sa trabaho at gaya rin ng inaasahan makikita ko rin si Joyce. "Good afternoon!" masiglang bati niya sa'kin.

Kinawayan ko lang siya at sumenyas para pumunta kay Angelica. Pagtalikod ko sa kanya ay hindi ko inaasahang hahawakan niya ang kamay ko, "Dito ka muna. Nasa meeting siya." sabay tingin sa akin na parang nang-aakit.

"Kailangan pang hawakan ang kamay ko?" pabiro kong sabi sa kanya.

"Masama ba? Ang damot naman nito, kamay lang ayaw ipahawak." pagngunguso pa niya na parang batang nadadabog. May kung anong dumi nanaman sa isip ko sa pagkasabi niya. Napatingin tuloy ako ng malagkit kay Joyce. Sexy, maganda at malambot ang mga kamay.

Ngumiti na lang ako at iniwas sa luntiang parang ang aking pag-iisip. "Baka kasi makita ni Angelica, galit kasi siya sa'kin ngayon. Kakausapin ko sana siya at sasabay na pauwi."

"Bukambibig mo talaga si Angel." malungkot niyang sabi. "Para kang kabayo. Nakatakip ang mata sa gilid kapag sinasakyan ng hinete, yan tuloy hindi mo nakikita ang nasa tabi-tabi kung hindi ka susunod sa hinete mo." matalinhaga niyang sabi.

Sa una ay hindi ko maintindihan ang kanyang nais ipahiwatig, "Ano'ng ibig mong sabihin?" napatanong na lang ako.

"Wala. Manhid ka Victor." sabi niya, hindi ko maintindihan. Meron siyang nais ipahiwatig, kaya titignan ko siya sa mata at babasahin ang mga kilos nito. "Sabagay, si Angelica pala ang gusto mo kaya siya lang ang nakikita mo." pagpapatuloy pa ni Joyce.

Brain blast! May gusto siya sa'kin! Teka, si Joyce? May gusto sa'kin? "Wag mong sabihing may gusto ka sa'kin?"

"Edi hindi ko sasabihin." pilosopong sagot niya. Umugong ang bell, uwian na. "Sige puntahan mo na si Angel mo. Ipaparamdam ko na lang." pagpapatuloy niya at umalis. May ngiti sa labi ko, may napupuwing din pala akong magandang dilag.

Naglakad ako papunta kay Angelica, walang buhay sa office niya kundi ang mga computer at ang ilaw, at ang mapupulang rosas sa kanyang mesa. Kanino galing ang mga ito? Gusto kong kunin ito at itapon.

Naunang dumating si Ken na may ngisi sa mga labi. "What are you doing here?"

Humarap ako sa likuran kung ako ba ang kausap niya. Wala namang ibang tao rito kundi ako. "Oh me? I just wanna throw those roses from the table of my Angel." pag-iinglis ko matapos mapagtanto na galing kay Ken ang mga ito.

"No. No. No. Today is our 6th Monthsary so stop acting like you're a boyfriend because I am the boyfriend!" nagulat ako sa sinabi niya. Nagulat. Nashock. Stunned.

"Ok pretender. I believe in you jerk!" walang suntukan, mga salita namin ang nag-aaway. Parang games na Ancient Empires na lulusob ang bawat sundalong letra at mauubos ang kalaban.

"Why don't you ask her?" sabi ni Ken at itinuro si Angel na mapatigil sa paglalakad pagkakita sa akin at waring nagbago ng aura at mabilis uling naglakad. Hindi niya ako pinansin, paglampas niya sa akin, lumabas na ang mga tanong sa aking bibig. "So 6th monthsary niyo daw sabi ng kolokoy na 'to?"

Tumingin muna siya ng matalim kay Ken at maamong tingin sa akin. "Oo, tama siya." sagot niya.

Para akong nahulog sa isang malalim na balon at ang babagsakan ay salamin na siguradong mababasag pagbagsak ko. "Ok. You win." sabi ko at tumalikod. Nakita ko pang inakbayan niya si Angel pagkatapos nitong sumagot. Kung babae lang ako, tumatakbo na akong lumuluha at binabangga ang mga nakaharang sa dadaanan ko. Pero lalake ako, naibulsa ko na lang ang mga kamay habang naglalakad sa tuwid na hallway. Pakiramdam ko spiral ang nilalakad ko, nakayuko at pumipintig ang pulso sa ulo ko. Gusto kong sumigaw pero mamaya na.

Nag-aabang akong masasakyan sa tahimik na shed nang dumaan si Ken sakay ang kanyang kotseng nakabukas pa ang bintana. Inilabas niya ang kanyang kamay at kumaway sa'kin. Nanggagalaiti ako sa yabang ng lalakeng to. Kung kaya ko lang ihagis ang 5-inch diameter na bato rito ay ihahagis ko sa mukha niya.

Nakita ko ang malungkot na mukha ni Angelica sa front seat ng kotse. Hindi ko siya maintindihan, pinagmukha niya akong tanga! Gusto kong ulitin ang ginawa ko noong saktan din ako ni Gladys. Magpakalango sa alak, magpa-ulan, at sumuntok sa semento pero alam kong walang maidudulot na mabuti sa akin 'yun. Sino naman kaya ang magmamagandang loob na pagaanin ang loob ko at saktan din ako sa bandang huli?

Nasa puntong hindi ko na mapigilang bumagsak ang luha ko noong magdilim ang langit. Sasabayan nanaman ako sa isang malungkot na takipsilim. Eksaktong bumagsak ang isang patak ng aking luha, pumatak ang malalaking patak ng ulan at tumabi sa akin ang isang dilag sabay alok ng panyo sa lumuluhang mama.

"Joyce?" sabi ko pag-angat ng mukha ko sa dalagang ito.

"Nakita kung paano ka pinag-mukhang tanga ni Angel. Nandito ako para damayan ka, samahan ka." pag-abot niya ng panyo sa akin.

"Edi mukha na akong tanga ngayon? Hindi pala, tanga na pala talaga ako. Hindi ko naman kailangan ng karamay eh. Ok lang ako. Aanhin ko yang panyo mo?" pagsusuplado ko sa kanya.

"Suplado ka nga pala. Kahit nakikita kong umiiyak ka diyan, suplado ka parin." sabi niya at tumabi sa'kin. Maarte naman akong lumayo sa kanya kunwari.

Napangiti naman ako nung lumapit siya sa'kin. "Sasamahan mo talaga ako?"

"Oo." matipid niyang sagot.

"Gusto kong uminom. Magpakalasing."

"Tara. May alam akong lugar." walang alinlangang sagot ni Joyce.


itutuloy...

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.