Sunday, May 13, 2012

Tripped By a Poltergeist

Marami ang nagsasabi na kapag nagising ka ng ala una hanggang alas tres ng madaling araw, may nakatitig sa iyo na kung ano man. Sabi nila lagi ka ring maghanda ng papel at bolpen para isulat ang napanaginipan mong numero dahil sa paniniwala na maswerte raw yun. Nasa pagitan rin ng ala una hanggang alas tres nagaganap ang mga malabangungot nating panaginip dahil sa oras na ito gising ang mga kaluluwa. May narinig akong kwento ng isang manunulat na namatay dahil sa di maipaliwanag na dahilan. Si Elmer, isa siyang writer at kalilipat lang niya ng tirahan. Naghahanap siya ng tirahan na natatama sa kanyang pagsulat.

Nagising si Elmer ng alas dos at naisipan niyang gumawa ng kwento, kapag ganitong oras kasi maganda ang mga ideyang lumalabas sa isip niya. Dahil sa bahay na ito, napakatahimik raw. Importante para kay Elmer na tahimik ang lugar dahil ito ang mood na nagpapagana sa kanya para sumulat.

Bumangon siya at sinindi ang laptop para makagawa ng storya. Nasa kalagitnaan na siya ng kwento nang walang anu-ano ay bigla na lang nahagis ang mga damit niya na nakasabit sa sampayan ng kwarto nito. Napatingin siya kung saan yun nahagis. Nagtataka siya dahil wala namang nakabukas sa kanyang pinto at bintana.
Pumikit si Elmer at nagdasal ng walang humpay. Kumakabog ang dibdib. "Ano yun?!" May kalabog sa yero. Bumilis ang paghinga nito. Nilapitan niya ang mga damit para pulutin pero pakiramdam niya may nakatitig sa kanya. Luminga-linga siya pero walang nakita. Matapang niyang nilapitan ang mga damit. Nabangga siya sa kanyang paglapit na parang may napakalaking katawan na tao ang nabangga niya. Bigla siyang nahagis ng napakalakas kasama ang mga gamit pati ang kama niya. Para siyang nabangga ng kotse sa lakas ng pagkakahagis sa kanya. Doon pa lang ay nabali na ang kanyang binti. Hindi na niya pinilit bumangon pero nahagis siyang muli na dahilan upang mabali ang kanyang likod.
Hindi na siya nakabangon. Lumagutok ang kanyang mga buto na parang papel siyang tinutupi. Malaking pagsubok ang madaling araw na iyon para kay Elmer.

Kinabukasan natagpuan patay si Elmer, bali-bali ang buto at pinaniniwalaan poltergeist ang may gawa. Hindi na tinirhan ang bahay mula noon at hanggang ngayon may mga ingay pa ring naririnig dito.

Mabuti na lang at nagawan ko ng paraan para maipublish ang kwentong ito. Salamat sa pagbasa ng huling storya ko. Ako nga pala si Elmer.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.