"Sorry na. Wala ka namang dapat ikagalit eh. Magkaibigan lang kami. Wag mo namang hayaan ang selos mo ang manaig sa pagmamahalan natin. Kung ang pag-iwas sa kanya ang huhupa sa galit at selos mo, gagawin ko para sa'yo." pakiusap ko kay Hanna dahil umuusok sa galit ang kanyang ilong dahil sa selos. Nabasa kasi niya ang pinakaiingatan kong text sa akin ni Carla.
"Magkaibigan pero may gusto ka sa kanya! Magtatatlong buwan na itong text niya para itago mo! Hindi naman ito quotes o jokes katulad ng mga iniipon mo, bakit hindi mo pa burahin ang pagbati niya noong birthday mo?! Ginto ba yan? Pagkain, ha?!" pagbunganga niya sa'kin pero wala akong magawa dahil may bahid ng katotohanan ang mga sinasabi niya. Crush ko kasi si Carla mula highschool at nagkalabuan kami matapos niyang malaman ito. Itinago ko pa sa morse code ang pangalan niya para hindi mahalata sa keychain ng bag ko pero hindi ko akalaing nakakabasa pala ng ganitong code si Ron. Hindi ko magawang burahin ang pagbati niya kasi iyon ang unang text niya sa akin mula noong magkaayos kami at kausapin niya na ako.
"Pero ikaw ang mahal ko. Ikaw ang girlfriend ko ngayon. Bale wala siya sa akin dahil kapiling kita. Pero bakit lagi na lang natin siyang pinag-aawayan? Kawawa naman siya, bahing ng bahing bawat araw na siya ang dahilan ng pag-aaway at cool-off natin." muli kong pakiusap kay Hanna. Sa ganitong sitwasyon alam ko na ang mangyayari. Makikipagbreak siya sa akin na nakasanayan ko na dahil sa dalas mangyari nito. Mahigit isang taon na kami mula noong sinagot niya ako noong Mayo, akala ko kung anong papel ang nakaiwan sa gate namin. Pagkabasa ko, 'punta ka sa'min may sasabihin ako', takbo agad ako kahit may dala akong bike, nakalimutan ko ang silbi nito dahil sa excitement na nararamdaman ko. Hinihintay pala niya ako sa tabi ng poso para may taga-bomba siya habang naglalaba. Habang nagsasampay ay bigla niya akong hinalikan sa labi at sabing araw-araw ko siyang samahan maglaba. Isang taon ng away-bati, kung bibilangin ang mga araw na masaya kaming magkasama ay wala pang 200days.
"So iniisip mo pa rin siya. Iniintindi mo pa rin. Hindi na ako magtataka kasi lagi mong binabasa yung message niya sa'yo araw-araw! Break na tayo! Magsama kayo!" pasigaw na sabi niya ng kanyang mga makasarili at isip bata na sagot. Hindi ko naman iyon binabasa eh. Nakastock nga lang yun doon sa pinakadulo kasi natabunan ng mga text niyang memorable din sa akin pero hindi niya pinapansin. Mas pinapansin pa niya ang text ng iba, hindi man lang naaappreciate. Ayun na nga, inaasahan ko na yun. Paulit-ulit na rin ang mga pakiusap ko sa kanya na wag basta basta makipagbreak dahil kapag sinabing break ay hiwalay na ng tuluyan. Pwede naman siyang humingi ng space para matahimik at mag-isip para hindi ko muna siya kulitin na magbati na kami, hindi yung break na lang agad parang hindi importante sa kanya ang relasyon namin. Pwede namang cool-off kung nasasakal man siya sa akin at kung may gusto siyang iflirt muna pero babalik din sa akin sa huli. Huwag lang break, para siyang nakipagrelasyon ng hindi nalalaman ang depinisyon ng bawat salitang ginagamit. Sabagay, dictionary naman siya kasi lahat na lang binibigyan niya ng meaning.
"Hanna naman. Break nanaman? Hindi ka ba napapagod sa away-bati nating relasyon? Hindi naman dapat dahilan ang selos para makipaghiwalay. Ok lang kung magalit ka kasi nagseselos ka, normal yun sa magsyota pero ang makipaghiwalay araw-araw na parang hindi aabot ang monthsary natin ng hindi tayo nag-aaway at naghihiwalay, hindi normal yun. Patawarin mo na ako, wag ka ng magselos. Buburahin ko na yung text. Pati yung number niya. Hindi ko na rin siya kakausapin para sa'yo. Wag mo na sanang ugaliing makipaghiwalay sa'kin. Ang hirap ng ganito eh." pakiusap ko na may halo ng inis. Tama, hindi normal ang relasyon namin. Sabi nila wag ko na daw siyang pagtiyagaan dahil na rin sa ugali niya pero minamahal ko si Hanna, wala ng iba. Sabi nila kapag hindi normal ang relasyon niyo, isa sa inyo ay hindi normal. Hindi kayo compatible. Siya nga, oo si Hanna ang may problema sa amin, mula noong umpisa na niligawan ko siya ay honest at loyal na ako sa kanya. In short, abnormal siya pero mahal ko siya at pinipilit kong magwork pa ang relasyon namin, pero hindi siya nakikipagcooperate. Napakahirap kung mag-isa ka lang sa isang laro na kailangang partner ang nagtutulungan at naglalaro. Mahal ko siya kaya pinupunan ko ang aming pagkakaiba pero sana tulungan din niya ang sarili para magbago para din sa ikabubuti namin.
"Napapagod ka na? Edi, magpahinga ka." sabi niya at ngumisi pa. Nakakaloko na 'to sabi ng loob ko. "Kailangan ka pang sabihan para gawin yan? Hindi ba pwedeng kusa mo na lang burahin? Kailangan pa nating mag-away para doon?" pagkasabi ay lumayo siya sa akin at nag-umpisang maglakad. Ang labo talaga, gagawin ko na nga eh, kusa naman eh, hindi naman niya ako pinilit. Alam ko, ganito talaga ang babae at nagpapalambing lang 'pag ganito.
"Hanna... Hindi ba kita madaan sa pakiusap? Kapag ako ang nakipaghiwalay, wala ng babala. Tama na ang mga pakiusap ko sa'yo." pakiusap ko na parang nadadala ng tumataghoy na damdamin. Hinila ko ang kamay niya upang tumingin siya sa akin pero tinapon niya ang kamay ko na parang ipis na dumapo sa kanyang balat. Sinusundan ko pa rin siya sa paglalakad hanggang makaabot kami sa plaza na maraming tao. Balak ba niyang ipakita sa mga tao ang alitan namin? Balak ba niyang ipamukha sa mga tao na hawak niya ako sa kanyang mga kamay at pinapaikot at pinapasunod sa guhit ng palad niya? Sabagay, desisyon kong sundan siya baka kasi may masamang mangyari sa kanya habang naglalakad tapos ako ang huli niyang kasama, ayokong mapahamak siya. Gusto ko lagi ko siyang nakikita at nababantayan. Gano'n din siya sa'kin, gusto laging nakikita at nababantayan hindi dahil sa baka mapahamak ako kundi dahil sa pagdududa niya sa akin. Naiiwan niya lagi ang tiwala niya sa baul. "Hanna... Wag ka ng magalit oh. Gagawin ko lahat para mawala yang selos mo." sabi ko ng may lungkot sa mukha.
"Lumuhod ka." pagmamalaki niya. Tama nga ang hinala ko. Ipapahiya niya ako sa mga tao. Sweet tignan kung hindi away at paghingi ko ng tawad ang makikita ng tao, sana proposal na lang ito. Inaapakan niya na ang pagkatao ko pero unti-unti akong lumiit at tiningala ko siya. Lumuhod ako at inabot ang kamay niya para hagkan.
"Mahal na mahal kita Hanna. Wag mo akong iiwan." sabi ko ng may ngiti at dinampian ko ang mga daliri niya ng halik ko. Sana matagalan ko pa ang uri ng kanyang pag-iisip. Bigyan pa sana ako ng Diyos ng panghabangbuhay na pasensya matapos ang nangyari kahapon.
Heto ako ngayon, nagpapalipas ng oras sa pagdodota habang hinihintay ko siya para sabay na kaming umuwi. Nasa kalagitnaan ng bakbakan na ang laban at mananalo na kami nang pumasok siya sa internet cafe. "Hoy Jerome! Tumayo ka na diyan at uuwi na ako!" pasigaw niyang sagot. Pumipintig ang tainga ko sa naririnig. Matatalo ang kampi ko kapag umalis ako pero parang mainit ang ulo ni Hanna.
"Pwede ka munang umupo dito sa tabi ko. Tatapusin ko lang to." pakiusap ko sa kanya para intindihin naman ako ng konti.
"Ano ba?! Sabi ko ng uuwi na ako eh! Kung hindi ka tatayo, uuwi ako mag-isa!" sabi niya at itinumba ang isang upuan bago umalis. Naipon ang dugo ko sa aking ulo at malapit na itong kumulo.
"Under ka pala eh!" kantyaw ni Kevin. May konti ng bula ang dugo sa utak ko at malapit ng kumulo.
"Pare pasensya na." paalam ko sa mga kampi ko at tinapik isa-isa para habulin si Hanna. Napahiya ako, tinitignan ako ng mga tao. Kumukulo na ang dugo ko at mainit na ang ulo ko. Paglabas nakita ko siyang sumakay ng jeep. Hindi ko siya inabutan. Mukha akong tanga. Sa sobrang inis ay nasuntok ko ang street sign at ang no parking.
Sa loob ng mahigit isang taon naming pagsasama ay hindi ko nakita sa sarili ko ang ngiti. Hindi ko alam kung saan niya ito tinago at kung saan ba ako nagkamali. Tinungo ko ang daan sa bahay ni Hanna para kausapin ng masinsinan. Tulala akong naglalakad, matisod-tisod na ang paa ko, hindi ko maintindihan ang sarili ko. "Break na tayo." mahina kong bulong habang naglalakad. Narating ko ang kanilang bahay at tinext ko siya. 'break na tayo.'
Naghihintay ako ng reaction mula sa kanya pero wala. Hindi man lang lalabas ng bahay para puntahan ako dahil hindi kalayuan ang sa amin. 'break kung break!' reply niya.
Kinatok ko ang pinto, "Break na tayo. Break na tayo." paulit-ulit kong sabi habang kumakatok ng mahinahon. Nagbukas ang pinto at isang nakahubad na Ron ang nagpakita. "Ron? Ba't nandito ka?"
Walang pakiusap. Walang babala. Isang suntok ang tumama sa kanyang mukha. "Break na tayo." sabi ko sa babaeng katabi niya. Sarado na ang aking tainga para sa anumang explanasyon at pakiusap. Sarado na rin ang aking mata para pigilin ang luhang nais kumawala.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.