Thursday, May 03, 2012

Babaeng Multo sa Jeepney



"Bumaba ako sa jeepney, kung saan tayo'y dating magkatabi. Magkadikit ang pisngi nating dalawa, nating dalawa." Maraming love story ang nabubuo sa loob ng isang masikip na jeepney dahil dito tayo maraming nakakasalamuha, nakikilala at nasisilipan.



Tinatype ko sa cp ko kung pwede ba makuha ang number niya. Kanina pa kasi niya sinusubaybayan ang bawat text na binabasa ko. Ayun, napangiti lang siya at kinuha ang cp niya. Matinding tuwa ang naramdaman ko pero pagkakita ko sa wallpaper ay siya at isang lalake. "Bf mo ba yan?" tanong ko ng diretso sa kanya. Akala niya siguro magbabackout ako sa pag-alam ng number niya. "Hindi." sabi niya at napangiti ako. "So, single ka?" banat ko pa. "Oo." simpleng sagot sa simpleng tanong. Eto na, "Pwede ko bang malaman ang number mo?" Dinictate niya ang number niya at isinave ko sa cp ko. Tuwang-tuwa ako. Sobra. Grabe.

Pinagtitinginan ako ng mga kapwa ko pasahero, hindi ko alam kung bakit? Nirentahan ba nila itong jeep at ako lang ang hindi nila kilala rito o dahil hindi pa ako nagbabayad ng pamasahe o dahil sa lakas ng loob at kapal ng mukha na puhunan ko ngayong araw? Paglingon ko sa daan ay malapit na akong bumaba kaya nagpasalamat na ako sa babae, "Miss, itetext na lang kita. Don't worry mabait ako." sabi ko sa kanya. Ngiti lang ang sinagot niya pero simangot at titig ng pagtataka ang pinapakita ng kapwa ko pasahero. Ano ba'ng problema ng mga tao rito? Nagbayad naman ako ng pamasahe ah bakit ganito pa rin makatingin. Wala naman sigurong dumi sa mukha ko.

"Para po!" sigaw ko senyales ng pagbaba. "May biktima nanaman ata 'tol." wika ng lalake sa front seat kausap ang driver. Napaisip ako at nabuhol ang ugat sa ulo ko sa pinagsasabi ng mga ito habang nakatitig pa sa akin na parang nalungkot at may halong panghihinayang. Hindi ko maintindihan.

Wala na akong balak magsayang ng oras kaya bumaba na ako ng jeep, "Mag-iingat ka sa kanya, mabait at maamo siya pero hindi natin alam ang gagawin niya sa'yo." sabi ng Ale sa dulo ng jeep sa akin bago ako bumaba. Bahagya akong napaisip pero nagbalik ang isip ko sa pag-iisip sa magandang dilag kanina. Ang wierd ng mga tao rito, hindi ko maintindihan kung ako ba ang kausap o ako ang pinariringgan sa mga sinasabi ng mga ito. Hindi ko na pinansin ang mga sinabi ng Ale at agad na tinext yung chicks, basta babae mabilis ako. 'may i know ur name? ako yung kasakay mo kanina..pangalan ko nga pala ay Michael' text ko, nagpakilala ako agad kasi baka hindi niya 'ko replyan. 'abby na lang itawag mo skn' Abby pala ang pangalan niya, mala-Eva Fonda ang ganda niya. A beauty worth dying for, bulong ng machicks kong pag-iisip.

'bkt ang tipid mo ata mgtxt? wag kng mgalala, mbait ako.' sabi ko ng mapansin na hindi siya nagtatanong. Madalas ganito talaga ang mga babae, gusto nila ang lalake lagi ang nagtatanong. Kaya minsan ay nauubusan na kami ng tanong at matatapos na ang napakasayang kulitan.

'ah..wala, mbait kb tlga? kya mo b akong pasayahin?'  reply nito.

'may problema kba? pwede mong ishare skn para mbawasan naman yang lungkot mo..' reply ko sa kanya. Parang saluhan ako ng problema rito sa amin. Kahit anong problema naririnig ko na. Problema sa manhid na bf, sa lalakerong gf, breakup, problema sa utang, problema sa math, problema kung paano susungkitin ang tinga sa ngipin at problema ng nawawalang pusa. Kaya kahit wala tuloy akong alalahanin, nagkakaroon ako dahil sa kakaisip kung paano tutulungan ang mga kaibigan ko.

'di ko maipapangako..pero susubukan ko..' reply ko uli matapos siyang hindi magreply sa'kin. Handa akong gawin ang makakaya ko para lang makapagpasaya ng kapwa ko, babae man ito o lalake... o di tiyak.

Hindi pa rin siya nagrereply, dahil makulit ako tinext ko siya uli. 'ok ka lang ba? kung gusto mo samahan kita sa inyo?' sabi ko. Napangiti ako mag-isa dahil sa sinabi ko. Malamang hindi ito pumayag dahil bago pa lang kaming magkakilala. Kinapa ko ang bulsa ko, wala ang wallet ko! Nahulog ko ba ito o nadukutan ako? Naalala ko yung sinabi nung pasahero sa front seat. Si Abby ba ang mandurukot o yung mama na katabi ko na naunang bumaba di kalayuan sa binabaan ko? Nahilig kasi sa chicks eh, yan napapala mo! sabi ng isip ko.

'sige.puntahan mo ko.' reply ni Abby. Pumayag? Pumayag siya, binigay niya ang address sa akin at bukas, pupuntahan ko siya.

>

Kinabukasan, pupunta ako kina Abby. Nagpaalam naman ako sa kanya at pumayag naman siya. Naglakad ako ng pasipol-sipol dahil sa tuwa na aking nararamdaman. Napakagandang dilag ang hindi nag-atubili na ibigay ang numero sa akin at ngayon ay pupuntahan ko ng personal sa bahay.

DOOOOOORRBEEEELL..!

Pinindot ko ang switch ng ilaw na may board na nagsasabing doorbell. Naghintay ako sa labas, matutunaw na ang chocolate na dala ko dahil sa tindi ng init. Tinext ko si Abby at sinabing nasa tapat ako ng bahay niya.

Di nagtagal ay may nagbukas na babae, napakaganda niya pero may lungkot sa mga mata. Parang kagagaling lang sa pag-iyak dahil maga pa ang mga mata nito. Teka, hindi ito si Abby. Kahawig pero hindi siya ito. "Ano ho ang kailangan nila?" magalang at mahinang tanong ng dilag.

"Dito ho ba ang address na ito?" tanong ko at ipinakita ang text ni Abby.

"Opo dito nga po." wika ng babae.

"Ako nga po pala si Michael. Pwede po ba kay Abby?" tanong ko. Parang nagulat naman itong magandang dilag sa sinabi ko.

"Michael? Abby?" sabi niya ulit. Ay hindi, hindi, sinabi ko na diba? Kailangan paulit-ulit? Yan ang sasabihin ni Vice Ganda kung siya ang kausap nito.

"Opo. Ikaw ano ba ang pangalan mo? Kasi may hawig ka kay Abby, siguro kapatid ka niya." sabi ko.

Biglang lumuha ang babae at isinara ang gate. Ano 'to? Rejection? Hindi naman siya lumalayo dahil naririnig ko ang kanyang pag-iyak. "Miss? May problema ba?" mahinahon kong sabi.

Narinig kong tumahan ito at pinapasok ako, "Pasok ka muna, mainit dyan." sabi niya.

Tinitignan ko lang siya. "Oh ayaw mo bang pumasok?" sabi niya ulit sabay singhot ng sipon.

"May dumi ka sa ilong saka yung sipon mo... tumutulo pa." sabi ko at ngumiti. Dali-dali naman siyang tumalikod at nagpunas. Tumawa naman ako sandali habang pumapasok. Bigla niya akong hinampas. "Aray! Para saan yon?" gulat na sabi ko.

"Wala. Wendy ang pangalan ko." sabi niya. "Si ate Abby ba ang hanap mo?"

"Ate mo pala siya. Actually bago pa lang kaming magkakilala, kahapon ko kinuha ang number niya." masayang tugon ko.

Napatingin siya sa'kin at tumigil kami sa paglalakad. "Malungkot ata siya eh kaya nagkusa ako na samahan sana siya at ibigay ang chocolate na ito. Pero andyan ka naman pala, sa'yo na rin ito. Pero malungkot ka din, ano ba'ng problema niyo dito?" tanong ko na parang inosenteng bata na walang nalalaman kung paano siya ginawa.

"Patingin ng cp number?" inabot ko sa kanya ang cp ko na may text ng ate niya. Napamulagat siya dahil, "Number ko 'to eh."

Kinuha niya ang cp niya at nakita ang mga text. Nangilabot siya at parang natatakot. "Alam mo, Michael. May isang linggo na rin noong pumanaw si ate Abby." sabi nito at kinuha ang picture frame sa may sala.

"Ha? Pero... Paano?" nangilabot ako at gusto ko ng tumakbo pauwi dahil sa nalaman ko. Paano ko siya nakita at nakausap? Nahawakan ko pa siya, paano nangyari yun? Kinikilabutan ako at biglang nilamig kahit naiinitan ako kanina. Kaya pala tinitignan ako ng mga tao dahil mag-isa akong nagsasalita. Pero ipinangako ko na pasasayahin ko siya, hindi man siya kundi ang kapatid niya. Kahit medyo nagulat ako ay kailangan kong maging matatag rito.

"Namatay si ate sa isang jeepney dahil nanlaban siya sa holdaper na balak kunin ang wallet at cellphone niya." nag-umpisa nanamang tumulo ang luha ni Wendy.

"Noong nakaburol si ate, lagi siyang nagpaparamdam sa'kin. Madalas naglalaglagan ang mga plato, kutsara, lalo na mga kutsilyo. Nakakatakot noon. Tapos kapag tulog ako napapanaginipan ko ang mga nangyari sa kanya, parang bangungot. Nakakatakot baka hindi na ako magising, 'pag nagigising ako hirap ako huminga. Tapos makikita ko siya, nakatingin lang sa'kin. Binabantayan ang pagtulog ko, natatakot ako sa kanya pero hindi ako makasigaw dahil alam kong hindi niya ko sasaktan."

"Pero kahapon, may papel sa tabi ko at lapis na sumusulat mag-isa. Michael ang nasulat. Naisip ko kung ano ang ibig sabihin nito. Kaya nagulat ako noong Michael ang pangalan mo. Malamang tinutupad lang ni ate ang pangako niya na ipakilala ang mamahalin ko, ang nakatakda sa'kin."

Niyakap ko siya at ipinadama na nasa mabuting lagay ang kanyang kapatid. "Wag ka nang umiyak. Hindi man natin maibabalik ang buhay ng katawan ng iyong ate, ang alaala niya ay buhay sa puso at isipan niyo. Saka ang ibig sabihin ng pangalang Wendy ay eternal happiness." sabi ko para tumahan na siya.

"Nakakainis kasi siya, dapat hindi na siya lumaban. Takot na akong gumamit ng kutsilyo mula noon. Dinala siya sa ospital pero patay na daw siya." pagkasabi ng patay ay humagulgol uli siya.

"Tahan na. Nandito na ako. Sasamahan kita para sa kapatid mo. Hanggang sa mapawi na ang lungkot mo, nandito ako para pasayahin ka." wika ko. Parang napalapit agad ang loob ko sa kanya, hindi dahil maganda siya kundi dahil gusto ko siyang pasayahin at paligayahin.

Tumahan na siya, "Totoo ba yun?" aniya.

"Oo naman."

"Eh yung meaning ng pangalan ko?"

"Hmm... Oo na lang." saka ako ngumiti. Hinampas nanaman niya ako.

Nilibot niya ako sa bahay at nauwi kami sa kwarto nila ng ate niya. Pumwesto ako sa amba ng pintuan at nagsimula nanaman niyang alalahanin, ngayon ang mga masasayang alaala ng kanyang ate. "Alam mo noong bago mamatay si ate, ipinangako niya na may ipapakilala siyang mabait na lalake sa'kin. Siya daw ang magiging boyfriend ko at future brother-in-law niya."

May malamig na haplos ang tumama sa aking kamay. Lumingon ako at nakita ko si Abby. Imbes na matakot ako ay natuwa pa ako dahil nakangiti ito. Inabot sa akin ang isang pulang rosas, "Sige na. Ibigay mo sa kanya." wika ni Abby.

"Pero bakit ako?" tanong ko, pero may ngiti sa labi. Tanong na naghahanap ng kasagutan sa mga misteryong nabalot sa akin sa loob ng dalawang araw.

"Ikaw, kasi nabasa ko sa logbook ni San Pedro na honest at mapagmahal ka sa babae." nagpapatawa pala ang multo. Ngumiti ako at nilingon si Wendy.

"Sige. Pasasayahin ko siya at mamahalin." binalik ko ang tingin kay Abby pero nawala na ito na parang bula. Naiwan ang isang pulang rosas na galing sa ate niyang multo upang ibigay sa diwata ng puso ko. 

"Wendy..."

Pinamigay niya ang number ko. Pero at least nakilala kita.

_enD

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.