Saturday, October 06, 2012

Saranggolang Walang Hanggan Ang Pisi




Ang saranggola ay matayog, mataas ngunit nakatali ito at hindi makawala. Napakagandang pagmasdan kung ito'y malaya gaya ng ibon, na nakakapaglakbay kung saan-saan.


"Kriiiiing...!" tunog ng kuliling ng eskwela hudyat na tapos na ang klase.

"Mga bata, tapos na ang klase natin sa araw na 'to." wika ni Teacher Mela sa kanyang grade one class. "Sana nagustuhan niyo ang unang araw niyo sa school. Sa susunod na buwan, magkakaroon tayo ng field trip. Huwag niyong kalimutang sabihin sa magulang niyo."

"Opo ma'am." masiglang sagot ng mga bata. "Goodbye ma'am, goodbye classmates. See you tommorow." sabay-sabay pa nilang sigaw at naghanda na sa kanilang pag-uwi kasama ang kanilang magulang.

"Oh Robin, hinihintay ka na ng inay mo." sabi ni Teacher Mela sa bata na nahuli sa paglabas ng classroom.

"Ma'am gusto ko pa po dito sa school." sagot ni Robin.

"Bakit naman? Umuwi na ang mga kaibigan mo." tanong ni Teacher Mela kay Robin.

"Gano'n po ba?"

"Balik ka dito bukas, babalik din sina Berto at Tin-Tin bukas dito. Sa ngayon, kailangan mo munang umuwi kasama ang inay mo." mahinahong sabi ni Teacher Mela.

"Sige po Ma'am!" masayang tugon ni Robin.

"Mukhang nag-eenjoy po dito sa eskwelahan si Robin." sabi ni Teacher Mela kay Aling Wena, ang inay ni Robin.

"Oo nga ho eh. Palakaibigan kasi si Robin." ngiti ni Aling Wena. "Sige ma'am, una na po kami."

"Ba-bye ma'am." sabi ni Robin habang kumakaway palayo na parang isang saranggola na unti-unting pinapalipad ng hangin.

Habang naglalakad ay masiglang masigla si Robin, hindi niya inaakala na ganito ang buhay sa labas ng bahay. Hindi lamang sa eskwelahan magiging masaya kundi pati sa maikling paglalakbay niya pauwi kasama ang inay.

Napatigil sa paglalakad si Robin na ipinagtaka ni Aling Wena. "Nay, tignan niyo 'yung bata. Bakit doon siya natutulog?" sabi nito.

"Wala kasi silang bahay gaya natin, hindi sila makabili ng titirahan nila." 

"Edi wala din silang pagkain, saka damit?"

"Paminsan-minsan lang sila kumain kapag may tutulong sa kanila o kaya 'pag may nakikita sila sa daan o kaya sa basurahan. Gusto mo bigyan natin?" ngiti ni Aling Wena.

"Opo! Kawawa sila eh." hindi man sabihin ni Robin ay ito ang gusto niyang gawin. Dahil sa bata rin itong kagaya niya na kailangan nitong maging masaya. Hindi lang niya masabi ito dahil hindi niya alam kung papaano. "Sana magkaroon na sila ng tirahan, 'di ba nay?"

"Sana nga anak." nagpatuloy ang kanilang paglalakad ng mag-ina. Kapwa sila masaya dahil nakatulong sila.

"Ang saya ng pakiramdam nay kapag nakakatulong." ngiti ni Robin. "Nay, bakit tayo naglalakad pauwi? Pwede naman tayong sumakay ng dyip." biglang tanong ni Robin.

"Kasi malapit lang naman ang bahay natin dito." sagot na lang ni Aling Wena. "At alam mo ba? Kapag naglalakad tayo, marami tayong nakikitang mga bagay sa paligid natin. Marami tayong natututunan, basta mag-iingat tayo. Gaya ngayon, may natulungan pa tayo."

Napakaganda ng araw na iyon, presko ang hangin at tama lamang ang init ng araw. Tamang araw para magpalipad ng saranggola.

"Nay, may field trip daw kami sa susunod na buwan." sabi ni Robin. "Magpupunta raw kami sa lugar na maraming hayop, saka sa bahay ni Dr. Jose Rizal kasama kayo ni itay, saka do'n sa lugar na maraming rides. Masaya po ba doon kaysa sa school?"

"Oo naman anak. Mas masaya iyon dahil marami pang ibang hayop na hindi mo pa nakikita ang makikita mo sa zoo." sagot ni Aling Wena.

"Z-zoo? Oo nga po nay! Zoo ang sabi ni Teacher. Nandoon po ba ang mga kamag-anak ni Blackie?" inosenteng tanong ni Robin.

"Oo at may malalaki pang hayop ang nakikita mo lang sa TV ang makikita mo doon. Gano'n kalaki! Hanggang doon!" at itinuro ni Aling Wena ang isang puno. 

"Wow! Talaga po? Pati po ba si Boots, Benny at Tico na kaibigan ni Dora nandoon?" napatalon sa excitement si Robin. "Gusto ko pong maglakbay gaya ni Dora."

"Pati si Swiper nandoon." ngiti ni Aling Wena.

"Ala! Baka kunin niya ang baon ko." takot na sagot ni Robin dahil ayaw niyang makuha ang masarap na chocolate na laging pinapabaon sa kanya ng inay.

"Hindi niya gagawin 'yon dahil mabait kang bata."

"Swiper no swiping! Swiper no swiping!" sigaw ni Robin at ihinarap ang palad. "Ano pa po ang meron doon?" pag-uusisa pa ni Robin.

"May leon do'n. At kakainin ka niya. Rawr!" pananakot ni Aling Wena sabay sa pangingiliti kay Robin. Tumakbo siyang tumatawa.

Napakasayang pagmasdan ng mag-ina na nagkakasiyahan. Para silang pares ng saranggola na nag-uusap sa ere.

"Ang cute ng pusa, nay." sabi ni Robin at itinuro ang isang kuting.

"Parang ikaw 'yan anak."

"Ha? Hindi naman po ako pusa eh." sabi ni Robin at ginulo ni Aling Wena ang buhok nito.

"Hindi iyon ang gusto kong sabihin. Cute ka din, at ang pusang iyan may inay din na nakikipaglaro sa kanya. Ayun oh." sabay turo sa mas malaking pusa na kahawig nito. Tuwang-tuwa si Robin sa nakita, naglalaro nga ito kasama ang mga kapatid na kuting. "Makikita mo rin 'yan sa zoo, kaya lang ibang hayop ang naglalaro." ngiti ni Aling Wena.

"Nay, makikita po ba namin si Dr. Jose Rizal sa bahay nila?" tanong uli ni Robin. 

"Sa pictures mo na lang siya makikita kasi kasama na siya ni Papa Jesus. Pero ikukwento sa inyo ang paglalakbay niya sa iba't-ibang lugar at mga naranasan niya doon, parang kayo na rin ang naglakbay no'n." sagot ni Aling Wena. "Habang nag-aaral ka anak, marami kang lugar na malalakbay kapag field trip, gaya ni Dora. Marami ka ring mga bagay na matututunan sa pagbabasa ng libro at para ka na ring naglalakbay sa ibang panahon."

"Nakakatalino po ba ang paglalakbay? Kasi po matalino si Dr. Jose Rizal." biglang tanong ni Robin.

"Oo naman dahil kailangan mong makita ng malapitan ang mga nakikita mo sa pictures. Pagkatapos, may mga pwede ka pang mapagtanungan na mga tao na nakikilala mo sa iyong daan, nagkakaroon ka rin ng bagong kaibigan." natuwa si Aling Wena sa pagtatanong ni Robin, nagiging interesado ito sa mga bagay sa paligid niya. "May mga bagay na hindi mo alam sa ngayon na maiintindihan mo kapag naglakbay ka na."

"Nay! Sama tayo sa field trip!" napakasigla talaga ni Robin. "Hello Blackie!" bati nito sa asong kasama na rin nila sa pamilya.

"Oo naman!" sagot ni Aling Wena at binuksan ang gate ng tahanan habang nakatingin sa isang saranggola.

Sa sandaling panahon ng paglalakad kasama ang inay ay maraming natutunan si Robin. Paano pa kaya kapag maraming oras na ang inilaan niya para sa paglalakbay nito? 'Di gaya ng isang saranggola na nakatali lamang sa pisi at limitado ang nakikita at napupuntahan, ang tao ay may kalayaan. Kalayaang palawakin ang nalalaman, palawakin ang nakikita at palawakin ang pang-unawa. Gawin nating walang hanggan ang kayang abutin ng pisi na nakatali sa atin.

Matututunan natin ito, sa paglalakbay.

- wakas -

Ang kwentong ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 4.




ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng






6 comments:

  1. ehe..first time ko sumali..this will be a friendly game..:D

    ReplyDelete
  2. Goodluck din sa entry mo ^_^ na follow na rin kita ^_^

    ReplyDelete
    Replies
    1. eeeh..

      beginner lang ako..pero sa next lalaban na ako..ehe

      Delete

Note: Only a member of this blog may post a comment.