"Siya pala si Naida." sabi ni Aling Rina kay Tina.
"Opo." maikling sagot ni Tina.
"Pagaling ka Ed. Mabibigyan natin ng katarungan ang pagkamatay ni Anet." sabi ko para palakasin ang loob ni Ed.
Nagsulat siya sa papel at ipinakita sa akin, "Mag-iingat ka. Kung may paraan lang para mailayo natin sa kanya ang gunting niya. Mag-iisip ako para makatulong. Sorry kung napagbintangan kita."
Medyo natuwa ako dahil may mga kakampi na ako sa sitwasyon ko ngayon pero sana magtagal pa akong buhay sa mga susunod na araw. Nawala ang saya ko nang maisip ito at ang kalagayan ni Ed. Hindi ko napigil tumulo ang mumunting luha sa mga mata ko.
Nagulat ako nang punasan ni Ed ang mga luha ko. "Magpakatatag ka." pagpapakita niya sa sinulat niya. Kung makakangiti lamang siya ay alam kong ngingitian niya ako kaya pinilit kong ngumiti para sa kanya. Tumango ako at napasimangot dahil nagagawa niya pang palakasin ang loob ko sa kalagayan niya ngayon at hindi maikakailang ako ang dahilan nito. Dapat siya ang pinapalakas ko ang loob para agad siyang gumaling pero bakit napakaemosyonal ko?
"Pero..." sabi ko at napahikbi. "...ako ang dahilan kung bakit ka nagkaganyan." at tuluyang bumagsak ang ulan ng kalungkutang nais ilabas sa mga mata ko.
Hinaplos niya ang pisngi ko. Napakasweet ni Ed. "Wag mo ng isipin `yon. Kasalanan ko rin."
"Pero..." sabi ko muli. "...nag-aalala ako sa'yo." mahinang pagpapatuloy ko.
Hinaplos lang niya ang ulo ko. Parang sinasabi niya na huwag akong mag-alala. Ngumiti ako, "Hihintayin kitang pumasok sa school." sabi ko at itinaas niya ng kanyang hinlalaki senyas ng pagsang-ayon.
"Babalik ako uli bukas." sabi ko at iniwan ko siya ng may matamis na ngiti.
"Pagaling ka Ed. Ako na ang bahala sa mga classmate natin." sabi naman ni Tina at kumaway palabas ng pinto.
"Oh Ed, hatid ko lang muna sila sa labas." sabi ni Aling Rina.
"`Wag na po tita." sabi ko pero lumabas pa rin siya at tumingin sa akin.
"Ikaw si Naida `di ba? `Yong kasama ng anak ko noong gabing umuwi siyang sugatan?" sabi niya sa akin ng medyo mataas na tono.
"Bakit po?" takang tanong ko.
"Pwede ba? Huwag ka ng lalapit pa sa anak ko?" mahinahon na pakiusap ni Aling Rina. Bigla akong naguluhan.
"Pero-"
"Baka mapahamak lang siya ulit kapag nakasama ka pa niya. Please Naida, alam ko kaibigan mo si Ed pero para rin ito sa ikabubuti ng lagay niya." nagsimulang lumuha ang ina ni Ed.
Tumingin si Aling Rina kay Tina na noo'y nakatitig lang sa amin, wala rin siyang magagawa dito. "Pwede kang makibalita kay Tina pero please Naida, `wag ka munang lalapit kay Ed?"
"Naida!" sigaw ni Tina. Tumakbo lang ako palayo. Ayokong makitang lumuluha ang ina ni Ed, pero ayoko ring pinipigilan ako lalo na sa pagpapakita ko ng kahalagahan ng tao para sa akin. Nalilito nanaman ako. Naiiyak.
Umuwi ako mag-isa, nakayuko at matamlay. Stressed ako, pisikal, pananampalataya at pag-iisip. Gusto ko ng magpahinga, matulog o kaya mahimlay.
"Sandali!" sigaw ng isang babae. Parang naiiyak ito na parang nanggagalaiti sa galit.
"Kulang pa ba ang ngiti ko Daniel?" bulong ng babae at sinimulang gupitin ang kanyang pisngi para ngumiti ng pilit.
"Maganda pa ba ako Daniel?" pagkasabi nito ay sinaksak niya ang babaeng kasama ng animo'y asawa ng babae. Nang makitaan niya ng kilos na patakas ang lalake ay sinaksak niya ang binti nito. Sumigaw sa sakit ang lalake.
"Oo maganda ka pa rin Mica!" ito ang huling sinabi ng lalake bako siya brutal na pinagsasaksak sa iba't-ibang parte ng katawan. Binuhos ng babae ang kanyang galit dito at nang masigurong wala ng buhay ang lalake ay sinaksak niya ang sarili matapos itanong ang mga salitang "Maganda ba ako?"
Napabalikwas ako ng gising dahil sa masamang panaginip na aking naalala. "Mica..." tama, Mica ang pangalan ng babaeng may hiwa sa pisngi. Naaawa ako sa kanya. Ramdam ko ang sakit na naramdaman niya sa mga panahong iyon. Kasalanan ng mga walang kwentang lalake ang hindi matahimik na kaluluwa ni Mica! Pero paano ko siya matutulungan? Ano ang dapat kong gawin?
Gabi na pala. Wala pa akong pagkain. Lalabas na ako nang parang kinutuban ako ng hindi maganda. Kailangan kong lumabas para bumili ng makakain! Huminga ako ng malalim at lumakad. Pilit kong tinatago ang takot na nararamdaman ko. So far so good so cool. Ay! So far so good lang pala.
Nakabili naman ako at pabalik na ng makita ko ang isang lalake na nakatingin sa bahay ko. Nilapitan ko siya. Siya 'yung bantay doon sa Kalye 19. Buhay siya kahit na hinarap niya 'yung si Mica? Napakamisteryoso ng lalakeng ito.
"Kuya!" tawag ko sa kanya.
Tumingin lang siya sa akin. "Mag-iingat ka lagi." sabi niya nang malapit na ako.
"Anong pangalan mo?" tanong ko na parang narelax ang pakiramdam ko. Parang safe ako kapag kasama ko siya at saka parang matagal ko na siyang kakilala.
"Bakit kailangan mo pa bang malaman?" wika niya.
"Arhhf!" biglang tahol ng isang aso.
"Ok lang 'yan Rex. Kaibigan si Naida." kausap naman niya sa aso at hinimas ang ulo nito.
"Mukhang close kayo ng aso mo ah." sabi ko para makuha siya sa phase ng gusto niyang usapan.
"Oo. Kaming dalawa na nga lang ang magkasama, bakit hindi pa kami maging close?"
"Rex ang pangalan niya?" tanong ko kahit obvious na kanina.
"Oo. Naisip ko lang yun habang nanonood ng tv." pag-eexplain pa niya.
"Eh ikaw anong pangalan mo?" bigla kong tanong.
"George." bigla rin niyang sagot.
Parehas kaming nagulat. Maaring mailuwa ko ang bituka ko sa pagkagulat. Siya dahil nabigla ko siya sa pagsabi ng kanyang pangalan. Pero ako? Gulat dahil alam kong patay na si George. Ibig sabihin pati ang asong ito ay patay na rin?
"Ilang taon kong tinago ang identity ko pero minsan mo lang ako binigla." wika ni George matapos makarekober.
"Kaya pala kilala mo ako. Kaya pala ako lang ang nakakakita sa'yo. Kaya mo ako inililigtas dahil kilala mo ako?" malungkot na sabi ko. Gusto kong umiyak. Malungkot ako para sa kanya.
"Kahit hindi ikaw 'yun ililigtas ko siya. Ang mga may chance na makatakas ay tinutulungan ko pero kayong dalawa pa lang ang nakaligtas. Ikaw Naida, babalikan ka niya. Hindi ko alam kung kailan o saan, presence of mind Naida." paalala ni George sa akin.
Pag-angat ko ng ulo ay wala na ang imahe ni George pati si Rex wala na rin. Pabalik na ako sa bahay ng harangin ako ng isang babae. Alam kong si Mica ito, nakatingin lang ito sa akin na para bang kinikilala ako. Napakalakas ng kabog ng dibdib ko, kung maaari lamang itong tumalsik ay baka nangyari na.
"Maganda ba ako?" tanong ni Mica sa akin. Walang ibang tao sa paligid, sapat na para gumawa ng isang pagpatay ng walang nakakapansin.
Huminga ako ng malalim. "Medyo." sagot ko at tumakbo ng mabilis. Mukhang tama ang sinabi ni Ed. Nagtataka ang babae at parang wala sa kanyang bokabolaryo ang sinagot ko. Nagkaroon ako ng tamang oras para makatakas.
Hingal kong sinara ang pinto ng bahay at dahil sa pagod at nerbyos ay napaupo na lamang ako rito. Nagulat ako nang makita ang lumulutang na pares ng paa. Imposible ito para sa tao kaya dahan-dahan kong inangat ang mukha ko upang kilalanin ang nasa harap ko.
Noong bata ako, gustong-gusto kong lumipad hanggang ngayon. Lagi kong inuunat ang mga kamay ko patagilid na para bang sila ang magiging pakpak ko, iwawasiwas ko ito pero hindi ako makalipad. Kung kaluluwa na lang ako, makakalipad ako pero masaya pa kaya ito? Mararamdaman ko pa kaya ang sarap ng hangin sa balat ko?
"A-anet?" sa gulat ay ito na lang ang nasabi ko. Kung matanda na ako ay ikinamatay ko na ang pagkagulat.
"Hindi ka pa ligtas." pabulong na sabi nito at napakurap lang ako ay nawala na siya na parang bulang biglang pumutok. "Babalikan ka pa niya." sinabi ng boses na hindi ko alam saan nanggaling.
Anong ibig sabihin nito? Hindi pa ako ligtas pero kumpyansa ako na kaya ko na siyang takasan. Hindi ko na kailangan mangamba.
..itutuloy..
Ang ganda po.. Post niyo na po ung next.. hehe ^__^
ReplyDeletePart 6 Kuya ADRIAN :)
ReplyDeletesalamat po sa pagsubaybay..:))
ReplyDelete