"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Wednesday, October 24, 2012
Noong Bata Ako 3
"Sira ka ba? Gusto mo ring mamatay?!" sabi ko pero tingin pa lang alam ko na. May mali sa sinabi ko, alam ko ang iniisip nila at kahit ako'y ganoon din ang maiisip pero nag-aalala lang ako baka ikamatay ni Ed ito, hindi lang ni Ed kundi pati ako. Hindi pa ako handa, virgin pa ako at gusto kong makauna si crush bago man lang ako mamatay. Hindi ko pa natatapos ang kurso ko at ang pangarap ko noong bata ako na maipagluto si inay ng special recipe ko ng chicken teriyaki. Napakanegative ko talaga, sinong nagsabing mamamatay na ako?
"Sige. Payag ako." seryoso kong sabi matapos ang ilang minutong paghihintay ng sagot nila sa akin.
"Tina ganito, kapag bukas hindi ako pumasok o nabalitaan ninyong namatay ako at si Naida ay pumasok dito. Si Naida ang killer."
"Teka, paano namin malalaman kung hindi ka lang nagtatago?" sabi ni Tina, trying to be fair sa ganitong sitwasyon.
"Puntahan niyo ako sa bahay. Tanungin niyo parents ko? Lagyan ko ng tracking device ang sarili ko?" sagot ni Ed. "Tiwala lang ang kailangan. Hindi ko naman ididiin si Naida, kilala niyo ba akong gumagawa ng masama sa kaibigan?"
"Sige." sagot ko naman. Ang ikinatatakot ko lang ay baka pareho kaming hindi makabalik ng buhay.
>
Alas-onse ng gabi, sinundo ako ni Ed para daw hindi ko na magawang tumakas. Matalino talaga si Ed, hindi man siya honor student ay malawak ang paningin niya sa mundo. Naninigurado siya at ayaw niyang isugal ang maliit na tyansang ako nga ang pumampatay.
"Napakakulit talaga ni Anet no?" biglang sabi niya sa akin habang naglalakad kami papuntang Kalye 19.
"Bakit?" tanong ko. Wala kasi akong ideya sa sinasabi niya. Oo may pagkamakulit si Anet lalo na kung chismis o lovelife mo ang sinisikreto mo sa kanya. Pipilitin ka niyang sabihin ito gamit ang mala-super saiyan niyang kakulitan.
"Nakita ang cellphone niya sa crime scene."
Napatingin ako sa sinabi niya at agarang nagtanong, "Nakita ba nila ang message ko?"
"Oo. Isa iyong dahilan kung bakit isa ka sa mga suspek." taimtim niyang sagot habang diretso lang ang tingin sa dinadaanan.
"Bakit pa siya tumuloy kung natanggap niya ang text ko?"
Napatigil ako sa paglalakad dahil naalala ko ang dilim ng gabing iyon. Hindi mo maaninag ang ilang metro sa likuran mo, parang... parang nasa ibang dimensyon ang lugar. Wierd.
"Bakit ka tumigil? Aatras ka na ba?" mababa ang tono niyang tanong. "Hindi ka na ba tutuloy? Hindi ka na aba tutuloy gaya ng ginawa mo kay Anet?!" biglang sigaw niya sa akin. Kung tama ang iniisip ko, tumaas ang porsyento ng pagiging suspek ko at kapag hindi na kami tumuloy ay mananatiling misteryo ang pagkamatay ni Anet.
"Natatakot ako." sabi ko habang nakayuko. Gustong bumagsak ng luha sa mga mata ko kapag naiisip ang naging sitwasyon ko mula noong gabi ng lagim. "Bakit pa kasi siya namatay?" mahina kong sabi.
"Playing a trick?"
"Hindi."
"Trick mo ba kay Anet na may bantay dito at pinauwi ka niya?" mabilis ang mga salitang ito mula sa labi ni Ed.
"Hinde!" pasigaw ko ng sabi.
"Trick mo lang 'yon para mapatay siya! Para malaman mo kung totoo ba talaga ang dating sabi-sabi ng patayan dito?! Ha Naida!"
"Hindi! Hindi! Hindee!" mangiyak-iyak na ako pero wala akong masisisi kundi ang sarili ko at ang mapaglarong bola ng tadhana.
"So, diretso tayo."
Sige. Para matapos na ang lahat. Kung buhay ko ang magiging kapalit ng pag-sulong ng kaso ni Anet, makakaya kong mamatay para dito. Noong bata ako, naisip ko kung ano ang nangyayari sa tao kapag namatay na siya. Kapitbahay kasi namin ang sementeryo kaya masyadong malikot ang isip ko sa kababalaghan. Sabi rin ni inay noon ay binabantayan daw ako ni lola at lolo. Nasaan ba sila? Paano nila ako nababantayan? Ano kaya ang itsura nila ngayon? May tanong nanaman ako pero walang matinong kasagutan sa mga ito.
Tinuloy namin ang paglalakad hanggang maramdaman ko ang tensyong bumalot sa balat at dumampi sa mga balahibo ko. Nakayuko lamang ako ngunit si Ed ay taas noong hinahanap ang daan sa kamatayan. "Nandito na tayo."
Nagtaas ako ng mukha. Wala siya. "Bakit walang bantay?" takang tanong ko.
"Wala ngang nagbabantay rito!" sigaw ni Ed.
"Meron!" sigaw kong sagot. "Kung hindi niya ako pinauwi baka... baka... baka patay na rin ako!" paputol-putol ko pang sabi.
"Wala! Walang sinasabi ang pulis at mga taong nakatira malapit dito tungkol sa gawa-gawa mong kwento!!!"
Napatigil kami sa pagtatalo nang may namataan kaming babaeng papalapit sa amin. Nakatakip ng surgical mask ang ibabang bahagi ng mukha niya. Nakablouse itong pula, hindi, maroon ang kulay nito at nakapaldang may mantya na parang dugo. Mabagal ang paglalakad niya pero wala kaming imik o kung ano mang galaw sa amin bago makalapit sa amin ang babae. Maganda ito, maputi, sexy, at mahaba ang makikinis na buhok.
Nakatitig sa akin ang babae, malungkot ang mga mata nito pero unti-unting nagiging mabagsik at puno ng poot. "Maganda ba ako?" tanong nito sa amin. Nakakapagtaka ang parang sugat sa malapit sa kanyang tainga.
Napakunot ng noo si Ed nag-isip ng kanyang isasagot nang may biglang sumigaw. "Naida!"
Pagtingin namin ay nakilala ko siya. "Siya 'yung bantay Ed." sabi ko at bahagyang siniko si Ed.
"Nasaan? May narinig akong tumawag sa pangalan mo, may tao ba dyan?" sabi ni Ed.
"Oo, eto na nga siya. Hindi mo ba nakikita?" paglingon ko kay Ed ay nakatingin ito sa babaeng nagtanong sa amin. Nagulat ako ng tanggalin nito ang telang nakatakip sa kanyang bibig at tumambad sa amin ang madugong pisngi ng babae na may napakalaking hiwa. Nakakatakot. Nanlilisik ang mga mata niya ngayon.
Tulala ako sa gulat, hindi ko alam kung ano ang tamang reaksyon sa nakita ko, maging si Ed ay hindi gumagalaw tanging mga mulat na mata ang patunay na nagulat siya sa pangyayari. May humila sa kamay ko, ang mga mata ko ay nakatingin pa rin sa babae ngunit ang mga paa ko ay kusang naglalakad patungo sa direksyon ng pwersang humihila sa akin.
"Maganda pa ba ako?" rinig kong tanong bago ako mapalayo.
"Oo! Oo!" tarantang sagot ni Ed.
Nakita ko na lang na may ginagawa ang babae sa mukha ni Ed gamit ang isang gunting. Sumigaw si Ed. "Naida!" sigaw sa akin ng lalakeng bantay dahilan upang bumalik ang ulirat ko. Bumitaw ako sa hawak ng bantay at pumulot ng bato at ibinato sa babae "Panget!" sigaw ko dahilan para malipat sa akin ang atensyon nito.
"Ano'ng...!" gulat na sabi na lang ng bantay. "Tumakbo ka na!" sabi niya uli.
"Sino ka? Bakit mo ako kilala?" tanong ko sa kanya.
"Bilisan mo!" sigaw niya ulit.
Nakita kong tumakbo si Ed hawak ang kanyang mukha habang ang bantay ay humarang sa harapan ko. Mukhang haharapin niya ang babaeng may hiwa sa mukha. Wala na akong nagawa kundi tumakbo. Walang lingon-lingon basta takbo. ang tanging narinig ko na lamang ay isang tahol ng aso.
>
Nakauwi akong nanginginig ang tuhod, naninindig bahalahibo at tumutulo ang pawis kong parang yelo sa lamig. Nakaligtas kami. Nakaligtas nga ba kami? Bukas malalaman ko, papasok ako at hindi ko na inaasahang papasok din si Ed. Ngayon lang ako nakakita ng killer malapitan sa mga mata ko. Naalala ko ang magazine na binasa ko, hinanap ko ito. "Ayun." sabi ko at binuklat itong muli.
"Kuchisake Onna walks on Japan wearing a surgical mask and hunting for children. If you crossed her path, she will stop you and ask you a question. If you give her wrong answer, prepare for horrible consiquences." basa ko dito. "The only way to escape from her is to give non-committal answer like - " hindi ko nabasa ang kasunod nito dahil may mantya ito ng dugo. Parang may fingerprints pa dito kaya parang sinadya itong mantyahan. "Kainis!" bulong ko. Sinubukan kong bakbakin ang dugo pero gumagasgas lang ang papel at may tyansang mapunit.
Linipat ko ang pahina, nagbabaka sakaling may makukuhang impormasyon sa ibang parte nito. May ipinagtataka lang ako, sa pagkakatanda ko ay kasunod ng unang pahina ay ang imahe ng babaeng may malaking hiwa sa mukha, buong pahina pa ito kaya hindi ko ito malimutan pero ngayon ay wala ito.
Bumalik sa ala-ala ko ang babaeng killer kanina, kamukha niya ang nakita kong picture dito!
Alas dos ng madaling araw, gising pa ako. Ayokong pumikit. Nakasindi ang ilaw, ayoko ng madilim. Nakatalukbong ng kumot, ayokong makakita pero pilit umiihip ang malamig na hangin ang nagpaparamdam sa akin. Tumutulo ang luha, inilalabas ang sama ng loob.
"Umuwi ka lang ngayon, pagbibigyan kitang tumabi sa akin ngayon, please?" dinig ko sa paligid, ayokong sumilip sa labas ng aking kumot. May boses sa paligid kahit ako lang mag-isa dito. Hindi ko maintindihan, natatakot ako.
"Ayoko! Hindi na kita mahal Mica!" boses pang muli ngayon isang lalake ito na parang galing sa isang telepono ang boses.
"Mas maganda ba siya sa akin? Maganda rin naman ako `di ba? `Di ba Daniel?" sagot ng babae. Parang may nag-uusap sa telepono sa paligid ko. Hindi ko maintindihan. Natatakot ako.
"Hahaha!" tumawa lang ang lalake sa kabilang linya at mukhang natapos na ang kanilang pinag-uusapan habang ang babae ay tuluyan ng lumuha.
Nakiramdam ako, ilang segundo ng katahimikan at kapayapaan. Mukhang ligtas na ako. Unti-unti kong sinilip ang paligid, dahan-dahang inaalis ang kumot na bumabalot sa aking mukha.
"Aaaaaaaaahhhhhh!!!" sigaw ko nang makita ko ang ngisi ng babae na halos mahalikan ko na sa lapit sa aking mukha. Napapikit ako.
"Maganda naman ako `di ba?" sabi ng babaeng boses na galing sa malalim na hukay, nakakatakot.
..itutuloy..
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.