Saturday, October 20, 2012

Noong Bata Ako 1 (GhostStory)





"Maganda ba ako?" tanong ng babae.

"Paano ko malalaman? Nakatakip ang bibig mo?" supladang sagot ng dalagang tinanong.

Tinanggal ng babae ang face mask at tumambad sa dalaga ang mukha ng babae. Kinabukasan, natagpuang patay ang dalaga, pugot ang ulo at may hiwa sa bewang. Pinaniniwalaang ginupit ito gamit ang grass cutter o anumang malaking gunting.

>

"Pare, anong ginagawa ng sexy'ng babae dito sa ganito kadilim na eskenita?" tanong ni Badong na kilalang manyak sa lugar sa kasamang si Merto.

"Ano pa? Edi naghahanap ng aliw. Hahaha!" tawa pa ni Merto. Hindi niya alam na ito na ang huli niyang halakhak.

Napatingin sa kanila ang babae, nilapitan nila ito. "Miss may problema ba?" tanong ni Badong.

"Maganda ba ako?" tanong ng babae.

"Oo naman!" mabilis na sagot ni Merto na sinang-ayunan naman ni Badong.

Mula sa dibdib ng babae lumabas ang kanyang kanang kamay na may hawak na gunting mula sa suot na blouse. Malaking gunting na kayang puputol ng isang kamay sa isang kisap lang. Walang anu-ano, biglang pinugot ng babae ang ulo ng dalawang manyak na nakausap niya. 

Sa kaparehong lugar mula noong dalawang magkasunod na araw na may natagpuang patay ay hindi na pinadaan dito ang mga bata, babae, at kahit na sino ng malalim na ang gabi. Pati ang mga bahay malapit dito ay inabandona na rin.


>

Noong bata ako, lagi akong dumadaan sa Kalye 19 dito sa baranggay namin para makipaglaro sa aking mga kaklase. Pero isang araw, bigla na lang akong hindi pinayagan ni tatay dumaan doon. Nagkahiwalay din kami ni George dahil doon, lumipat sila ng tirahan sa malayong lugar, yung hindi ko malalakad. Ngayon, 18 na ako, pwede na kaya akong dumaan doon uli?

Pati ang pagsigaw sa harap ng stand fan ginawa ko rin habang hawak ko 'yung takip ng elisi. Napalo ni nanay ang kamay ko no'n, ang sakit pero mas masakit pala kung napasok ang daliri ko doon kasi baka maputol yon. Si George naman, binigyan niya ako ng kwintas na gawa sa bulaklak ng santan. Ang ganda no'n, may yellow at red na ginawa niyang salitan ang kulay. Sayang hindi ko na siya nakita uli. Pwede na kaya akong dumaan doon?

"Manong alam niyo po ba kung saan lumipat ang mga nakatira dito dati?" umiiling lang ang sagot ni manong.

"Ahh... Kuya! Pwede po bang magtanong? Alam niyo po ba kung saan lumipat ang mga nakatira dati dito?" tanong ko sa tambay sa malapit.

"Hindi." tipid na sagot ng tambay, parang iwas sila sa dahilan ng paglipat nina George.

"Ah. Iha, ako, hindi mo ba tatanungin?" wika ng matandang lalake na akala ko pulubi kaya hindi ko tinanong.

"Alam niyo po ba kung saan lumipat ang mga dating nakatira dito?" tanong ko naman.

"Ha?"

"`Yung nakatira po dito..."

"Napano?"

"...Alam niyo po ba kung saan lumipat?" tanong ko kay lolo. Eh bingi naman pala si lolo eh.

"Hindi eh." sagot nito. Kung hindi lang bumabalik sa pagkabata ang matatanda ay hinampas ko na siya ng bag ko pero baka makasuhan ako ng child abuse.

"Hehe. Di bale na lang po. Salamat." sabi ko nalang.

"Pero ineng..."

"Ano po iyon?"

"`Wag kang daan diyan kapag gabi." kapareho ng sinasabi niya ang mga sinasabi sa akin ng magulang ko pero bakit? Ngayon chance ko ng magtanong.

"Bakit ho ba? Ano po ang meron dyan?"

"Aswang." maikling sagot nito at tumayo.

"Ineng, sampung taon na ang nakakalipas, teka sampu nga ba?"

"Ituloy niyo lang po."

"Ah. Sige. Dalawang araw na magkasunod ay may namatay diyan, parehong pugot ang ulo."

Hindi ko alam ang nangyaring ito, kaya siguro lumipat na rin ng tinirhan sina George para na rin sa kaligtasan nila.

"Sa pangatlong araw, may pagkakamaling nagawa ang may-ari ng bahay diyan." sabay turo ng bahay nina George.

"Ano po iyon?" taka kong tanong.

"Iniwan nilang bukas 'yung gate nila kaya lumabas 'yung aso nila. Hindi pa nila alam noon na aswang ang pumapatay dito. Doon mismo sa malapit sa labasan nila. Doon namatay ang anak nilang lalake." napintig ang tainga ko sa narinig baka si George ito. Paano na?

"Tahol kasi ng tahol ang aso kaya lumabas itong lalake at tinawag 'yung aso. Ayun, kinabukasan patay ang aso, pati yung lalake." nanlumo ako sa narinig kong kwento.

"Sige ho." ito na lang ang nasabi ko at umalis na matapos ang mga narinig ko. Tuluyan na akong nawalan ng pag-asang makita uli si George. Malamang walang naakakaalam o walang nagtangkang magtanong kung saan sila pumunta.

Umuwi akong walang napala, pero lalo akong nacurious kung bakit hindi na dapat dumaan doon at kung aswang nga ba ang pumapatay dito.

>

Noong bata ako, sabi sa akin ni nanay kapag lumabas ako ng bahay ng walang kasama, kukunin daw ako ng isang arabo. Takot na takot na ako no'n tapos isisilid pa daw ako sa sako. Kaya hindi ako lumalabas ng bahay noon kapag hindi ko kasama si nanay. Maraming panakot sa akin lalo na si tatay, ipamimigay daw niya ako sa driver ng jeep kapag umiyak ako. Ayoko noong malayo sa magulang ko kaya takot ako, hindi ako umiiyak.

Naalala ko pa nga noong tumakas ako sa pagtulog ko sa hapon tapos nahuli ako ni tatay sa harap ng ref kasi nagtataka talaga ako kung paano 'yon sumisindi at namamatay na hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang sagot.

"Matagal ng walang namamatay sa Kalye 19, no?" wika ni Anet.

"Oo nga eh. Hindi ko alam kung may bantay ba doon." sagot naman ni Tina.

Uwian na noon at walang pumasok sa kokote ko kahit isa sa pinag-aralan sa eskwela kundi ang pakikipagchismisan ng katabi kong si Anet. Pero hindi ko maikakaila na nakinig ako, hindi sa guro kundi sa chismisan. Napag-usapan kasi nila ang Kalye 19, wala daw kasing mga nakakita ng mga pagpatay. Malamang ay tinago itong mabuti ng suspek at malinis siya magtrabaho. O kaya, mali ang chismis na palagi namang nangyayari. Almost.

"Gusto kong dumaan sa Kalye 19 mamaya." wika ni Anet.

"Gusto mo na ring mamatay?" sagot naman ni Tina.

"Gusto kong sumama." singit ko naman sa kanila.

"Hoy mga bruha! Kung magpapakamatay kayo `wag niyo akong isama." sabi uli ni Tina.

"Ano'ng oras?" tanong naman agad ni Anet.

"Eleven..." sagot ko.

"Sige, walang mangiindian Naida." sabi sa akin ni Anet.

"Indian ba ako para mangindian?" sagot ko naman at tumawa, hindi mo rin maitatago sa amin ang konting kaba. Hindi mo alam kung ano ang susunod na mangyayari, kung tama ba ang gagawin namin. 'Curiosity kills a cat.' sabi ng isang kasabihan. Kayang pumatay ng kyuryosidad, hindi man pusa o daga kundi sarili o iba.

Dumating na ang oras ng aming pagpunta ni Anet. Naalala ko pa ang huling mga salita ni Tina bago umuwi, "Kapag hindi kayo pumasok bukas alam ko na! Mga makukulit kasi kayo!" Gaga talaga si Anet, ang tagal niya. Ngayon sigurado ko ng Pilipina siya kahit na may pagkamestisa, trenta minutos na wala pa.

"Nasaan ka na ba? May nagbabantay dito, mukhang 'di tayo makakadaan." text ko sa kanya.

"Malapit na ako." reply niya. Eto ang kinaiinis ko sa tanong na 'yon eh. Saan na ba siya malapit? Sa CR at malapit na siyang maligo? Sa likod ko at hahawakan na lang niya ang balikat ko para gulatin?

"Miss, delikado dito. Umuwi na kayo." sabi ng bantay.

"Ay! Susme!" ginulat ako ng taong ito. Kainis, sira ang poise ko. Wala akong magawa kundi umuwi.

"Huwag ka ng pumunta. Pinapauwi na ako ng bantay." text ko kay Anet.

>

Noong bata ako, kinakagat ko 'yung pambura ng lapis ko para magamit ang nakatago pa sa bakal na lalagyan nito. Ang gumagawa nito ay maitatapat ko kay Robert Boyle na nagsabi na kapag lumiliit ang lalagyan ng hangin ay lalo itong magpupumiglas lumabas. Ang kyuryosidad talaga ng bata, hindi natin napapansin na ikinapapahamak niya ito. Ang pambura ay may toxic chemical na nakakasama sa katawan at kung aksidente niyang malunok ang napakaliit na pambura ay maaari niyang ikamatay.

Kinabukasan, ang tindi ng bulungan tungkol sa Kalye 19 na dati'y limot na ng panahon at nakalimutan na ng mga kaedad ko.

"May namatay nanaman sa Kalye 19."

"Oo nga. Estudyante pa raw rito sa school natin."

"Balita ko dalawa sila dapat kaya lang sinwerte yung isa."

Gusto kong magtanong sa kanila kung ano ba ang nangyayari? Kung bakit asul ang langit? Kung bakit maraming magkakapareho ng apelyido sa gobyerno? Lalo na kung sino ang namatay?

Pagpasok ko sa room ay napatingin lahat sa akin. Hindi normal ang pagtigin nila, may kasamang titig at masamang pagbabanta ng mga mata.

"Nandito ka?" sabi sa akin ni Tina.

"Oo, bakit?"

Tulala lang ito sa mukha ko ng limang segundo bago ko mahabol ang unang patak ng luha na nahulog mula sa kanyang mata. Hindi ko maintindihan.

"Si Anet..."

Si Anet? sabi ng isip ko habang nakatingin lamang sa malungkot na mukha ni Tina.

"Patay na siya." pagkasabo nito ay himagulgol lamang siya at lumayo sa akin.

"Paano siya namatay? Hindi na kami natuloy eh." pagtataka ko pang habol sa kanya habang naglalakad palayo sa'kin.

"Iniwan mo siya di ba?" sabi sa'kin ni Ed.

"Hindi ko siya iniwan!" sigaw ko pero pawang mga matang mapanghusga ang sa akin ay nakatingin.

..itutuloy..



No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.