"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Wednesday, October 31, 2012
Noong Bata Ako 6
"Maganda ba ako?" ang tanong na gumugulo sa isip at panaginip ko. Mas malala pa ito kaysa mapanaginipan ang algebraic expressions, problema sa pera at lovelife ko. Wala nanaman ako sa sariling nagbyahe sa umagang iyon. Pinoproblema ko rin ngayon kung paano ko ikukwento sa iba ang pangyayari sa amin ni Ed. Maniniwala ba sila sa akin na pinagbibintangang salarin ng pagpaslang at ng pagkawala ni Ed. Alam ko rin na naibalita na ni Tina ang nangyari kay Ed sa mga kaibigan at barkada nito. Hindi na rin siguro ako bibisita kay Ed gawa ng sinabi sa akin ni Aling Rina.
"Ang galing mo ah." sabi ni Gelo.
"Ha?" takang tanong ko nang guluhin niya ako pagkaupo ko sa classroom.
"Nagmamaang-maangan ka pa!" galit na sabi ni Reden.
Hindi ako makasakay sa trip nila. May pamasahe naman ako pero parang hindi talaga ako kasya sa sasakyan nila kay hindi ako makasakay. Parang ako 'yong kinakaladkad na palanggana o kaserola ng jeep kapag bagong taon.
"Alam namin na hinayaan mong makatakas si Ed para ilayo sa'yo ang kaso ng patayan sa Kalye 19!" sabat ni Gelo.
"Oo nga. Tapos hiniwa mo ang pisngi ni Ed para hindi siya makapagsalita at sa kalaunan papatayin mo rin siya!" dugtong ni Reden.
Mga magbarkada talaga, hindi ko maikakaila na malakas din ang imahinasyon ng dalawang `to. "Kung ikukwento ko ba ang nangyari sa'min, makikinig ba kayo?" sabi ko ng mahinahon.
"Sira ka pala eh! Bakit namin pakikinggan ang suspek?" sabi ni Gelo.
Hinanap ko si Tina pero wala pa siya. Siya sana ang gagawin kong testigo sa pag-uusap namin ni Ed kahapon.
"Hinahanap mo si Tina? Wala pa siya. Kasi binantaan mo na siya na ang isusunod mo kapag hindi ka niya pinagtanggol! Takot na siya tuloy pumasok ngayon." at ngayon sabit na rin si Tina.
Ilang minuto ang nakalipas ay dumating si Tina. Natatawa na lang ako dahil napahiya ang mga loko. Mayabang kasi na nagmamarunong. Sabi nga ni Gloc 9 sa kanta niyang The Bobo Song, "Mas malala pa sa bobo ang bobong nagmarunong." Akala nila alam nila ang lahat pero wala silang alam. Ang sama pala ng ugali ko, kasi hinuhusgahan ko sila. Sorry.
"Gelo, Reden, `wag niyo namang husgahan si Naida. Hintayin nating gumaling si Ed para siya ang magkwento ng mga nangyari." ani Tina. "Ang importante ay buhay siya `di ba?
"Pinagtatanggol mo na siya ngayon? Hindi ka ba niya tinatakot?" pambubuska ni Gelo.
Naiintindihan ko naman na pinagtatanggol lang nila Gelo ang barkada nilang si Ed. Parang si Ed lang ito noong namatay si Anet pero parang sobra naman ang dalawang `to kung gumawa ng kwento. Si Ed ay may kamag-anak na pulis na kasama sa imbestigasyon ng Kalye 19 kaya marami siyang nalalaman tungkol sa kaso. Pero itong dalawa, ewan ko na lang.
"Hinde! Ano ba kayo? Ganyan na ba kayo kasama mag-isip?" pagalit na sabi ni Tina. "Heto pala, para sa inyo. Sulat ni Ed `yan dahil hindi siya makapagsalita. Kung gusto niyo siyang bisitahin, nakasulat din dyan ang ospital sabi ni Ed." habol ni Tina.
"Hindi si Naida ang sumulat nito?" tanong ni Reden.
"Hinde!!!" sigaw ni Tina na parang puputok na ang bumbunan at gumawa ng bulkan sa anit niya sa init ng ulo nito sa dalawa. Pinaghahampas niya si Reden ng bag niya.
"Aray! Ano ba? Aray!"
"Ayaw mo kayang tumigil. Ay! Naida, eto pala para sa'yo." sabay abot ng sulat. "Muntik pa akong malate para lang dalin yan tapos ganyan lang sasabihin ninyo!" hinampas uli si Reden.
"Aray! Nananahimik na nga ako eh."
Tahimik lang nagbabasa si Gelo sa sulat na dala ni Tina.
"Huwag na nating sisihin si Naida." mahinang sabi ni Gelo at naupo na sa kanyang upuan. Parang sunud-sunuran lang si Reden dito at umupo na rin.
Nakakapagtaka ang inasal ni Gelo, ikinwento kaya sa kanya ni Ed ang mga pangyayari gamit ang sulat na ito? Hindi naman gano'n kahaba ang sulat para maikwento ng buo. Baka sapat na ang mga salita ni Ed para tumigil si Gelo. Muli kong nasulyapan ang sulat ni Ed para sa'kin matapos iabot ni Tina. Ngayon lang may lalakeng sumulat para sa'kin pero teka hindi naman ito love letter para lagyan ko ng malisya. Hindi rin ito red card na nilalagay ng F4 sa locker para mangamba ako. Cute si Ed, hindi nga lang pansinin dahil may pagkasuplado ang lalakeng `yun.
"Sa mga sulat na pinadala sa akin, `yang sa'yo lang ang hindi ko binasa." sabi ni Tina. Alam ni Tina na hindi na ako pwedeng bumisita kay Ed at sa kanya ko na lamang maidadaan ang mga nais kong sabihin at gustong sabihin ni Ed sa akin. Kung meron man.
Binuksan ko ang sulat, "Naida, una sa lahat, sorry dahil napagbintangan kita. Alam ko nasabi ko na ito sa'yo kahapon, siguro nadala lang ako ng pagkamatay ni Anet, ayan tuloy ang nangyari sa'kin. hehe. Mabuti na lang at ligtas ka noong gabing `yon. Kinabahan ako na baka ikaw ang napatay ng babae, hindi kasi ako nag-iisip noong inaya kita pero nandoon ka pa rin, sumama sa akin. Salamat din pala, kung hindi dahil sa'yo malamang isa na rin ako sa mga namatay noon. Sorry din kasi dahil sa'kin, ikaw ngayon ang ginulo ng babaeng 'yon. Pag nakalabas na ako rito, ipagtatanggol kita sa kanya. Sana epektib yung sinabi ko sa'yo na paraan para makatakas sa kanya pero alam ko darating ang araw na magsasawa at mapapagod ang tao sa pagtakas sa kanya kaya kailangan kong mag-isip ng paraan para matalo natin siya. Naida, salamat sa pagligtas ng buhay ko. Maaaring hindi na ako makapagsalita habambuhay pero salamat dahil binigyan mo pa ako ng oras para lasapin ang ganda ng mundo kahit maraming corrup na Pilipino sa gobyerno natin at walang kwenta ang mga batas dahil patuloy itong sinusuway. hehe. Naida, mag-iingat ka lagi, hintayin mo ang pagbalik ko, huwag kang panghihinaan ng loob kahit na may gumugulo sa isip mo ngayon. Nandito ako, ikaw ang dahilan ng pangalawang buhay ko. Nandito ako, hihintayin ang pagbisita mo. - Ed."
"Sira ka talaga." maluha-luha ako sa paghingi niya ng tawad at pagpapasalamat habang iniisip ko na hindi na ako makakabisita para na rin sa kanyang kaligtasan at kagustuhan ng kanyang magulang.
>
Noong bata ako, nagtataka ako sa mga tuldok na parang lumilipad sa ere at pilit inaabot ang mga ito pero umiilag sila. Mga bangaw daw ang mga ito na natutulog sabi ni tatay. Nakakapagtaka sila kasi natutulog sila habang lumilipad, ayaw ko tuloy maniwala. Tinatalon ko sila para maabot ko sila at para guluhin, para masira ang tulog nila. Mahilig kasi akong mang-asar eh.
Oras na ng pag-uwi pero bigla akong nangamba, naalala ko ang sinabi ni Anet sa akin. Hindi pa raw ako ligtas? Bakit gano'n? Nakasagot na rin naman ako sa tanong ng babae at bakit pa niya ako babalikan?
Hindi ko namalayan na napunta na ako sa aking daan pauwi kung saan mag-isa lang ako sa daan. Nagsimula na akong kabahan.
Isang hakbang ng kaliwa kong paa.
Isang hakbang naman ng kanan.
Naaninag ko ang imahe ng babae sa aking daan. Pilit kong inaaninag ang mukha nito kung ito ba si Mica nang bigla itong lumingon papunta sa akin.
Nagulat ako pero nanatiling nakatayo nang makita na si Anet ito. Hindi na ako natakot magpatuloy pero unti-unting naging malinaw ang aking daan. Sinasalubong ako ng mga kaluluwa ng mga napatay ni Mica pati ang Daniel sa panginip ko, dalawang matandang lalake, isang dalaga at iba pang nabiktima nito sa Kalye 19. Ayoko na sanang lumapit pero nakita kong naglalakad palapit ang isang lalake na may kasamang aso, si George!
"Naida..." malambing na sabi ni George.
Hindi ako makapagsalita. Parang pinagdikit ng tuyo kong laway ang mga labi ko.
"Sana mabigyan na kami ng katahimikan." makahulugang sabi nito.
"Hi-hindi ko alam kung paano?" sabi ko. Wala akong ideya kung paano sila patatahimikin. Nagulat ako ng biglang nagbago ang mga mukha nila! Dahan-dahan silang ngumiti at nahiwa mag-isa ang kanilang pisngi hanggang sa tainga! Pati si George at ang aso niya ay gano'n din. Nakakatakot!
"Aaaaaaaaaaaaaaaaahhhhhh!!!" sigaw ko.
"Naida! Naida!" gising sa akin ni Tina.
Nakatulog pala ako sa eskwela. Mabuti na lang at huling subject na at nagsi-uwian na lahat, kami na lang ni Tina ang natira sa room.
"Nanaginip ka yata? Kanina pa kita ginigising!" ani Tina.
"Ngumiti sila. Nakakatakot!" hingal akong sumagot habang hinahaplos niya ang ano ko... likod ko.
Inabutan niya ako ng boteng may lamang tubig. Akala ko ay ipapainom sa akin akmang aabutin ito ng kamay ko ay bigla niyang ibinuhos sa akin. Napasinghap ako sa lamig at gulat.
"Ok ka na?" tanong niya sa akin. Kung hindi siguro ako magkakasipon ay ok lang ako.
"Adik ka talaga. Pasensya ka na. Salamat sa paghihintay sa akin." sagot ko na lang.
"Pupunta ako ng ospital, may ipapasabi ka ba?"
"Pakisabi na lang na nabasa ko ang sulat niya at huwag niya ng akuin ang mga nangyari. Saka pinapatawad ko na siya."
"Bakit namumula ka dyan?" kinikilig na tanong ni Tina.
"Tse! Namumula ka dyan!" hindi naman talaga ako namumula eh o in denial lang ako?
"Ano ba ang sinabi niya sa sulat?" sabi niya at kinurot ako sa tagiliran.
"Wala naman. Nanghingi lang ng tawad, nagpasalamat at saka..." sasabihin ko ba na hinihintay niya akong bumisita? Baka kung ano nanaman ang isipin ni Tina kung sasabihin ko ito.
"Saka?"
"Saka nagpasalamat." parang mali. Nasabi ko na yata ito. Ano ba'ng nangyayari? Natutuliro ako.
"Ah." sabi lang niya at nakakalokong ngumiti.
"Hoy! Ano ang iniisip mo?!" pasigaw kong tanong sa kanya at sinundan palabas ng room. Bago ako tuluyang makalabas ay nakita ko sa gilid ng mata ko si Anet, malungkot na nakatingin sa akin.
>
Pauwi na ako, kinurot ko ang sarili ko para masigurong hindi na ako nananaginip. Gising ako at ito ang tunay na mundo. Ito ang Pinas, mga batang lansangan, mga basura kahit saan at trapik sa kalsada. Nagmuni-muni nanaman ako, naalala ko ang sinabi ni Anet. "Hindi ka pa ligtas. Babalikan ka pa niya." Kung si Mica ito ay kaya ko siyang takasan at contradict din ito sa sinabi niya noon na "Ang mga nakita ng babae ay dapat sumagot sa tanong niya kung hindi ay hahanapin ka niya at tatanunging muli." Sa pagkakaalam ko ay nakasagot na ako sa tanong niya kaya hindi na niya ako dapat sundan pa. May iba pa ba siyang tinutukoy?
Hindi kaya para kay Ed ang babala niya? Hindi rin, kasi nakasagot na si Ed. Nag-aalala ako para sa kanya. Naalala ko rin ang mga reaksyon ni Tina habang pinag-uusapan namin si Ed. Shet! Biglang bumilis ang tibok ng puso ko nang maisip ko si Ed. Ano'ng ibig sabihin nito?
Laking pasalamat ko nang makauwi ako ng ligtas. Hindi gaya ng sa panaginip ko, hindi ko nakita ang mga kaluluwa ng napaslang ni Mica. Ihinapag ko ang binili kong pagkain at naisip kung ok lang ba si Ed? Tumunong ang cellphone ko.
"musta na naida? si ed to." pagbukas ko ng text.
"saan mo nakuha ang number ko?" agad kong tanong dahil baka nagtitrip lang ito.
"kay tina..ok ka lang ba?" sagot at tanong ni Ed. Si Ed nga ito at hindi ko maitatago ang ngiting dala nito sa akin.
"ok lang ako..ikaw alam ko hindi ka pa ok..:( " reply ko at isinave ang numero niya.
"ok lang ako..magiging ok din ang lahat..tiwala lang.."
"talaga? mukhang tahimik na nga dito eh. hindi na ako binalikan ng babae..ang galing mo.."
"sus..wala yon.. para sayo" reply niya. Ano ba ito? Kauumpisa pa lang naming mag-usap ay kiliting-kiliti na ako sa conversation namin.
Tuluy-tuloy lang ang texting namin pagkatapos kong kumain. Humiga ako sa kama ng masayang masaya. Hindi ko alam kung paanong posisyon ako magrereply sa kanya. Nandyang nakadapa, nakahiga, paupo at patagilid ginawa ko na. Napawi na ni Ed ang takot ko ngayon kahit mag-isa lang ako rito.
"sana nandito ka.." text ko sa kanya.
"hindi pa ako makakalabas eh.." reply niya.
":( "
"pahinga na tayo..12 na.."
"ok sige..pagaling ka.."
"loveu" reply niya. Nagulat ako sa reply niya at may ibang pakiramdam sa puso ko. Nag-init rin ang katawan ko, hindi ko maintindihan. Umakyat ang temperatura mula paa pataas sa ulo ko, para akong takure na sumisigaw ang steam.
"ui.." "tinulugan mo na yata ako" hindi ko napansin na ilang minuto na pala akong hindi nakapagreply. Ngayon ko lang naramdaman ito.
"bakit mo sinabi yon?" reply ko. Pakipot muna.
"akala ko nakatulog ka na..hmm.kasi parang nahuhulog ang loob ko sa'yo..paano ko ba sasabihin..ayoko ng magtago pa ng nararamdaman gaya ng ginawa ko sa nararamdaman ko kay anet.. matapang ka naida kahit medyo tahimik..pero mahal na kita naida, hindi dahil utang ko sa'yo ang buhay ko kundi dahil mahal kita, iyon ang bulong ng puso ko.." sabi ni Ed.
...itutuloy...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.