Friday, May 11, 2012

Everyday in the Rain 9


Pagtataka at Luha

Lalapitan ko na sana si Angel, "Excuse me lang." wika ko kay Joyce at bahagyang tinapik sa balikat dahilan para tumalsik ang isinusubo niya sanang sabaw sa kutsara. "Ay! Sorry." sabi ko na lang at nang aktong pupunasan ang labi niya ay inilayo niya ang panyo ko hawak ang aking kamay. Wala lang sa kanya ito pero para sa'kin, parang ibang parte ng katawan ko ang nahawakan. Napakagaan ng kamay niya at tama lang para maging sweet at malambing, if you know what I mean. Tinignan ko siya at sumenyas siya na ok lang siya matapos ng isang maasim na ngiti. "Sorry talaga. Excuse me." at tuluyan na akong lumapit kay Angel.

"Mukhang nagkakamabutihan na kayo ni Joyce ah." patalikod na sabi niya sa akin. Hindi man niya sabihin, ramdam ko na may konti ring epekto sa kanya ang pagkasulyap niya sa amin ni Joyce na nagkakatuwaan. Hindi maitatago sa mga mata niya, parang mapungay at nangungusap. Madalas ko itong ginagawa sa babae kapag alam kong may nais silang iparating, tinitignan ko sa mata at doon ko nahuhulaan ang kanilang nararamdaman.

"Nagseselos ka?" sabi ko at ngumisi, akala ko ituturing niya itong biro pero lumayo siya sa'kin. Ayaw ata niya ng sinasabihan ng katotohanan o umiiwas lang siya sa akin dahil ayaw niya itong aminin?

Sumabay ako sa kanyang paglalakad, napakatahimik at napakabagal. Yumuko lang ako kasi hindi ko alam ang sasabihin, baka lalo lang itong makasama sa amin. Lumingon ako sa malawak na sakop ng kumpanya nang mabangga ako sa kanya. Bigla kasi siyang tumigil. "Oops. Sorry." sabi ko sabay hawak sa braso niya upang maglambing at para ipahiwatig na hindi ko sinasadya.

"Nilingon mo pa ata siya." sabi ni Angelica.

"Hindi ah. Napatingin lang ako sa laki ng kumpanya. Teka, nagseselos ka ba?" sabi ko pero hindi pa rin siya humaharap sa'kin. "Alam mo, ikaw lang ang mahal ko. Saka, bago pa lang kami magkakilala kasi nagtanong ako kung saan kita matatagpuan. Akala ko, pakikiramdaman ko lang ang puso ko malalaman ko. Pero hindi naman masama ang magtanong kaya kinausap ko siya."

"Baka naman sa kanya ka dinala ng nararamdaman mo?"

"Hindi rin. Kasi wala namang sinabi ang puso ko na siya na. Mabuti pa ngayon, pakinggan mo, binubulong ang pangalan mo."

"Akala ko normal ang maririnig kong sagot sa'yo gaya ng ibang bolero. Pero iba sa inaasahan ko, pinagaganda mo ang pakiramdam ko sa mga bola mo!"

"Alam mo naman kapag inlove. Hindi ko na binibili ang bulaklak, kasi kusa itong lumalabas sa mga salita ko."

"Oo na! Lalo lang akong kinikilig eh!" napatawa ko na uli si Angelica, iba talaga ako, akala ko magagalit na siya ng tuluyan sa'kin. Sana naman hindi na-minus ang points ko para sagutin na niya ako. Ang puti ng ngipin niya, ang pula ng labi niya, para talaga siyang perpekto para sa'king paningin. Ano ba yan? Lahat na lang nasisita ko, ganito pala pag umiibig. Pati nunal natatandaan.

"Hey! Sir is looking for you." sabi ng epal na si Ken. Panira ng rainbow!

"Ah. Victor, salamat sa pagbisita." sabi niya, "Asahan mo, babantayan kita." sagot ko dahil nandoon si Ken.

Nakangisi itong si Ken na umalis kasama si Angel ko pero wala akong magawa, inakbayan pa siya nito pero hinayaan lang siya ni Angel na parang hindi nararamdaman ang tsansing ng mayabang na lalakeng ito sa kanyang balat. Hindi ko alam kung ano ang namamagitan sa kanila. Hindi ko alam kung sino ang paniniwalaan ko. Hindi ko alam kung totoo ba ang sinasabi ni Angel. Hindi ko naman maiiwasan ang mainis dahil sa aking nakita. Ano ba'ng kaguluhan 'to?

Lumabas ang usok sa tainga ko dahil sa init ng aking ulo. Hinintay ko na rin ang uwian dahil malapit na rin naman. Sabay kaming umuwi ni Angelica at nabalot lang ito ng katahimikan. "Ano ba talaga ang meron sa inyo ni Ken? Pwede ko bang malaman?" matapang kong tanong sa kanya upang basagin ang katahimikan pagdating namin sa bahay nila.

"Ha? Bakit bigla mo namang naitanong?"

"Wala. Para alam ko kung saan ako lulugar."

Natahimik siya pero naghihintay pa rin ako ng sagot galing sa kanya. "Sa akin na lang yun. Pwede?" hindi ko inaasahang sagot niya.

"Kung may problema ka. Sabihin mo lang at baka matulungan kita." masigasig na sabi ko kasi pakiramdam ko malalim ang napasok kong sitwasyon.

"Paano kung isang araw bigla na lang akong mawala? Mawala ng hindi mo nalalaman? Ano ang gagawin mo?" tanong niya bigla na ikinagulat ko. Kailangan ko ng magandang sagot, yung tama lang at swabe para sagot sa kanyang mga tanong. Maraming posibilidad ang pumasok sa isip ko. Mahirap na, baka isa dito totoo pala na sitwasyon niya.

"Hahanapin kita. Kahit ano pa man ang dahilan mo, hahanapin kita. Magtitiyaga ako na halughugin ang gilid ng bilog na mundo."

"Paano kung hindi mo ako makita?"

"Makikita kita, dahil yun ang paniniwalaan ko."

"Sabihin na nating nahanap mo ako, paano kung hindi tayo pwedeng magsama?" tanong na may tusok sa puso ko. Matutunaw ata ito sa lamig ng haplos nito. Iba ang pakiramdam ko sa tanong na ito, dahil ito ang pinaka-ayaw kong mangyari sa ngayon sa buhay ko.

"Sabi nga nila, kung gusto maraming paraan at kung ayaw maraming dahilan. Kung makakaya kong ipaglaban ka, gagawin ko. Ipapakita ko at papatunayan ko ang pagmamahal ko sa iyo, anumang hadlang upang tayo ay magsama ay bubuwagin ko. Kung hindi man kita mapilit, iiwan ko sa iyo ang desisyon kung ano ang gusto mo at least, ipinahayag ko ang aking nadarama at hindi ako sumuko ng basta na lang."

Sinandal niya ang katawan sa akin hawak niya ang kanyang puso sa kaliwang kamay at nakadampi ang kanang palad niya sa aking dibdib. Tinamaan pa ng matigas niyang ulo ang baba ko nang isiksik niya ang mukha sa aking dibdib. Nagulat ako at napa-aray sa loob loob ko pero balewala ito para kay Angelica.

Dahan-dahan kong inangat ang aking mga kamay upang ikulong siya sa aking bisig upang madama niya ang kaginhawaan at kalayaan. Sinikipan ko ang pagkayakap sa kanya upang iparamdam na ayaw ko siyang pakawalan at nais ng isang libong ako na siya ay makasama. Naramdaman ko ang paghikbi niya at unti-unting humarap sa akin. Gamit ang aking palad na sandaling kumawala sa mahigpit na paggapos sa kanya ng aking pag-ibig ay hinaplos ko ang luha na pumapatak at umaagos sa kanyang pisngi. Ayaw ko siyang makitang lumuluha dahil sa bawat patak ng luha na sumisilip sa kanyang mata ay parang bumabagsak ang napakalakas na ulan sa aking paligid at humahampas ang galit na hangin sa aking magaang katawan.

"Sana ikaw na lang. Sana pwede kitang mahalin. Sana malaya ako gaya ng tubig na naghahanap ng daan patungo sa kanyang dagat." pagkasabi nito ay bahagya niya akong naitulak at pumasok ng kanyang bahay.

Napakalaking palaisipan sa akin ng mga salitang kanyang ginamit. Hindi na ako nakaimik, gumalaw mag-isa ang aking paa palayo kay Angelica kahit alam kong nasa likod lamang siya ng pinto. Rinig ko ang kanyang pag-iyak pero mas pinili kong iwan siya, baka mas makakabuti kung siya'y mapag-iisa. Konting espasyo para makapag-isip o ayaw ko lang siyang makitang lumuluha? Paano ko siya ipaglalaban kung ang kahinaan ko ay ang kanyang mga luha? Paano ko siya babantayan kung ngayon ko siya iiwan?

Tumigil ako sa paglalakad palayo. " Kailangan niya ako. Babalik ako!"

...sa next chapter..itutuloy..

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.