Saturday, June 09, 2012

Un-owned

This story is based on true to life fiction. All characters are real in our imagination. Reading this story will make you live in your dreams not in this world. Make sure to get back from the other dimension to your home. Thank you.



Habang pinapanood ko ang mga ulap na naghahabulan sa kalangitan. Isang dalaga ang sa aki'y kumausap, "Bakit ka nag-iisa?" marahan niyang tanong sa akin at sabay naming tinitigan ang asul na langit.

"Kasi wala akong kasama." ngiti kong sagot at napatingin siya sa'kin. Akala niya siguro mabait ako, hindi naman siya nagkakamali. "Ngayon may kasama na ako, hindi na ako nag-iisa." matalinhaga kong sabi habang nakatingin pa rin sa itaas.

"Nag-iisa ka pa rin eh." nakakapagtakang sagot niya. Nilingon ko siya at napukaw ako sa mga buhay niyang mga mata, napakasigla ng mga ito at nakakahawa ang kinang. "Nararamdaman ko sa puso mo na nag-iisa ka sa iyong kalungkutan at mga problema. Mas pinipili mong itago ito sa pag-eenjoy sa iyong sarili at ibaon ang lungkot sa kailaliman ng iyong puso." masigla niyang sabi. Ngayon hindi lang ang langit ang aking tinitignan pati na ang kanyang mala-anghel na mukha. Tama ang kanyang mga tinuran, pinili kong magpakasaya sa sugal at pambababae upang itago ang problemang sing-lalim ng Pacific Ocean ng aming pamilya.

Siya lang ang nakakita nito sa akin, parang nahaplos niya agad ang aking puso, imbes na magalit gaya ng iba ay iniintindi niya ang hirap na aking nadarama. Manghuhula ba siya? Psychic? Sugo kaya siya? O kaya Anghel talaga? Mga pantasya ko nga naman, alam naman nating hindi sila totoo. Dinadaan ko sa mga babaeng nakikilala ko sa bar ang problema, masaya akong nambobola at nakikipagflirt. Hindi ko naman alam na seryoso na pala sila sa'kin, umuuwi tuloy silang luhaan matapos makisalo ng isang mainit at masayang gabi kasama ko.

"Sumigaw ka." dagdag pa niya habang nakatingin sa malayo.

"Nakakahiya kaya. Andaming tao sa baba." sabi ko naman kasi nandito kami sa tabi ng kampana ng simbahan.

"Aaang paaangeeet ng kaataabii kooo!" sigaw niya sabay layo sa pagdungaw habang matamang tumatawa. "Sarap ng feeling. Lalo na kung ang isigaw mo ay ang iyong problema. Maririnig ka Niya lalo kapag dito ka sumigaw." sabi niya.

Mukhang masaya nga ang ginawa niya. Pero ako ang nahiya sa kanya. "Ano ka ba? Bakit ka sumigaw? Saka hindi naman ako panget eh." mamaya gaganti ako, siya pa lang ang nagsabing panget ako. Gusto ko mang sumigaw ngayon baka next time na lang kasi titignan sigurado ako ng mga tao dahil sa ginawa niya. "Saka hindi naman Siya totoo, noong bata ako namatay ang mommy ko kahit nagdadasal kami palagi sa Kanya. Hindi man lang Niya naligtas. Nag-asawa tuloy uli si tatay ng malanding babae kaya ganito ang buhay ko ngayon. Inagaw ng babaeng 'yon ang kaligayahan ko! Masaya kami ni tatay no'n pero noong dumating ang buwisit na 'yun, siya na lang ang inatupag ni tatay!"

"Bakit hindi mo subukang tanggapin siya? Pakisamahan mo, para makasama mo rin ang tatay mo. Napakaseloso mo naman. Saka hindi porque hindi Niya nailigtas ang mama mo ay hindi na siya totoo. Binabantayan ka Niya kasama ng mama mo. Kung hindi ka naniniwala sa Kanya bakit nandito ka sa simbahan?"

"Maganda kasi ang view dito. Nakakarelax. Ano pala ang pangalan mo? Palagi ka ba rito?" pag-usisa ko sa misteryoso niyang pagkatao.

"Palagi ako sa baba, sa patio. Kaya lagi rin kita nakikita at alam kong palagi ka rin dyan."

"Edi lagi mo pala akong tinitignan?"

"Napapatingin lang ako pero nacurious ako sa itsura mo kaya ako pumanhik dito."

"Hayan na. Nakita mo na ang pinakaaasam mong mr. Pogi dito sa'tin."

"Narinig mo naman siguro ang sinigaw ko kanina?" sabi niya at may pahabol pa na tahimik na galaw ng kanyang labi na nagsasabing 'panget ka'.

"Ang taas naman ng standards mo kung panget pa sa'yo ang gwapong kagaya ko." sabi ko with matching kindat.

"Ang yabang mo."

"Teka, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Ano ba'ng pangalan mo?"

"Cathy."

"Ang cute ng pangalan mo. Parang ikaw at plus bonus napakabait pa. Sana magkita tayo uli. Paulo ang pangalan ko."

"Ang baho ng pangalan mo." pang-aasar niya. "Grabe naman. Kung kailan nagkakilala tayo do'n pa tayo hindi magkikita. Pwera na lang kung iiwasan mo 'ko?"

"Mabaho pala ha?" hindi naman ako pikon pero galit-galitan muna.

"Biro lang. Hindi kasi bagay sa'yo." ok na, 'di na 'ko galit.

"Bakit naman kita iiwasan, kapag wala ka tatalon ako diyan kasi wala ng nagbabantay sa'kin. Masaklap ang tadhana natin kung hindi na tayo magkikita."

"Oy wag gano'n. Magagalit mommy mo 'pag ginawa mo yun."

"Ang future mother-in-law mo." pabulong na sabi ko.

"Ha?" litong tanong niya, halatang hindi naintindihan ang sinabi ko.

"Wala. Sabi ko mas dadalas pa ako rito niyan. Aabangan kita." ngiti ko sa kanya nang magring ang phone ko. "Andyan na! Uuwi na!" sigaw ko sa phone at pinatay na ang call. "Sige, una na ako sa'yo."

"Sige. Balik ka ha?" sabi niya.

Isang malambing na ngiti lang ang isinagot ko sa kanya senyales na babalikan ko siya at itinaas ang kanang kamay senyales ng pagpapaalam. Hindi ako makikipagflirt lang sa kanya. Gusto kong mapalapit sa kanya dahil nararamdaman ko siya ang makakapagpasaya sa akin. Gusto ko siyang makilala ng lubos dahil alam kong nahuhulog ang loob ko sa kanya. At higit sa lahat, gusto ko siyang makita muli dahil gusto ko lang. Hahanapin kasi siya ng puso ko.

>

Isang linggo na rin ang nakalipas matapos kong makilala si Cathy. Parang ako nga ang nakilala niya ng lubos. Iba talaga siya, dati'y kapag may kumausap sa akin na babae ay sila ang nakikilala ko ng lubos pati mga darkest secrets nila nalalaman ko pero ngayon, bumaligtad. Balik ako sa pwesto ko kung saan nakikita ko ang bubong ng mga bahay at ang bughaw na kalangitan. Madalas ding dumapo ang mga mapuputing kalapati sa aking tabi, dati sila lang ang nagbabantay sa akin dito pero ngayon, may Cathy na akong hinihintay at hindi ko alam kung naririto na ba siya kasi bigla na lang siyang susulpot.

Naisipan kong sumigaw gaya noong una naming pagkikita. Wala namang tao sa baba 'di gaya noon. "Paakaawaalaan Niiyoo koo saa paag-iisaa koo!" hingal ako matapos kong masabi ang nararamdaman ko. I feel relieved. Natuwa ako sa pakiramdam ko, napangiti ako habang nakadungaw pa rin. Pakiramdam ko lumilipad ako, pakiramdam ko malaya ako.

"Ano na pakiramdam mo? Ang ganda na ng ngiti mo ah." sabi ng babae sa likod ko. Bigla na lang siyang susulpot sabi ko na eh.

"Pakiradam ko? Ok na, hindi dahil naisigaw ko na, kundi dahil nandyan ka na. Namiss kita. Grabe."

"Mabuti naman. Musta naman ang buhay, ha Paulo?" nabibilib talaga ako dito kay Cathy kasi hindi siya nagpapadala sa mga bola ko. Nakahanap din ako ng katapat, gusto ko na siya.

"Ayun. Hindi na kumukulo ang dugo ko sa bagong asawa ni tatay. Tinitignan ko na lang ang positive side. Masaya uli si tatay."

"Mabuti naman at bumukas ang isipan mo. Siguro namimiss mo lang ang mommy mo kaya galit ka sa kanya, ang mommy mo lang ang gusto mo para sa tatay mo."

"Oo nga eh. Pakiramdam ko tuloy ang selfish ko. Buti na lang nandyan ka. Nilawakan mo ang tingin ko sa mga bagay sa mundo, pati puso ko pinasok mo."

"Di ako kasya diyan no! Wala naman akong ginawa eh. Ikaw mismo ang gumawa ng paraan."

Ngumiti lang ako at tumingin sa mga bahay. Huminga ako ng malalim, "Aang baiit ni Caathy!" sigaw ko ulit at nilingon ko siya. "At napakaganda pa." bulong ko sa tainga niya. "Salamat pa rin sa'yo. Huwag ka sana magsawa sa'kin. Napakaswerte ko at nakilala kita." paglahad ko ng nararamdaman ko.

"Welcome." sagot niya plus matamis na ngiti. "Nandito na rin tayo, bakit 'di ka pa magkumpisal? Para maging maaliwalas ang pakiramdam mo."

"Kanino naman? Wala si Father sa kumpisalan." inabot niya ang kamay ko at tumabi sa may pintuan. "Anong gagawin dito?" takang tanong ko.

"Basta. Sandali." pagkasabi nito ay lumabas siya ng pinto at isinara ito. Akala ko kinulong niya na ako pero hindi pala. "Ayan. Magkumpisal ka na. Sabihin mo sa pinto ang lahat, kunyari wala ako."

Sumakay ako sa trip niya. "Patawad sa aking pagiging makasarili. Sana bigyan niyo ako ng panibagong pagtingin sa mundo. Sana'y mapatawad ako ng mga taong aking nasaktan lalo na ng mga kababaihan. At sana," marahan kong sabi. "manatili sa tabi ko si Cathy."

"Ayan. Ok ka na. Paalam. Babalik ako kapag kailangan mo ako. Babantayan pa rin kita Paulo." masigla niyang sagot.

"Ha? Sandali..." sabi ko pero pagbukas ko ng pinto ay nagpalinga-linga ako sa paligid pero wala na si Cathy. Napakamisteryoso talaga ng babaeng ito, lalo tuloy akong nahuhulog sa kanya. Sana'y masalo niya ako sa pagbagsak sa ulap ng pag-ibig. Tanging isang paru-paro ang malayang dumaan sa harapan ko, na sana'y kapareho kong malaya. Sabagay, malaya ako. 'Yan ang tinuro sa akin ni Cathy.

Bumalik ako sa pagtitig sa kalangitan. Nabubuo sa mga ulap ang hugis ng kanyang mukha, binubuo rin ng grupo ng mga ibon ang ngiti sa kanyang labi at ipinahiwatig ng paru-paro ang kintab at sigla ng kanyang mga mata. Nakakatuwa dahil nakilala ko siya na parang ipinagtagpo kami ng tadhana, ipinakilala siya sa akin ng tadhana upang samahan ako sa aking problema. Binago niya ako. Hindi na ako pumupunta sa mga bar, hinahanap ko na lang siya sa bawat oras na lumipas. Hindi na rin ako nag-iisa, sinamahan niya ako at tinambakan ang malalim na hukay ng lungkot sa aking puso.

>

Dalawang araw ang lumipas matapos naming magpaalam uli ng saglit ni Cathy. Dalawang oras na rin akong naghihintay pero hindi siya dumarating. Galing din ako rito kahapon, pero kahit piraso ng pakpak lang ng anghel na ito ay hindi ko nasilayan. Ang dating kalapati na karamay ko, ngayo'y paru-paro na nagpapaalala sa akin kay Cathy. 'Sing ganda niya kasi ito at nakakarelax sundan ang paglipad nito sa maliit na kwarto kasama ang lumang dambana na parang si Cathy na ang nag-aaliw sa aking inip.
Buong araw lang akong nagmumuni-muni habang nakatitig sa hangganan ng lawak ng aking paningin. Gusto kong lakbayin ang nakikita ko, sana'y nakakalipad ako para mapuntahan ang lugar na nais ko. Namataan ko ang malapit na pagdampi ng araw sa horizon. Hindi siya uli dumating ngayong araw. Nalulungkot akong muli. Nagdesisyon akong tahakin na ang landas pauwi ng payuko at may labi na aabot sa ilong ang pagkasimangot. 

Pagbaba ko at pagdaan sa simbahan, dahil siya lang ang hanap ko ngayong araw kahit sa dami ng tao rito nakita ko pa rin siya. Nakatingin siya sa dalawang sa tingin ko'y magsyota na nagyayakapan. Nakangiti siya sa mga ito, malamang ay galing sa isang away at nagbati. Nakakatuwa silang pagmasdan, sweet at napakaganda ng ngiti.

Pagbalik ng aking paningin kay Cathy ay nawala na siya. Bagkus, isang paru-paro uli ang aking napansin kagaya ng nagbabantay sa'kin kapag nag-iisa. Hinanap ko siya sa paligid pero kahit kahawig at kasing ganda niya ay wala akong nakita. Hindi ko man lang siya nakausap.

"Hinahanap mo rin ba siya?" tanong ng isang matanda, sa tingin ko'y nasa edad 70 na ito.

Hindi ko ito pinansin pero naisip ko na may hinahanap nga ako. Hindi ako agad nagtiwala dahil baka modus lang ng mga batikan na sindikato ng magnanakaw ito. "Hinahanap mo si Cathy 'di ba?" dagdag na tanong niya nang mapansing paalis na ako at hindi siya pinansin. Napatingin ako sa matanda dahil paano niya nakilala si Cathy? "Bakit niyo ho siya nakilala?"

Naglakad palayo ang matanda pero may kung anong pwersa ang tumutulak sa'kin para tumapak ng panibagong hakbang para sumunod sa kanya. "Noong kasing edad mo ako, teka ilang taon ka na ba?" tanong ng matanda.

"23 po."

"23 rin ako noon. 73 na ako ngayon. 50 years na ang lumipas, noong makilala ko si Cathy." sabi niya. Nagulat ako sa kanyang isiniwalat, maraming tanong ang nabuo sa buhol-buhol kong utak. Mas minabuti ko ng matapos ang kanyang kwento at makinig na lamang.

"Kita ko sa kunot ng noo mo na nagtataka ka sa mga sinasabi ko. Paano ko nakilala si Cathy? Nasa tabing-ilog ako noon at umiiyak matapos pumanaw ang kuya ko. Si Cathy ang kumausap sa'kin at nagbawas ng sakit ng loob ko at nagbalik ng ngiti sa akin." nagpatuloy siya ng paglalakad nang masilayan ang sikat ng araw sa dapithapon.

"Manong, niloloko niyo 'ko eh. Paano mangyayaring nakilala niyo si Cathy 50 years na ang lumipas? Sa itsura niya ay nasa 20's lang ang edad niya." pagtutol ko sa kanyang pagmumuni-muni. Napakahirap paniwalaan ng kanyang sinasabi.

"Oo, mahirap paniwalaan. Kahit ako, hindi ako makapaniwala na may kagaya niyang nabubuhay at nakakasalamuha natin dito sa mundong ating tinatapakan."

"Manong lokohan to. Naiintindihan niyo ba ang mga salitang lumalabas sa bibig niyo? Tss." pagkasabi nito ay umalis na ako. Iniwan siyang umiiling at hindi pinaniniwalaan. Hindi na niya ako tinangka pang habulin.

Buong gabing nasa isip ko si Cathy at ang misteryoso niyang katauhan. "Baliw ata yung matanda kanina." sabi ko na lang dahil kahit paano ko isipin, realidad ito at imposible ang sinasabi niya. "Malamang nanonood pa siya ng fairy tale hanggang ngayon." tawa ko matapos maimagine ng malikot kong isip ang aking nasambit.

>

Bagong araw nanaman ang handa kong salubungin ng buong sigla. Dahil ito sa impluwensya sa akin ni Cathy, ang kanyang mga mahiwagang salita at ang misteryoso niyang pagkatao ang naging dahilan upang mahulog ang loob ko sa kanya.

Papunta ako sa aking tambayan para hintayin si Cathy gaya ng ginagawa ko sa bawat araw na lumilipas. Tumingala ako sa tore na parang hinahanap ng prinsipe ang prinsesa sa isang fairy tale. Eksakto namang nakita ko ang aking prinsesa na tinuturo ng mga ibon sa kalangitan. Dali-dali akong tumakbo palapit sa kanya dala ang isang milyang ngiti sa labi ko. Miss na miss ko na siya. Gustung gusto ko na siyang makita at makausap muli.

Sa tabi ng pinto ako'y tumigil. Iniisip ang tama at nararapat na sabihing pagbati sa kanya sa aming muling pagkikita. "Hi." sabi ko sa sarili sabay iling na hindi pagsang-ayon. "Nandyan ka pala." pwede na rin pero umiling pa rin ang ulo ko. "Kamusta ka na? Ang tagal mong hindi nagpakita. Miss kita." sabi ko sabay ngiti. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Bawat langitngit ng lumang pinto ay nasisilayan ko ang bawat bahagi ng kanyang katawan. Kanyang kamay, paa, likod, buhok at... pakpak?

Ang kanyang aura ay parang isang paru-paro, napakalumanay, tahimik at malamig sa pakiramdam, nakakarelax. Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Ano 'to? Ngunit imbes na matakot ay tahimik akong pumasok pero ang unang hakbang ko ay kanyang narinig. Sabay sa paglingon niya sa akin ang pagbalik ng kanyang pakpak sa kanyang likod at nawala. "Cathy..." nasabi ko na lang. Ang mga praktis at dialog ko sa likod ng pinto ay parang bulang pumutok, nawala.

"Kanina ka pa ba dyan?" parang balisa at gulat na tanong ni Cathy.

"Ah. H-hindi kadarating ko lang." sabi ko at huminga ng malalim upang mawala ang tensyon sa akin. "Kamusta ka na?" sabi ko sabay ngiti na parang wala akong nakita kanina.

"Haaay. Paulo, hindi ka marunong magsinungaling." sabi niya na ikinagulat ko pero pilit ko pa ring itinatago ang reaksyon ko. "Alam ko may nakita ka sa akin kanina na hindi mo dapat nakita."

"Ha? Ano naman yun? Naghubad ka ba dito kanina?" pagmamaang-maangan ko, ngumiti ako at pagbiro sa kanya.

Ngumiti lang siya, "Ikaw talaga. Sara mo ang pinto, lapit ka dito."

Isinara ko ang pinto at minabuting ilock din ito dahil alam ko na confidencial ang aking malalaman. Hindi kaya sila iisa ng matanda kahapon? Hindi pwede, lalake yun eh. Naalala ko tuloy ang mga sinabi ng matanda, 'hindi rin ako makapaniwala na may kagaya niya sa mundo natin.' Ito rin ang mga salita at tanong na nabuo sa isip ko. Humakbang ako palapit sa kanya, hindi alam kung ano ang nangyayari dito sa mundo.

"Alam ko, nakita mo ang mga pakpak ko." diretso niyang tanong sa'kin, halatang sigurado sa mga sinasabi.

"Sa totoo lang, oo, nakita ko. Paanong.." naalala ko ang itsura ng kanyang pakpak. Malinaw na kulay pink at papunta sa dilaw ang kulay nito na kahugis ng sa isang tutubi.

"Hindi niyo ako katulad, Paulo. Narito ako para pasayahin ang mga taong malungkot, pasiglahin silang muli at palakasin ang loob ng mahihina. Ito ang misyon ko." pagkasabi nito ay inilabas niya ang kanyang pakpak.

"Kurutin mo nga ako?" pakiusap ko sa kanya. "Baka kasi nananaginip pa ako."

Kinurot niya ang pisngi ko at nasa likuran pa rin niya ang mga pakpak niya. "Aray!" ang sakit, hinimas ko ang pisngi ko. "Pero bakit sinasabi mo sa'kin ito?"

"Dahil alam ko na nahuhulog ang loob mo sa akin, hindi tayo pwede Paulo. Hindi ako pwedeng umibig sa isang tao."

Pati 'yon alam niya? Baka nababasa niya ang iniisip ko? O baka halata lang talaga ako. "Bakit? Nabubuhay ka rin gaya namin rito. Pwede mong subukan." pakiusap ko sa kanya. Hindi ko na alintana ang uri niya, tao man o hindi. Basta! Mahal ko siya!

"Minsan ko ng sinubukan." malungkot niyang sabi. "50 taon na ang nakakalipas matapos kong makilala si Arnel. Nakita ko siyang malungkot sa tabing-ilog at dahil ang misyon ko ay magpasaya, nilapitan ko siya. Gaya ng ginawa ko sa'yo." pagkukwento niya. Bigla kong naalala ang matanda, 50 years ago at nagkakilala sila sa tabing-ilog.

Tumalikod siya sa akin at itinago ang pakpak upang lumingon sa langit. "Napalapit ang loob namin sa isa't-isa pero pinili niyang layuan ako hindi dahil hindi niya na ako mahal. Sa una ay hindi ko maintindihan pero sa huli, naisip ko rin kung bakit niya ito ginawa." nilapitan ko siya at sumabay sa pagtitig sa langit.

"Wala ng mas hihigit pa sa hindi pagiging makasarili pagdating sa pagmamahal." tinamaan ang puso ko sa mga katagang ito pero hindi ko pa rin maintindihan ang nais niyang ipahiwatig.

"Pinalaya niya ako ng walang alinlangan. Naaalala ko pa ang mga sinabi niya, Masaya kung magkakasama tayo. Pero kapag ako minahal mo, mawawalan ka ng panahon sa iyong misyon at higit sa lahat kapag ako'y nawala na, habambuhay kang magdurusa sa lungkot ng aking pagkamatay." pagpapatuloy niya.

"Hindi kita pwedeng mahalin? Gano'n ba?" sabi ko.

"Hindi naman sa gano'n. Ayoko lang na umasa ka na mas hihigit pa ang pagtrato ko sa'yo." sagot niya.

"Saludo ako kay Arnel." sabi ko ng may ngiti. "Napakahirap palayain ng isang bagay na nagpapasaya sa iyo ng todo." ngayo'y nakapagpasya na ako, ipapakita ko ang aking pagmamahal sa pamamagitan ng pagpapasaya sa kanya at pagtaliwas sa bawat makasariling desisyon.

"Oo nga. Ngayon, alam ko kahit hindi ko siya kapiling, laman ng puso niya ay ako, at gano'n din ako." tumingin siya sa baba at ngumiti. Napatingin ako at nakita ang matandang kumausap sa akin na kumakaway sa kanya.

"Huwag kang mag-alala, magkaibigan tayo. Habambuhay." sabi ko at ngumiti. "Salamat sa iyo, sana marami ka pang mapasayang tao." sabi ko.

"Siya nga pala, may babae sa baba, Cindy ang pangalan. Bagay kayo." sabi niya ng may ngiti at nag-anyong paru-paro siya upang lumipad ng malaya. Nakikita ko sa paru-parong ito ang ligaya at ang pagiging kuntento sa buhay.

Totoo nga na naririto siya palagi gaya ng una niyang sinabi sa akin, ngunit hindi lang siya nacurious sa itsura ko kaya niya ako kinausap kundi para pasiglahin ako at tulungan ako sa aking problema. Mananatili siya rito hangga't may taong kailangan ng panibagong sigla at kailangang magmulat ng mata sa katotohanan ng mundo.

Cathy. A lovely fairy summoned to picture love, and to be loved. An un-owned person who lives life freely and cheerfully despite the difficulties and missions she take.

_enD

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.