"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Sunday, August 04, 2013
Alaala
Parang letchon na buhat ng isang ama ang anak niyang pasaway sa kanyang balikat. Kita sa mga mata nila na masaya sila basta kasama nila ang isa't-isa. Nakangiti ang dalawa na halatang nag-aasaran. Nasa edad sampu na siguro ang bata habang ang tatay ay nasa kulang-kulang na 40 sa itsura. Maganda pa sa isang kumekembot na tsiks ang scenariong ito para sa akin habang naglalakad ako pauwi.
Parang nakita kong nakatingin si tatay sa `di kalayuan. Baka guni-guni ko lang yun dahil naalala ko siya. Kamusta na kaya siya sa bahay? Sana hindi siya naiinip habang wala pa ako. Hindi ko malilimutan kung gaano ako kakilalang-kilala ni tatay. Minsan kapag nakangiti ako sa kanya alam niya kung alin ang peke sa tunay. Alam niya kapag may problema ako. Sa mga panahong pinaniniwala ko ang ibang tao na masaya ako, bigla niya akong lalapitan at tatanungin kung ano ang problema ko. Mas kilala pa nga niya ako kaysa sa pagkakakilala ko sa sarili ko. May pagkakataon rin noong nagkaroon ako ng girlfriend, alam niyang hindi ko talaga ito mahal at nachachallenge lang ako pero 'di ako naniwala, alam kong mahal na mahal ko ang girlfriend ko. Isang taon akong nabuhay sa kasinungalingan, tama pala si tatay. Sabi niya, wala ng iba pang makakakilala sa isang tao kundi ang kanyang magulang.
Pinasan ka na ba ng ama mo sa balikat niya? Ito ang alaala ng isang ama sa kanyang anak. Kaya ka ring pasanin ng iyong ina pero iba kapag balikat ni tatay ang pumapasan sa akin. Pakiramdam ko napakataas na ng kinalalagyan ko. Pakiramdam ko ako na ang pinakamatangkad na tao. Pakiramdam ko matatag ang pamamalagi ko sa itaas. Sa mga panahong hindi mo makita ang dinadaanan mo o ang nasa harapan mo, nandyan si tatay nahanda kang pasanin sa balikat niya at ipakita sa'yo ang hinaharap na nais mong makita. Tutulungan at aalalayan ka niyang umabot sa tamang taas na kailangan mo para hindi ka naman sumobra at maging mapagmataas. Parang gusto ko tuloy magpapasan muli kay tatay, kaso malaki na ako, nakakahiya na at mabigat na ako.
Nawawala nanaman si tatay. Nakikipagtaguan nanaman yata siya kay nanay. Nakakainis na ito ang laging nangyayari pag-uwi ko galing sa eskwela. Tumalikod ka lang kasi, mawawala na siya. May sakit si tatay na isang uri ng demensya, may isang oras ng araw ng nakaraan ang lagi niyang nauulit maalala. Marahil dahil tumatanda na rin siya pero kapag ako naman ang kasama ni tatay, hindi naman siya nawawala. Bakit ba kasi siya iniiwan ni nanay? Alam na niyang nasa ganito siyang sitwasyon, bibigyan pa niya ng pagkakataong mawala sa paningin niya.
Isang natural na reaksyon ko ang ibato ang bag ko sa kama at lumabas ng bahay upang hanapin si tatay. Halos araw-araw ko na itong ginagawa at hindi pa nga ako nakakapagbihis man lang. Hinarang ako ng imahinasyon ko na sumilip muna sa salamin bago lumabas. Umarte na rin ako ngayong teenager na ako, baka nagulo ang buhok ko o may mantsa o lukot ang damit ko pero may iba akong nakita. Nakita ko si tatay sa likuran ko na inayos ang bag ko na ihinagis kanina.
"Nandyan lang pala-" nahimasmasan ako nang mapagtanto na sarado ang pinto, paano siya makakapasok ng hindi ko napapansin gayong nasa tabi lang ng salamin ang pintuan? Mabilis akong lumingon pero walang alikabok ang gumalaw sa posisyon pwera sa aking bag. Naayos ito ng pagkakalagay pero wala ni isang bakas ni tatay. Paanong...?
"Oy! Ben! Hanapin mo nga muna ang tatay mo!" sigaw ni nanay.
Hindi na niya kailangan pang sumigaw. Napatigil lang ako saglit, lalabas na dapat ako. Baka imahinasyon ko lang 'yon... Pero imposible eh.
Dali-dali akong tumakbo papalabas ng daan. Buti na lang at hindi na ako pinahirapan ni tatay dahil patawid na siya at nakangiti sa akin nang masulyapan ko. Pagdaan ng isang jeep, wala si tatay sa kinatatayuan niya kanina. Nawala rin ang ngiting sumilip lang sandali sa mga labi ko. Napalitan ng pangingilabot dahil pangalawang beses na ito sa maiksing panahon lamang.
Ilang minuto rin akong tumitingin sa kaliwa at kanan bago tumawid nang marinig ko ang boses ni nanay. "Nakita mo na ba siya?" tanong ni nanay mula sa likuran ko. Nilingon ko siya, sasagot sana ako pero muli siyang nagsalita. "Ayan na pala siya eh. Aaaaaaaaaaaayyyy!!!" tili niya kasabay ng isang kalabog na nagpabalik sa ulo ko sa pagtingin sa daan.
Kita ko ang pagsugod ni nanay sa nakaparadang van. Bakit? Napatingin ako sa mamang nakahiga sa gitna ng daan. Ilang segundo matapos tumakbo ni nanay ay sumunod ako na may hindi mapigilang patak ng luha sa mga mata. "`Tay..." hindi siya sumasagot. Inalog ko ang katawan niya pero parang lantang gulay lamang siya. Hindi pwede `to!
Alam mo ba ang pakiramdam ng namatayan ng minamahal? Tagusan sa puso ang tinik na pati ang kaluluwa mo ay parang natusok ng thumbtacks at konting galaw lang ay masakit. Sa lahat pala ng pagkakataon isa lang ang dahilan ng paglabas o pagtakas ni tatay. Ito ay ang alaala noong ginabi akong umuwi noong sampung taong gulang pa lamang ako. Naglalaro lang ako noon pero nang makita niya ako, hindi man lang niya ako pinagalitan, bagkus, niyakap lang ako ng sobrang higpit. Hanap pala siya ng hanap sa akin. Kaya pala kapag wala ako saka lang din siya nawawala. Bakit hindi ko man lang alam? Bakit hindi ko man lang naisip? Bakit hindi nila sinasabi sa'kin? Bakit hindi niya sinasabi sa'kin? Bakit kailangan pa niya akong hanapin? Bakit araw-araw na lang siyang ganito? Bakit gano'n siya mag-alala sa'kin? Bakit siya nagpakita bago siya mawala? Bakit nakangiti pa rin siya sa kanyang kabaong habang kami rito ay umiiyak? Bakit hindi na niya ako naririnig ngayong sasabihin kong mahal na mahal ko siya? Bakit hindi na niya ako pinapansin? Hindi na ba niya ako papasanin? Bakit hindi niya ako pinagalitan noon? Bakit kailangang mangyari ito ngayon? Bakit?
~enD
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.