"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Saturday, November 03, 2012
Noong Bata Ako 7
Muntik na akong hindi makatulog kagabi dahil sa mga huling kataga ni Ed sa'kin. Wala akong nareply kundi 'sige..gudnyt.' Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko kung nagta-tumbling ba ako o magpapagulong-gulong sa daan. Pilit kong pinakiramdaman ang puso ko kung kaya ko bang tapatan ang pagmamahal na ibibigay niya sa akin. Napangiti ako. Heto ako ngayon, nakahiga sa kama naghihintay ng text galing sa kanya habang nagmumuni-muni at nakikipagtitigan sa butiki sa kisame.
Tumayo ako at tinignan ang sarili sa salamin. "Ok naman ang figure ko at malinis naman ang mukha ko." sabi ko sa sarili at umikot pa ng isang beses sa harap ng salamin. Cute pa rin akong tignan kahit bagong gising, sabi nila ay kahawig ko si LJ Reyes. Napawi ang ngiti ko nang makakita ng imahe sa gilid ng salamin kaya agad ko itong nilingon pero wala naman akong nakita at pagbalik ng mga mata ko sa salamin ay wala na rin ang imahe. Napatigil ako sa pagpapantasya dahil dito at inasikaso na ang pagpasok sa eskwela.
Excited akong pumasok sa eskwela sa umagang iyon dahil natapos na ang katatakutang nangyari sa akin noong mga nakaraang araw. Tinigilan na ako ng babaeng may hiwa pero alam kong hindi ko malilimutan ang mga pangyayaring ito.
Tutut, tutut. One message received.
"good morning.." text ito galing kay Ed.
"morning din.." reply ko at muling naalala ang pag-amin sa akin ni Ed. Napapangiti ako mag-isa sa pag-alala lamang nito. Pinagtitinginan nanaman ako dahil dito pero kinapa ko na rin ang bandang pwetan ko para masigurong wala ng bubble gum dito.
"ingat sa pagpasok.."
"ako pa?:)" tipid kong sagot.
"bakit pala hindi ka dumalaw kahapon? akala ko kasama ka ni tina.."
Napaisip ako kung anong palusot ang isasagot ko sa kanya. "may inasikaso lang kasi.." pagsisinungaling ko. Alam kong gasgas na palusot na ito pero ito ang unang pumasok sa isip ko.
"pwede mo naman akong daanan dito kahit sandali lang.." pagtatampo pa niya.
Hindi ako nagreply hanggang makarating ako ng eskwela. Pagtingin kong muli sa cellphone ko ay three messages received. Tatlong 'ui' ang reply ni Ed kaya napilitan akong magreply muli.
"nasa school na ako..sori late reply.." ewan ko ba kung bakit ko siya binabalitaan ng nangyayari sa akin ngayon. Kataka-taka ring hindi ako ginugulo nina Gelo at Reden ngayong umagang ito.
"naida..may sasabihin ako.." aniya sa text.
"ano `yun?"
"pwede ba kitang ligawan? paglabas ko ng ospital, sa'yo ako unang pupunta.." nagulat ako sa sinabi niya. Liligawan niya ako?
"ehh bakit mo naman ako liligawan?" denial effect.
"obvious ba? kasi gusto kitang maging girlfriend.." oo nga naman tanga tanga talaga.
"wag mo munang isipin yan..magpagaling ka muna.." hindi ko alam ang sasabihin at ito na lamang ang natype ko sa reply ko. Sent.
"ewan ko kung kaya ko kasi puro mukha mo ang laman ng isip ko ngayon.."
"oa ka.." tipid kong reply. Hindi ko talaga alam ang sasabihin.
"parang sticker nga na nakadikit sa mga mata ko ang mukha mo.."
"nandito na si sir.." sabi ko na lang kahit wala pa.
"ganoon ba? sana maramdaman ko ang pag-aalaga mo naida..hihintayin kita rito mamaya.." may konting kirot sa dibdib ko ang sinabi niyang hihintayin niya ako. Magagawa ko bang suwayin ang ipinagbilin ni Aling Rina? Sana naman ay mapagbigyan pa niya ako kahit isang bisita na lang.
"sige..pahinga ka lang.." parang gusto kong dagdagan ng 'loveu' sa dulo ng text pero binura ko ito dahil hindi pa ako sigurado sa nararamdaman ko. Susubukan kong pumuslit at bumisita mamaya at kukuntsabahin ko si Tina. Kailangan kong makita ng personal si Ed. Kailangan.
>
Lumipas ang oras na wala ako sa sarili ko at hindi na yata mawawala ang panghuhusga sa akin ng mga tingin ng mga taong nakapaligid sa akin habang palapit ako kay Tina na kausap ang katabi. Mabagal akong lumapit sa kanya habang pilit pinipiga ang pasmado kong utak dahil hindi nagagamit.
"Ahm, Tina..." sabi ko habang nag-iisip pa rin kung paano sasabihin ng tama ang gusto kong sabihin.
"Oh Naida, bibisita ako mamaya kay Ed kasama sina Reden at Gelo. Gusto mong sumama?" sagot niya sa akin pagkakita sa parang hilo kong mukha kakaisip ng sasabihin.
"Hmm... Alam mo namang pinagbawalan akong bumisita sa kanya diba?" sabi ko.
"Sige Tina, bukas uli tayo magchikahan." sabay kaway ng katabi ni Tina.
"Sige, bukas." sagot naman ni Tina. Sinundan ko lang siya ng tingin habang naglalakad palabas ng pinto. "Oo nga pala. Pero bakit kaya gano'n ang inasta ni Aling Rina sa'yo?"
"Naiintindihan ko naman siya kasi dahil sa'kin napahamak si Ed pero Tina-" napatigil ako nang biglang kumabog ng mabilis ang puso ko.
"Ano?" takang tanong naman niya.
"Kasi-" nahihiya akong sabihin sa kanya.
"Kasi?"
"Gusto ko siyang makita." ayan na nasabi ko na magbblush na ako at mamumula, mag-uumpisa na ring manginig ang kamay ko at maiinsecure sa isasagot niya.
"Uy! Sabihin mo-" sabi ni Tina ng malakas kaya sinenyasan ko siya ng huwag maingay kaya bulmulong ito, "sabihin mo, nakatext mo na siya?"
Tango lang ako kasi medyo nahihiya ako at parang pulang-pula ang pisngi ko.
"Alam mo-"
"Hindi."
"Sabi ko nga pero noong kinuha niya sa akin `yung number mo. Ayiii !" impit na tili nito. "Kinikilig ako. Hihi."
"Sabi niya, namimiss ka daw niya kasi hindi ka dumalaw sa kanya. Hinanap-hanap ka na niya Dang!"
Kahit medyo nahihiya ay napangiti ako sa mga sinabi niya. "Kaya nga gusto ko siyang makita-"
Gulat na reaksyon. "`Wag mong sabihing?" kahit putol ang sentence niya ay alam ko na ang ibig niyang sabihin.
"Ewan ko." nabigla ako sa sinabi ko.
"Ayiiiiii !"
"Hindi gano'n sa iniisip mo! Grabe ihh..."
"Sige, ganito ang plano. Pauunahin ko sina Gelo at maghihintay tayo sa labas ng ospital. Tapos sasabihin ko mabilisan lang sila at magpahatid sila kay Tita Rina. Tapos kasi ilulusot kita at magkikita kayo ng bago mong crush!" masiglang sabi ni Tina.
"Effective kaya `yan?"
"Ang nega mo! Effective `yan! Gelo! Tara!"
"Sabay-sabay tayo?" sabi ko kasi parang nakakailang.
"Oo." sabi ni Tina sabay ang paglapit ng dalawa at kinausap sandali ni Tina.
"Ok." sabi ni Reden. Naiilang ako pero tinignan ako ni Gelo. Hindi ko maintindihan ang tingin niya at sumulong na kami sa aming lakad.
Nauunang naglalakad sina Gelo nang nasa labas na kami ng ospital at nagpaiwan kami sa isang kainan sa may daan.
"Oy! Bilisan niyo!" sigaw ni Tina.
"Oo `wag kang mag-alala." sagot ni Reden. Nakakapanibago ang katahimikan ni Gelo sa'kin.
"Text niyo ko ha?!"
"Tina-" sabat ko.
"Ha?"
"Parang hindi ako kinakausap ni Gelo."
"May gusto ka rin sa kanya?"
"Che! Dati kasi kinakausap naman niya ako bago pa noong inaaway niya ako."
"Baka nahihiya sa'yo dahil doon."
"Baka nga."
"Tara kain tayo." sabay turo sa Chickboy.
>
Noong bata ako, ipinaghihimay ako ni nanay ng isda at hipon. Paborito ko noon ang hipon dahil kapag natapos balatan ni nanay ay hindi na umaabot sa plato ko ang hipon, agad ko itong inaagaw sa kamay niya at kinakain. Madalas ngang matira noon ang kanin ko kasi hindi ko na ito naasikaso kung hindi rin ako susubuan ni nanay. Kakalong pa ako sa kanya noon habang sinasabing 'Here comes the plane.' Minsan train, minsan plane, minsan jeep, minsan barko pero hindi ko binubuka ang bibig ko kapag sinabi niyang 'Subo na.'
Tatlumpung minuto na ang nakalipas nang magtext si Reden kay Tina na paalis na raw sila kaya napaigtad ako noong naramdaman kong malapit na kaming magkita ni Ed, ng patago.
"Oy bilisan mo. Andyan na sila sa labas." pagmamadali sa akin ni Tina na lalo kong ikinataranta.
"Nandyan na sandale." wika ko.
Iniligaw muna nila ang paningin ni Aling Rina sa amin saka kami pumuslit papasok. Intense, parang `yung noodles. Malapit na lang ay makikita na kami. Parang bata na naglalaro ng taguan. Kulang na lang ay parang action star kami na tumalon palayo at bumabaril habang nasa ere at padapang babagsak tapos gugulong.
Second floor lang ang room niya kaya hindi kami nahirapan makaakyat pero alam ko na hindi ako dapat magtagal. Si Tina na ang nagbukas ng pinto at una akong pumapasok. Hinahabol ko ang hininga ko na hindi ko alam kung bakit ko ito hinahabol gayong hindi naman ito tumakbo palayo.
"Ed..." sabi ko at nakita ang naka surgical mask na si Ed. Napatingin siya sa'kin. Nagkatitigan kami habang pilit kong pinapahinahon ang nahabol kong hininga pero tumakas naman ngayon ang puso ko at tumakbo palayo sa bilis ng kabog nito.
"Kapagod no Naida pero exciting! Sa susunod-" napatigil ito nang maramdaman ang ihip ng hangin ng pag-ibig na pinapaalis siya. "Sige. Dito lang ako sa labas." pagkasabi nito ay tinulak niya ako palapit kay Ed.
Nakakatawa kasi hindi ko maramdaman ang paa ko. Ang bigat nila pero kaninang tinulak ako ni Tina ay parang papel naman ang mga ito sa gaan. Napatingin ako uli kay Ed. Ano na? Magtitinginan na lang ba kayo? tanong ng Naida sa isip ko.
Nakita kong gumalaw si Ed para abutin ang papel sa katabing mesa. Hindi na ako nag-isip, kusang gumalaw ang paa ko at tinungo ang papel na pilit niyang inaabot. Nakita kong umusog siya palapit sa mesa at eksaktong hawak ko ang papel para iabot sa kanya ay sakto namang nahawakan din niya ito. Ang corny pero nahawakan niya ang kamay ko habang nakaangat ang isang pad ng papel na pinag-aagawan ng kamay namin. Parang start-up lang ng Nokia ang kulang na lang ay ang ring tone nito.
Shet! Mamumula nanaman ako niyan tapos bibitawan niya ang kamay ko tapos babawiin ko bigla ang kamay ko tapos, tapos malalaman ko nagpapantasya lang pala ako. Inabot ko sa kanya ang papel sabay isip kung saan ba nag-umpisa ang pagpapantasya ko.
"Hindi na ako magtatagal kasi pinagbawalan ako ni Aling Rina na dumalaw sa'yo. Para na rin sa ikatatahimik niya at ikabubuti mo." sabi ko pero napansin ko na parang walang sense ang mga sinabi ko kaya magsasalita ulit ako. "Gusto lang kitang makita." OMG! Gosh! Lumabas sa tainga ko ang init ng katawan ko. Hindi ako makapaniwalang masasabi ko `yon sa kanya, bigla akong nahiya.
Nagsimula siyang magsulat, naexcite ako sa mga makikita ko. Kikiligin ba ako? Maiihi ba ako? Nasaan ba ang CR? Pati `yong phone para sa nurses kasi baka himatayin na ako dito sa excitement. Nakakabitin sana makita ko na ang sinulat niya, napahaba kasi ang litanya ng author kaya hindi ko pa mabasa.
"Mas bubuti ang lagay ko kung narito ka lagi. Ikaw ang gamot ko Naida. Pwede ko bang maramdaman ang yakap mo?" pagkabasa ko nito ay tumingin ako sa kanya at inanyaya niya ako na damhin ang init ng katawan niya.
Dahan-dahan akong yumuko at inilapat ang kamay ko sa dibdib niya. Idinagan ko ang katawan ko sa kanya at kinulong niya ako sa bisig niya. Hindi ko alam ang dapat kong maramdaman parang nakahithit ako ng medyas pagpikit ko kasi akala ko heaven na ang narating ko. Sa lapit ko ngayon ay naririnig ko ang tibok ng puso ni Ed, pilit kong pinagsasabay ang pagtibok ng puso namin pero hindi ko ito kayang kontrolin. Lingid sa kaalaman ko, nakangisi pala si Ed habang nakasubsob ang mukha ko sa kanyang balikat.
"Naida! Parating na si-" napatigil si Tina sa pagsasalita nang makita ang posisyon namin. "Excuse me lang kasi pabalik na si Tita."
Napatulak ako kay Ed, buti na lang ay hindi nasaktan si Ed sa pagkakatulak ko. Agad kong inayos ang damit ko at ang buhok ko. Tatakbo na sana ako palabas nang bigla akong hinatak pabalik ng goma na nakatali sa dibdib namin, nauwi ito sa paghalik ko sa kanyang noo at pagngiti sa kanya. Kita ko sa mga mata niya ng gulat pero pagtalikod ko ay masamang tingin ang sumunod sa likuran ko.
..itutuloy..
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.