Friday, November 30, 2012

Teenage Destiny 2


Online...Chapter 2

Nakakapanibago ang barkada kapag tahimik ang isa. Para kang nasa Inuman Sessions ng Parokya ni Edgar pero hindi nagtutugma ang mga tinutugtog. Napakaboring ng inuman na`yon. Alam ng lahat na si Andrei ang unang aakbay kapag dumarating ang chicks pero noong gabing `yon, wala siyang ibang hawak kundi ang basong may yelo. Magkatabi sila ni Dinia pero wala man lang itong imik kahit dati rati kapag may ganitong inuman ay laging siya ang napagtitripan ni Andrei, hinahanap niya `yon.


Gaya ng dati, ang mga dakilang tambay ay susugod uli sa internet cafe ni Kuya Ben. Kataka-takang hindi nila kasama si Andrei.

"Kulang yata kayo?" tanong ni Kuya Ben. "Hindi yata gano`n kalaki ang kita ngayon ah."

"Nagrereklamo ka Kuya Ben?" sita ni Dinia. Taas lang ang kamay nitong hinarap ang server. "May alam ba kayo sa inaasta ni Andrei?" baling ni Dinia sa mga kabarkada.

Umiling si Jems. Iwas lang ng tingin si Lester. "Wala akong alam dyan." sabi naman ni Rence. "Baka may nambasted sa kanya." sabat ni Bryan.

"Wala namang paki `yun kung mabasted siya eh." sabi niya at umupo sa isang bakanteng pwesto. Hindi na sumagot ang iba at nagkanya-kanyang upo.

Kapapasok lang ng account ni Dinia pero may isang message agad siya. "Online ka ngayon, sayang dapat ngayon na tayo nagkita."

"Eh sa tinatamad pa `ko eh." sagot niya.

"Ang sama. Hmp! Bahala ka. Basta hintay lang ako. :)" sagot nitong Alexa.

"Ok. Darating tayo dyan." sagot niya. "Oy pareng Jems, mabait `to. Magugustuhan kaya siya ni Andrei? Baka bumalik na ang sigla niya. Sa tingin mo?" sabay pakita sa babaeng character sa Ragnarok Online.

"Ipapakilala mo?"

"Oo. Kung gusto niya."

"Ayaw no'n." sabat ni Lester. "May gusto kasi `yon kaya ganyan siya."

"Sino?!" tanong naman agad ni Dinia. "Kilala ko?" excited niyang tanong.

"Lapit ka rito ibubulong ko."

Tumayo si Dinia kahit na malayo pa ang kinauupuan nito. "Secret." sabi naman ni Lester. Agad namang hinampas ni Dinia sa mukha si Lester.

"Para kang sira! Pinatayo mo `ko para sabihin `yan?" tawa lang ng tawa si Lester at hindi pinansin si Dinia.

"Bakit ba interesado ka?" tanong ni Bryan.

"Concerned!" sigaw ni Lester.

"Mga malisyoso. Bahala siya. Kung ayaw niyo sabihin kung bakit gano`n ang inaasta niya. Bahala kayo. Wala naman akong pakialam sa kanya."

"Lalabas na ang monster niyan, ala ka Lester!" sigaw ni Jems pero hindi na ito pinansin ni Dinia.

>

Si Andrei kanina pa binabahing, akala niya sisipunin siya kaya lumabas para bumili ng gamot. Kung alam lang niya kung paano siya pag-usapan ng mga barkada niya. Lahat sila concerned pero si Dinia ang pinakanag-aalala kay Andrei. Ikinatuwa ni Andrei `yon. Naalala niya ng scenario noong nagdaang gabi nang may tama na halos ang lahat except siya.

"Andrei, ba`t ba ang tahimik mo?" tanong ni Dinia.

"Wala lang. Wala ako sa mood. Pinilit lang ako ng mga `to na dito tayo uminom kasi ayaw ko sumama sa kanila."

"Tapos hindi mo na chinachansingan `yung mga chicks mo."

"Eh masaya naman sila dyan kahit hindi ako ang kausap nila."

"Edi solo pala kita." sabi ni Dinia na ikinagulat ni Andrei. Hindi niya alam kung paano itatago ang pamumula ng mukha niya sa narinig. Pumlakpak ang tainga niya at nagtumbling ang tutuli sa excitement na nararamdaman niya. "Joke lang. Hahaha!" bawi naman ni Dinia nang makita ang sigla sa mata ni Andrei.

"Ang lungkot mo kasi, `yan kahit papano nabuhay ang dugo mo." Hindi niya alam, `yun talaga ang totoong reaksyon ni Andrei kung sasabihin nga ito ni Dinia sa kanya.

"Naalala kaya niya ang mga ginawa niya kagabi. Pasensya na Dinia kung ganito ang nararamdaman ko para sa`yo." pagkasabi nito ay napalingon siya sa paligid baka may nakikinig sa kanya.

Nang masigurong wala, tinuloy niya ang pagpapantasya. "Dinia, sana hayaan mo akong mahalin ka higit sa barkadang turingan natin. Sana matutunan mo rin akong mahalin."

"Pero Andrei, kaibigan lang ang tingin ko sa`yo, hanggang doon lang." sagot ng Dinia sa pantasya niya. Pati ba naman sarili niya babastedin niya? Napailing na lang siya para mawala ang ulap sa may ulo niya, nasuntok pa nito ang sariling mukha para magising sa kanyang panaginip habang gising.

Lalo pang nagpagising sa kanya ang pagkabangga sa isang lalake. "Sorry." sabay nilang sabi at tuluy-tuloy lang naglakad. Nagtetext ang lalake habang naglalakad kaya nabangga niya ito. Kung snatcher lang siya, naitakbo na niya ang cellphone nito. Kung babae lang ang nakabunggo niya, alam niyang hindi niya mapipigilan ang sarili na magpakilala lalo na kung sexy at maganda ang babae. Naalala niya si Dinia, kung si Dinia ang makakabangga niya. Tutumba ito pero mapipigilan niya at masasalo niya sa mga bisig niya, magkakatitigan sila at akmang hahalikan niya ito ay bigla siyang sinampal. "Aray." napaaray siya sa imagination niyang sampal ni Dinia. Talagang pati ang isip niya kinakalaban ang puso niya.

Madalas kasing mamiss-understood ang mga one-of-the-boys na mga malalandi dahil laging kadikit ay lalake. Hindi natin mahuhusgahan ang mga tao sa kilos lang nila dahil hindi natin alam ang dahilan kung bakit nila ito ginagawa. Don't judge the book from cover to cover if you haven't understood what you read.

>

"Dinia, nakahilata ka naman dyan? Alas-dyes na nakahiga ka pa rin?" sabi ng nanay ni Dinia habang tinitignan ang anak. "Ayusin mo nga `yan higa mo at baka pumasok ang ipis dyan sa pagitan ng hita mo. Tumayo ka na nga."

Walang imik si Dinia at walang tigil sa pagpindot sa kanyang cellphone.

"Aarrrrgh! Bahala ka nga! Ang tamad mo!" pagkasabi nito ay pabagsak na isinara nito ang pinto. Si Dinia naman ay nakangiti lang. Akala mo pinagtatawanan niya ang nanay niya? Nagkakamali kayo, katext lang niya si Alexa.

"may bf ka ba?" send to Alexa.

"eh wala..bakit mo naitanong?" from Alexa.

"parang tinamaan na ako sa'yo..." to Alexa.

"ha? ba't di ka umilag? eheh" from Alexa.

"sadya ko `yun..kasi you can't miss me.." to Alexa.

"haha. adik!" from Alexa.

"adik sa'yo..:)" to Alexa.

Kung babasahin mo ang mga text at susubaybayan ang pag-uusap nila, hindi mo aakalaing babae pala si Dino na ang pakilala ay Dinia kay Alexa. Maraming mga teenager ang nagkakakilala dahil sa text at mga clan sa cellphone. Madalas may naloloko rito at madalas ring may nagkakatuluyan. Madali kasing makipag-usap gamit ang cellphone o online kasi hindi ka mahihiya at mapag-iisipan mo ang sasabihin mo bago mo ito isend. Hindi mo rin nakikita ang kausap mo, pabor para sa mga torpe.

"Ayos `tong si Alexa, bagay kay Andrei. May pagkaflirt pero mabait at hindi tipong niloloko." bulong niya sa sarili at nagpipipindot nanaman.

"may tanong ako..." to Alexa.

"sure..ano `yun?" from Alexa.

"may problema kasi yung tropa ko..may nagugustuhan siya pero hindi niya pa sinasabi sa'min, pakiramdam ko lang..tapos parang nabasted siya kasi lagi siyang balisa at wala sa sarili..eh hindi naman ganon `yon kahit nabasted na.."

"so anong problema?"

"ha? eh, anong magandang gawin para hindi na siya malungkot?"

"nax..ang bait mo pala Dins..hayaan mo lang siya mapag-isa..pero kung concerned ka sa kanya at gusto mo siyang maging jowa, damayan mo.."

"sobra ka naman..hindi ako talo sa lalake."

"mas gusto kasi ng lalake na itago ang problema nila..minsan kakwentuhan nila, alak..okaya ibang babae.."

"ganon..wala namang binabanggit sa'min yung tropa naming babae.."

"may tropa kayong babae?"

"oo..bakit?"

"ganito pakilala ka ng bagong babae sa kanya..ako pwede.. naghahanap naman ako ng next bf ko.." from Alexa.

"Ayos!" bulong niya pero may pumasok uli na text bago pa siya makapagreply.

"kung ipamimigay mo 'ko.." from Alexa.

"hmm..ganito..meet tayo tapos itoka kita sa kanya.." to Alexa.

"deal..kelan?"

"kausapin ko muna.."

"Nice!" sabi niya uli sa sarili.

>

"Oy, oy, oy!" sabi ni Andrei kay Kuya Ben. Napatigil siya noong nandoon si Dinia pero hindi siya naglalaro. Ilang siyang kausapin ito pero nang papalapit na siya sa kanya ay hindi na siya nakagalaw. Parang na-bulldog super glue `yung paa niya.

"Maglalaro ka?" tanong nito kay Andrei. "Kakausapin sana kita."

Oy teka sabi niya sa puso niya nang maramdamang kumakatok ito sa kanyang dibdib. "Ano ba'ng sasabihin mo?" Heto na, aamin na siya. Sinabi kaya ni Lester sa kanya ang lahat? Ano kaya ang sasabihin ni Dinia rito? Ano kaya ang reaksyon niya nang malaman ang lahat? "Sinabi na ba ni Lester?" bigla niyang tanong.

Mali! Mali! Dapat hinayaan ko na lang na magsalita siya. Shit! sabi ng isip niya. Ang tanga mo talaga sabay batok niya sa imahe ng sarili sa isip.

"Ano? Teka ano ba'ng dapat sabihin ni Lester?"

"Ha? Ah. Wala wala."

Biglang hinugot ni Dinia ang cellphone niya. Ano'ng ipapakita niya? Scandal? May nangyari ba sa'min noong lasing ako? sabay batok nanaman sa sarili sa isip. Hinila siya ni Dinia sa labas hawak ang kamay nito. Parang tumigil ang oras, para siyang saranggola ngayon na nililipad ng hangin papuntang heaven kahit na kanina ay para siyang kasing bigat ng bato.

"Hoy!" sabi ni Dinia at sinuntok sa sigmura si Andrei.

"Aaahhkk..." nagulat pa ito dahil hindi siya ready kahit hindi ganoon kalakas ang suntok ay tumagos ito sa kanyang abs. "Bah-kit bah?" sabi pa niya habang nakayuko at hinihimas ang tyan.

"Para kang nakahigh. Eto, may katext ako gustong makipagkita sa'yo."

"Ha?" gulat pa ito sa sinasabi ni Dinia kasi hinidi `yon ang inaasahan niyang sasabihin nito.

"Try natin."

"Si Jems na lang. Ayoko munang makipagkita sa iba."

"Bakit? May tumali na ba sa'yo?"

Gustong isagot ni Andrei na Oo pero pinigil niya ang sarili. Torpe... Torpe... Torpeeeeee... bulong ng isip niya. "W-wala."

"Nakakapanibago ka Drei, kasi hindi ka naman tumatanggi sa chicks dati ah. Lalo na `pag ako ang pumili para sa'yo." gustong sabihin ni Andrei na Manhid ka Dinia! pero tinamad siya.

Lingid lang sa kaalaman ni Dinia ang lahat ng nararamdaman ni Andrei para sa kanya at pinili niyang magpakachickboy (hindi chicken na baboy) at mang-akit ng chicks para malimutan ang nararamdaman para kay Dinia pero parang lalo lang siyang napapamahal dito. Kasi lahat halos ng pili ni Dinia para sa kanya ay may pagkakapareho sa ugali niya mismo kaya parang si Dinia ang mga kaflirt at kafling niyang mga babae.

"May nakatext kasi ako, akala ko babae `yun pala bading. Kaya pala hindi umayaw noong hingan ko ng load. Buti pala hindi gaya ng ibang mga babae na nasyota ko sa text ang ginawa ko." palusot ni Andrei. Muling bumulong sa tainga niya, Torpe... Torpe... Torpeeeeee...

Humalakhak si Dinia at kahit na ganito siya umasta na parang lalake, nagustuhan siya ni Andrei. "Buti kamo nakipagkita ka muna. Hahaha!"

"Oo nga!" huminga siya ng malalim at tinanggap ni Dinia ang palusot niya. Magaling talagang magtago ng sikreto si Andrei.

"Ayaw mo talaga?"

"Mapilit ka? Idaan natin sa toss coin." bumunot siyang piso at inabot kay Dinia. Bahala na ang kapalaran sa'kin sabi ng isip niya.

"Kapag lumitaw ang pugot na ulo ni Rizal, sasama ka sa'kin." pumintig ang tainga niya, Wow! Parang date. sabi ng makulit niyang isip. 

"Three stars and a sun sana." sabi naman ni Andrei.

Heads.

"Naku. May daya `yan!" sabi niya hindi niya matanggap na parang ipinamimigay siya ng tadhana.

"Para ka namang pulitiko, kapag natalo nadadaya!"

"Sige. Usapang lalake." nagtama pa ang kamao nila pero sa loob loob ni Andrei ay sapo niya ang kanyang noo.

...Offline...itutuloy...


No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.