Saturday, November 10, 2012

Minesweeper




"Hey James, I invited you to play Sim City."

Nakakainis na mga game requests na 'to akala ko nagwall post na si crush sa akin. Mapapamulagat na lang ako ng mata at napasipsip ulit sa tumutulo kong laway kasi hindi pala siya ito. Ang nakakdismaya pa ay hindi naman ako naglalaro ng ni-request nitong babaeng `to.

"Pinilit kong maging bakal ang puso ko.. Hindi ko naman alam, gawa pala sa magnet yang sa'yo. " sabi ng status nitong Abby. Parang na-magnet din ako ng bakal na ito para pumindot sa keyboard at sabihing "Kaya pala, dumidikit din ang puso ko sa'yo."


"Ano `to banatan ng pick-up lines?" sabay smiley na ngiti sa kanyang sagot.

"Ay! Hindi! Kilitian `to." sagot ko naman. Kiniliti niya na pala ako sa malandi naming sagutan.

"Have we met before?" takang tanong niya malamang nagtataka kung bakit may wierdong James na nagcomment bigla sa status niya. Sino nga ba ako sa kanya?

"Yep.. Sa SM, doon sa cosplay kasama ko si Panjo. Remember?" hindi ko alam kung paano pero kakilala ni Panjo si Abby. Nagandahan naman ako sa kanya kaya tinanong ko ang pangalan niya. Chamba namang full name niya ang pangalan ng profile niya kaya hindi ako gaanong nahirapan maghanap. Hindi gaya kapag naghahanap ka ng classmate mo, ang pangalan pala ay pabaligtad ang pagkakasulat, meron ding 'Ako si Ganito' na pangalan, at total disaster ang paghahanap dahil out of this world ang kanyang profile sa pangalan niya. Mamumuti ang buhok mo sa paghahanap.

"Ahh... Right... Kasama ko naman noon `yung BFF ko. Nagkausap ba tayo? Parang hindi no?"

"Hindi nga. Naka-tape kasi ang bibig ko noon. Saka I don't talk to strangers." sabi ko naman. Alam kong may  sixth sense ako at `yun ang sense of humor ko kaya alam kong napapangiti ko siya sa likod ng monitor.

"Yah. Yah. Stranger nga pala ako noon. Haha. Cosplayer ka ba, bakit ka nandoon?" bigla niyang tanong.

"Hindi. Stalker este nanonood lang ako noon." Gusto kong sabihing naninilip pero didilim ang image ko sa kanya, hindi pwede. Sinusundan ko lang naman ng tingin ang mga sexy`ng babae doon pero siya ang humarang sa daan ko. "Lipat tayo sa chatbox." sabi ko kasi ginawa na naming chatbox ang status niya at kung makikita ni Panjo `yun ay pustahan pa sila ni Amphie na may makesong nagaganap.

"Bakit ata bigla kang naging interesado?"

"Hindi naman. Parang ang tagal na kasi nating magkakilala ngayong nag-uusap tayo."

"Ayaw mo no'n, cute." kalakip ng enter ang ngiti sa aking labi. "Malay mo maging close tayo."

"Sige. Pwede naman."

"Ikaw pala, ano ang ginagawa mo doon sa cosplay? May kakilala ka ba doon?" tanda ko lahat ng mukha ng cosplayer kaya sigurado akong hindi siya cosplayer pero baka may kakilala siya.

"Wala. Nagpapapicture lang kami ni BFF. Hihi." sagot niya.

"Akala ko bf. Bf ang pagkabasa ko. Ehe."

"Hindi." tipid niyang sagot.

"Pasensya ka na pala kasi feeling close ako." para may masabi lang at hindi siya mabored ka-chat ako.

"Wala `yun. Tatlo pala kami noon. Si BFF, saka si Jonathan." imbes na pagsupladuhan ko at sabihing ano'ng paki ko hindi ko naman sila kilala.

Eto ang sinabi ko, "Hindi ko sila nakita noon. Haha, Siguro dahil nabura ang background nang makita kita." sabi ko sabay kindat na smiley.

"Walang ganyanan."

"Ayaw mo? Soriiii... Gusto lang kitang pangitiin."

"Hindi ako ngumingiti..." prangka niyang sabi. Hindi naman siya si crush para makaramdam ako ng guilt ngayong parang galit na siya sa akin. "...kinikilig ako." pagpapatuloy niya.

"You liked it? May bf ka ba?" pag-eenglish ko pa bago magtaong ng walang malisya kuno.

"May nanliligaw." tipid niyang sagot.

"Gaano ka na ba katagal single?"

"Since birth."

"Haaa? Baket?

"Alam mo na..."

"Hindi ko alam.."

"Eh ngayon lang ako pinayagan, `yan alam mo na."

"Ahh, the 'strict ang parents ko' line. Haha."

"Eh ikaw, musta lovelife?"

"Takte! Haha. Doughnut!"

"Bakit?"

"Secret."

"Daya mo. Walang ganyanan, sinabi ko `yung sa akin kahit nahihiya ako."

"Wala namang nakakahiya sa mga sinabi mo sa`kin ah."

"Wala ba? Eh ano, yung tanong ko."

"I don't wanna talk about it."

"I-shoutout mo na `yan! Madaya!"

"ehehe, Trying to be mysterious lang."

"Daya talaga."

Nawili ako ah. Kung i-copy ko na lang kaya ang chatbox namin? Ay `wag. Nakakatuwa talaga `pag may bago kang nakakaclose lalo na sa akin na loner. Masaya na ako mag-isa pero hindi ito pwede. Darating ang araw na kakailanganin ko ng makakasama at gugusuhin kong makasama siya habambuhay.

Maya-maya, isang picture na screenshot ng minesweeper ang inupload nitong si Abby na ito na may bestscore na 5 seconds. Dahil na rin sa nai-enjoy ko ang conversation namin, buong angas akong nagcomment. "Kaya ko rin `yan!"

Huli na bago ko mapagtanto kung sino ba ang Abby na ito. Nakapagreply na siya at hinamon ako, "Sige nga! Hamon!"

Patay na ang ipis sa tabi ko sa bigla kong pagtapak sa sahig na kanina'y naka-Indian seat ako sa upuan. Patay! "Hintayin mo."

Napasubo ako. Napasubo ako ng stick-o habang mabilis na pumipindot sa mouse. Napasubo ako sa hamon na ito. Mamaya na lang at makipagchat nga muna.

"1 dito, tapos 2 dito, teka bakit bomba ito?!"

"Anak ng tipaklong at ng surot oh! Dalawang click pa lang patay na."

Para akong timang dito na nagsasalita mag-isa. Pwera na lang kung ako'y may kasama. Bago ko takutin ang sarili ko ay nagchat siya ulit.

"Uy. Kain na ako at matulog ka na!" nagsalita ang senyorita.

"Adik ka. Inuuna mo pa ang mukha mo sa tyan mo."

"Mukha?"

"Oo. Facebook. `Wag kang magpagutom."

"Opo. :D " 

"Kung maka-opo parang ang laki ng tinanda mo sa`kin."

"Opo lolo."

"Haaaay, may puti akong buhok pero hindi pa ako lolo noh!"

"O siya. Out na po ako." lakas mang-asar...

"Sure ka?"

"Opo."

"Hindi kita mapapatawad..."

"Ang Diyos nga nagpapatawad, ikaw pa? Babay..."

"Sure?"

"Seryoso ako, nagugutom na ako eeeeehhh... Good night."

"Sige. Dream of me." panghuli kong bati.

"Babay..." parang ayaw pa eh.

"Sandali..."

"Ha? Baket? Gutom na ako..."

"Wait..."

"Bakit?"

Minimize ko muna ang minesweeper. Kasi baka parang mine lang na masweep niya ang kalungkutan sa minimina niyang puso ko.

"Pwede ko bang makuha number mo?"

Ilang segundo ang lumipas akala ko nakalog-out na siya.

"Ngek!"

"O:)"

"0919-"

"Aw! Smart!"

"0915-, dual sim ako pero walang load."

"Yes! Globe!"

"Sige. Nighty na."

"Tawag ako ah?"

"Sure..."

Restore minesweeper... 30 minutes later at puyat na ako. Hindi ko akalain na magpupuyat ako para lang manalo sa hamon na kalokohan na inumpisahan niya.

"1 dito, 3 dito, shit!"

"5?! Andami, ulit."

Dinampot ko ang cellphone ko. Dial ng number niya. Nagriring, "Testing..." sabi ko sa sarili ko.

"Hi. James `to. Testing lang."

"Hindi ka pa tulog?" sagot ni Abby.

"Isang subok na lang para mabeat ang best record mo."

"`Wag mo na `yang i-beat. May daya `yan."

"Pakshit!" ngayong close na tayo, we better get to know each other. Sabi ko nga, malay mo tayo pala ang nakalaan.

- wakas na ba ? -

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.