"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Saturday, November 17, 2012
Everyday in the Rain 16
Joyce's Chapter
Hindi malaman ni Joyce ang gagawin. She has to choose between life of her dad, whispers of her heart or the doubts of her pride. Mabilis natapos ang araw niya dahil na rin sa kakaisip ng pangyayari sa kanyang buhay at sa kanyang pipilliing desisyon. Parang nasa kasalukuyan ka ng strip game, tabla ang labanan at nakapusta ang natitira mong saplot sa katawan. Kapag natalo ka, mahuhubo ka pero kapag nanalo ka mabubusog ang mata mo. Try to connect to her situation kahit mahirap.
Tumuloy kami agad sa ospital ni Joyce matapos niyang magpasama sa akin kung saan nakaconfine ang kanyang ama dala ang perang bigay ni Ken. May dala rin siyang pag-aalala at lungkot sa tuwing naririto siya, maging ito ay hindi ko nakikita. "`Tay! Nandito na `ko." sabi ni Joyce kasama ako sa nakaratay na ama kasabay nito ang paglabas ng nurse na nagmagandang loob na bantayan ang kanyang pasyente habang walang nagbabantay rito. Bawat segundo na tumititig si Joyce rito ay siyang patak ng luha na namumuo sa kanyang mga mata habang nakikita ang mga tubo na tanging nagpapatagal sa buhay ng kanyang ama.
"`Tay alam mo si Victor `di ba? `Yung kinukwento ko sa`yo na masarap magmahal, `yung kinokompara ko sa inyo." humila siya ng upuan at hinawakan ang kamay ng ama. Tahimik lang akong nakikinig sa mga sinasabi niya. May feeling ako na flattered dahil sa mga sinasabi niya. "Mukhang masaya na siya kasi parang wala ng sagabal sa relasyon nila ngayon."
Kumuha siya ng bulak at binasa ito at idinampi sa labi ng amang nakapikit. Hawak pa rin ni Joyce ang kamay ng ama, mabuti at may response ito, pilit nitong ginagalaw ang mga daliri para maiparamdam sa anak na nakikinig lamang siya. Kasabay ng matinis na tunog ng makina na sumasabay sa pintig ng puso ng mag-ama.
Nakita kong wala ng bulak at nagprisinta na akong bumili. "Sa baba lang may nagtitinda. Salamat ha?" ngiti lang ang sinagot ko sa kanya.
"Pero parang ako pa ang gagawa ng ikalulungkot niya uli. `Tay tama ba ang gagawin ko? Para sa inyo ito `tay." pagpapatuloy niya matapos kong isara ang pinto. Nakita ni Joyce ang pagtanggi nito dahil kumislot ang kanyang daliri sa pagkwento niya. Ngunit ang desisyon pa rin ni Joyce ang masusunod. Kailangan niya ng perang ito para mapagpatuloy ang paggamot sa ama, upang humaba pa ang buhay nito.
"Siya nga pala `tay. Mamaya darating na si Mama galing Australia para makita ka. Alam ko siya ang gamot mo kaya pinauwi ko siya." patuloy niyang pagkukwento. Luha naman ang response ng kanyang ama ngayon matapos marinig ang mga sinabi niya. Gusto niyang ilipat ang lakas niya para makasagot ng matino ang kanyang ama, gusto niyang sabihin ng ama na mahal sila nito at masaya siyang darating ang pinakamamahal niyang asawa.
"Kuwentuhan niyo lang siya ng kwentuhan para sumigla siya uli." sabi ng doktor pagkapasok nito.
Pinawi nito ang kanyang luha, pinalitan niya ito ng ngiti kahit na pilit at nagbigay daan sa doktor. Tinapat nito ang stethoscope sa dibdib ng ama, pinulsuhan ito, sinipat ang mga tubo at makinang gumagana na nagsisilbing buhay ng ama. "Stable naman po. Tawag lang po kayo sa nurse station kapag nagkaproblema." sabi nito at lumabas na.
Nararamdaman kaya ng doktor na ito ang sakit at hirap ng ama? Ang sakit na unti-unting dumudurog sa damdamin ng anak na naririto sa tabi ng ama, na pilit umaasa na tatagal pa ang buhay ng ama. Sana'y gumawa siya ng paraan at sana'y gawin niya ito ng libre alang-alang sa buhay ng isang tao. Masarap ang makikita mong buhay at masigla ang minamahal mo pero lahat ito ay may katapusan. Mabibili rin ng salapi ang buhay ng tao, pati ang saya na dulot ng kaniyang paggaling. Ngunit sa kanyang sitwasyon ay may ibang tao ang magiging miserable kapag kinunsinte niya ang kasamaang dulot ng pera pero ano? Ano ang gagawin niya? Hahayaan na lang niyang mamatay ang ama na hindi man lang binibigyan ng pag-asang lumaban at magpakatibay sa pakikipaglaban niya sa kamatayan? Hahayaan ba niyang lamunin siya ng kalungkutan at kanyang konsensya kapag pinalampas ang kahit na maliit na tyansa ng paggaling ng kanyang ama?
"Siguro isang oras na lang at narito na siya." ngiti nito upang palakasin ang aura niya na tiyak na nararamdaman ng kanyang ama. Ang kaninang 70 ay 130 na ngayon ang kanyang blood pressure, dahil lang sa presensya ng kanyang anak. Sumigla ang ama nito dahil ramdam niya ang pagmamahal na pinapadama sa kanya ng anak.
"`Tay gusto mo ng ponkan? `Di ba paborito mo ito? Sabi mo nga mas masarap ang ponkan kaysa sa orange at sangkis. Mas madali pang balatan." Pinapasigla niya pa rin ang ama sa kabila ng katotohanang hindi na ito magtatagal.
Pinatakan niya ng juice ng ponkan ang labi ng ama. Kita naman sa reaksyon nito na gusto nitong matikman iyon. "Ang tamis niya no?" Hindi talaga niya maitago ang lungkot na nararamdaman lalo na kapag iniisip niya kung paano isasakatuparan ang pagsira sa relasyon ni Victor at Angelica. Napakahirap. Bakit may mga tao na nagagawang samantalahin ang pagkakataong nagigipit ang isang tao para ipagawa rito ang isang masamang bagay para sa sariling kapakanan? Ang nahahabag ay kumakapit sa patalim at kahit na anong ipagawa mo ay magagawa nito para makatakas sa hawla ng lungkot at paghihirap.
"`Tay... Ama ko kayo `di ba?"
"Sana sa ganitong pagdedesisyon... matulungan ninyo ako..." Tuluyang pumatak ang pinipigilang luha ng kanyang napakagandang mata.
"Gaya ng dati..."
"Ang hirap eh..." suminghot pa ito kasabay ng pag-agos ng luha na nakahanap na ng daan palabas.
"May nararamdaman ako para kay Victor pero alam ko, maging masaya lang siya, masaya na rin ako."
"Hindi kami para sa isa't-isa..."
"Ayoko silang paghiwalayin..."
"Pero paano kayo?" tanging paghikbi lamang ang maririnig sa kwartong iyon ng ilang sandali. Kailangang mailabas ni Joyce ang kanyang hirap, kung may bisig lamang ng isang ama ngayon sa kanya ay malamang tumahan na siya. Kung maayos lang ang lagay ng kanyang ama, sana'y matutulungan siya nito, mayayakap at mahahaplos. Miss niya na ang pag-aaruga ng kanyang ama.
Kailan nga ba niya huling nasabihan ito na mahal niya ito? Kailan siya huling kumalong sa kandungan nito? Kailan niya ito huling niyakap? "`Tay, mahal na mahal kita. Namin ni Mama." sabi na lang ni Joyce at hinagkan ang ama sa noo. Niyakap niya ito at pinakiramdaman ang pagtibok ng puso na parang nagsasabing, "Mahal ko rin kayo anak."
Ilang minuto rin siyang nakayakap sa ama bago may kumatok. Ang kanyang inay, ang tagal na rin nilang hindi nagkikita. Wala pang isang oras ay narito na pala ito. "`Musta ang Itay mo?" kumalas siya sa yakap at binaling ang tingin sa ama. Nakakaawa ang kanyang lagay, bukod sa mga tubo ay meron din itong breathing apparatus. Hindi mo na masundan ang mga nakatusok sa kanya mula paa hanggang sa kamay, parang screensaver lang ng computer.
Agad niyakap ng ina ang kanyang asawa. "Akala ko... pera ang kailangan natin para mapagaling ka..." tumulo na rin ang luha nito. "Kaya hindi ako umuwi at tiniis kita...pero... pero kulang ang pera." sabi nito habang yakap niya ito. "Dapat nandito ako para sa'yo... suporta galing sa'kin... pagmamahal... pag-aaruga..."
"Ma..." tanging nasabi ni Joyce at bumalik ang mga luhang kanina'y tumahan na.
"Mabuti at inabutan kita... buhay. Kausapin mo 'ko. Nandito na ako." pagtingin ni Joyce ay lumuluha rin ang ama.
"Ma, pinaiyak mo si tatay." sabi nito at pinunasan ang luha ng ama, hinaplos pa nito ang buhok nito.
Ito ang inabutan kong eksena. Napakalungkot ng hangin. Parang may tumutunog na plawta na ang musika ay napakalungkot at napakalamig.
"J-joyce..." gulat kaming lahat pero walang ni isa sa amin ang nagtangkang magsalita. Hinihintay kung ano ang sasabihin nito.
Boses ito ng ama. Inipon niya lahat ng lakas para makapagsalita, lahat ng pag-asa, at pagmamahal. "Mahal ko kayo... ng inay mo."
"Ma! Pinagsalita mo kasi si tatay eh. `Tay magpahinga lang kayo." sabi ni Joyce at mahinang tinampa ang balikat ng ina.
Ngumiti ang ama nito at nagpatuloy sa pagsasalita. "Alam mo namang hindi na ako magtatagal..." sabi nito habang nakapikit.
"`Wag mo ngang sabihin `yan!" pagtaas ng tono ng asawa.
"Hayaan mo na akong... magpahinga. Salamat."
Biglang isang malakas na tono ng tunog ang umugong sa kwarto kasabay ng paghagulgol ng isang ina at pagluha ng isang anak. "Nurse! Tulong!" garalgal pa ang boses ni Joyce habang tumatawag sa mga maituturing niyang tagapagligtas ng kanyang ama. Naiwan akong tulala. Nanlalabo ang paningin ko. Napaupo ako sa malapit na upuan pero nakabawi ako at niyakap si Joyce.
Patakbo namang dumating ang mga nurse at doktor pati usyosero ng kabilang kwarto. "Excuse lang po."
Nagtabi ang mag-ina at nagyakap ng napakahigpit habang ang mga kamay ay magkadikit. Nakapikit. Nagdarasal.
Ayaw ng ama na nakikitang naghihirap ang anak. Ayaw ng ama na nakikitang lumuluha ang anak. Ayaw ng ama na hindi niya nababantayan ang anak. Ayaw ng ama na nalulungkot ang kanyang pamilya. Ang kanyang paghihintay sa asawa ay ang kanyang natitirang lakas upang mabuhay. Ang kanyang tanging ilaw. Sa oras na siya'y dumating, lahat ng kanyang lakas ay ibinuwis upang makapagpaalam at maipahayag ang kaniyang pagmamahal. Hanggang sa huling hininga.
>
Dumating ako kasama si Angelica suot ang puting mga damit upang iparating ang aming pagpapaalam sa isang mabuting tao na kapiling na ang Diyos. Kasabay ng paglipad ng mga puting lobo at paglipad ng kalapati na nagsasabing bagong buhay ay isisilang, ang siyang huling pagsilip ng lungkot. Habang unti-unting nababawas ang mga taong nakikiramay ay ang pagsikat ng bagong liwanag na yugto ng kanyang buhay.
Kasabay ng pagkawala ng ama ay ang paglimot sa planong wala ng patutunguhan pa.
>
"This will be the perfect timing Joyce!" ani Ken nang pumasok na si Joyce matapos ang ilang araw niyang pagkawala. Aakalain mong makikiramay si Ken sa paglapit sa dalaga pero hindi ito ang inaasahan.
"The loneliness in you will pull Victor into your arms! Perf--" hindi na niya natapos ang sasabihin dahil isang malakas na sampal ay sa kanyang pisngi'y dumapo. Makikita talaga ang bakas ng kamay nito sa mukha ng lalake. Hindi ito nakapagsalita habang tahimik na iniwan sa harapan niya ang isang envelope na naglalaman ng pera. Ito lahat ng ibinayad sa kanya ni Ken sa pagtulong kuno sa kanyang ama.
Nagresign si Joyce sa trabaho. Hindi na niya maaatim pang makita ang mukha ni Ken sa kanyang buhay. Walang magawa si Ken kundi titigang lumalayo si Joyce.
Dito sa kabantang ito, sana'y naantig ang puso natin at namulat ang mata sa mga sitwasyong sa totoong buhay ay nagaganap.
~ itutuloy ~
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.