Sunday, November 13, 2011

Dear Alarm Clock,

"Hoy Alarm,

Bakit di mo ako ginising kanina?! Kainis ka naman eh, alam mo ng ayaw nya ng nalelate! May lakad kami ngayon! Bihira lang ito, tapos ganito nanaman?! Huwag mong sabihing ginising mo ako at pinatahimik lang kita! Dahil sayo nagalit sya sakin! Dahil sayo nag-away kami! Kesyo hindi ako dumating sa usapan, kesyo pinaghintay ko sya! Nakakainis ka kasi dapat kinulit mo ako! Bwisit ka! Sa uuliting hindi mo ako magigising ng maaga, itatapon kita!"

Nagulat ako, biglang nagkaroon ng mata at bibig ang orasan ko, unti unti pang tumubo ang mga pangil nito at tinitigan ako ng masama. Sumagot si kumpareng Alarm Clock. "Hoy batugan! Dada ka ng dada dyan, talsik mo lumalaway! At huwag mo nga akong maduro duro dyan at baka tusukin ko yang dalawa mong mata gamit ang dalawang kamay ko! Huwag mo akong sisihin dahil hindi ka nagising agad at hindi ka nakarating sa oras ng pagkikita nyo! Alam mo bang, nagkakanda paos paos na ako kakagawa ng ingay na gigising sayo! Tapos sisigawan mo pa ako, 'hoy tumigil ka nga!' Naguguluhan na ako sayo tapos paggising mo, sisisihin mo ako dahil di ka nagising agad?! Eh kung bawat magpagising ka sakin, kunin ko isa isa ang laman ng wallet mo hangga't hindi ka nagigising hanggang sa maubos? O kaya, bunutin ko ang buhok sa ilong mo ng sabay-sabay para matuto ka! Batukan kita dyan eh! Ayusin mo buhay mo."

Gulat na gulat ako sa pangyayari. Nagsasalita ang alarm clock ko? Nagising ako nang may mambatok sakin.

"Panjo, gising na. Malelate ka sa trabaho." wika ni mama.

"Ma naman. Ba't kailangan nyo pa akong batukan?" papungay pungay pa akong umupo sa higaan ko kinakamot ang ulo at singit ko.

"Kanina ka pa binubulabog ng maingay mong alarm clock eh. Pati ako nabulasyaw. Hala. Tara na't nakahain na."

"Opo." bigla akong natauhan sa aking panaginip. "Kanina mo pa pala ako ginigising. Pasensya na, napasarap ang tulog ko." wika ko habang kinakapa ang switch off ng alarm.

"Alam mo, mula pa noong bata ako ikaw na ang ginagamit kong panggising. Madalas akong malate kahit na ginigising mo ako. Naiinis pa ako sayo kasi hindi ako nagigising sa ingay mo. Ngayon ko lang napag-isip-isip na hindi ikaw ang may kasalanan. Ako. It's not you, it's me. Salamat sa pagttyaga mo sa akin." hinimas ko ang kanyang mukha at humiga ulit.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.