Ako'y isinusulat ng isang makata,
Sa aki'y ipinadadaan, kanyang nadarama,
Ako'y ginagamitan ng malalim na salita,
Pinasasakit ang ulo ng kanyang mambabasa.
Isinasalin ang naiisip
Sa papel kanyang sinisipi,
Alaala kanyang sinasagip,
Sa akin pinagkatiwala at ipinatabi.
Pag-ibig, lungkot at himagsik,
Kanyang dalahin sa akin isiniksik,
Talino ng kanyang isip kay bagsik,
Pagod, at pawis tumatalamsik.
Minsan din akong napunit,
Ngunit ako'y isuko 'di nya naisip,
Mga hirap kanya ding sinambit,
Upang kagandahan kanyang makamit.
Ako'y pinag-isipang mabuti,
Pinatibay ng bawat pagkakamali,
Hindi man naging perpekto,
Ito naman ang kailangan ko.
Ako'y kanyang ginawa,
Buhay ko sa kanya ipinagkatiwala,
Ako man ay sumikat
O makalimutan 'pag maluwat.
Ngayon ako ay nabuhay,
Upang ibahagi ang aking nararamdaman,
Isang tulang nagsasalaysay,
Hindi mo man maintindihan.
Ako'y lubos na masaya dahil ako'y nilikha,
Naramdaman ko ang ligaya na ako'y binabasa,
Iba't-ibang emosyon aking nakikita,
Salamat sa dakilang makata.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.