Masayang naglalaro si Gloria sa kanyang airconditioned na kwarto sa kanyang napakalambot na kama ng DotA sa kanyang laptop habang nakasuot ng Ninja Head Band katulad ng sa Naruto, nang tawagin siya ng ama, si Mang Mike, para kumain. "Ayoko, wala akong gana." pasigaw na wika nito, "Natatalo nga ako dito sa laro ko eh." pabulong pang sabi.
"Kain na anak, baka magkakomplikasyon ka sa spinal cord mo pag di ka kumain." pakiusap ni Mang Mike kinakausap ang saradong pinto.
"Pero may sakit ako, flu!" tumamlay na wika nito. "naim-FLU-ensyahan..hihi" pabulong nya.
"Kaya lalo kang dapat kumain, para lumakas ka."
"Dad, i am sorry." matamlay na wika nito na parang may sakit nang binuksan ang pinto. "Kakain na ako dad."
Tinititigan ni Mang Mike ang anak habang naglalakad, alam niya na kapag ayaw gawin ng bata ang isang bagay ay umaarte itong may sakit. Ganito ang nasa isip ni Mang Mike. Kaya hinayaan lamang niya ito, sisigla din ito pagkakain.
Habang kumakain ay isinindi ni Mang Mike ang telebisyon, wala pang limang minuto ay pinatay na niya agad iyon.
"Nahalata ko lang, bakit ang laging tawag sa kanya ay 'Dating Pangulo at ngayo'y Representatib ng Ikalawang Distrikto ng Pampanga?' ang haba kasi eh." wika ni Gloria nang marinig ang pagpapakilala sa Congresswoman ng Pampanga sa balita.
"Anak..." at kinamot ang ulo. "Hindi ko alam eh." sagot ni Mang Mike at tumawa ang mag-ama.
"Dad, joke yun?" ani Gloria.
"Anak, ganito kasi yun..." napahawak sa mga balbas niya si Mang Mike, pinagpawisan sa pag-iisip at hindi na normal ang paghinga nito. Kumuha siya ng tubig, at agad iyong ininom. "Aah. Nabilaukan ako sa tanong mo."
"Di mo lang alam eh dad." hirit ng anak.
"O sige. Si Madam Gloria Arroyo ay naging presidente, at dahil hindi pa siya nahalal na congressman, tumakbo siya noong nakaraang eleksyon. Nanalo sya, kaya dating Pangulo at ngayon Congresswoman siya." pagkasabi ay sumubo ito sa kinakain. Halata namang hindi naiintindihan ng bata ang kanyang mga sinabi. Kita ito sa ekspresyon ng mukha niya.
"Eh dad, bakit siya gustong ipakulong? Di ba naging presidente sya. Ibig sabihin magaling siya. May ginawa ba siyang kasalanan." napanganga si Mang Mike at hindi naisubo ang kakainin nang magtanong pa ang kanyang anak.
Bumalik sa kanyang ala-ala ang kapanganakan ni Gloria.
Enero 20, 2001 nang isilang si Gloria Pascual. Tandang tanda pa ni Mang Mike ang EDSA II na pinapanood sa telebisyon habang hinihintay ang balita sa kanyang mag-ina sa ospital. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, naipanganak ng maayos ang kanilang unang anak ni Elsa, at sa kasamaang palad, hindi kinaya ni Elsa at namatay ito. Dahil na dito, pinangalanang Gloria ni Mang Mike ang anak. Glorya parasa panibagong babae sa buhay niya at dahil sa panunumpa ni Gloria Arroyo bilang pang-labing-apat na pangulo ng Pilipinas.
Napa-'pwe' si Mang Mike nang makabalik sa paglalakbay mula sa nakaraan nang may langaw na pumasok sa kanyang bibig. "Aarrh. Pweh! Bwisit!" inis na si Mang Mike.
"Bakit kasi nakanganga ka at tulala eh daddy..."
"Wag mo akong gagayahin anak ah. Nakita mo ang nangyari. Nasermon pa ako ng anak ko." sabay himas sa ulo nito.
"Opo. Yung tanong ko dad, di mo pa sinasagot."
"Ha? Oo nga pala. Inakusahan kasi siyang nandaya sa eleksyon anak."
"Diba po bad ang mandaya? Napatunayan na po ba? Kasi bad din po ang nambibintang."
"Iniimbestigahan pa, pero pinaaaresto na sya ngayon."
"Kawawa naman sya mukhang may sakit sya. Kasi may nakalagay sa leeg nya saka nakaupo sya dun sa upuang may gulong."
"Ipapagamot sana sya sa ibang bansa pero ayaw syang paalisin."
"Ba't po ganun?"
"Kasi baka tumakas sya, at dahilan lang nya ang may sakit sya." napasabak sa kwentuhan si Mang Mike. Daig pa ang media ng anak. Proud siya, mulat at malawak ang pag-iisip ng kanyang anak, higit sa lahat, cute at mabait ito. "Saka ang alam ko, papupuntahin nalang daw ng gobyerno yung doktor dito at mga gamit, gastos na ng gobyerno. Pero di sya pumayag."
"Tangengot pala eh dad."
"Sshhh..." at inilagay ang hintuturo sa labi. "Don't say bad words, magagalit si mama."
Bahagya nitong binaba ang ulo at ngumiti, "Ay, sorry po." mahina pero malambing na sabi ni Gloria.
"O tapusin mo na kinakain mo. Para makapagpahinga ka na." ani Mang Mike.
"Dad, ok lang ako. Wala naman akong sakit."
Kinurot ni Mang Mike ang pisngi ng anak. "May natutunan kang lesson ngayon anak?"
"Opo! Bawal magsinungaling, mandaya, at magbintang." masiglang sagot nito.
"At dapat..." tinitigan nito ang anak, nakita nito ang imahe ng kanyang pumanaw na asawa, ngumiti ito, "...bilisan ang pagkain."
Kaya saluhan natin ang ating mga anak sa pagkain, let's support Salu-salo ng Pamilya Mahalaga Day. Hindi lang sa special holiday kundi sa araw-araw. Sa bahay nag-uumpisa magtanong ang mga bata, dito sila nahuhubog sa tulong ng buong pamilya. Happy Eating.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.