Saturday, December 15, 2012

Tropang Magnum's Love Notes

Dear Tropang Magnum,

Pigilan niyo akong magpakamatay dahil habang hawak ko ang bolpen na panulat ko ay nais ko na itong isaksak sa baga ko. Habang inilalahad ko ang aking kwento ay parang bumabalik lahat ng nangyari noon. Napakalalim po ng idudulog kong problema sa inyo. Hindi naman ako si Sadako na nahulog sa balon kaya malalim ang problema, hindi po. Lyndon na lang po ang itawag niyo sa akin. Third year ako sa kursong BS Architecture sa edad na 19.

May naging nobya ako na talaga namang mahal na mahal ko at kahit na away-bati ang relasyon namin ay pinahalagahan ko ito. Kung tutuusin nga first love ko siya kahit na marami na akong naging girlfriend ay sa kanya lang ako nagtiis kaya maituturing ko talagang sakripisyo ang depinisyon ng pagmamahal sa kanya. Hatid sundo ko siya mula eskwela hanggang sa bahay. Ilang buwan ko rin siyang niligawan noon at nagkandaligaw-ligaw ako sa paghahanap ng bahay nila para haranahin ang bintana ng kanyang kwarto. Hinabol pa ako ng aso at pinagtaguan ko pa ang tatay niya para lang makalapit ako. Kapag nagseselos siya ay lagi kong sinasabi na gf ko siya at kailangan lang niyang magtiwala sa akin dahil hindi ko siya lolokohin at iiwan.

Noong naging kami ay marami kaming masasayang alaala. Hindi ko malilimutan `yung nagselos siya sa isang text sa cellphone ko ng krass ko at ibinato sa daan ang cellphone ko, tinamaan noon `yung isang snatcher at natumba sa gilid ng daan kaya nahuli. Pati `yung pagsakit ng tiyan ko dahil sira na pala ang kinain ko sa kanila na handa pala sa daga. Sa tuwing manonood kami ng sine ay wet kaming umuuwi dahil nagbabasaan kami ng mineral water. Pilit kaming pinaghihiwalay ng mga magulang namin pero nanindigan kami sa relasyon namin. Gaya ng isang saging na kambal, naghihiwalay kapag gusto ng kainin ang isa. Ayoko na, naiiyak na ako trops. Parang masyado siyang naging confident na hindi ko siya iiwan.

Pero sige itutuloy ko, heto po ang ihihingi ko ng advise. Hirap po kasi akong makatulog tuwing sasapit ang alas-onse ng gabi `pag hindi ako inabutan ng antok. Dapat kasi at 10:59pm ay tulog na ako. Siguro dahil alas-onse ng gabi noong nakipaghiwalay sa akin ang nobya ko noon, tatlong taon na ang nakakalipas. Opo, tatlong taon na akong hirap magmove on at tatlong taon na rin akong hirap matulog sa gabi. Nagkaroon kasi kami ng alitan na nauwi sa hiwalayan. Selos na selos pa rin siya sa crush ko noong elementary at nasira naman ang pagDoDotA ko noong hapong `yon kaya bad trip ako. Nagbanggaan ang init ng ulo namin kaya pumayag na rin ako sa sinabi niya. Madalas rin kaming nag-aaway noong kami pa, away-bati, sana puro bati lang ng bati para maganda ang kalabasan. Kumbaga sa kotse wasak na ang bumper namin dahil laging nababangga. Ang sakit eh trops! Kahit ayaw ko ay sumosobra na siya. Pinatigas ko ang pride ko para magdala na siya. Sa madaling salita, hindi ko na siya hinayaan pang magpaliwanag sa akin at balikan pa ako. Nagkalakas ako ng loob dahil na rin siguro'y puno na ang baso kaya natapon ang tubig.

Ilang linggo ang lumipas, nakadikit siya uli sa amin. Hindi na niya ako kinukulit na balikan pa siya pero hindi rin naman siya lumalayo para iwasan ako. Bawat araw na lumilipas at nakikita ko siya ay bumabalik ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi naman ito maiiwasan dahil sa iisang eskwela at iisang kurso ang aming kinukuha, lamang lang ako ng isang taon sa kanya dahil accelerated ako. Pero kahit na alam kong matalino ako ay nagpakatanga pa rin ako pagdating sa pag-ibig. Nagsisisi ako na pinakawalan ko siya. Mahal na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon katropa. Nalaman ko rin na lumapit siya sa magulang ko para kausapin ako pero hindi ito umabot sa akin. Ayaw raw nilang makialam sa away namin.

Isang buwan matapos kaming maghiwalay ay umamin sila ng classmate ko na may relasyon na sila. Isang malaking rebelasyon para sa akin iyon trops! Balak ko pa naman siyang kausapin na at makipagbalikan pero umurong ang buntot ko at hindi na iyon itinuloy. Para akong emo noon na umiyak sa isang sulok. Ginawa ko ring punching bag ang drawer ko. Maglalaslas pa sana ako ng pulso, sinubukan ko muna sa damit ko pero mapurol `yung blade na ginamit ko kaya tinamad na ako.

Tatlong taon na po ang lumilipas pero mahal na mahal ko pa rin siya. Sa mga araw na lumilipas na nakikita ko silang magkasama, parang nahuhulugan ako ng bunga ng mabolo sa ulo. Kapag magkahawak ang kamay nila, hinihiling ko na may espada ako para paghiwalayin ang mga iyon. Nag-umpisang bumaba ang grades ko noong second year at patuloy pang bumababa hanggang ngayong third year ay may bagsak akong subject na ikinagulat ng mga magulang ko. Naging loner na rin ako dahil ayoko ng sumama sa barkada ko kasi alam kong nakadikit ang butiki doon. Inaasahan kong magiging ganito pa ang sitwasyon sa susunod pang dalawang taon kung sila pa hanggang sa oras na iyon. Baka nga umabot ng habambuhay dahil barkada kami ng kanyang kasalukuyang bf.

Ayoko pong masira ang pag-aaral at buhay ko dahil lang sa letseng pag-ibig. Nadadamay pati ang aking buhay propesyonal. Sana po ay mabigyan ninyo ako ng advise mga katropa para kahit kaunti ay mapasaya ako. Idolo ko kasi kayo lalo na si kuya breaker, ang gwapo pala niya sa personal. Kayo na ang bahala kung saan ninyo ako bibigyan ng advise kung sa aking pagtulog ba o sa aking pagmomove on. Huwag kayong mag-alala dahil napigilan ko ang sarili kong itusok ang bolpen sa baga ko, sa tiyan nga lang. More power sa inyo at salamat.

Puyat at Naghihingalo,
Lyndon

PS! Paki tawagan po ang ambulansya.


Bigyan natin ng isang mahusay na advise ang ating unang letter sender na si Lyndon. Sana hindi siya magsisi sa pagpapadala at paglalahad ng kanyang kwento sa atin.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.