"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Saturday, December 15, 2012
Teenage Destiny 4
Online...Chapter 4
Sa chapter na ito ay lilituhin ko kayong mabuti kaya `wag kukurap at basahing mabuti ang kwento. Walang patawaran sa mga hindi matiyaga magbasa at mahina pumick-up sa storya. Malalaman natin ngayon kung sino ang magaling sa mga puzzle at mga brain twisters. Malamang nagets niyo na rin na ineexaggerate ko lang dahil baka malito kayong mga mambabasa. Maraming salamat sa pag-abot sa ikaapat na kabanata.
"Sinong mag-aakala na makakameet ako ng gano'ng kagwapong heartthrob ha Lex?! Ang bait pa niya. He looks innocent!" Hindi yata talaga halata ang pagkababaero ni Andrei kaya malakas siyang makahuli ng isda sa dagat.
"I like the girl too. I want to know her better." sabi ni Lex at bigla namang nagbago ang mood ni Erika na kanina'y natutuwa sa nangyari. Ang babaeng nagsalita kanina ay si Erika ang nagpakilalang Alexa, at si Lex ang nagpakilalang Rico. Gaya nina Dinia at Andrei, napagtripan din nilang magpalit ng katauhan. Nalilito? Ganito ang nakaraan.
>
Ang nakaraan...
"Alexa27, tama! `Yun na lang ang gagamitin kong username dito sa Ragna." sabi ni Lex at tumawa sa naisip na plano.
Gumawa siya ng isang Acolyte, babae ang character kaya papunta ito sa Priestess kalaunan. Habang nasa online siya ay madalas siyang makipaglandi sa ibang mga lalakeng gamers din. Pagkatapos ay makikipagkita siya. Bihira ang pumapayag pero hindi dahil ayaw nila kundi dahil long distance. Nagkasiya na lang siya sa pakikipagtextmate dito, madalas siyang niloload ng iba dahil sa huli niya ang pantasya ng kalalakihan. Hindi lang nila alam ay chicksilog ang katransaksyon nila.
Sa unang pagkakataon ay may napapayag siyang makipagkita. SM, Red Ribbons ang venue. 2 pm ang time ng pagkikita pero 12 noon pa lang nasa malapit na venue na si Lex kasama si Erika, sa Starbucks. Kaharapang pwesto ito at kita ang lahat ng nasa loob ng Red Ribbon. Pinagmasdan nila ang mga tambay doon at pinag-aralan ang mga bagong dating at mukhang magtatagal. May nakita sila ng bading na mukhang may hinihintay.
"alexa ano ang suot mo para agad kitang makita.." text ng lalakeng kameet niya.
Pigil ang tawang nagreply si Lex. "Nakablack tshirt ako at jeans. May kakaiba rin sa akin para makita mo ako agad." reply niya habang sinusuring mabuti ang bading.
Tawa sila ng tawa ni Erika nang dumating ang lalake. Wala siyang makitang ibang nakablack tshirt at jeans sa Red Ribbon kaya napaatras siya ng makita ang bading. Bago mapatingin ang bading ay agad ng nawala `yung lalake at nakatanggap siya ng text. "pasensya na emergency lang next time na lang tayo magkita..."
Konti na lang ay kakabugin na niya ang mesa sa Starbucks sa sobrang tawa. "Nakita mo `yun?" sabi niya kay Erika.
"Ang bad mo talaga." sabi ni Erika pero nakangiti rin.
"Unang biktima. Hahaha!" ani Lex.
Nakangiti lang si Erika habang nakangiting sumimsim sa kanyang kape. "Para di sayang ang araw, lets window shopping!" aniya at hindi naman nagdalawang isip na sumama si Lex. They enjoyed the day.
Ilang linggo ang lumipas, kinausap ni Lex si Erika para sa isa nanamang eyeball.
"Kailan ka available, may lakad tayo." seryosong sabi ni Lex.
"If I know, eyeball lang ulit `yan." sabi naman ni Erika.
"Another great day!" sabi ni Lex at tumawa. "Shall we?" ani Lex at pinagbukasan ng kotse si Erika.
Pagdating sa SM. Ipinaliwanag ni Lex kay Erika ang gagawin.
"Kung gwapo ang lalake, ikaw ang lalapit at sasabihing hindi ako makakapunta, tandaan mo Alexa ang pangalan ko `day!" malanding sabi ni Lex.
"Adik ka dinamay mo pa ako."
"Hindi ka naman magtatagal eh. Sasabihin mo lang `yun. Kapag naman hindi mo type, gaya na lang ng dati. Ako na ang bahala."
"Sabi mo `yan."
"I'll be here. Ako'ng bahala sa'yo." sabi ni Lex at ngumiti. "`Yan na siya. Nakapolo shirt na pink at white na converse, may necklace daw siyang crucifix. Tignan mo na lang `pag malapit ka na. Mukhang may itsura."
"Ok. Game."
Nilapitan niya ang lalake, may crucifix nga ito. "Kuya! Ikaw ba `yung kameet ng friend ko? Si Alexa?"
Kita sa mukha ng lalake na napatitig siya kay Erika kahit simpleng blouse at palda lang ang suot niya noon.
"Kuya?"
"A-ah? Oo. I'm Kevin pala." sabay abot ng kamay.
Hindi naman ipinahiya ni Erika. "Erika." sabay ngiting pamatay, makabutas brief. "Hindi pala siya pwede ngayon kaya hindi rin siya makapagtext sa'yo. Sorry ha?" ani Erika.
"Gano'n ba. Sayang naman. Siguro kasing ganda mo rin siya. Sana makita ko uli kayo." sabi ng lalake.
Ngumiti lang si Erika at aalis na sana pero hinawakan `yung kamay niya ng lalake. "Samahan mo muna `ko."
"Nagmamadali ako eh kuya. Pasensya na, may pupuntahan pa ako." pero hindi pa rin siya nito binitawan.
"Pare, pakibitawan ang girlfriend ko?" sabi ni Lex na sakto ang dating.
"Sige miss. See you." sabi ng lalake at nagkusang umalis.
"Kinabahan ako Lex." sabi ni Erika at yumakap dito.
"Sshhh... Ok na. Sorry." hinaplos lang ni Lex ang buhok ni Erika. "Pero aminin mo, type mo siya noong una. Exciting?"
Bahagyang tampal sa braso ang tumama kay Lex at ngumiti siya. The rest of the day were happy moments enjoying each other.
>
Balik sa kasalukuyan...
"Alam mo bang gustung-gusto ko ng tumawa kanina? Lalo na nang kainin nung Dino `yung wasabi!" sabi nito at nagpagulong-gulong pa sa kwarto niya. "Tapos hindi rin nila alam na niloloko ko lang din siya noong katext ko siya!" lalo pa itong tumawa at nagpapapadyak.
"Sayang sumipot pa sila. Tayo nanaman sana ang masaya." bulong nito habang tumatawa si Lex.
"Hahaha. Ha? May sinasabi ka ba?" sabi naman ni Lex habang dahan-dahang humihinahon sa pagtawa.
"Tawa ka kasi ng tawa! Sabi ko, buti sinipot ka nung babae!" ani Erika. Buti na lang hindi niya narinig. sabi pa ng isip nito.
"Pasensya na. Hindi ko mapigilan." at may paunti-unti pa itong tawa.
"Halata ngang type mo `yung Andrea eh. Ambilis mong tumabi sa kanya kanina." sabi ni Erika.
"Yes. Sayang nga at hindi ko pa nakuha `yung number niya. May pagkasuplada kasi kaya kailangan ng tamang timing." ani Lex.
"Salamat pala sinama mo `ko." pagtingin ni Erika ay pagulong-gulong nanaman si Lex sa kakatawa.
"Pangatlong biktima pa lang ganito na ako kasaya paano pa kaya kapag dumami na!" sabi pa nito and he laid in the lap of Erika. "Alam mo bang dahil sa`yo kaya ako masaya. Ang daming lalaki ang nahuhumaling sa'yo."
"Natural!" ngiti naman ni Erika. "Sino ba ang kukurap kapag nakakita ng Ms. Philippines." sabay hagod ng buhok.
Walang anumang special relationship sina Erika at Rico kung meron man ay `yung pagiging magbest friends nila. Laging isinasama ni Rico si Erika sa mga ganito niyang trip. Masaya silang pareho sa kanilang ginagawa pero `di gaya ng iba, interesado silang pareho sa kanilang partner at wala pa silang balak tumigil sa pagpapanggap `di gaya ng mga nauna na tinigilan agad ni Lex.
>
"Ganun pala `yung wasabi." wala masabi si Andrei.
"Mukhang enjoy ka nga eh." sabi naman ni Dinia.
"No regrets. She's beautiful, gorgeous and smart. I think I like her."
"Pa-english english ka pa dyan dumudugo naman ang ilong mo."
"Bakit ba ang suplada mo ngayon? `Di mo type `yung Rico? Bagay kayo." sabi ni Andrei pero napatigil siya sa sinabi parang may tama sa puso niya ang katagang sa bibig niya mismo galing.
"`Di ako gaya mo." sagot lang ni Dinia. "Ano titigilan na ba natin?"
"Ha? May next time pa for sure." sagot ni Andrei.
"Gusto mo `yung number ni Alexa?" ani Dinia.
"Sira ka ba? Edi nabisto tayo?" sabi ni Andrei at nag-isip. "Ganito na lang, text mo na lang siya sa susunod nating pagkikita para at least hindi tayo mabisto at the same time, walang problema."
"Bahala ka." Hindi maintindihan ni Dinia bakit siya nagsusuplada ngayong gabi. Dahil ba kay Rico o dahil sa paglalandi ni Alexa kay Andrei.
"Oy, oy, oy!" sabay-sabay na sabi ng bagong dating.
"`Musta ang date?" panimula ni Lester.
"Ano'ng date? Eh ok lang." sagot ni Dinia. Hindi naman ang date ni Andrei at ng bago niyang babae ang tinatanong ni Lester kundi ang pagsasalo nina Dinia at Andrei sa buong araw.
"Double date nga eh at mukhang magkakabf na ang NBSB nating katropa." sabi ni Andrei at sumenyas na tinatawag si Lester, mukhang may pag-uusapan.
"Type ka ba niya?" ani Lester.
"Oo pare! Ang ganda niya, 1-10 ratings? Nasa 10 siya!"
"Eh si Dinia, pang-ilan?"
"Ha?"
"Linawin mo `yang nararamdaman mo Drei. Tropa natin si Dinia, `wag mong isama sa mga pinaglololoko mo." sabi ni Lester at bumalik sa grupo. "Oh Dins kwento ka naman!" naiwan si Andrei na malayo uli ang iniisip.
"Sabi ni Andrei pare 10 daw!" sabi uli ni Lester.
"Oy! Akin na lang!" sabi naman ni Jems sabay tawa.
"`Musta naman `yung date ni Dinia?" tanong ni Rence.
"Ok siya. May itsura, siguro lamang kay Jems ng 1 point, matalino at mabait. Di ba Dins?" sabi ni Andrei.
"Lamang siya sa'kin? Aba, kailangang mapagdesisyunan `yan!" sabat ni Jems.
"Para sa'kin 100% ka `tol!" sagot ni Dinia.
"Dapat naming makilala `yang dalawang `yan!" sabi naman ni Bryan.
"Isasalang ba natin sa initiation?" sabi ni Lester.
"Sa susunod isama niyo kami o kaya dalhin niyo rito." sabi ni Jems.
"Gusto mo lang makita niyan si Alexa eh." sagot ni Bryan.
"Walang bukingan pre! Hahaha!" ani Jems.
"Walang bukingan pero may uwian! Hahaha! Babay trops!" sabi ni Lester.
Kapag magkakasama ang grupong ito, hindi mo mapigilan ang tumawa kahit hindi mo pa sila gaanong kilala. May mr. assimo kapag nababad trip at ang iba ay nakikisawsaw lang at lalong sinisige ang pagsusuplado't pagpipilosopo nila. Kahit si Dinia ay minsan ring nakikisakay sa trip nila kaya tuwang-tuwa ang tropa. Sa mga magbabarkada, feeling safe ang mga babaeng one-of-the-boys kapag boys ang friends nila.
"Lester sandali." sabi ni Dinia kay Lester nang mahabol niya ito. Hindi pa naman siya nakakalayo nang magsiuwian na rin ang iba.
"Baket?" tanong lang nito.
"Bakit gano'n?" tanong ni Dinia.
"Hindi ko masasagot `yang tanong mo." sabi nito at nagpatuloy sa paglalakad.
"Sandali naman." ngiti nito.
"Ayusin mo kasi ang tanong mo. Para mong tinanong sa'kin ang nanay nitong studyanteng `to." sabay tapik sa balikat ng nakasalibong na studyante. Napatingin lang ito at parang may dalang question mark ang mga kuto niya sa ulo.
"Ok. Kasi kanina parang ayaw kong nakikitang dumidikit `yung Alexa kay Andrei. Ano'ng ibig sabihin no'n eh alam mo namang dati na akong may ipinakikilala sa kanya?" tanong ni Dinia.
"Baka nagseselos ka?"
"Bakit naman ako magseselos?"
"Bakit nga ba? Ikaw ang nakakaalam niyan higit sa akin at kay manong." sabay saludo sa magbabalut.
"Ewan ko sa'yo." sabi nito at bumalik na. Alam na niya ang ibig sabihin ng mga sinabi ni Lester. Hindi naman siya ganoon kainosente kahit papano, meron na ring impluwensya ang internet sa isip niya.
"`Di ba dito rin ang daan mo pauwi?"
"Ha? Oo."
"Eh bakit ka pa bumabalik?"
"Wala."
"Parang ikaw ang may problema ah, hindi si Andrei."
"Gano'n ba. Sige pasok na 'ko."
"Huy!" mahinang pambabatok nito. "Kapitbahay niyo `yan."
"Hehe." napakamot na lang ng ulo si Dinia. Bakit ba kasi hindi maalis sa isip niya ngayon si Andrei? Huy! sigaw din ng isip niya.
Naku! Natutuliro na si Dinia. Anuman ang ginawa ni Andrei, effective. sabi ng isip ni Lester.
...Offline...itutuloy...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.