Friday, December 21, 2012

Teenage Destiny 5


Online...Chapter 5

Dapat bang magselos ang isang boyfriend ng isang babaeng one-of-the-boys dahil lagi niyang kasama ay mga boys din kagaya niya? Do you have to change her to what you want her to be, or let her linger with other guys but make sure she understands her limits? Gagayahin mo ba si dating pangulong Marcos na iproklama ang martial law para lang ikulong sa bisig mo ang mga taong mahal mo, sa tingin mo magtatagal kayo `pag gano'n? Minahal mo siya kung sino siya `di ba so intindihin mo siya ng hindi siya nagsasalita. Explanation? Love is not complete without trust, not the condom brand but it makes sense. Siguro naisip rin ng management na trust ang ipangalan sa product nila dahil na rin hindi kumpleto ang pagmamahalan kung wala kang dalang tiwala. Tiwala lang!


"It's my choice to trust you but it's your duty to prove me wrong." Eto ang paborito kong linya kapag may nanghihingi ng advice sa akin tungkol sa love. Malamang sumikat na ito sa dami ng mga nabigyan ko na ng advice kahit nabibilang ko pa sila gamit ang mga nunal ko. Hindi ako si Dr. Love, Papa Jack o iba pang DJ sa radyo, isa lang akong misteryosong blogger na hindi interesanteng makilala, that's why its a rare chance to meet me. Self explanatory na ang pangungusap na ito, ang dapat na lang gawin ay iapply sa totoong buhay dahil ang mga advice ay walang kwenta kung hindi pakikinggan. Madaling sabihin pero mahirap gawin, pero walang mawawala kung susubukan. Minsan kahihiyan lang ang kabayaran at ang dignidad mo pero magiging maayos ang lahat. Tiwala lang! This applies on lovers, trust and trust until it comes but if it didn't come stop trusting. Sa tagalog, tiwala lang ng tiwala darating rin ang panahon na magbabago siya pero kung hindi yun dumating, tigilan mo na. Sabi nga sa nabasa ko sa isang site, 'Ang condom nga may trust eh lalake ang gumagamit no'n. Ang whisper may wings para maging free ang babae, kaya `wag magpasakal. At si Rey may langit, tayo pa?' Salese mu rin!

"Dinia! Kailan ka huling nagwalis ng kwarto mo?" sabi ng nanay ni Dinia.

"Malinis naman eh. Oh." sagot nito.

"Syempre ako ang nagwawalis. Nakakahiya kapag may bisita ka."

"Ba't ko naman papapasukin sa kwarto ko ang bisita ko?"

"Ah basta! Sa susunod magsipag ka, batang `to oo." sabi nito.

"Ma lalabas ako ah." sabay halik sa pisngi ng ina.

"O saan ka nanaman pupunta? Hindi ka pa nga naligo at nagsisipilyo." pang-aalaska ng ina niya.

"Eeeeh! Naligo na kaya ako."

"O siya. Ingat!"

"Opo!"

Natural pupunta si Dinia sa Shop ni Kuya Ben para makapaglaro at makipagkita sa barkada. Pagdating niya ay sarado ang shop, bihira ito dahil kahit pasko ay hindi nagsasara si Kuya Ben. Nakakapagtaka namang nasa labas sina Jems at Bryan na parang security guard ng shop. Sa pinto, may nakadikit na papel, The door is closed so we are closed. Lumapit si Dinia at hinawakan ang pinto, akmang bubuksan ito ay kiniliti siya sa tagiliran ng dalawa.

"Para kayong sira!" hingal pang sabi ni Dinia. Malakas kasi ang kiliti niya doon.

"Kita na kasing sarado papasok pa." sagot naman ni Bryan.

"Alam mo namang pasaway `yan." sabi naman ni Jems habang nakatingin sa malayo.

"`Wag mo ng tangkaing buksan `yan dahil masasaktan ka lang." sabi ni Bryan.

"Baka hingalin ka uli." singit ni Jems.

"Ba't nandito kayo kung sarado? Pinagtitripan niyo ba ako?" sabi naman ni Dinia.

Hindi lang sumasagot ang dalawa. Akmang lalapit si Dinia pero napaatras siya agad dahil pumwesto na para mangiliti ang dalawa.

"Isa!" sigaw naman ni Dinia na parang bata.

"`Wag mo na kasing buksan." sabi ni Bryan.

"Bawal si Dinia dito." sabi ni Jems.

Inayos ni Dinia ang mahabang buhok at itinago sa cap niya. "Si Dino ako." sabi pa niya sa malaking boses. Maganda pa rin si Dinia kahit ganito ang ayos niya. Kahit anong gawin ata niya at isuot ay babagay sa kanya. Kahit magbihis pa ito ng igorot at isuot ang panty sa ulo ay attractive pa rin siya. Hindi nga maintindihan ng grupo kung bakit NBSB siya. Lalo na siguro siyang iilawan ng spotlight okaya ay hihigupin ng UFO kapag nagdress na siya or formal na damit, tulo laway siguro ang grupo `pag nagkataon.

"Bawal ka pa din." ani Jems.

Napatigil ang tatlo nang lumabas ang isang magandang babae. Kilala ito ni Dinia, si Alexa. Nakatingin lang ang tatlo na parang nanonood ng sine na unti-unting lumalabas ang isang mystery character nito. Parang lumaki rin ang butas ng ilong ng dalawang lalake sa halimuyak na dala ng pabango niya. Paano siya napunta rito? tanong ng isip ni Dinia. Napamulagat pa siya nang kasunod na lumabas si Andrei hawak ang kamay ng dalaga. Parang kumulo bigla ang dugo niya sa utak at ngayo'y naglalabas na ng pressure sa kanyang tainga, kulang na lang ay ang tunog ng isang pressure cooker.

Nanatiling nakatingin si Dinia sa dalawa bago tuluyang kumalas ang babae. Pagkakataon na ni Dinia na mag-usisa.

"Ano'ng ginagawa nun dito?" tanong niya kay Andrei. Wala ng dapat pang pigilan ang dalawang gwardya dahil lumitaw na ang tinatago nila.

"Napadaan lang siya." ikling sagot ni Andrei.

"Oy, oy, oy!" sigaw ng dalawa.

"Maganda siya bro! Pakakawalan mo pa ba `yan? Ang cheese na ang lumalapit sa daga!" sabi ni Jems.

"Bago `yun ah." sabi ni Dinia at tumawa. "Hindi ba tayo nabuking?" bigla niyang tanong kay Andrei.

"Hindi naman." tipid niya uling sagot.

Tinapik lang siya sa balikat ni Dinia at pumasok na ng tuluyan sa shop. "Kuya Ben, 10 hours nga."

"Aba! May problema ka yata ineng? Kung ang iba sa alak nagpapakalulong, ikaw sa laro."

"Ayaw mo? Sige 3 hours na lang."

"Sabi ko nga binibiro mo lang ako." sabi ni Kuya Ben.

Samantalang sina Jems at Bryan ay binabaklas ang idinikit sa pinto ng shop. "Para tayong sira dito kanina. Hahaha!" sabi ni Bryan.

"Sinabi mo pa. Pero Drei, nakascore ka?" tanong ni Jems.

"Sikreto." sagot lang ni Andrei. "Dins! Tabi tayo. 3 hours din Kuya Ben!" at binalingan si Dinia.

"Dito ka pala Lester." sabi ni Dinia.

"Nakikita mo naman `di ba? Kailangan pang sabihin?" pagsusuplado nito.

"Hoy! `Wag mo ngang ginaganyan ang labs ko!" Nagulat si Andrei sa sinabi niya kaya umacting na lang. "Labs na labs ko `to eh." sabi niya at kinuha ang cap ni Dinia.

"Akin na nga `yan!" habang pinipilit abutin sa kamay ni Andrei. Irita pa rin ang pakiramdam ni Dinia kay Andrei dahil sa nakita kanina. Hindi niya alam kung bakit.

"Ang sweet!" sabay na sabi ni Jems at Bryan.

"Tol, sara namin uli ang shop ha?" paalam ni Jems kay Kuya Ben.

"Basta ba bayaran niyo ang oras." sagot naman nito.

Hindi naman agad napansin ni Dinia na magkadikit na ang katawan nila ni Andrei. Nagkatinginan naman sila nang may ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nila sa isa't-isa. Lester tulak mo si Dinia! sigaw ng makulit na isip ni Andrei. Sa lapit ng mukha ni Andrei ay amoy ni Dinia ang bango ng hininga niya kahit umaga pa lamang. Kita rin ni Dinia ang brown na mata nito. Parang nahimasmasan naman si Dinia ng parang lumalapit pa at lumiliit pa ang distansya sa pagitang ng kanilang mukha.

Pabigla siyang naupo at hinarap ang monitor. "Akin na `yan." mahina niyang sabi habang hiyang tumingin kay Andrei.

Wala namang masabi si Andrei sa nangyari. Parang naattract siya habang tinitignan ang mga mata, ilong, at lalo na ang labi ni Dinia. He felt like he wants to have a bit of her lips, just a second pero hindi siya nito napagbigyan. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kamay at inabot kay Dinia ang kanyang cap. Tahimik lang nilang inubos ang tatlong oras na sana'y mas maeenjoy pa nila.

"Ahm. Dinia." tawag sa kanya ni Andrei, hinawakan pa nito ang kamay niya na ikinagulat niya. Dati namang walang malisya ito pero bakit ngayon pakiramdam niya parang mamumula siya na parang itlog na maalat.

"A-ano `yun?"

"Pwede ba kitang makausap?" mahinahong sabi ni Andrei. Parang nakakaintimidate ang kanyang pagsasalita ngayon, in born na nga yata ang pagkaguluhan ng kababaihan. Sino ba ang tatanggi sa pakiusap ni Andrei? Let me think. Ah! Si Dinia.

"Baka hina-"

"O sige iwan na namin kayo." sabay-sabay na sabi ng barkada sa pangunguna ni Lester.

Hinila pa ng magbabarkada si Kuya Ben. "Teka, teka..." sabi pa nito.

"Oy! Teka `wag niyo akong iwan." sabi nito at nang akmang aalis na ay hinawakan uli ni Andrei ang kamay niya. Parang isang hakbang lang ang balak niya pero hindi pa niya nagawang lumayo kay Andrei. Bakit ba niya ito gustong iwasan?

"Iiwan mo ba ako rito kahit sinabi kong kakausapin kita?" sabayan mo pa ng tingin ng seductive niyang mga mata.

"Ha? Baka kasi-"

"Sandali lang `to Dins." hinila siya nito sa ilalim ng isang puno. Hindi man lang siya namili ng magandang lugar, wala tayong magagawa dito ang malapit na lilim kahit na usok ng sasakyan ang sinasalo ng baga nila rito. Tutal sabi ni Andrei sandali lang sila.

"Ano na?"

"I think I love you."

What? sigaw ng isip ni Dinia. Ibig sabihin nagpapalipad hangin na siya dati at parang natotorpe pang aminin kay Dinia ang kanyang nararamdaman kaya gano'n siya umasta. Napakaraming tanong ang gustong sabihin ni Dinia pero parang nagdikit ang labi niya nang matuyo ang mga ito dahil sa tagal niyang hindi makapagsalita.

"Andrei, baka nagugulat ka lang? Barkada tayo, baka... baka magkailangan tayo." sabi niya nang mapaghiwalay ang nakamighty bond niyang labi, pakiramadm niya nagasgas pa ito.

"So basted na agad?" medyo naawa naman siya dahil hindi man lang ba niya bibigyan ng tyansa ito para mapatunayan sa kanya ang pagmamahal na sinasabi nito?

Hindi siya makasagot at nakatingin lamang sa malayo habang hinahangin ang kanyang buhok ng fan ng aircon. Hinawakan iyon ni Andrei kaya napaharap si Dinia sa kanya, "Let me love you Dinia. Alam ko kilala mo ako ng lubos kaya alam kong nahihirapan ka na tanggapin ang pag-amin ko sa'yo pero Dinia, I'll risk our friendship para pumunta tayo sa next level."

Ano na babae? Magsalita ka. utos ng isip nito. Hindi niya alam ang tamang sasabihin dahil ingat siyang hindi masaktan ang kaibigan. Oo magkaibigan sila, biglang dumaloy ang maraming genius cells niya sa utak kaya may naisip siyang sabihin. "`Wag mong isugal ang pagkakaibigan natin. `Yon na lang ang alaala ko kapag nagkalayo tayo, isusugal mo pa? Bihira ako mag-english pero sasabihin ko ito Drei, don't forget in having a relationship, we need to be friends to stay longer than forever. Huwag mo sanang ipagwalang bahala ang pagkakaibigan natin. Kahit ang mag-asawa, magkaibigan pa rin `yan kaya masayang nagsasama!"

Naiwang nakatanga si Andrei. Napahiya yata siya.

...Offline...itutuloy...

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.