Saturday, March 10, 2012

Everyday in the Rain 5


Sa Bahay



"Ano po ba'ng nangyari? Bakit sila naghiwalay ng boyfriend nya?" tanong ko kay tatay.

"Ganito kasi yon...

Si Angelica ay isang magaling na programmer sa kumpanya namin. Maganda siya, sexy, masayahin, masipag at mabait. Hindi na ako nagtataka kung bakit halos lahat ng lalake sa kumpanya ay may gusto sa kanya. Kapag nga inuutusan siya, lahat ng nakakasalubong niya ay binabati siya at kinakausap, kaya pagdating niya sa office ay mapapagalitan na siya. Madalas ding libre ang lunch niya sa mga gustong pumorma sa kanya, pero mabait siya kaya hindi na siya naglulunch. Meron nitong lalakeng si Ken, niligawan siya. Si Ken naman, gwapo, may tikas, maangas, singkit, at mayaman."

"Wala akong paki sa kanya tay. Si Angelica ang ikwento niyo." putol ko sa pagkukwento ni tatay.

"Patapusin mo nga ako, batang to. Oo, gwapo siya at mayaman, pero hindi naman siya gusto nitong si Angelica. Ano'ng ginagawa sa manliligaw na hindi mahal?" pang-aasar ni tatay.

"Malay ko. Hindi ko alam ang sinasabi niyo." sabi ko.

"Imposibleng hindi mo alam to kasi madalas to mangyari sa'yo. Hindi ka kasi nagpapaturo sa'kin eh."

"Oo na binabasted na. Hindi sila yung dapat sa'kin kaya ganun yun tay. Wala kayong kinalaman dito." biro ko at lumayo kay tatay. "Nay, pahiram niyo muna ng isusuot si Angelica. Kakasya naman siguro." tampo kunwari ako, pero interesado akong marinig ang kwento ni tatay.

Bigla akong binatukan ng nanay ko. "Ano'ng ibig mong sabihin? Hindi na sexy ang nanay mo? Lokong bata talaga to."

"Wala akong sinasabing ganon nay." pagpapaliwanag ko, napangiti naman si Angelica at tinakpan ng panyo ang labi. Nakakatuwa, para akong lumulutang at napatitig sa kanya. Napakurap ako at umiling. Nag-isip ng sasabihin, baka mahalata akong napatitig, "Oh anong nakakatawa?" tanong ko kay Angelica.

"Pahiram mo nalang siya ng t-shirt mo Victor, pati short na rin. Ineng pahiramin kita ng panty ko, ok lang ba sa'yo?" tanong ni nanay. "Pwera na lang kung gusto mo magthong." bulong niya pa.

Namula si Angelica, "Tita naman, uuwi din po ako agad. Hiram na lang po ako kay Victor."

"Ha? Malaki para sa'yo yung mga damit ko." sabi ko.

"Tshirt lang ok na, may dala akong shorts." sabi niya.

Pasimple namang nagbulungan ang magulang ko at dahan-dahan kaming iniwan. "Ma! Tay! Sa'n kayo pupunta?"

"Magluluto ako anak." sabi ni nanay.

"Ma..Matutulog ako." bahagya pang nag-isip si tatay. "Bahala ka na sa bisita mo ha."

Kainis! Pinagtulungan ako. 'Pag andito talaga si tatay, pati si mama nadadamay sa kalokohan ni tatay. "Tara sa kwarto. Pili ka ng isusuot mo."

"Ano ka? Saan ba ang kwarto mo? Maghintay ka sa labas." sabi ni Angelica sabay labas ng dila.

"Eto. Baka may makita mo yung mga brief ko. Babantayan kita." sabi ko.

"Baka may gawin ka sa'kin eh."

"Ano sa tingin mo, pinagnanasaan kita? Gusto mo iwan nating bukas ang pinto."

"Sige."

Namili ng namili ng namili ng namili ng damit ko si Angelica. Pati yung mga hindi ko na sinusuot, nahalungkat niya. Buti hindi niya nahalungkat ang mga bagay sa ilalim ng mga damit ko. Katawa talaga ang mga babae. Ang kalat tuloy ng kwarto ko. "Eto. Gusto ko to." sabay sukat sa isang damit na pati ako hindi sinusuot sa sobrang laki. 

"Sa CR ka nalang magbihis." sabi ko, lumabas siya ng kwarto at nagCR.

Bumalik siya sa kwarto ko at isinara ang pinto. "Bagay ba?" Isinuot niya at wow. Ang cute. Suot niya ang napakalaki kong damit. Lubog na nga ang shorts niya at parang shirt lang ang suot. Buti na lang at hindi maluwag sa neckline kung hindi, may makikita akong di dapat.

Parang may mga glitter sa hangin habang tinitignan ko siya. Tulala ako, ngayon wala akong pakialam kung alam niya na nakatitig ako sa kanya. Parang slowmotion ang pangyayari. Unti-unting lumalabo ang background at para akong liliparin ng hangin. Hindi ako adik, hindi rin ako uminom ng energy drink at nagfeeling macho, ito siguro ang epekto kapag sininghot mo ang medyas mo. "You look great." sabi ko in English habang palapit sa kanya.

"Sabi sa'yo ako mamili eh. Panget kasi yung mga pinipili mo."

"Kahit ano pa ang isuot mo, hindi mo maitatago ang ganda mo. Hindi ko maiwasan ang tumitig sa mukha mo, sa mata mo, at sa labi mo." sabi ko na hindi na pinansin ang damit nito.

Titigan kami. Wala na siyang masabi. So ako ulit ang magsasalita. "Gusto kong dampian uli ang mga labi mo. Papayagan mo ba ako?" tanong ko at hinawakan ko ang baba niya para itingala ang mukha niya sa'kin. Unti-unti kong inilalapit ang mukha ko sa kanya. Napapikit siya, ganun din ako. Nakakabinging katahimikan.

"Kakain na!" sigaw ni mama. Syet! Sira ang diskarte ko. Nagmulat ang mga mata namin, at biglang natauhan.

"Tawag na tayo." sabi niya at napalayo na ako sa katawan niya.

"Tara, feel at home." sabi ko.

"Oh. Bagay mo iha. Marunong kang magdala ng damit. Sana ganun din yang si Victor." sabi ni mama.

"Ako nanaman ang nakita niyo." simangot ko. Tuwang tuwa si Angelica sa'min. Ang sigla rin ni mama, bihira kasi akong magdala ng bisita.

"Kain na. Pray tayo. Victor, ikaw mag-lead." sabi ni tatay. Mukhang nagulat si Angelica, hindi siguro nila ginagawa ito.

"Bakit ako? Haay. In the name of the Father and of the Son and of the Holy Spirit, Amen. Lord salamat po sa araw na ito, sa pagkaing nasa hapag namin, at sa pagsasalo ng buong pamilya namin. Lord, bless niyo po kami ng pamilya ko at ang pamilya ni Angelica at maging kalakasan sa aming pisikal na pangangatawan ang biyayang ito. Salamat po Lord. Amen."

Natapos kaming kumain at napag-usapan na magkasama kami ni tatay matutulog at si mama ang kasama ni Angelica. Dalawa lang kasi ang kwarto ng bahay namin. Gusto ko sana siyang makatabi sa pagtulog. Yung mapapayakap ako sa kanya, o kaya siya ang yayakap sa’kin. Pagmamasdan ko ang pagtulog niya, aalamin kung mabait din siya kapag tulog. Pero sa kabutihang palad, pinaghiwalay kami ng tadhana. Hindi nga naman tama na magkatabi kami matulog, baka nga sa sofa na ako matulog dahil aayaw siyang tumabi sa’kin. Mabuti na rin ito pero sayang.

"Tay, tuloy mo yung kwento mo." sabi ko habang nakahiga kami ni tatay.

"Saan ba ako natapos?" pakamot pa ng ulo.

"Dun sa nabasted yung Ken. Kung nabasted siya, siya ba yung ex-bf ni Angelica na sinasabi niyo?"

"Oo, naging sila nga. May mga bali-balita na ginayuma daw si Angelica at ngayon lang natauhan, may nagsasabi din na pinepera daw ni Ken kaya siya sinagot. Nakakainis pero chismis lang yun. Kasama na sa buhay ng Pilipino yun."

"Bakit alam mo yun tay? May pagkachismoso ka pala." tawa ko.

"Luko-luko. Napansin ko lang." ginulo nanaman niya ang buhok ko, lagi niyang ginagawa sa’kin yun. Kainis, sayang ang pagod ko sa paglalagay ng wax. Nakakangawit kaya yon. Buti na lang at gabi na, matutulog na.

"Nililigawan ka ba ng anak ko?" tanong ni mama sa kabilang kwarto.

"Ay hindi po. May sumusunod po kasi sa'kin kanina kaya hindi muna ako umuwi. Isinama po ako ni Victor dito. Ang bait po ng anak niyo. Swerte po kayo sa kanya, at napalaki niyo siya ng tama." paliwanag ni Angelica.

"Kung liligawan ka ba niya may pag-asa siya?"

"Tita..." nahiya si Angelica. Pero sa sinabing ito ni mama, parang napaisip siya.

"May gusto ka sa kanya, tama ba 'ko?" napalingon si Angelica nang sabihin ito ni mama. "Huwag kang mag-alala, hindi ko sasabihin sa kanya."

Ngunit biglang nagbago ang mood niya. Parang nalungkot. Yumuko siya at sinabing....

"itutuloy..." 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.