Thursday, March 15, 2012

Mag-gragraduate Ako 'Ma



Isang maulan na umaga, araw ng lunes. Nagmamadaling pumasok sa school si Oliver dahil maleleyt na siya sa pagpasok. Si Oliver ay isang top student sa klase nila. Elementary pa lang, proud na proud na sa kanya ang mga magulang niya at ngayong malapit na siya magtapos ng highschool ay may maipagmamalaki na ang kanyang magulang. Siya nga pala, ulila sa ama si Oliver dahil ipinagpalit sila nito sa Koreana. OFW ang ama pero hindi na umuwi, dalawang taong gulang pa lamang siya noon. Si Aling Maria, ang ina ni Oliver, ang tanging nagpapaaral sa kanya. Nairaos niya ang pag-aaral nito sa pagtitinda sa palengke. Napakasipag at napakabuting ina ni Aling Maria. Napapahiling na lamang ang kanyang mamimili na sana, siya na lang ang nanay nila. Napakaswerte ni Oliver kay Aling Maria.




"Pare, naiwan ko yung project ko." sabi ni Oliver.

"Naku. Patay ka dyan. Requirement pa naman yon para maclear ka for graduation." sabi ni Alice, ang close friend ni Oliver.

"Pwede pa. Uwi ka muna. Di baleng malate maipasa mo lang yan." sabi naman ni Leo, seatmate ni Oliver.

"Mukhang huli na. Parating na si Sir Galang." sabi naman ni Norman, na kadarating lang. "Nakita ko siya, naglalakad na papunta rito. Kaya nga binilisan ko eh."

"Speaking of the devil." maarteng sabi ni Alice ng makitang pumasok ng pinto ang maestro.

"Paano na 'to? Sana pwedeng malate muna ng pagpasa." alalang sabi ni Oliver.

"Siguro naman class, alam niyo na ngayon ang deadline ng project na pinagawa ko sa inyo. Pass them forward." pabiglang sabi ni Mr. Galang. Kilalang strikto si Mr. Galang sa kanyang rules at kapag sinabi niya, final na yon. Maraming estudyante ang galit sa kanya, halata sa mga vandalism sa armchair na nakaukit pa. Pati mga magulang, kaibigan, lolo, lola, tita, tito, kamag-anak, kapitbahay, kapitbahay ng kamag-anak, pinsan, second cousin, kaibigan ng pinsan, kaibigan ng kamag-anak at kaibigan ng naibagsak nito ay galit sa kanya at pinapanalangin na mamatay na siya, buti na lang at nakakatulog pa ito ng masarap sa mga karayom na tinutusok sa manika niya. Naglakas-loob na magtaas ng kamay si Oliver, "What is it Oliver? May problema ba?"

"Sir pwede po bang bukas magpasa? Naiwan ko po kasi yung akin." paliwanag ni Oliver.

"Mukhang wala sa mood si Sir." bulong ni Alice.

"Ilang ulit kong sinabi at pinaalala yan sa inyo? Kapag pinagbigyan kita sasabihin ng mga nagmadaling gumawa na 'Ay, pwede pa pala bukas, dapat ndi na muna ako nagmadali.' Ang deadline ay deadline. Sorry Oliver. It's now or never." napakamot ng ulo si Oliver dahil nasermon siya kaaga-aga. Kailangan niyang gumawa ng paraan. Brainblast! Naisipan niyang itext ang ina.

Maagang gumigising si Aling Maria para magtinda sa palengke. Alas tres pa lang ng madaling araw ay paalis na siya ng bahay, lagi niya hindahanda ang kakainin ni Oliver. Masigla siyang nagtatawag ng mamimili kahit na napakataas na ng lagnat niya noong araw na iyon. Hindi niya pinapahalata, nahihilo, kulang siya sa tulog at hindi pa nag-almusal nang matanggap ang text ni Oliver.

'Ma, pwede nyo bang hatid dito sa school yung project ko sa bahay? Kulay green na sliding folder saka yung drawing sa tabi nun. Kelangan lang talaga ngayon.' di naman kalayuan ang eskwela at sa palengke ang bahay nila. Siguro isang sakay lang ng jeep, iisang ruta lang naman yon. Dali-daling iniwan ni Aling Maria ang kanyang pwesto para umuwi. Kahit nilalagnat at nawawalan ng balanse ay nagmamadali pa rin siyang makauwi para maipadala ang kailangan ng anak.

'Sige kunin ko na.'

'Ma, pakibilis. Baka umalis na si sir.' lingid sa kaalaman ni Oliver na hirap ang ina dahil sa sama ng pakiramdam nito.

'Oo. Heto na hawak ko na. Ang dami pala. Punta na ako dyan.' reply nito habang hirap sa pagtetext at pag-ipit sa mga papeles ni Oliver habang nagmamadaling naglalakad para makapag-abang ng sasakyan.

'Hintayin nyo na lang ako sa labas.'

'Hindi na ba ako papasok?'

'Wag na' reply ni Oliver, mabilis ang pagdaloy ng dugo sa isip ni Oliver. Hindi sya makapagfocus sa tinuturo ng maestro. Ayaw niya na papasukin ng school ang ina, baka isipin ng mga classmates niya Mama's boy siya kapag nakita siya kasama ang ina. Likas na maalagain kasi si Aling Maria, kaya baka iba pa ang isipin ng mga kaklase nito.

"Alice..." pabulong na tawag ni Oliver sa kaharap na upuan. "Alice.." sabay kalabit dito.

"Bakit?" biglang lingon ni Alice, at binalik din agad ang tingin sa harapan. Takot mahuli ni Sir Galang.

"Tulungan mo ako mamaya. Kukunin ko ang project kay Mama." pabulong pa ring sagot.

"Bakit hindi mo na lang papasukin Mama mo? Para hindi ka na lumabas." sagot ni Alice.

"Eh ayoko. Baka isipin ng mga kaklase natin Mama's Boy ako. Alam mo naman ang mga yan. Ayokong asarin nila ako."

"Kinakahiya mo Mama mo?" sabi niya. Nagulat si Oliver, hindi nga niya alam ang nararamdaman ng ina. Napakaselfish ng desisyon niya.

'Nandito na ako.' sabi ng text message galing sa ina.

"Tara. Nandoon na daw siya." bulong ni Oliver kay Alice.

"Magpaalam ka kay sir."

Taas kamay. "Sir, may I go out? Kunin ko lang po project ko."

"Balik ka in 5 minutes."

"Sama ko po si Alice."

"Bilisan niyo."

Paglabas namin ng room at mabilis na naglalakad, "Oliver, kailan ka huling hinalikan ng nanay mo? O kailan mo siya huling niyakap?" natahimik ako sa tanong na ito ni Alice.

Walang maisagot si Oliver dahil nakokornihan siya kapag niyayakap siya ng nanay. Kaya hindi na siya nagpapayakap. "Nagbibinata na ang anak ko." ang tanging sagot na lamang ni Aling Maria kapag ganoon ang ginagawa ng anak. Gusto man ipakita ni Oliver na mahal niya ang ina, pinagbubuti na lang niya ang pag-aaral kaya siya naging top student, pero hindi niya ito masabi. Naaalala niya noong bata pa siya at nakakalong sa ina, tuwang tuwa siya habang kinikiliti si Oliver. Nakakatuwa ang saya ni Aling Maria noon, lagi pa nitong hinahalikan ang noo ni Oliver at ihehele pagtulog. Ang pagmamahal ng ina ang dahilan kung bakit tumalino si Oliver, wala ng tatapat pa sa pagmamahal ng isang ina.

"Oliver, sana si Aling Maria na lang ang nanay ko. Napakamaalagain niya, hindi ka pinababayaan. Kung nabubuhay pa ang mama ko, siguro mabait din siya. Kaya lagi mong sasabihin sa kanya na mahal mo siya habang nakakasama mo pa siya. Swerte ka Oliver." eksaktong paglabas namin ng gate matapos sabihin ni Alice ito.

"Gagawin ko yan Alice. Salamat sa payo." namataan na ni Oliver ang kanyang ina pero isang malakas na busina ang nagpabingi sa paligid.

Kasabay nito ang paglapag ni Aling Maria sa mga papel ni Oliver sa paanan nito at liningon ang anak. Huli na para makaiwas pa si Aling Maria sa pagkabundol mula sa isang nawalan ng kontrol na trak. Parang napakabagal ng galaw ng mga tao at napatayo na lamang si Oliver. Si Alice ay napatakip ng bibig at tumulo ang luha. Napakabilis ng pangyayari. Isang aksidente, malagim na aksidente ang naging pagitan ng pamilyang nagmamahalan.

Malamlam na tumulo ang luha ni Oliver sa lupa kasabay ng paghakbang patawid ng daan upang lapitan ang pinangyarihan ng aksidente. Kasabay ng mga saksi sa aksidente ang paglapit ni Oliver. Wala. Hindi na makilala ang bangkay ni Aling Maria dahil nagkalasog-lasog ito nang bumangga sa pader ng mahigit sampung metro mula sa kinatayuan nito. Tumalsik pa ang dugo ni Aling Maria, tumutulo papunta sa paanan ni Oliver.

"Ma..." ang katagang lumabas sa malungkot na mga boses ni Oliver. "Ma, bakit?" tanong na lumabas sa kanyang bibig. "Bakit nangyari ito? Maaaaa..!!" sigaw niya at napaluhod na lamang at humagulgol ng iyak. Wala ng makakatumbas sa sakit na nararamdaman niya ngayon. Walang ni isa sa mga saksi ang makakaramdam ng lungkot at sakit ng pag-iisa, si Oliver lang. "Mahal na mahal kita Nay." bulong niya at tuluyan ng nasakop ng lumbay ang puso ni Oliver.

Pinulot ni Alice ang mga project at papel na hindi man nagasgasan. Hindi man nilipad ng hangin. Tanging isang talsik ng dugo malapit sa pangalan ni Oliver ang tanda na isang malagim na aksidente na tumapos sa pagsasama ng mag-inang Oliver at Maria. Lumapit si Alice kay Oliver at niyakap ito. Makakapagpasa ng project si Oliver, pero ang kapalit nito ay ang buhay ng kanyang ina. Inisip pa rin ni Aling Maria si Oliver hanggang sa huli, hindi man nito nailigtas ang sarili pero sa pagligtas sa proyekto ng anak. Simpleng bagay pero makahulugan sa buhay, ganyan magmahal ang ina.

Kinuha ni Oliver ang mga papel sa kamay ni Alice. Dito niya ipinaramdam ang yakap na matagal ng hindi naramdaman ng ina. Isang malamig na haplos sa kanyang mga luha sa pisngi na nagsasabing 'tahan na' at malambot na labi ang dumampi sa kanyang noo na nagpaparamdam ng wagas na pagmamahal. "Ma... Mahal na mahal kita." bigkas ni Oliver, alam niya, narinig siya ng ina.

Kayo? Kailan ninyo huling niyakap ang inyong ina? Lapitan niyo siya at bulungan ng 'i love you ma'. Naiiyak ako habang ginagawa ito. Mahal ko ang aking ina.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.