"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Thursday, March 15, 2012
Everyday in the Rain 6
Bakit?
Yumuko siya at sinabing, "Sa totoo lang po, mabait si Victor. Noon nga pong mga bata pa kami, masaya na ako kasama siya, naging kalaro ko lang siya parang nagbago na ang mundo ko. Lagi ko nga hong ginagamit ang panyo na ibinigay niya sa akin, para lagi ko siyang naaalala. Ewan ko ho, may mga pagkakataon nga noong highschool ako, lagi akong umaasa na makita siya, o makasalubong man lang. Pero hindi ko siya nakita hanggang magtapos ako ng kolehiyo, lagi siyang nasa isip ko. Kung gwapo na kaya siya? Hindi na kaya siya suplado? Matangkad ba siya? Kilala pa ba niya ako? Magugustuhan kaya niya ako? Alam niyo yun, yung tipong ikukumpara siya sa Prince Charming ko? Hanggang sa may makita akong lalake sa park, bigla siyang dumaan sa isip ko. Kahit umuulan, parang may tumulak sa akin na lapitan siya, na kausapin siya. Yun pala, siya na ang matagal kong hinahanap. Si Victor. Tita, wag nyo pong sasabihin sa kanya pero parang nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Mahal ko na po siya." mahabang pagkukwento ni Angelica. "Tita?" tanong niya nang makitang nakapikit na si nanay. "Narinig kaya niya ang mga sinabi ko?" tanong pa niya sa sarili. "Di bale. Hindi naman kami pwede. Good night po." makahulugang sabi niya at nahiga na.
"Eh tay, bakit sila nagbreak? Kwento ka pa tay." pangungulit ko.
"Sa pagkakaalam ko, umabot lang sila ng isang buwan o mahigit. Ewan! Basta ang pagkakaintindi ko, napipilitan lang si Angelica. Hindi siya masaya dun sa Ken na yun." sabi ni tatay.
"Bakit?" naguguluhan ako.
"Hindi ko na alam ang mga detalye. Bakit hindi siya ang tanungin mo? Interesado ka sa kanya anak?" ngisi pa ni tatay. "Hindi naman ako kokontra, aprub siya sa'kin. Pasado sa standards ko. Future manugang ko na ba? Ha Victor?"
Tumahimik lang ako at nahiga, "Tulog na tayo tay."
Ala-una na ng madaling araw hindi pa ako makatulog. Nakapikit ako pero ayaw akong dalawin ng antok. Bukas nito may bunga na ang pagpupuyat ko, madali pa naman ako tubuan ng pimples. Si tatay kasi eh! Nakakapagtakang nakakatulog ng mahimbing si mama pag katabi si tatay. Sa lakas nitong humilik parang gusto kong tapalan ang ilong at bibig para tumahimik. Buo na ang desisyon ko.
Tumayo ako at lumabas ng kwarto. Pagsara ko ng pinto, yun namang pagbukas ng pinto ng kwarto ni mama. Inabangan ko kung sino ang lalabas, para akong nagpipinta ng baraha. Lumabas ang kamay, maputi at slim. Lumabas ang katawan, ako'y natulala. Suot pa rin ang tshirt ko, oo, si Angelica. Hindi pa ako nakakalapit, ni hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko nang mapatingin din siya sa'kin. 20 seconds din kaming hindi kumukurap, patagalan pero parang tumigil ang oras. Konting repleksyon ng liwanag mula sa buwan ang tumalbog sa ganyang katauhan. Sumuko ako sa aming titigan at akmang pupunta ng kusina sa kabilang direksyon. Pansin kong noon pa lang din siya gumalaw.
Kumuha ako ng tubig mula sa ref at sumunod din siya sa kusina. "Pagkakataon ko na ito." bulong ko. "Hindi ka rin ata makatulog?"
"Oo nga eh, parang may umiisip sa'kin." sabi niya at mapanuksong tumingin sa'kin. Parang sinasabing, "iniisip mo ako no? huwag ka nang magkaila alam ko iniisip mo ako." na kapag sinabi kong hindi ay nakahanda na ang napakatindi at napakalutong na "weeehh??"
"Ako. Kanina pa tumatakbo sa isip ko eh, hindi ka pa ba pagod?" wika ko at inanyayahan siya sa usapang ninanais niya.
"Bolero. Paano ako mapapagod, nakahiga lang ako? Aber?" tawa niya.
"Ibig sabihin napagod ka nga." sabi ko at tumawa.
"Adik ka talaga." sabi niya at kumuha ng baso. Ilang minutong katahimikan ay binasag ng tilaok ng puyat ding manok.
"Angelica,"
"Hmmm?" huwaw, ang kyut ng pagkabigkas nya. Bumilis ang tibok ng puso ko habang tinitignan siyang nagsasangkap ng gatas. Parang yumayakap sa'king damdamin at humahaplos sa puso ko. Ang sarap sa pandinig parang musika, parang tunog ng plawta o romantikong pagtugtog ng saxophone.
"Ang haba ng pangalan mo, ano ba'ng pwede kong itawag sa'yo?" tanong ko.
"You can call me Gel." sabi niya habang hinahalo ang gatas sa tubig.
"Can I call you mine?" seryosong sabi ko at lumapit sa kanya. Ang parteng iyong ng kusina ay medyo madilim, ilaw mula sa dining area lamang ang nakasindi at liwanag mula sa buwan ang nagsisilbing katunggali ng dilim.
Malapit ng magkadikit ang aming katawan nang simulan niyang inumin ang gatas sa baso. "Bumabanat ka ah. Antok lang yan. Gel nalang, short for Angel."
"Angel, Gel, mine, babes, sugar, sweetheart, Angelica, ang ganda ganda mo. Hindi lang dahil madilim, hindi lang dahil inaantok ako, maganda ka, yun ang sabi ng puso ko. Alam ko marami ng nakapagsabi sa'yo nito, pero iyon ang totoo. Napakabait mo, hindi ka mahirap mahalin."
Bahagya siyang napangiti at tinapik ng mahina ang pisngi ko, "Naglalakad ka ata ng tulog." aniya.
"Kung ganon, napakahusay talaga ng tadhana. Dinadala niya ako sa babaeng mamahalin ko."
"Ano ka ba? Wag ka ngang magbiro ng ganyan." pagkasabi niya nito ay lumapit pa ako ng isang hakbang dahilan upang mapaatras siya. Ngunit salamat sa lababo, wala na siyang maatrasan. Ngayo'y magkadikit ang aming katawan, hawak ko siya sa bewang. Idinikit ko ang aking noo sa kanyang noo.
"Mukha ba akong nagbibiro?" tinitigan niya ang mga mata ko at ganun din ako. Heto na, hahalikan ko na siya, handa ako kahit hindi pa ako nagsipilyo ay pwede akong tumagal ng limang minuto. Nagdikit ang aming ilong, ramdam ko ang pagbilis ng kanyang paghinga, ang init ng kanyang hininga, napakabango. Napapikit siya at parang handa ng magpaubaya.
Dumikit na ang bigote ko sa kanyang balat kulang na lang ay dumampi ang aming mga labi. Pero bigla siyang yumuko. "Huwag dito Victor. Mali ito." sabi niya.
Naiwan ako, sinundan lamang ng mga mata ko ang kanyang pag-alis. Natutop ang aking labi, bumigat ang aking paa at sumakit ang aking puson. "Bakit?" tanong ng isip ko. Ramdam ko ang pag-ibig sa pagitan namin pero bakit parang may pumipigil sa kanya. Ramdam ko ang pagmamahal at pagtatangi na mahalikan din ako pero sa di malamang dahilan, siya ay umiwas. Mahal niya din ako pero kung ano itong pumipigil ay hindi ko alam. Ramdam ko iyon.
itutuloy..
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.