"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Friday, April 06, 2012
Everyday in the Rain 7
Ang Pagtatapat
Magdamag akong gising kakaisip kung ano ba ang dahilan, kung sino ang humila sa kanya para ilayo ang sarili sa akin. Napaka oa ko. “Kakausapin ko ba siya? Itatanong ko ba?” kausap ko ang sarili habang nakahiga at nagmumuni-muni.
“Ba’t di mo tanungin?” biglang sagot ni tatay na pupungas-pungas pa na ikinagulat ko. “Wag kang torpe. Nananalatay sa dugo mo ang dugo ko, malakas tayo sa chicks!” biro ni tatay.
Gusto ko nga sana siya makita. Gusto kong malaman ang pakiramdam na paggising mo, may napakagandang babae na hahaplos sa pisngi mo, ang babaeng pinakamamahal mo ang masisilayan sa umaga. Pero sa kasamaang palad, hindi iyon ang naganap. Isang matandang lalake ang aking katabi, ang yumakap sakin kagabi na halos hindi ako makahinga sa bigat ng braso, ang humaplos sa ulo ko at lalong gumulo sa magulo ko ng buhok paggising. “Tay, minsan bisitahin ko kayo sa trabaho niyo ha?” ok lang yun, tatay ko ‘to eh. Nakakamiss nga ang kalokohan niya minsan.
“Aba milagro? Bibisitahin mo ako.” biro ni tatay. “O baka si Angel ang bibisitahin mo?” pahabol pa niya.
Ngumiti nalang ako. Hindi na lang ako umimik at lumabas na ng kwarto. Tama naman si tatay, si Angelica talaga ang gusto kong bisatahin. Gusto kong makita siya sa kanyang trabaho, kung masaya ba sya don, kung bagay ba sa outfit niya ang uniform niya. Nakita ko na ang mga ito ah, bakit nga ba gusto ko syang makita araw-araw? Hindi lang makita kundi ang makasama siya. Masulit ang bawat minuto, segundo, oras na kasama siya. Gusto ko siyang pasayahin, yung tipong kakabagin siya sa kakatawa at bigla na lang mauutot. “Anak, nagpupumilit umalis si Angel bago ka daw magising. Mabuti lumabas ka na diyan at ihatid mo na nga.” sabi ni Mama.
“Tita naman…” sabi ni Angelica na medyo namula pa. “Nakakahiya na po kasi sa inyo.”
“Tatakas ka pa ha.” sabi ko at nilapitan siya at kinurot sa pisngi. “Kain ka na muna dito.” dagdag ko.
“Ay, nakakahiya na po talaga sa inyo.” sagot niya.
“Pati sakin nagpopo ka na?” pinisil ko uli ang pisngi niya. Para na syang nakablush on sa pula ng pisngi.
“Oo nga naman Angel, dito ka na kumain. Ayaw mo ba kaming kasabay?” tanong ni Mama.
Sumingit nanaman si tatay, “Subuan mo kasi Victor. Dapat pinaghanda mo ng breakfast in bed ang bisita mo.” sabi niya.
Ngumiti lang ako at inimagine ang scenario, “Tara na, kain tayo.” sabi ko habang nakangiti. Laking gulat ko ng bigla kong hilain ang kanyang kamay, nakita kong napatingin siya sa ginawa ko. Gumalaw mag-isa ang kamay ko na parang may nag-udyok dito para gawin yun. Loko talaga si Kupido, ginawa akong marionette pero nagustuhan ko ito. Pasimple ko na lang itong binitiwan at tinapik ang balikat niya, “Upo ka na. Huwag kang mahiya, nahihiya rin ako eh. Si tatay kasi eh” bulong ko at natawa na lang siya.
Tahimik kaming kumain ng almusal. Hinatid ko na rin si Angelica sa bahay nila. “Mula ngayon ihahatid na kita sa inyo para mabantayan kita.” sabi ko bago kami maghiwalay.
“Paano naman? Hihintayin mo ako? Eh kung hindi ako agad umuwi okaya mag-overtime ako sa trabaho? Hihintayin mo ako hanggang pumuti ang buhok mo? Kaya mo ba yun?” sagot niya.
Napaisip ako. Napangiti ako nang maisip ang gagawin, “Kunin ko na lang number mo?” nakita kong nagulat siya pero napangiti. “Ilang linggo na rin tayong nag-uusap, saka friends naman tayo diba?” dagdag ko.
“Eh kung hindi ko sabihin number ko?” aniya.
“Gagawa ako ng paraan para malaman yon. Ha-hunting-in ko kung saan ka nagloload at susuhulan para makuha ko lang number mo.”
“Suplado ka kasi eh. Ang torpe mo pa, dapat noon mo pa kinuha number ko.” sabi niya habang nakangiti.
“Type mo ako no?”
“Ha?! Baliw ka ata?”
“Baliw sa’yo…” sabi ko. Hindi siya umimik at nakatingin lang sakin. Nailang ako, para akong naseseduce sa titig niya. Ibang sensasyon ang hatid sakin ng mga mata niya. “Eto itype mo. Haha.” biro ko at binunot cellphone ko sa bulsa para umiwas sa titig niya. Grabe, natotorpe nga ako ngayon.
“Nagmamadali ka ata?” tanong niya. “Tuloy ka muna sa loob. Wala akong kasama, nakakainip.”
Pumalakpak ang tainga ko sa narinig, bumalik sa alaala ko ang nangyari kagabi. Napangiti na lang ako, ‘Chance ko na para makascore.’ sabi ng isip ko. Tumuloy ako at nagfeel at home. Umupo ako sa sofa at nahiga, “Haaay.. Ang sarap dito sa inyo.”
Umupo rin siya sa sofa binalik ang cellphone ko na nakasave na ang number niya, ‘Angel’. Pinalitan ko ang contact name niya sa phonebook ko, ‘Anghel_Q’ napatingin ako sa kanya at nakatingin lang sya sakin, nagkalakas ako ng loob magtanong, “Bakit ka pala umiwas kagabi?” tanong ko.
“Nanonood ka ba ng Twilight Saga?” pag-iba niya sa topic.
“Hindi eh. Pero bakit ka nga ba umiwas kagabi?” pangungulit ko.
Nangiti siya, “Eh yung Harry Pottah?” sabi niya with slang ng Hogward.
Natawa ako sa kanya, ngayon ko ata siya narinig magbiro. “Hindi rin eh. Pero bakit mo ba iniiba ang usapan?” sabi ko at sinundot ang tagiliran niya. Ang lakas ng kiliti niya don kaya tinusok tusok ko pa hanggang mapadapa na siya sa ibabaw ko at nanghihina sa kakatawa. Nakabaliw kapag nakikita ko syang tumatawa, sana lagi na lang siyang tumatawa. Ayoko sana siyang tigilan pero baka hindi na makahinga at baka mautot, baka masira ang poise.
Bumangon siya at tinapat sa mukha ko ang mukha niya. Bumagsak sa akin ang buhok niya na kumikiliti sa laman loob ko. “Yung Fall of Adam, alam mo?” sabi niya. “Hu u?” sabi ko. Hindi ko na pinansin ang sinabi niya at dinampian ko sya sa labi. Mabagal pero hindi siya umiiwas kaya binukasan ko ang labi ko para sa mas intimate na halik. Napapikit ako at dinama ang labi niya na dumidikit sa akin. Ilang minuto rin ang lumipas nang matauhan siya. Inayos ko ang buhok niya, akala niya hahalik uli ako nang ilapit ang labi ko sa tainga niya, “Pwede ba kitang maging girlfriend?” diretsong tanong, walang paligoy ligoy, paligaw ligaw at palugaw lugaw.
Ilang minuto ng katahimikan ang yumakap saming dalawa, umurong ata ang dila niya. Nainip ako sa paghihintay nang
“Sige a…” sabi ko nang magsalita siya.
“Ahm, Victor, kailangan ko ng oras para pag-isipan ang bagay na yan.” sabi niya. “Baka nabibigla ka lang?”
“Hindi ako nabibigla. Pinag-isipan ko rin ito, alam ko nagulat kita pero mahal na kita Angelica Benitez.” Hindi ko alam pero baka noong bata pa lang kami may crush na ako sa kanya hindi lang napansin ng musmos kong kaisipan. “Masaya ako at nakita kitang muli. Hindi kita minamadali, gusto ko lang malaman mo ang nararamdaman ko para sayo. Hayaan mo akong mahalin ka, kahit hindi ka pa sumagot, maghihintay ako.” Nawala na sa kwentong ito ang pag-aaral ko. Isipin niyo na lang graduate na ako tutal si Angelica lang naman ang laman ng isip ko at ng kwentong ito. “Umabot man ng graduation ko, at kapag naipasa ko na ang board exam ko, at kahit…” hindi ko na natapos ang sasabihin ko ng idampi niya ang labi niya sa labi ko.
“At kahit…” pagpatuloy ko at dinampi uli niya ang labi niya.
“At kahit umabot pa ta…” isang smack nanaman, sinasadya ko ng maging makulit ngayon para siya mismo ang humalik sakin.
“At kahit umabot pa tayo ng ilang taon…” binilisan ko ang pagsasalita pero hindi niya parin ako pinatapos, isang dampi nanaman sa labi ko. Ngiti lang siya ng ngiti kapag susubukan kong magsalita, tuwang tuwa sa ginagawa. “Maghihintay ako.” pagtapos ko sa aking pangungusap.
“Edi maghintay ka hangga’t gusto mo.” sabi niya at bumangon. “Gusto mo yan eh.” tawanan kami habang nagkukwentuhan.
Nagpakita na siya ng motibo sa akin, ang mga mumunting halik sa mumunti niyang labi ang nagpapaalab ngayon sa mumunti naming relasyon at nagpapalago sa mumunti naming pag-ibig. Sigurado ba ako sa pinagsasasabi ko? Ah basta, kung kailangan ko siyang ligawan gagawin ko. Ayaw niya sagutin ang tanong ko kung bakit siya umiwas noong isang gabi, pero di bale na, nabawi ko naman ngayon. Si Angelica lang ang laman ng utak ko ngayon, bukas kaya? O sa susunod na araw? Gaganda pa kaya ang storya namin? Hindi pa lumalabas ang kontra-bida, sana matapos ang kwento namin ng masaya. Hindi tulad ng nauna. Kamusta na kaya si Gladys? Teka, sino ba si Gladys?
itutuloy…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.