Ito ay isang istorya ng isang bata,
Isang napakabait na batang aking nakilala,
Nababalot ng ngiti ang kanyang mga labi,
Naglalaro ng manikang nakahabi,
Sa aki’y tumabi at kanya namang hingin,
Nang makita ang aking hawak na inumin,
Limang taong gulang dapat naglalaro,
Pero heto siya sa bangketa nakatalungko,
Walang bahay o mabuting sabihing tahanan,
Pati pamilya ay wala tanging tirahan ay itong daan,
Nilalanghap usok ng mga sasakyan,
Mga pagsubok na kanyang dinadaanan,
‘Di kagaya ng marami nating kabataan,
Sana maubos na, mga batang lansangan,
Bata na nakahiga sa gilid ng kalsada,
Kumakain ng pulot galing sa basura,
Hindi ka ba nahahabag sa iyong nakikita?
Siya’y naka-kamay subo ang maraming bacteria,
Gusot na sando ang kanyang laging suot,
Dating puti ngayo’y itim sa duming nanunuot,
Imulat ang mata sa iyong natatanaw,
Kanyang kabataan unti-unting tinutunaw,
Ang dahilan ay matinding kahirapan,
At pagpapabaya ng iresponsableng magulang,
Ating planuhin kinabukasa’y isipin,
Pati sa paligid hindi lamang buhay natin.
Akin siyang sinundan sa ilalim ng tulay,
Dahan-dahang humiga at nananamlay,
Natulog ng nakadapa sa gilid rumatay,
Lungkot at paghihirap puno ang kanyang buhay,
Sa aking puso’y awa aking naramdaman,
Katahimikan hanggang sa huling hantungan,
Mga tao siya ay nilalagpasan,
Titignan lamang siya ng iilan,
Nahimbing nang hindi ininda ang ingay,
Kawawang bata siya pala ay wala ng buhay.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.