Wednesday, February 08, 2012

Everyday in the Rain 4


Panganib

Sabay na kaming umuwi ni tatay nang makasalubong ko siya. Every week siya umuuwi kasi may tirahan naman para sa employees yung pinasukan niya, pero nakakamiss pa din. Para kaming magkabarkadang magkaakbay ni tatay pauwi, "Kamusta kayo nung nililigawan mo?" masakit na tanong ni tatay.



"Wala na kami eh." nakayukong sagot ko.

"Aba. Nawala lang ako ng ilang araw, naging kayo na? Tapos naghiwalay din?"

"Ang saklap nga eh tay, isang araw lang naging kami."

"Isang araw? Hahaha!" ginulo pa niya ang buhok ko.

"Ano ba'ng nakakatawa?" tanong ko kahit na alam ko na masaklap talaga na isang araw lang kami.

"Di bale. May ipapakilala ako sa'yo pag natapos ka na sa pag-aaral."

"Ba't hindi pa ngayon tay?" tanong ko.

"Hoy, magtapos ka muna, tapos magtrabaho ka. Para hindi ka sa amin humingi ng ipanliligaw mo." halakhak pa ni tatay pagkatapos.

Hindi ko naitanong bakit ngayon siya umuwi, hindi noong linggo. Kapag babae kasi ang usapan, bigla akong nagiging interesado. Bakit kasi hindi pa ngayon ipakilala eh. Matipid naman ako sa panliligaw. Saka parang sigurado siya na liligawan ko yung ipapakilala niya. Duh!

Naalala ko uli si Angelica, galit kaya siya sakin?

>

Isang araw nanaman ang lumipas na puro hikab at pagtunganga ang pangunahing ginagawa. Ginabi ako dahil nag-enjoy sa pagkukwento ng kalokohan niya ang speaker sa aming seminar. Naglalakad na ako pauwi sa amin nang mapadaan ako sa kanto papunta kina Angelica, bumili ako ng boybawang at candy para may kinakain ako habang naglalakad. Kinakabahan ako sa mga nag-iinuman dito, baka biglang may magsuka at madumihan pa ang damit ko. Hindi ko mamukhaan ang mga panget, malamang hindi sila taga-rito. Tinuloy ko ang paglalakad, eksakto namang nasulyapan ko si Angelica di kalayuan pagtalikod ko. Gusto ko siyang lapitan pero nagdalawang isip ako nang mapag-isip-isip ko kung galit ba siya sa'kin. Hindi niya ako pinansin, o baka hindi niya ako nakita dahil nagtago ako sa may puno?

Lumakas ang kabog ng puso ko nang sinundan siya ng isa sa mga lasing na parang manyak makatingin, "Pare sexy". "Pare maganda." sabi pa ng sumunod ang tatlo, iniwan nila ang inuman, hindi pa ata nagbayad. "Baka mapano siya." sabi ko sa sarili. Pasimple kong tinuloy ang paglalakad, nang maitago ako ng dilim at ng gumagalaw na trak, inakyat ko ang bakod ng malapit na bahay at sinundan ko ng daan si Angelica. Payatot lang ako, pero ayoko siyang mapahamak. Hindi ako lumalaban ng suntukan, mabuti pa kung takbuhan at taguan.

Mukhang nakahalata na rin siya na sinusundan siya. Bakas na sa mukha niya ang kaba, binilisan niya ang paglalakad. "Wag kang magmadali!" sigaw ng isang lalake. Tumakbo na sila habang mala-demonyong tumatawa. Naiiyak na si Angelica, tumakbo rin siya.

Nakashortcut ako sa mga bakod at naunahan si Angelica at ang apat na lalake. Sana lang ay hindi ako makasuhan ng trespassing at mabuti na lang, nakatali ang mga aso. Nagtahulan ang mga aso sa mga dinaanan ko. Hindi dumiretso si Angelica sa bahay nila, mabuti na lang at may presence of mind pa rin siya. Lumiko siya sa kaliwa, imbes na kanan na papunta sa kanila. Buti na lang at nakita niya ako, inakyat ko siya sa bakod eksakto lang para sa aming dalawa. Hindi ito madaling maaakyat ng isang tao lang.

Pagliko ng mga lalake sa kaliwa ay dead end na ito ngunit wala doon si Angelica. "Pare, natakasan tayo." dinig pa naming sabi ng isa. "Hindi naman agad makakaakyat yun dito, bakit nawala?" tanong naman ng isa pa. "Pare baka namalik mata lang tayo, multo 'yon pare." takot na sabi ng isa. "Utot mo. Multo ka dyan. Tara na nga." sagot nung isa. "Ang sabihin niyo, natakasan kayo." magsusuntukan pa ata ang mga loko.

Dali-dali naman kaming umalis, malabo na kaming masundan ng mga 'yon. "Tahan na. Ligtas ka na." hinaplos ko ang buhok niya habang naglalakad. "Di pa ligtas para sa'yo umuwi sa inyo. Tuloy ka muna sa'min."

"Salamat. Buti dumating ka." habang hinahaplos pa ang mga luha.

"Wala 'yon. Galit ka ba sa'kin?" alam ko hindi ito ang tamang oras para itanong pero yun ang nasabi ko eh.

"Hindi. Sorry nasampal kita noong isang araw." aniya.

"Bakit mo nga ba ako sinampal?"

"Wala." sabi niya. Halatang tinatago ang totoong dahilan.

"Pwede ba naman yon? Sasampalin mo ko tapos wala lang?"

"Hindi ganun. Basta." napangiti siya ng bahagya. Sana lagi siyang masaya.

"Eh ano nga? Para mapatawad na kita." ang kapal ko.

"Seryoso akong nag-eemote nun eh. Tapos susupladuhan mo ko."

"Pasensya na. Di kasi ako makapaniwala na magkikita pa tayo. Buti nga naaalala mo ako." namula siya. Ewan ko kung bakit. Nawala na sa isip namin ang nangyari kanina. Di ko rin akalain na maliligtas ko siya. Thanks God. "Nandito na pala tayo."

"Ito pala bahay niyo."

"Ay hindi, dun sa aso namin 'to." biro ko. Naghihintay ako ng sampal. Pero kurot sa pisngi ang natanggap ko.

"Ang suplado mo. Kakagigil ka. Salamat uli kanina." hinalikan niya ko sa pisngi, haharap sana ako kaya lang hindi niya sinabi.

"Sa kabila naman, para pantay." akala ko lumang istilo na ni bossing, pero epektib pa rin. 

"Asus. Salamat." ayun naka smack sa lips na ikinabigla niya. Nagulat din ako, kasi ang lambot ng labi niya. Parang gusto ko pa, lumulutang ang pakiramdam ko. Parang nakashabu (hindi ako adik ah :D). Tinampal niya ang braso ko. "Aray!" aray na may kasamang ngiti.

"Umiiscore ka."

"Hindi ka galit?"

"Ngayon lang yan. Niligtas mo ko eh. Pero pag inulit mo pa, matitikman ng nguso mo 'tong kamao ko."

"Aw. Takot ako." halakhakan kami parang walang panganib kanina. "Tara pasok tayo."

>>

"Anak! Bakit ka nag-uwi ng babae?" oa na tanong ni mama.

"Ano?! Si Victor nag-uwi ng babae?" oa na reaction din ni tatay na lumabas pa ng kwarto. "Oh, Angel, paano ka napunta dito?"

"Sir Nick. Dito pala kayo nakatira." ani Angelica na ipinagtaka ko.

"Tatay ko siya." singit ko sa usapan.

"Magkakilala kayo?" tanong ni tatay Nicanor.

"Opo, kalaro ko siya noon. Tapos nagkakilala kami ulit noong nag-eemo ako." sagot ko. Hinila ako ni tatay palayo at inakbayan.

"Hindi ko na pala kailangan ipakilala eh." sabi ni tatay.

"Siya po ba yung sinasabi niyo?"

"Oo. Nagtatrabaho din siya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Syota mo na ba?" ngiti ni tatay sabay kalabit sa tagiliran ko.

"Hindi pa po. Hindi ko pa nga nililigawan eh."

Binatukan ako, "Hindi mo pa nililigawan, inuwi mo na? Hanep ka Victor." sabi ni tatay. "Teka, sabi mo, hindi pa, ibig sabihin may balak ka?"

"Ah. Ewan ko tay."

"Ayaw pa sabihin. Pero wag mo muna ligawan, nangungulit pa yung ex niyan." sabi ni tatay at napatingin ako.

itutuloy...

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.