Friday, December 09, 2011

Everyday in the Rain 2





Alaala

"Ngayon kaya siya babalik?" sabi ni Angelica sa sarili, marahil nainip na kakahintay sa akin. "Baka bukas na. May trabaho pa ako." aniya. Lumabas na ito at nagtungo na sa trabaho. "Di pa rin siya nagbabago."

>

Nagmamadali akong bumalik sa bahay ni Angelica. Kabilang baranggay lang naman sila nakatira. Walking distance kahit medyo malayo o kaya pwede rin sumakay ng tricycle. Martes, at alam kong may klase ako, hapon pa naman ang schedule ko kaya pinuntahan ko ang bahay niya.

Pagdating ko, nakaabang ang isang pitbul na aso sa tapat ng pintuan. "Wala naman ito kanina ah." sabi ko na lang. Buti at nakatali ang aso ngunit kahit nakatali ito kinabahan padin ako baka biglang makawala. "Bukas ko na lang babalikan." sabay karipas ng takbo.

Pag-uwi ko galing school, nag-aabang ako ng jeep na masasakyan pauwi. Pinara ko yung jeep pero hindi ako tinigilan kahit na maluwag siya at hindi naman ito puno. Nagpalinga-linga ako sa paligid, wala namang mamang nakablue na nanghuhuli, wala ding 'no parking' o 'no loading' sign. Nagkibit-balikat na lang ako at naghintay ng susunod na jeep. Sa pangalawang pagkakataon, hindi uli ako isinakay. "May problema ba ang mga driver ngayon!" inis ko ng sabi, lalo akong nainis dahil isinakay niya yung mga babae di kalayuan sa pwesto ko.

"Bwisit. Kung pwede lang haharang ako sa daan para tumigil eh!" sabi ng kanang bahagi ng utak ko, napakamot ako ng ulo, "paano kung hindi pa rin tumigil?" sabi ng kaliwang bahagi ng utak ko. Napatulala tuloy ako, at may dumaan nanamang jeep.

Nainip na ako, at gusto ko na talagang makasakay. Ang pang-apat na jeep ang nasakyan ko, puno na ito pero isinakay padin ako. Kalahati na nga lang ng pwet ko ang nakaupo, umusog ang katabi ko at inipit ang mga hita para bigyan ako ng espasyo sa pagkakaupo. "Thank you." pasalamat ko. Nagulat ako dahil babae ito at pagtingin ko sa mukha, si Angelica.

"Oh ikaw pala." ani Angelica.

"Angelica?"

"Oo bakit? Parang gulat na gulat ka dyan?"

"Eh paano kasi, kanina pa ako nag-aabang at hindi ako sinasakay. Akalain mong nakasakay pa kita dito sa masikip na jeep." pagbitaw ko ng inis.

" 'Yan ang tinatawag na tadhana." ngiti nito.

Hindi ko maintindihan pero parang bigla siyang naging pamilyar sa akin. Ang hugis ng mukha niya, ang mga mata, ang labi. Iba ang dating sa akin ng init ng kanyang katawan, ang pagdampi ng balat nya sa balahibo ko, biglang lumakas ang kalabog at biglang naglikot ang tigre sa dibdib ko.

"May dumi ba sa mukha ko?" dinig kong sabi ni Angelica na naging dahilan upang mapakurap ako at umiwas sa pagkakatitig sa kanyang mukha.

"Teka." sambit ko. "Ang nunal sa ilalim ng kanyang mata." bulong ng isip ko. Napatingin uli ako at biglang nagpreno si manong driver. Napahawak tuloy ako sa hita niya, nakamini skirt pa naman siya malamang uniform sa trabaho nya, at muntik ng sumubsob ang mukha ko sa dibdib niya. "Aaaaayy!" sigaw niya dahil sa preno hindi dahil sa aksidenteng nagawa ko.

Agad naman akong nakarecover, naiiwas ko din agad ang mukha ko sa harap ng kanyang dibdib, "Sorry. Wala ka namang dumi." sabi ko.

"Victor..."

"Bakit?"

"Nakahawak ka pa sa hita ko."

"Waah. Sorry. Sorry. Wala akong... Hindi ko sinasadya... Aksidente... Lang." agad ko din tinanggal ang pagkakahawak ko at hingi ko ng tawad sa kanya, pero iba na ang tingin ng mga kapwa ko pasahero sa akin.

"Malapit na ako." aniya na parang walang nangyari.

"Ah. Eh. Teka, sabay na tayo bumaba." ramdam ko na iba nanaman ang tingin sa amin ng mga pasahero. Gusto kong sabihin na, "ang dumi ng isip nyo" pero ayaw lumabas ng boses ko.

"Sige. Para po!" sigaw ni Angelica.

Nauna na akong bumaba at inabot ko ang kanyang kamay at inalalayan sa pagbaba. "Salamat." nakangiting wika ni Angelica.

"Tadhana nga kaya ang nangyari?" tanong ko sa sarili, pero biglang napasingit sa imahinasyon ko ang pagkahawak ko sa hita at kamay niya. Napangiti ako at,

"Huy! Ano'ng iniisip mo dyan at nakangiti ka?" tanong ni Angelica.

"Wala. Pakialam mo ba." sagot ko.

Tumakbo ito palapit sa bahay sabay sigaw ng, "Suplado!"

Biglang nagpaulit-ulit sa ulo ko ang tunog na parang echo sa isang kwarto. "Suplado..lado..do..do.."

Noong 4 na taong gulang ako, lagi akong isinasama ni Mama sa Jabee kasama ni Tatay. Naglalaro ako noon sa playground ng Jabee, yung may slide, pool na bola ang laman, doon sa manibela. "Bata padaan." sabi ng isang batang babae dahil nakaharang ako sa slide.

"Ayoko nga." sabi ko.

Tumakbo ang babae at lumipat ng laruan sabay sigaw ng "Suplado!"

"Victor, padaanin mo ang ibang naglalaro." sabi ni Tatay.

"Pero tay, akin 'to. Akin ang slide." sagot ko.

"Anak, masaya ka ba na wala kang kasama dyan? Makipaglaro ka sa iba para magkaroon ka ng bagong kaibigan. Mas masaya 'pag may kaibigan kang napapasaya mo din." sabi ni Tatay.

Tumayo ako at nilapitan yung batang babae. Nakipaglaro ako sa kanya, "Tara sabay tayo magslide." aya ko.

"Sige, unahan tayo makakuha ng bola. Redi, set, go!" aniya.

Masaya nga kapag may kaibigan. Tama si tatay.

Nauna siya sakin makakuha ng bola kasi tinulak niya ako, sabi ni tatay bad daw magalit sa kapwa kaya di ako nagalit. "Nauna ako sa'yo. Belat!"

Kumuha ako ng bola at ibinato sa kanya. Natahimik siya. Iiyak yata. Linapitan ko siya, "Bata, sorry kung nasaktan kita." seryoso kong sabi sa kanya.

Tumawa siya at itinulak uli ako, natumba ako kaya tawa kami ng tawa. Humiga siya sa tabi ko. "Umuulan nanaman. Malungkot pag umuulan 'di ba." sabi niya.

"Pero dapat masaya tayo lagi kahit umuulan. 'Yan ang sabi ni mama." wika ko. Napansin ko ang nunal sa ilalim ng kanyang kanang mata. "Ano 'yan?" turo ko.

"Mata. Hindi mo ba alam 'yon?"

"Hindi 'yon. 'Yung nasa ilalim ng mata mo. 'Yung tuldok."

"Ha? Hindi ko makita eh." pilit tinitignan ang nasa ilalim ng mata.

"Gel! Uwi na tayo." tawag ng ate ng bata.

"Opo." at tatakbo na sana siya palabas.

"Sandali. Victor pangalan ko. Sa'yo na 'to. Sana magkita pa tayo uli." sabi ko sa kanya at binigay ang panyo ko sa kanya.

"Sige. Itatago ko ito. Babay!" masiglang sabi niya at kumakaway pa palayo. Masaya at masigla kahit umuulan sa labas.

Pagkatapos nito ay di ko na siya nakita pang muli.

"Tara! Yung gitara mo nasa bahay!" sigaw ni Angelica na nagpabalik sakin galing sa nakaraan.

"Siya kaya yun?" tanong ko sa sarili.

"Ang bagal mo. Bilisan mo nga."

"Nandyan na."

"Tara."

"Nasaan yung pitbul dito?" tanong ko.

"Ano'ng pitbul? Wala naman kaming aso eh." sabi ni Angelica.

"Dumaan kasi ako kanina dito. Babalikan ko nga sana yung gitara ko."

"Ah. Baka yung sa kapitbahay."

Lumabas uli ako at sinilip ang kapitbahay nila. Nandoon nga. Kulang pa pala ng isang bahay ang tinignan ko kanina. Tumahol ang aso na ikinagulat ko, pasimple nalang akong naglakad na kunyari walang nangyari.

itutuloy..

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.