Monday, July 29, 2013

Umuuga Ang Kama 17





Chapter 17

"Arianne!!!"

"Nasaan ka?!"

"Sumagot ka!"

"Marielle! 'Wag mo siyang idamay!"

"Kung ako ang gusto mo, ako na lang ang kunin mo! Pakiusap! `Wag si Arianne!"


Mga boses na naririnig ni Arianne mula sa kawalan. Nagpalinga-linga siya na parang hinahanap kung saan siya naroroon. Kita mo sa mga mata niya ang takot, lungkot at pagkagulat. Takot dahil wala siyang makita kung hindi kadiliman, lungkot dahil nahahaplos ni Anjo ang puso niya at nangunuglila siya rito, pagkagulat dahil hindi niya alam kung nasaan na siya.

Sinusubukan niyang magsalita pero walang boses ang lumalabas sa kanyang labi, bumubukas ito pero walang tunog ang nabubuo. Gusto niyang sagutin si Anjo at humingi ng tulong dito. Gusto niyang magpakita pero hindi niya alam kung saan siya pupunta. Gusto niyang makalabas pero hindi niya alam kung saan ang daan.

"Pag-ibig." sabi ni Marielle kaya napatingin si Arianne kung saan nanggaling ang boses.

Hindi siya makasagot. Gusto niyang sabihin dito na palayain na siya at `wag sasaktan si Anjo.

"Ano ba ang pag-ibig?" kita ni Arianne ang mukha ni Marielle. Ito ang normal niyang itsura noong panahon bago siya mamatay. Mahaba ang buhok, makinis at maputing kutis, matangos na ilong, ngunit malungkot ang mga mata. Marahan itong nakatingin kay Arianne habang humahakbang palapit dito. Tatakbo sana siya ngunit nang lumingon siya ay naroon na si Marielle sa harap ng kanyang mukha.

Nakanganga lamang si Arianne dahil walang boses ang lumalabas mula sa kanyang pagsigaw. Nagbago ang matino niyang itsura, naging nakakatakot ang mga mata niya at kita ang laman pati ang tumutulong dugo sa kanyang sugat sa mukha.

Hinawakan ni Marielle ang noo ni Arianne at doon mismo ay naging mahinahon siya. Para siyang nanonood ng pelikula, kita niya ang pangyayari sa mga mata ni Marielle kung paano niya  sulyapan si Anjo noon, kung ano ang mga nangyayari sa kanyang paligid.

Limang taong gulang si Marielle noong una niyang makilala si Anjo, panahon kung saan ang lobo niya ay lumipad sa kisame ng isang waiting shed at hindi niya maabot. Napakasigla ng mga mata ni Marielle noong bata siya, parang isa siyang batang walang kalungkutan. Napadaan lang si Anjo noon at hindi niya matiis makita si Marielle na pilit inaabot ang lobo kaya inakyat niya ito para maiabot kay Marielle. Tanging ngiti lamang ang sagot ni Anjo sa kanya at ito ang pinakamahalagang alaala na hindi niya malilimutan.

Highschool, nasa labing-tatlong taon na si Marielle, nasa iisang eskwela sila ni Anjo at nakasalubong niya ito sa gate. Parang bumagal ang oras noon habang tinititigan niya ang pagdaan ni Anjo. Mula noon ay lagi niyang inaabangan si Anjo sa pag-uwi at tinatanaw sa malayo. Kung may matatawag na secret admirer ay pwede ng itawag sa kanya, pero mas swak sa kanya ang stalker noon pero wala namang ibang nakakaalam ng kanyang ginagawa kaya ok lang ito. May pagkakataong inaabot siya ng gabi sa paghihintay rito pero hindi siya lumilitaw, pati ulan ay sinusuong niya para lang mabigyan ng oras ang pagsilip kay Anjo.

Mas nakakagulat pa sa kulog ang balitang nasagap ni Marielle, kailangan nilang lumipat ng tirahan at sa kasamaang palad, malilipat rin siya ng eskwelahan. Mula noon naging malungkot ang mga masisiglang mata ni Marielle na hindi man lang napapansin ng kanyang mga magulang. Walang ibang iniisip si Marielle noon kung hindi si Anjo kaya isinusulat niya ang lahat ng nararamdaman niya. Isa sa mga sulat niya ay ipinapangakong malalaman ni Anjo ang lahat ng nararamdaman niya balang araw.

Ika-labingwalong taong kaarawan ni Marielle, wala siyang naging boyfriend noong mga panahong nagkalayo sila ni Anjo. Isa sa mga kaklase niya ay kasama ang barkada at isa doon si Anjo. Pakiramdam niya ay pinagkikita sila ng tadhana pero hindi siya makalapit rito. Sobrang nahihiya siya at pinilit niyang magpapansin kay Anjo pero wala siyang napala. Natapos ang gabi at nagkulong lamang siya sa kwarto na ipinagtaka ng kanyang mga magulang.

Isang araw ay sinunog niyang lahat ang mga sulat na kanyang ginawa. Nagbabaga ang mga papel na pilit pinapatay ng kanyang tumutulong luha. Sinubukan niyang kalimutan si Anjo, wala siyang itinirang abo sa mga papel na naglalaman ng kanyang damdamin sa pag-asang mawawalang katulad rin nito ang paghanga niya kay Anjo. Nagpaligaw siya at nagkaroon ng ilang mga boyfriend pero hindi siya naging masaya rito. Daig pa ng mga pulitiko kung manligaw ang mga lalake sa kanya noon, marahil dahilan din ito kung bakit hindi siya naging masaya sa mga ito.

Nasa tamang edad na si Marielle nang mapagdesisyunang hanapin si Anjo. Nakilala niya si Benjie. Naging magkaibigan sila hanggang malaman niya na bestfriend ni Anjo si Benjie. Huli na rin nang malaman niyang may pagtingin si Benjie sa kanya. Pakiramdam niya habambuhay na niyang itatago ang nararamdaman para kay Anjo. Habambuhay na rin niyang dadalhin ang mga malulungkot niyang mga mata.

Nagkarelasyon sila ni Benjie at handa na niyang isuko ang pag-ibig para kay Anjo. Nagpakalayo sila at namuhay ng masaya. Dumating ang panahon na hindi na maitatago pa ang mga sikreto, ika nga, 'Lahat ng sikreto ay nabubunyag.' Nakita ni Benjie na may isinusulat si Marielle kaya sinalisihan niya ito. Pigil ang luha ni Benjie at pigil din ang pagpunit niya sa mga papel na nabasa niya habang pumupunit ang bawat katagang nababasa sa kanyang puso. Noong gabing iyon ay uminom siya at nagpakalasing. Bawat gabing magkatabi sila ay nararamdaman niya ang sakit ng bawat letrang narehistro sa kanyang memorya mula sa mga sulat ni Marielle. Nakaramdam si Marielle kay pinalitan niya ang baril ni Benjie ng peke.

Isang gabi, umuwi siyang lasing kasabay ang balitang gusto siyang tanggalan ng otoridad na humawak ng baril. Nakita niya si Marielle at pinilit na paligayahin siya. Tumawag naman si Anjo sa kanya at iniwan si Marielle na nakatali at nakaposas. Nagsindi siya ng sigarilyo habang pilit pinahihinahon ang sarili bago lumabas ng bahay. Hawak sa kaliwang kamay ang isang baril at sa kanan naman ang sigarilyo. Namimili siya kung alin ang kanyang bibitawan. Kasabay ng luha niya ay ihinulog niya ang sigarilyo sa carpet. Pagbukas ng pinto ay dali-dali siyang sumakay sa kotse at pinaharurot.

Dinig ni Marielle ang pabagsak na pagsara ni Benjie ng pinto. Sinubukan niyang magpahinga pero bigla niyang naalala si Anjo kasabay ng pag-amoy ng usok sa paligid. Mangiyak-ngiyak niyang hinihila ang kamay mula sa posas, buong katawan niya ay inuuga ang kama para lang makagawa ng paraan. Hindi niya mailabas ang kanyang kamay sa posas ng hindi nasasaktan kaya kahit na masusugat o mababali ang buto ay pilit niyang hinila ang kamay. Nailabas niya ang kanyang kanang kamay ngunit pilay ito. Ganun din ang ginawa niya sa kaliwa, sa lakas ng kanyang paghila ay napapaatras pa ang kama at nawawala ito sa pwesto. Wala siyang pakialam sa sakit na nararamdaman. Kinuha niya ang tunay na baril at inakap sa hubad na katawan. Sinubukan niyang buksan ang pinto ngunit napakainit na ng knob nito. Sinipa sipa niya ito pero hindi man lang natinag. Pinapasok na siya ng usok kaya habang umiiyak ay nagtago siya sa ilalim ng kama. Doon niya niyakap ang sarili kasama ang baril habang unti-unting nahihirapang huminga.

Kukunin na sana ni Benjie ang dala nang magkasama na sila ni Anjo ngunit napansin niyang pellet gun ang dala. Laki ng inis niya noon at napagdesisyunang balikan iyon at tapusin ang buhay ni Anjo.

Nagsisising tumakbo si Benjie nang makitang nasusunog ang bahay. Pinigilan siya ng isang kapitbahay na pasukin pa ang bahay. Sa totoo lang ay hindi si Marielle ang babalikan niya kundi ang kanyang baril. Parang tuluyan na siyang nawala sa katinuan. Doon ay nagmamadali muli siyang sumakay sa kotse at pinaharurot. Tanging sinasabi ay "Kasalanan mo 'to Anjo!"

Ilang segundo matapos makaalis ni Benjie ay may taxi na tumigil sa tapat ng nasusunog na tirahan. Si Anjo, papasukin sana niya ang bahay, nakipagbuno pa siya sa kapitbahay at sa mga bumbero para lang makapasok pero pilit siyang inawat at pinosas sa trak ng mga bumbero. Nag-aalala si Anjo kay Benjie at Marielle, wala siyang kaalam-alam sa buong pangyayari. Pinaalis siya at binantaan pa kaya wala siyang magawa. Si Marielle naman ay tumutulo lamang ang luha habang naririnig ang pagsigaw ni Anjo. Wala na siyang lakas para magmulat noon, tanging pandinig na lang ang kanyang pakiramdam. Walang boses sa labi niya pero ang puso niya ay sumisigaw ng "Anjo, iligtas mo 'ko!"

~

"Tapos na ang paghihiganti ko at naipahiwatig ko na ang gusto ko. Isang taon rin akong naghintay ng aking pagkakataon. Isang taon akong manhid sa lugar na ito, dilim, pangungulila at lungkot. Gusto ko ng magpahinga, at sa oras na umapak kayo sa dati naming bahay, alam ko na na malapit na akong makapagpahinga. Bumukas ang daan ko mula rito papunta sa mundo. Ang mundo kung saan hindi ko naranasan ang kaligayahan, oo naramdaman ko kung paano maging masaya pero hindi ito ang kaligayahan na hinahanap ko." pagsasalita ni Marielle pagbitaw sa noo ni Arianne.

Kita lamang sa mga mata ni Arianne ang pagpatak ng luha. Hindi niya ito mapigilan. Bumukas ang labi niya na parang may sinasabi pero walang boses na lumalabas.

Ngumiti lamang si Marielle.

~

Mula sa madilim na parte ng kwarto doon bumagsak papunta kay Anjo ang katawan ni Arianne na para bang nahihilo. Agad siyang sinalo ni Anjo at walang pigil na niyakap. Bago pa siya lumuha ay nagsalita si Arianne.

"Anjo..." sabi nito, parang sinusubukan kung may boses na bang lalabas sa kanyang mga salita.

"Nandito ako..." ito lang ang kailangang marinig ni Arianne. Isang ngiti ang ibinigay niya kay Anjo. Ngiti na nagsasabing "Salamat at nandito ka na." at; "Ok lang ako, `wag kang mag-alala."

Hinaplos ni Arianne ang mukha ni Anjo. Haplos ng pagmamahal. Ilang sandali ring hawak ni Arianne ang pisngi ni Anjo bago bumasak ang kanyang kamay.

~ itutuloy

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.