"I have no special talent. I am only passionately curious. - Albert Einstein"
Sunday, July 14, 2013
Umuuga Ang Kama 16
Chapter 16
Kinuha ni Anjo ang papel na inihip muli ng hangin. Parang nananadya na mahulog muli upang takutin at pabilisin ang tibok ng kanyang puso. Dahan-dahan pa ang mga kilos niya dahil hinahanda niya ang sarili sa maaring manggulat sa kanya. Maaaring may biglang humawak sa kamay niya o bigla siyang makita sa kanyang pagyuko. Samantalang binuksan naman ni Arianne ang kahon, hinahanda ang sarili sa maaaring makita. Maaaring putol na parte ng katawan ng tao, o isang bagay na hindi inaasahan ngunit parang tinatakot lang niya ang kanyang sarili. Puno lamang ng mga papel ang kahon, mga papel na kinupas na at pinaglumaan na ng panahon. Isa-isang binasa ni Arianne ang mga papel upang marinig rin ni Anjo. Mga sulat ito, love letter na hindi naipadala. Mga laman ng damdamin na hindi naiparamdam. Mga salita ng pag-ibig na hindi masabi ng harapan. Puso na tumitibok lamang sa tulong ng mga sulat.
~
Anjo,
Sumusulat ako ngayon kahit na alam kong hindi ko maipapadala ito sa iyo dahil sobrang nahihiya akong lumapit sa'yo. Wala akong lakas ng loob kausapin ka kaya susubukan kong makipagkaibigan kay Benjie baka sakaling mailakad niya ako sa'yo tutal bestfriends kayo 'di ba? Mukha namang mabait rin si Benjie gaya mo, hindi ko maikakailang bagay kayong maging magkaibigan pero iba kasi ang dating mo sa'kin eh. Saka alam mo ba 'yang mga mata mo ang pinakagusto kong tinitignan kasi sa bawat pagtingin ko sa mga mata mo, para akong tinitignan ng isang anghel. Oo, 'yung anghel na lalake, 'yung matipuno, makisig, mabait at matapang. Sana lang talaga makatulong si Benjie para lalo pa kitang makilala at makita ko rin ng mabuti ang iba pang bahagi ng mukha mo pati na rin ang pagkatao mo.
Marielle
~
Gulat si Arianne sa pangalan na nabasa. Galing ito kay Marielle matagal nang panahon ang lumipas. Paglalahad ito ng lihim na pagtingin ni Marielle kay Anjo. Napatigil siya sa pagbabasa at nakatulala lamang sa hawak na papel.
"Hindi ko alam na may itinatago si Marielle noon." sabi ni Anjo nang makuha ang papel na pinupulot. Ipinagpatuloy ni Arianne ang pagbabasa.
~
Anjo,
Iba ang pakiramdam ko kay Benjie, hindi ko tuloy masabi na gusto kitang makilala. Parang nagpapahiwatig kasi siya, nagpapatangay hangin kumbaga. Ayokong masira ang friendship niyo, tutal pareho niyo namang hindi alam ang lahat ng nararamdaman ko, siguro mas mabuti pang itago ko na lang at lumayo sa inyo bago pa lumalim ang nararamdaman ni Benjie. Susulyapan na lang kita mula sa malayo, iiwas na rin ako sa inyo para hindi na lumaki pa ang gulo.
Pasensya na sa malaking space dito sa sulat kong ito. Napatakan kasi ng luha ko yung papel na ito. Masakit kasi Anjo na mapalayo sa'yo lalo na 'yung kalimutan ko ang nararamdaman ko para sa'yo. Napakasakit isipin na mababaon lang ako sa mga alaala mo, na hindi mo na ako maaalalang nakilala mo ako. Hindi ko yata kaya Anjo.
Marielle
~
Anjo,
Pasensya na sa inyo, hindi ko magagawang ilayo ang sarili ko lalo pa't lumalapit pa rin sa'kin si Benjie. Napakahirap ng sitwasyon ko, wala akong ibang masabihan nito dahil alam kong bawat sikretong ilalabas ko ay makakaapekto sa inyo kapag may iba nang nakaalam. Masaya na rin ako ngayon, bahala na sa hinaharap. Kaysa naman masaktan ako at ilang linggo muling umiyak. Ayoko nang umiyak kagaya noong isang araw, namaga ang mata ko kaya hindi muna ako pumasok kasi baka makita niyo ni Benjie pati na rin ng ibang tao. Siguradong tatanungin nila ako, mahirap magsinungaling dahil baka magkamali ako, mahirap na. Hindi naman siguro malalaman ng iba na mahal na yata kita. Itatapon ko rin naman itong mga papel na dapat ipapadala ko sa'yo. Basta ang importante sa akin ngayon ang kasalukuyan. Masaya akong nakikita kita lagi, kahit hindi man kita makausap ng matagal. Nahihiya ako talaga eh. Sana lang ay hindi mo nahahalata.
Marielle
~
Anjo,
Gaya ng inaasahan ko, niligawan ako ni Benjie. Isang linggo pa lamang gusto ko na siyang bastedin pero bawat oras na kasama ka rin niya, parang hinihiling ko na rin na sana tumagal pang ganito ang sitwasyon. Wala akong magawa, kung babastedin ko siya baka lumayo kayo pareho sa'kin. Baka hindi ko kayanin. Kahit kamatayan siguro hindi mapapatay ang damdamin ko para sa'yo.
Marielle
~
Anjo,
Sorry. Sorry talaga. Bakit ba kasi lagi mong sinasabi na mabait si Benjie, na kaya niya akong protektahan, na maganda ang magiging kinabukasan ko sa kanya? Ilang beses ko na ring inulit itong sulat na ito dahil kumakalat ang tinta ng bolpen sa pagpatak ng luha ko. Hindi ko siya mahal, ikaw ang mahal ko Anjo. Pero... pero sinagot ko siya. Natatakot ako na baka lumayo na kayo sa'kin, hindi pa ako handa. Kailangan ko munang ihanda ang sarili ko bago ko kayo kalimutan. Mahirap. Naging komplikado na ang sitwasyon at alam kong wala ng pag-asa pang maging tayo. Kuntento na lang ako sa pagmamasid ng bawat ngiti mo, ang mga simple mong paglalakad at ang pagiging tulala mo. Hindi na rin kita makausap dahil baka magselos si Benjie. Siguro tama lang ito para unti-unti na ring mawala ang pagtingin ko sa'yo. Sorry Anjo.
Marielle
~
Anjo,
Kamusta ka na kaya? Masaya naman ako kasama si Benjie. Oo, masaya naman kung masaya pero hindi pa rin mabura ang kaunti kong nararamdaman para sa'yo. Nakasiksik pa rin sa isang sulok ng puso ko, hindi lang parang bubble gum na nakadikit, mas malaki pa doon. Parang nakabalot na nga yata yung pader ng puso ko ng pangalan mo eh. Medyo matagal na rin pala akong hindi nakakasulat sa'yo kahit hindi ko ipinapadala. Sign na ba 'yun na unti-unti ng nawawala ang nararamdaman ko para sa'yo? Sana nga para maibigay ko ang gusto ni Benjie. Alam mo 'yun kasi lalake ka. Sana magkaibigan pa rin tayo.
Marielle
~
Anjo,
Bumukod na kami ni Benjie at alam ko na lalong kokonti ang oras na makakasama ka pa namin. Natututunan ko na ring mahalin si Benjie at dahil dito na may sarili na kaming tirahan, mawawala na rin ng kumpleto ang nararamdaman ko para sa'yo. Parang hindi ko na nga nararamdaman eh. Saka may Arianne ka na, maganda pa siya sa'kin. Nakakainis ka kaya pala hindi mo ako pinapasin kasi mataas ang standards mo. Higit siya lahat sa'kin kaya wala akong laban sa kanya. Malamang kung naipadala ko sa'yo 'tong mga sulat ko, baka sinaktan mo lang ako, malamang nga nagpakamatay na ako noon pa. Pwede kaya na ikaw naman ang makasama ko sa susunod kong buhay? Joke lang.
Marielle
~
Anjo,
Nagpropose si Benjie. Nagulat talaga ako pero bakit ganoon, ikaw ang naisip ko noong nakita ko ang singsing nahawak niya. Parang may bahagi pa rin ng puso ko na hinihiling na sana ikaw ang makasama ko. Mali 'yun 'di ba? Saka wala na akong pag-asa sa'yo. May iba ka ng mahal. Kung dati na wala ka pang girlfriend, hindi na kita malapitan ngayon pa kaya ako makikipagkompitensya kung kailan lalo akong walang laban? Huli na ang lahat para umatras, nasagot ko na kasi ng oo si Benjie. Magpapakasal na kami pero itago muna raw namin tapos kapag ok na ang lahat saka namin kayo sasabihan. Kayo ni Arianne ang unang makakaalam, best man ka nga eh sana ikaw na lang ang groom. Ang lalakeng aakay sa akin sa altar, ang lalakeng makakasumpaan ko ng panghabambuhay, ang lalakeng ipapangako kong mamahalin hanggang wakas at ang lalakeng magiging kaisa ko sa lahat ng bagay. Pero bakit ko nga ba pinasok ang gulo na ito? Bakit ko pinahihirapan ang kalooban ko na kalimutan kong minahal kita kahit minsan sa buhay ko? Bakit ako nagmamahal ng pilit? Bakit hindi ikaw ang kapiling ko?
Marielle
~
Anjo,
Iba ang kinikilos ni Benjie, nakita kaya niya ang mga sulat na ito? Parang mula noong isang linggo lagi na siyang lasing umuuwi. Kinakabahan na ako sa kanya, ano na ang gagawin ko? Mahal ko na rin siya pero bakit pa ako sumusulat sa'yo ngayong matagal na tayong hindi nagkikita. Bakit pa ako ngumungiti kapag naaalala kita? Umaasa pa ba ako? Naghihintay pa rin ba ako sa isang bagay na imposible nang mangyari? Wala ka namang alam sa nararamdaman ko. Sana lang maging maayos pa ang lahat.
Marielle
~
Nagkatinginan lamang si Anjo at Arianne nang mabasa ang lahat ng papel sa kahon. Walang alam rito si Anjo. Iling lamang ang isinagot niya sa tingin ni Arianne na parang nagtatanong at nanghihingi ng paliwanag. Ngayon si Anjo naman ang babasa sa papel na kanyang hawak.
~
Anjo,
Ang sakit. Gano'n pala kapag una. Siguro nabasa niya na ang mga sulat na ito. Siguro nalaman na niya ang nararamdaman ko para sa'yo. Masakit rin sa puso ko na hindi mo man lang ako minahal. Habang nangyayari ito, ikaw ang iniisip ko Anjo. Sana ikaw na lang ang nakauna sa'kin pero hindi na maibabalik ang lahat. Isang taon na ang lumipas, wala na ang puso ko, wala na rin ang utak ko pero ang alaalang mahal kita nandito pa rin sa kaluluwa ko. Kasama ng galit sa mga taong dahilan ng pagkamatay ko. Isa-isa ko silang pinahirapan kagaya ng paghihirap kong mailigtas ang kahon na ito. Anjo, papatayin ka niya. Nagmamadali lang siyang umuwi para kunin ang baril niya. Napakahinang nilalang lamang ni Benjie kapag hindi niya hawak ang kanyang baril. Kinutuban ako kaya nagpumilit akong makawala sa posas niya kahit dahilan pa nito ang pagkapilay ng kamay ko, itinago ko ang baril niya sa ilalim ng kama. Doon binantayan ko ito at kahit na nasusunog na ang bahay ay hindi ko ito iniwan. Hanggang ngayon umaasa akong mabasa mo ang mga sulat ko, siguro matatahimik lang ako kapag nalaman ko ang sagot mo. Kukunin na sana kita noon pero bakit pati buhay mo ihinarang mo para lang maprotektahan si Arianne? Pilit kitang kinakausap sa panaginip mo pero bakit boses lang ni Arianne ang naririnig mo? Ngayong dapat ikaw lang ang nandito dahil nabangga dapat kayo sa trak pero bakit may kung ano na nagliligtas sa inyo? Ganyan niyo ba talaga kamahal ang isa't-isa? Paano kung patayin ko si Arianne?
Marielle
~
Pagkabasa nito ay biglang nawala sa tabi ni Anjo si Arianne. "Arianne?!"
"Arianne!!!" sigaw ni Anjo umaasang sumagot ang kanyang hinahanap. Hindi rin tumagal ay naramdaman niyang parang basa ang papel na hawak niya, parang dinadaluyan ito ng kung ano. Pagtingin niya sa papel at sa kamay niya ay puro dugo nanggagaling mismo sa papel. Bigla niyang binitiwan ang papel at ibinato palayo na parang nakahawak ng tae.
~itutuloy
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
OH my G........Can't wait for the next chapter...nabasa ko lahat ng chapter habang nasa office ako...hahahah
ReplyDeleteGood job! kahit antok na antok na ako..natapos ko pa dn