Chapter 15
"Have you dreamed of what happened to Marielle?" biglang tanong ni Anjo habang nakayuko.
"Do I have to answer that question?" sagot ni Arianne habang nakahawak pa rin sa manibela.
"Hula ko tama ako." sabi nito sa mahinang boses. Ngumisi lang si Anjo, alam niyang nakita siya ni Arianne pero ano ba ang ibig sabihin ng ngising ito? May papigil pigil pa siyang tawa na parang nadedemonyo. Nakakatakot ang ikinikilos niya.
"Yes I dreamed of it but - " biglang naalala ni Arianne, hindi buo ang kanyang mga nakita. Scenario lang ang nakita niya, ano ba ang karapatan niyang magsabi ng ganoon sa nobyo? Hinuhusgahan niya ito sa mga bagay na alam niyang hindi naman nito magagawa. Oo posible para sa isang lalake pero para kay Anjo na wagas ang pagmamahal kay Arianne. Mukhang hindi posible.
"Hindi mo alam ang buong pangyayari `di ba?"
Hindi lamang makasagot si Arianne. Daig pa niya ang estudyanteng biglang tinanong dahil natutulog na sa klase. Wala siyang maisagot kay Anjo, wala siyang madukot na sagot upang maitama ang kanyang mali. "Malalaman natin ang lahat sa bahay ni Benjie." sabi na lang ni Arianne.
Nakayuko lang si Anjo at parang natutulog, hindi mo alam pero parang sinasapian siya. "Arianne..." pagsasalita ni Anjo habang nakayuko. "Lahat ng sinasabi ko ay katotohanan." pag-angat ng mukha niya ay pumatak ang luha mula sa mga mata niya. "Hindi ko akalain na mapag-iisipan mo ako ng masama, parang lahat ng effort ko para makabalik sa'yo ay nawalan ng saysay. Pakiramdam ko, aso ako na tumatahol sa amo dahil may ahas na tutuklaw sa kanya pero imbes na mapansin ang ahas, hindi mo ako naiintindihan, ako ang pinalo mo at ang paggalaw mo ang naging dahilan ng pagtuklaw sa'yo ng ahas."
"Arianne, mahal na mahal kita at hindi ko kayang magsinungaling sa iyo. Sa ganitong sitwasyon tayo dapat matibay, pero parang bumibitiw ka na. Kung alam mo lang, ang pagmamahalan natin ang nagiging pananggalang natin sa mga kapahamakan na nangyayari sa'tin. Sa oras na mapatid ang sinulid na nag-uugnay sa'tin, doon tayo parehong mawawalan ng buhay. 'Yun ang pagkakataon niya para makuha ang isa sa atin." pagpapatuloy ni Anjo. "Please Arianne, huwag kang bibitaw." pagkasabi nito ay inangat niya ang ulo at humarap kay Arianne. "Ikaw ang dahilan ng buhay ko. Nangako ako, walang anuman o sinuman ang makakapigil sa kasal natin. Tutuparin ko 'yon at kahit si kamatayan hindi ako kakayaning pasukuin at ipabitaw ang pagmamahal ko sa'yo. Arianne, if you'll ask me why do I love you, my lips won't search for words or sentences that will express my feelings, I'll just move my lips closer to yours and kiss you while pouring my heart out hoping you'll understand the feeling how I want to be one with you."
"Anjo..."
"Tara..." akay ni Anjo kay Arianne. Baligtad, dapat si Arianne ang aakay kay Anjo dahil may pilay siya pero bakit siya pa mismo ang umaalalay kay Arianne. Maaari kayang narinig niya ang sinabi ni Arianne habang tulog siya? Na kailangan niya si Anjo upang umalalay sa kanya kapag nanghihina siya?
"Kaya ko na..." sabi ni Arianne. Ang bilis ng tibok ng puso ni Arianne. Hindi niya malaman kung dahil ba sa takot o sa pakiramdam ng sinseridad mula sa mga salita ni Anjo kanina.
"Tama ka. Malalaman natin ang sagot sa mga tanong mo at para na sa ikatatahimik ng pagdududa mo sa'kin pagdating sa bahay ni Benjie."
Tanaw na nila ang bahay ni Benjie at doon pa lamang sa labas ay parang may pumupigil na sa kanila na lumapit. Patay-sindi ang ilaw sa pasilyo papunta sa pintuan, mga tahol ng aso sa 'di kalayuan at ang bilog na buwan na siyang pinakamaliwanag na ilaw noong gabing yon, ngunit walang takot nilang nilapitan itong bahay kung saan masasagot ang kanilang katanungan. Tinahak nila ang pasilyo at pag-apak ng paa ni Arianne sa semento ng pasilyo ay namatay na ng tuluyan ang ilaw. Napakadilim ng tanging daan dahil ang bakuran lamang ang naiilawan ng napakabilog na buwan patungo sa katahimikan ng kanilang buhay. Kakayanin kaya nila ito?
Hinawakan ni Arianne ang kamay ni Anjo.
Napalingon si Anjo sa kanya.
Ngumiti lamang si Arianne.
Hinigpitan ni Anjo ang hawak sa kamay ni Arianne.
Kita sa mga mata nila na ipinagkakatiwala nila ang mga buhay nila sa isa't-isa. Na walang kahit ano o kahit sino ang makakapaghiwalay sa mga kamay nilang nagkokonekta sa kanilang mga puso. Mga ngiting nagsasabi na hindi kailanman mapapatid ang sinulid ng pagmamahal sa kanilang mga puso.
Sabay nilang hinakbang ang kanilang mga paa palapit sa pinto.
Pagtapat nila sa pintuan ay kusa itong bumukas. Dinig ang langitngit ng nangangalawang na pinto na halatang ilang taon ng hindi nalalangisan. Naalala ni Anjo na pundido ang ilaw sa loob ng bahay ni Benjie. Mababalot ng kadiliman ang kanilang mga mata ngunit hangga't hawak nila ang kamay ng bawat isa, walang anumang kulay ang magpapalabo ng liwanag ng pagmamahalan nila.
"Saan tayo magsisimula?" tanong ni Arianne.
"Magsimula tayo sa paghahanap ng ilaw." sagot ni Anjo.
Bawat paghakbang ng kanilang mga paa ay may tinatamaan. Paano ka maghahanap ng isang bagay na hindi mo alam kung ano, sa isang bahay na puno ng basura at kalat? Bahay na iniwan ng isang taong nababalot ng hiwaga at kalungkutan ang pagkatao.
Sa may bintana kung saan sumisilip ang mga mata ng buwan, nakakita si Arianne ng isang papel. May kung anong nakasulat doon na parang pamilyar sa kanya, pilit siyang nahihila nito para lapitan at damputin ang papel. Akmang lalapitan niya ito ngunit nilipad ito ng malakas na hangin nang biglang bumukas ang bintana. Napakalamig ng hangin na iyon na parang yumakap sa kanya mula katawan hanggang kaluluwa.
"Alam mo ba?..."
Napaigtad si Arianne at lumingon sa gawi ng boses pero wala siyang nakita.
"Noon pa..."
Sa gawing kanan naman nanggaling ang boses pero wala siyang makita kahit anino man lang.
"Aaahh!" maiksing tili ni Arianne nang may kamay na humawak sa kanyang balikat. Kasabay nito ang biglang pagkislap ng isang flashlight. Habol ang hininga niya at parang gustong lumabas ng kanyang puso sa kanyang bibig sa sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso.
"May problema ba?" tanong ni Anjo hawak ang flashlight.
"M-may nakita akong papel, parang nakasulat ang pangalan mo." habol hininga pang sagot ni Arianne. "Kaya lang nilipad eh."
"Mahirap maghanap ng papel dito sa bahay na 'to, hindi natin alam na baka basura lang yon."
"Iba ang pakiramdam ko sa mga papel dito eh." ani Arianne.
Pilit inalala ni Anjo noong huli siyang bumisita rito. "Parang wala nga ang mga ito dati."
Maya-maya ay dahan-dahang bumukas ang pinto ng kwarto ni Benjie. Doon ay may ilaw na parang iniwang nakasindi, o kusa muling sumindi? Pinasok nila ang nasabing kwarto at sa drawing table ay may isang kahon na parang lalagyan ng mga iniingatang mga regalo ng magsyota dahil sa design nito.
Hindi na sila nag-atubili na buksan ito ngunit unihip muli ng parang humahaplos ang hangin. Dala nito ang papel na nakita kanina ni Arianne. Parang hawak ito ng hangin at kusang pumatong sa kahon na nasa mesa. Ito na ba ang sagot?
Ano ba ang laman ng papel? Ano ba ang laman ng kahon?
~itutuloy
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.