Friday, February 22, 2013

Umuuga Ang Kama 10




Ang maikling nobelang inyong mababasa ay naglalaman ng mga salitang sekswal, horror at mga tagpong hindi angkop sa mga batang magbabasa. Striktong patnubay ng magulang ang kailangan (kung marunong sila magfacebook ay kailangan niyo muna silang turuan at ipalike ang page na ito). Sana'y ang positive thoughts ang makuha niyo sa akdang ito at hindi ang mga hindi na dapat ginagaya pa. Ang mga pangalan, lugar o ang mismong kwento ay kathang-isip lamang, kung may pagkakapareho sa inyo o sa storyang ito ay hindi sinasadya. Salamat po sa magbabasa.

Chapter 10

Ang chapter na ito ay patama sa mga hindi tama ang ginagawa. Mga pulitikong matataas ang bakod, mga pulis na walang kwenta at mga adik na naliligaw ng landas. Malayo pa ang eleksyon may mga pulitiko ng hindi sumusunod sa batas. Ito lang naman ang nakikita ng tao eh. Ang kurapsyon ay hindi namin nakikita pero nararamdaman. Kayo kayo lang ang nakakaalam ng mga baho niyo kaya bakit hindi natin subukan isalang sa fliptopan ang mga pulitiko? Senator Loonie & Congressman Abra vs. President Smugglas & Senator Sheyee. Sino ang bakla? Sino ang kurap? Sino ang mabaho at sino ang tanga? Sino ang may kuliling at sino ang puro lang nunal? Sino ang boto niyong mananalo?


Walang makakahalatang may milagrong nagaganap sa loob ng presinto ng San Agustin dahil nakapatay ang ilaw at wala ring taong lumalapit dito kapag dis-oras na ng gabi. Kung lalapit ka lang ay maririnig mo ang mga halinhing sa loob pati langitngit ng mga lumang lamesa sa loob ng presinto. Tatlong pulis at tatlong babae ang laman ng masikip nilang presinto. Tila hindi importante sa kanila ang kanilang uniporme dahil nakahanger lang lagi ang mga ito, kung hindi sa kanilang aparador o sampayan ay nakakalat lang ito sa sahig gaya ngayon. Hubo't hubad ang tatlo at parang nakikipag-unahan pa sa isang karera ng kabayo kung huminga ang mga ito.

"Tonyo! Ang ingay ng radyo mo!"

"Oo nga nakakaistorbo, malapit na 'ko eh!"

Reklamo pa ng dalawa sa ingay ng kalaskas ng radyo ni PO1 Tonyo. Hindi naman ito pinansin ni Tonyo bagkus ay lalong binilisan ang pagmamaneho ng isang maingay na babae. `Di rin naglaon ay sinagot rin niya ang radyo.

"Intersection 3, may naaksidente, isang trak at isang kotse. Kailangan may rumisponde dito. Over!"

"Pakyu!" sagot naman ng Tonyo na halatang dismayado at hinagis ang radyo habang gumagasgas pa ito. Hinila niya ang isang upuan, kusa namang lumapit ang babae sa kanya nang umupo si Tonyo. "Buwiset! Mula nung magresign yung Benjie na `yun hindi na ako nabakante. Dapat siya yung rumoronda, hindi ako eh. Dapat nakahiga lang ako dito at nagpapasarap! Raul, ikaw na pumunta." pagdadabog nito. Daig pa niya ang matandang may matagal ng problema.

"Ikaw ang tinawagan bakit hindi ikaw ang pumunta!" sagot naman ni Raul habang kalong ang isang babae. Humihithit pa siya ng damo na aakalain mong sigarilyo. "Ayan, si Paco. Mukhang nakaraos na rin eh."

"Mga gago pala kayo eh! Sa'kin niyo na nga binigay `tong panget na `to tapos ako pa ang paalisin niyo?" sabi nung Paco habang nakahiga at pinaglalaruan ang isang pakete ng shabu na aakalain mong asukal, dahil nakahalo nga ito.

"Nagrereklamo ka pa nakapatay na nga ang ilaw! Hoy `wag niyong painitin ang ulo ko!" pag-aamok ni Tonyo.

Napatigil naman sa pagtatalo ang tatlo nang biglang lumakas ang tunog ng radyo. Nakakabingi na ito at parang mababasag lahat ng babasagin sa lugar na iyon. Tumigil ang ingay pero parang may nagsasalita sa kabilang linya. "Tulong! Tulong!" sigaw ng isang babae. "Benjie!" sigaw pa nito. Nagkakatinginan lang ang tatlo na parang hinahagilap pa ang isa't-isa sa dilim ng kwarto. Maya-maya ay bigla na lang sumindi ang ilaw kaya nagtitili ang mga babae, kanya kanya silang hila na ipantatakip sa katawan. Isa-isa din nilang kinuha ang mga damit nila, nagbihis at tumakbo na palabas.

"Haha! Iniwan nung isa yung panty niya!" pagloloko pa ni Raul.

"Bakit mo ba sinindi yung ilaw?" takang tanong naman ni Paco dahil malapit rin si Raul sa switch ng ilaw.

"Hindi ko sinindi." pagtanggi naman nito. Pagkasabi ay bigla na lang nabagsak pasara ang pinto at biglang namatay ang ilaw.

"Pare, `wag kang magloko. Mapupundi na yan eh." wika ni Paco.

"Manahimik nga kayo! Ahhkkkk! Ahkkk!" biglang inda ni Tonyo. Nagpatay-sindi ang ilaw at kita kung paano tumalsik ang dugo mula sa leeg ni Tonyo. Pilit niya itong tinatakpan pero sadyang napakalaki ng sugat niya para pigilan ang pagdurugo. Naitutulak niya ang mga mesa at pilit tinatahak ang daan papunta sa pinto pero hindi siya umabot. Hinila ang paa niya dahilan para matumba siya at tumama ang ulo sa kanto ng mesa diretso sa mata.

"Anong nangyayare!" pagpapanic naman ni Raul. Kahit patay-sindi ang ilaw ay kita niya na nakaangat ang paa ni Tonyo na parang may humihila dito pero hindi niya makita. Tatakbo sana siya paalis pero pinalo sa kanya ang katawan ni Tonyo kaya nabato sila pareho sa pader ng presinto kung saan may overhead na cabinet. Tumama ang batok ni Raul dito at bahagya siyang nahilo.

Nakayuko lang siya at pilit nagrerekober. Papikit-pikit pa ito ng mata para lang mabawi agad ang kanyang pagkahilo pero pagtingin niya sa kanyang harapan ay isang babaeng may pilat sa mukha ang lumantad sa kanya. Hindi siya matatakutin pero naihi siya sa kanyang salawal sa takot. Hindi siya makasigaw pero nanginginig ang tuhod niya lalo pa't nararamdaman niya ang dugo ni Tonyo sa kanyang talampakan. Nakita niya ang isang baril sa malapit na pantalon.

Eksakto namang tatakbo si Paco kaya siya ang hinarap ng babae. "Hindi kayo makakalabas ng buhay!" sigaw nito na parang bulong na malakas na hindi nila maidescribe. Agad namang binunot ni Raul ang baril at pinaputukan ang babaeng nakaharap kay Paco.

Gaya ng inaasahan ay tumagos lamang ang mga bala sa babae at si Paco ang sumalo ng lahat ng putok. Halos lahat ay tumama sa kanyang mukha, wasak ang kanyang mata na halos lumabas na ang isa, may tagos sa kanyang bibig at dumaan pa sa kanyang ngipin, pero ang pumatay kay Paco ay ang tatlong bala na tumama sa kanyang noo.

"O Panginoon ko!" bulong niya. Sinusuko na niya ang kanyang buhay, bumagsak ang mga kamay niyang kanina pa nagpapaputok sa kanyang kasamahan. Muli niyang tinignan ang baril na ginamit, napasulyap pa siya sa bangkay ni Tonyo. Dahan-dahan niyang iniangat ang kanyang kamay na may hawak na baril at isinubo sa bibig. Inayos pa niya ito sa anggulo na pataas saka kinalabit ang gatilyo.

Wala ng bala.

"Gusto mo na bang mamatay? Maglaro muna tayo." sabi ng babae. Napatingin ang babae sa mesa at nakita ng isang lighter. Sa `di kalayuan ay ang may baga pang sigarilyo ni Tonyo. Hinulog ng babae ang mga papel sa mesa at nagsimula ito ng apoy.

Napadausdos na lang sa pader hanggang bumagsak ang mga tuhod ni Raul. Wala na siyang mailuluha. Dugo ang nangingibabaw na amoy sa presinto, wala na ang amoy ng damo at usok ng sigarilyo. Manhid na siya sa paglapit ng babae sa kanya. Wala na siyang nararamdamang takot o kahit lungkot o gulat. Sumindi ang lighter sa `di malamang dahilan at dumako sa cabinet sa kanyang ulunan.

Habang lumalagablab ang apoy, minudmod ng babae ang mukha ni Raul sa sahig. Basag ang bungo. Patay ang tatlo.

>

Naalimpungatan si Arianne sa kadiliman ng gabi. Napatingin siya sa balita na kanyang napanood dahil na rin iniwan niyang bukas ang TV.

"Dalawang magkasunod na sunog po ang naganap na dito sa Barrio ng San Agustin kung saan apat na ang nakumpirmang patay. Una ay ang bahay ni Mang Lando na isang tanod rito, at kahapon naman ang presinto ng San Agustin kung saan tatlong pulis ang nakulong sa loob at namatay. Hindi maipaliwanag ng mga imbestigador kung paanong patay na ang mga biktima bago pa masunog ang kanilang bangkay. Hindi naman isinasantabi ang anggulo ng pagpatay."

"`Di rin po kalayuan ay ang aksidente sa Intersection 3 kung tawagin. Ito po ay malapit lamang sa San Agustin kaya iniisip din na may kaugnayan ang mga pangyayari sa bawat sunog. Bago pa magliyab ang kotse ay naagapan na ito ng mga concerned citizens."

Napaisip si Arianne. Hindi kaya tama ang mga balita? At dahil hindi nagliyab ang kanilang sasakyan kaya sila nakaligtas. Dahil na rin buhay pa sila sa loob? Naalala niya ang babaeng nagpakita sa kanila bago ang aksidente. Siya kaya ang dahilan? Sino siya? Ano ang kinalaman nila dito? Kung alam lang ni Arianne na may nalalaman na si Anjo.

"Diyos ko po, sana maging ligtas po kami ni Anjo." pagdadasal ni Arianne habang tumutulo ang luha.

>

Kinabukasan, ginising si Arianne ng kanyang nurse dahil mayroon itong bisita.

"Morning." bati nito pero parang hindi siya mamukhaan ni Arianne.

"Sino ho sila?" tanong naman niya.

"Kumpare ni Anjo. Natatandaan mo na?" sabi ni Benjie.

"Benjie?"

Ngumiti lang si Benjie pero bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

"Hindi kita nakilala. Bakit mo naisipang magpahaba ng bigote?" biro pa ni Arianne pero naging seryoso ang mukha ni Benjie.

"Mag-iingat kayo. Baka pagkatapos ko, kayo na." sabi nito.

"Anong ibig mong sabihin?" takang tanong naman ni Arianne.

"Baka kasi hindi ko na kasi masabi ito. Inaasahan kong ngayong araw na ito ako mamamatay."

"Teka, hindi kita maintindihan?"

"Namatay si Marielle dahil sa'kin." sabi nito at tumulo ang luha. Tumulo lamang ang kanyang luha na para bang wala ng emosyon ang kanyang mukha. Biglang naalala ni Arianne ang panaginip niya, si Benjie pala na kumpare ni Anjo ang lalake sa kanyang panaginip at si Marielle ang nobya nito. 

Nakatitig lang si Arianne kay Benjie at parang nagtatanong ang kanyang mukha. "Nilihim namin na magpapakasal na kami ni Marielle, kami lang ang nakakaalam noon pero hindi ko na iyon nahintay. Itinali ko siya para makuha ang gusto ko. Pero dapat kinalagan ko siya, siguro buhay pa siya kung nagkataon."

"Gaya ng nasa panaginip ko." bulong ni Arianne.

Tumayo si Benjie at nilapitan ang nakahigang kumpare. Bahagya pa nitong hinaplos ang bote ng dextrose kung saan nanggagaling ang likidong dumadaloy sa karayom na nakatusok sa kamay ni Anjo. "Hindi ko alam na ganito ang mangyayari."

"Kaya siguro umuuga ang kama namin dahil sa pagpalag ni Marielle. Maaari ring dahil sa gusto niyang makaalis rito nang sumiklab ang apoy." sabi ni Arianne habang nakatingin sa kanyang kamay.

"Ginagambala nga pala kayo ni Marielle. Kaya pala sinadya ako ni Anjo noon." sabi niya habang nakatitig sa mukha ng kumpare. Hindi naman siguro siya nababakla dito.

Biglang naisip ni Arianne na gumagawa talaga ng paraan si Anjo para matigil ang lahat. Nagsisisi siya na hindi niya sinabi ang nalalaman niya, malamang nakatulong ito kahit papano. Bakit nga kaya niya inilihim ito?

"Alam mo, napakabusy ng daan sa labas. Napakaraming sasakyan, trak, bus, jeep pati bike." bigla niyang sabi habang nakatingin sa labas ng bintana. Matatanaw mo rito ang highway at ang Chickboy sa harap.

"Ha?" taka namang tanong ni Arianne.

"Wala." sagot naman niya at kinamot ang ulo. "Mula noong unang taon ng pagkamatay niya, meron ng namamatay na mga nainvolve sa kanyang pagkamatay. Una, si Mang Lando. Napanood ko ang balita sa TV. Pangalawang araw ay ang aksidente niyo. Pangatlo, ay ang pagkamatay ng mga dati kong kasamahang pulis. Pang-apat ngayon."

"Teka, anong kinalaman namin sa pagkamatay niya?" tanong ni Arianne at akmang babangon pero sumakit ang likod niya. Nanatili lang na nakatingin sa labas si Benjie.

"Ikaw, wala. Si Anjo meron."


~itutuloy

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.