"Magkano ang usapan?"
Lungkot at luha sa aking mata ay nakaukit,
Isip ay ginugulo ng sensasyong nakaipit,
Unti-unting nagustuhan, tinatanong kung bakit?
Hanap kong pagmamahal hindiko na makakamit.
"Pumasok na ba?"
`Di ko namalayan na ang aking pinagplanuhan,
Sa isang kisap mata'y nawala na ng tuluyan,
Taong inalagaan para sana'y sa asawa,
Ngunit ako'y nabigo, aking sarili'y nasira.
"Teka lang, nangangawit ako."
Mga ala-ala ng pasakit na aking dinanas,
`Buti pa ang larawan at maong ay kumukupas,
Ganoon pala ang pakiramdam ng hinahalay,
Konting-konti na lang ay gusto mo ng magpalamay.
"Sige lang. Sulitin mo ang binayad mo."
Pangangailangan ng buhay sa akin ay nag-udyok,
Wala ng mawawala kaya't tinanggap ang alok,
Sariling ligaya't pangarap tinapos sa tuldok,
Ng salapi ng lalaking hayok na hayok.
"Sa uulitin"
Tuluyang nahulog sa dilim at lalim ng bangin,
Ito'y naging bisyo't propesyon sa aking paningin,
Puso't ari'y manhid at tanging pakikipagtalik,
`Di maiwasan, buhay ko'y dito na nakahalik.