"Saan ba tayo pupunta?" inip na tanong ko kahit wala pa naman kaming labing-limang minuto na nagbibyahe. Naiinip ako kasi parang nagsisi pa akong sumama sa kanya. 'Di mo naman ako masisisi kasi lalake rin ako mag-isip. Tatanggi ka ba sa isang napakagandang babae ang sasamahan ka kahit sinabi ko ng magpapakalasing ako. Paniguradong alam niya ang kahahantungan ng gabing ito kung nanonood man siya ng pelikula.
"Heto na. Nandito na tayo." sabi niya habang nagpalinga-linga upang maghanap ng mapagpaparkingan.
"PartyLand?" pagbasa ko sa pangalan ng restobar. Panandaliang nawala sa isip ko si Angel dahil si Joyce lang ang tinititigan ko ngunit dahil naisip kong hindi ko siya naisip ay naalala ko siya uli. Para akong timang na nakangiti pero biglang sumimangot at tumamlay.
"Sige. Dyan ka magpakalasing hangga't gusto mo." confident na sagot niya at pumasok na kami.
"Teka.." pigil ko eksaktong unang hakbang namin, tinitigan ako ng mga bouncer kaya napilitan akong ituloy ang paglalakad, "ano ba'ng meron dito sa loob?" tanong ko kay Joyce habang naglalakad papasok. Nakaharang kasi kami kung nagkataon sa isang macho na ginulat ng bouncer ay biglang tumili.
"Wag kang mag-alala, hindi naman x-rated ang nasa loob. Mga banda lang na tutugtog at sasamahan rin tayo sa pag-inom, m a g d a m a g a n." mabagal niyang sabi. First time ko kasing papasok sa isang ganito, nahiya pa ako ng konti kasi parang daig pa ako ni Joyce. Hindi naman siguro mga bading ang laman sa loob, pagkakatiwalaan ko muna 'tong babaeng 'to.
"Kuya, tig-isang bucket muna." wika niya sa waiter nang makakita kami ng uupuan. 'Isang bucket muna.' sabi niya ay 'muna' kaya seryoso siyang sumabay sa akin sa pag-inom. "Ano nga ba'ng problema natin, bakit nandito tayo?" tanong ni Joyce.
Walang sawa akong nagkwento ng mga hinanakit ko sa kanya pero habang tumatagal ang aming pag-uusap ay mga masasayang alaala ang aking nakukwento at naiisip. Napakagaling magcomfort ni Joyce, unti-unti ngang nawawala ang problema ko at unti-unti na rin nahuhulog ang loob ko sa kanya. Lasing na siguro ako at kung anu-ano na ang naiisip ko.
"Tapos alam mo ba, para siyang pusa na lumalapit sa aso na gusto siyang sagpangin. Haha!" lasing na ako sa dami ng problemang naisuka ko at sa dami ng nainom kong alak. Nakikinig na lang siya. Tinitignan ako, o inaakit ako? Ngayon ko lang napansin ang suot at pwesto niya. Nakadikit siya sa akin at nakahawak pala ang kamay sakin.
"Tara na. Pahinga ka muna."
"Umamin ka nga?"
"Na ano?
"May gusto ka sa'kin no?" diretsong tanong ko.
Di siya makasagot. Dahil dito, nilapit ko ang mukha ko sa kanya at tinignan ang kanyang mga mata. Ilang segundo lang ang aking pagtitig, dinampi niya ang labi niya sa labi ko. Ramdam ko ang lambot nito, napakasarap namnamin.
"Oo ba ang ibig sabihin no'n?" tanong ko.
"Tara." pagkasabi nito ay inakay niya ako. Hindi na nga ako umangal. Sumama na lang ako kung saan niya ako gustong dalhin. Bahala na siya, pagbibigyan ko muna siya ngayon.
"Sa'n mo ako dadalin?"
"Sa inyo. Uuwi ka na."
"Alam mo ba ang sa'min?"
"Hindi eh."
"Pa'no mo ako ihahatid? Saka ayokong umuwi ngayon." dahil kakantyawan lang ako ni Mama at ang mga masaya naming alaala ay nandoon pa bulong isip ko. "Sa inyo na lang."
"Ikaw ah. Masyado kang mabilis." sabi niya na may ngiti. Nginitian ko rin siya at nagpabigat kunwari sa pag-akbay sa kanya. Malapit lang pala siya nakatira dito, planado na niya ang mangyayari. Ngayon ko lang naisip, ang gwapo ko pala.
"Wala kang kasama dito?" tanong ko ng may ngiti. Para akong sumigla bigla, iba ang excitement ko ngayon.
"Wala." pagkasabi nito ay iniupo niya ako sa gilid ng kama. "Dyan ka lang, hihilamusan kita at ipagtitimpla ng kape para naman mahimasmasan ka ng konti."
Ngumiti ako, "Wala naman akong ibang choice. Pagbalik mo ready na ako." sabi ko sabay ngiti.
"Sira!" sigaw niya at hinampas ang balikat ko. Parang nawala ang pang-aakit at pagpapacute niya sa akin ngayon nasa isang kwarto na lang kami. Biglaan siyang naging maasikaso at paglalambing. Paglabas niya ng kwarto, humiga ako, ninamnam ko ang lambot ng kama. Napangiti ako sa nararanasan ko ngayon pero napawi ang ngiti ko nang maalala uli si Angelica. Hindi ko alam kung magagalit ba ako o maluluha sa nararamdaman ko, pinaglalaruan ako ng tadhana. Pinapabagyo nito ang dati ko ng maulang buhay. Sa ngayon, ieenjoy ko muna ang pagkastranded sa isang makasalanang gabi.
"Hihilamusan kita ha?" dinig ko sa malambing na boses ni Joyce pero pikit na ang mga mata ko sa gabing nais kong matapos na.
May naramdaman akong haplos sa aking mukha. Hindi pa ako tulog kaya nakiramdam ako. Isang maligamgam na panyo ang pumupunas sa aking katawan, unti-unti ring nawawala ang saplot sa aking katawan. Bahagya pa siyang tumigil sa paghubad ng aking pantalon. Gusto ko ang nangyayari ngayon. Imumulat ko ba ang mga mata ko o ipagpapatuloy ko ang aking pakikiramdam?
Napili kong imulat ang aking mata at hinawakan ko ang kanyang kamay. "Sige lang ituloy mo." wika ko matapos niyang idampi ang basang panyo sa aking mukha. Hindi ako umaangal dahil ninanamnam ko ang bawat haplos nito. Ramdam ko ang pang-aakit niya sa akin. Dahil sa bawat haplos, sa nakakatunaw na titig at sa aking kalasingan, hindi ako makaisip ng matino kaya kinabig ko siya at napapatong sa akin. Nag-umpisa kaming maghalikan, nanatili siyang kalmado at hindi nagmamadali, ramdam ko 'yon sa kanyang halik, bumaba ang aking labi sa kanyang leeg. 'Di ko maipaliwanag ang sensasyong hatid ng kanyang bango.
"Sorry. Hindi ito dapat, nadala ako, sorry." sabi ko matapos akong tumigil sa paghubad ng kanyang damit. Hindi ko magagawang abusuhin ang kanyang kahinaan, kapwa kami nakainom at mali ito. Hindi siya ang nais kong kasama ngayon kundi si Angelica. Nahiya tuloy siya at lumabas ng kwarto.
May konting pagsisisi kung bakit ako tumigil ngunit hindi ko na maibabalik ang nangyari. Kung gugustuhin ko pang maulit ito, magagawa ko pero paninindigan ko na ang pagkagentleman ko.
"Gusto mo ng kape?" sabi niya pagpasok muli sa kwarto habang nakapikit ako. Parang walang nangyari kanina. Unti-unti na akong yinayakap ng antok. Makakatulog na sana ako nang magsalita uli si Joyce na ngayo'y nasa tabi ko na. "Tulog ka na ba?" tanong niya sa akin. Ayoko ng magsalita, inaantok na ako.
Nang wala na siyang napansing tugon ko, nagsalita siyang muli. "Napakabait mo Victor, bagay kayo ni Angel. Pero sayang dahil natipuhan siya ni Sir Ken." ngayon makikiramdam na lang ako. Akala niya yata ay tulog na ako. "Alam mo, lahat talaga nabibili ng pera." pagkasabi nito ay nakaramdam ako ng pumapatak sa aking braso habang pinupunasan ang aking kamay. Luha?
"Hindi naman ako papayag na lokohin ka, kayo ni Angel at pumagitna sa relasyon niyo, kung kaya ko lang sustentohan ang pagpapagamot kay Tatay. Pero ngayon ok na siya kaya tapos na ang kontrata ko kay Sir Ken. Last na 'to." naawa ako sa sitwasyon ni Joyce. Mas mabuti siguro na tumahimik nalang ako.
"Mahal ka rin ni Angel, kaya lang hawak siya ni Sir Ken. Hindi ko alam kung ano ang gayuma o pangblockmail na gamit niya pero kapag ginusto niya nakukuha niya. Kakalabanin mo ba siya o ibabaling mo sa iba ang pag-ibig mo kay Angel?" napaisip ako sa sinasabi niya. Kahit nakapikit ako, naimagine ko ang mga posibilidad.
Nagulat ako nang dampian niya ang labi ko ng halik. Ang halik na puno ng pagmamahal, naramdaman ko iyon. Posible kayang nahulog na nga ang loob ni Joyce sa'kin?
>
Nagising akong kayakap si Joyce, sinilip ko ang natatakpan ng manipis na tela ng kumot. Buti na lang at walang nangyari sa'min. Wala nga ba? Ang huli kong natatandaan ay dinampian niya ako ng halik. Napatitig ako sa magandang mukha ni Joyce. Hindi ko maisip na katabi ko ngayon ang isang babaeng bago ko lang kakilala, napakaganda pa niya.
Bahagyang pa siyang sumiksik sa bisig ko, naalala ko ang huling halik niya kagabi. Napakasarap, hindi dahil magaling o marunong siyang humalik kundi dahil puno ng pagmamahal ang kanyang halik. Napakaswerte ng lalakeng kanyang mapupusuan. Ideal wife siya, hindi lang pang-girlfriend. Pero ang puso ko ay kay Angel lamang, ipaglalaban ko ang pagmamahal ko hangga't kaya ko. Itutuloy ko ang aking pagmamahal sa kanya.
Walang kwenta ang pagpapakalasing ko kagabi. Ganun din, naaalala ko pa rin si Angelica. Ewan ko ba bakit ang mga may problema ay dinadaan sa pagpapakalasing ang lahat, wala naman silang mapapala dun kundi ang pagpaparusa sa kanilang atay. Pero ayos lang, nakasama ko si Joyce eh. Sana hindi ko pinigil ang sarili kagabi kung hindi, alam ko sana ang mga sumunod na pangyayari. Teka, may mga sinabi siya kagabi eh. Ano nga ba 'yon?
Ang ganda niya, class S siyang halimaw kung ikokompara sa animè. Bahagya ko pang hinawi ang kanyang bangs upang makita ang mga mata niya. Napabungisngis ako kasi may muta siya. "Tititigan mo lang ba ako?" sabi niya at binuksan ang isa niyang mata. Ang cute niya, disregard ang muta.
"Kanina ka pa ba gising?" tanong ko.
"Hindi naman. Alam mo..." pambibitin niya sa sinasabi niya at tinignan ang ilalim ko.
"Na ano? Hindi ko alam." ngumisi lang ako.
"Sana ikaw lagi ang makita ko pagmulat ng mata ko." seryosong sabi niya matapos ang segundong katahimikan.
Ngumiti lang ako at umupo na. "Aalis na ako, pasensya ka na pala sa abala."
"Teka, kumain ka muna. Bawal umalis ang hindi kumain." madali siyang tumayo at itinulak ako pahiga. "Dyan ka lang, ipagluluto kita."
"Ikaw ang bahala." sabi ko, hindi ko napansin na boxer lang pala ang saplot ko ngayon.
Nagmuni-muni ako habang hinihintay ang pagkain. Nagbihis na rin ako ng amoy alak kong damit at amoy suka kong pantalon. Parang isang nobela ang labstori ko, kung nobela lang ito ano ba ang mga maaaring mangyari? Wala kayang hidden camera dito na nakunan kami ng scandal at ipapakita ito kay Angelica? Naku! Baka madiscover akong artista. Pwede rin na may nangyari pala sa amin ni Joyce at pipikutin niya ako? Sana naman hindi ganito ang kapalaran ng ating bida.
Hindi na ako makapaghintay kaya umalis na ako ng hindi nagpapaalam. 'Di gaya noong magkakilala kami ni Angelica, nag-iwan ako ng sulat sa kanya, ngayon wala akong bakas na iniwan kundi ang mga alaala ng isang kaibigan.
Medyo malayo na rin ang nalakad ko nang mahabol ako ni Joyce. Grabe naman kasi walang jeep o tricycle na dumadaan. "Ang daya mo, iniwan mo ako. Luto na rin naman ang pagkain eh." hingal na sabi niya.
"Nakakahiya naman sa'yo eh, masyado ng marami ang perwisyo ko sa'yo." patuloy kong paglalakad.
"Kung ayaw mo ng luto ko, sasama ka sa'kin, sa labas tayo kakain."
"Ang kulit mo." sabi ko kay Joyce at kinurot ang kanyang pisngi.
"Aray." sabi niya at hinaplos ang mamula-mula niyang pisngi. Patuloy kami sa paglalakad nang marating namin ang kabihasnan. Marami ng turo-turo dito kaya dito na lang kami kumain. Tahimik lang kami at walang anumang salita ang kumokonekta sa amin.
"Which is more dramatic? Losing your phone or losing your virginity?" tanong ng tindera sa kasama niya. "Painglis inglis ka pa dyan. Ewan ko sa'yo." sagot nito. Natatawa na lang ang mga kumakain sa biruan nilang dalawa. Kami ni Joyce, walang imik. Naalala ko ang aming gabi. May experience na kaya siya. Ano ba 'tong pumapasok sa utak ko?
Nakita niya akong pinupukpok ang noo ko kaya napatingin ako sa kanya. "O paano, mauna na ako."
"Sana makasama uli kita. Yung matagal. Yung masaya." nakayukong sabi niya.
"Malay mo, mangyari yun."
Sabay kaming lumabas ng karinderya, laking gulat ko ng makita si Angel. Malaking malaki ang gulat ko, parang eksena sa telebisyon na titigan muna ng ilang segundo saka lang magrereact. Hindi ko alam kung ano ang iisipin niya o kung ano na ang tumatakbo sa isip niya ngayon pero gusto ko siyang makausap. Loko talaga tong si tadhana oh. Mala-telenobela, so anong mangyayari sa akin ngayon, masasampal ba ako? Ah bahala na.
"A-eh. Mag-isa ka lang ba?" kabado kong tanong.
"May nakikita ka bang kasama ko?" supladang sagot ni Angel. Galit ba siya?
"Wala nga eh. Baka lang meron, naninigurado lang."
"Alam ko ikaw ang may kasama. Eh ano ngayon sa'yo kung meron nga?" supladita ang loka, galit nga ata!
"Nagtatanong lang naman." tameme kong sagot. "Sa'n ka pala pupunta?"
"Malamang dito. Kasi hindi naman dito ang bahay ko, at wala naman siguro ako dito kung hindi ako dito pupunta?" nagseselos ata siya dahil kasama ko si Joyce.
"Ano ba'ng ginagawa mo dito?"
"Ba't ba andami mong tanong? Enjoying mo na lang kaya ang date mo!" sabi ko na nga ba nagseselos siya eh.
"Hindi naman kami nagdedeyt eh." sabay naming sagot ni Joyce.
"Kailangan pang sabay? O sige alis na ako, baka nakakaistorbo ako sa date niyo." pagkasabi nito ay tumalikod siya at mabilis na naglakad. Hahabulin ko ba siya? Babatuhin ng tsinelas o hahayaan na lang makalayo ng hindi man lang nakakapagpaliwanag? Saan kaya siya pupunta ngayon, kay Ken?
"Kasalanan ko Victor. Dapat hinayaan na lang kita." pag-ako pa ni Joyce sa kasalanan. Hindi ko naman siya pinansin, ang mga mata ko ay nakatitig pa rin kay Angel hanggang makalayo siya na hindi na kita ng mga mata ko.
"Angel..." mahinang pagtawag ko sa aking anghel. Wala akong mapapala kung hindi ko siya makakausap, kailangan kong magpaliwanag. "Sorry Joyce. Angel! Sandali!"
Hindi niya ako pinapansin, ano'ng dapat kong gawin? Nang maabutan ko siya ay hinawakan ko ang kanyang kamay. Tumigil siya at "Pak!" sinampal ako.
Tama nga. Mala-nobela nga ang labstori ko. Walang salita ang lumabas sa mga labi ko, hinayaan ko na lamang siyang lumayo sa akin. Nalungkot ang puso ko, dahil nang humarap siya sa akin ay lumuluha siya. Kita ko ang selos, lungkot at galit sa kanyang mga mata.
Malamang ganito ang nangyayari sa mga babaeng nagpapakasal sa hindi nila mahal. Tinalikuran sila ng mahal nila, kaya napipilitang diktahan ang puso sa lalakeng hindi nila mahal. Mga lalakeng mabilis sumuko at hindi kayang ipaglaban ang pagmamahal nila. Hindi ko hahayaan ito. Si Angelica ay magiging masaya, sa piling ko.
itutuloy...
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.