"Nay! Dito maraming bote saka plastik na baso." pagtawag ni Nilo sa kanyang ina.
"Dalin mo dito nak, mukhang may pambili tayo ng masarap na pagkain mamaya." masayang tugon ni Aling Rita sa anak.
"Nay oh! May pera pa ata." sabay abot ng papel na kulay dilaw at may nakasalong-baba na taong nakadrawing dito.
"Anak..." gulat na tugon ni Rita. "Limangdaan ito." pagpapatuloy niya.
"Marami po ba tayong mabibili dyan?" inosenteng tanong ni Nilo.
"Oo. Salamat po Diyos ko." maluha-luhang sabi ni Rita.
Si Nilo ay lumaki sa lansangan kasama ang kanyang ina na si Rita. Nabubuhay lamang sila sa pamumulot ng basura, bote at bakal. Sa edad na walo ay hindi pa siya nakakatuntong ng isang hakbang sa kanyang pag-aaral. Tanging si Rita lamang ang nagtuturo sa kanya. Gamit ang mga napupulot nilang lapis at papel, naturuan siya ni Rita kung paano sumulat. Dahil sa lansangan sila namamalagi ay naturuan din siya nitong magbasa, tagalog pa lamang ang kaya ni Nilo kasi nahihirapan siya sa ingles. Ngunit mabilis matuto si Nilo, malayo ang mararating ng bata.
"Ang sarap ng amoy Nay." masigla talaga si Nilo kahit na hirap sila sa buhay.
Ngiti naman ang sagot ni Rita at tinikman ang sabaw ng sinigang na baboy. "May natira pa sa pera Nilo para bukas adobo ang ulam natin."
"Yehey! Masarap din ba 'yon Nay?" tanong nito, palagi kasing tuyo, itlog, lugaw at pancit canton ang kanilang kinakain. Kadalasan ay toyo lang ang isinasabaw nila sa kanin na hinihingi lamang sa karinderya.
"Syempre naman. Mas masarap pa sa sabaw na toyo."
"Wow. Sabik na 'ko Nay." ngiti ni Nilo. Ngayon ay kakaiba ang ulam nila, hindi na kapareho ng lasa ng tuyo na pinirito sa gamit na mantika. Hindi rin sila namulot ngayon ng pagkain pagkat may pambili sila.
Masaya silang nabubuhay kahit wala ang ama nito. Siya ang dahilan kung bakit sa lansangan sila nagpapalipas ng mga araw. Inabandona sila nito matapos maisugal ang kanila bahay at lupa. Sira ulong tatay.
"Now with..more... brand new..rooms." pagbabasa nito sa advertisment sa daan.
"Kain na Nilo!" tawag ni Rita.
Dali-daling tumakbo si Nilo sa kanilang barong-barong at inamoy ang umuusok pang sabaw. "Mmmm..." pagnamnam nito sa amoy.
"Dahan-dahan, mainit 'yan." pagbawal nito sa anak matapos iabot ang kanyang plato.
"Opo Nay."
Napakaraming nakain ni Nilo sa gabing 'yon. Kinabukasan, may adobo pa. Sa ngayon, matutulog siya na hinahaplos ang tiyan.
>
"Hoy! Alas-dyes na, alas-onse ang pasok natin." paggising ni Boyet sa roomate slash classmate nito na si Ren.
"Tinatamad pa ako." sagot ni Ren.
"Ah bahala ka dyan. Mauuna na ako." at pabagsak pang sinara ni Boyet ang pinto. "Siya nga pala, nakapagsaing na ako. Ikaw na ang bahala sa ulam mo." bumalik pang sabi ni Boyet.
"Bwisit naman kasi eh. Sana hindi na lang Physics ang subject ngayon." pupungas-pungas siyang tumayo. "Aray!" nagpagising sa kanya ang pagkaumpog sa double deck na higaan nila.
Tumayo si Ren at pumunta sa banyo. "Haay, naiwan ko yung tuwalya ko."
Bumalik siya sa kwarto at kinuha ang tuwalya. Pagkakuha sa tuwalya ay naligo na sa banyo.
Tapos, habang nagpupunas ng buhok ay kinuha ang photocopy reviewer nito dahil ngayon ay exam nila sa Physics. "348.5 lbs, ah kapag lumitaw ito alam ko na ang sagot." ngiti niya at inilapag muna sa mesa ang reviewer at nagbukas ng paborito niyang de lata. "Papainit ko ba o ipapainit ko?" tanong nito sa sarili habang nagbubukas.
"Ah sige, ipapainit ko na lang." binuksan ang kalan at tumingin siya sa relo.
"10:30, ah shet. Wag na lang pala." dali-dali siyang kumain at patakbong lumabas ng nirerentahang tahanan.
>
"Nay, mainit na. Uwi na tayo." pag-aya ni Nilo sa ina.
"Gano'n ba? Sige para maipagluto na kita ng adobo." sabi ni Rita at hinaplos ang buhok ng anak.
"Nay, ang bait niyo. Salamat sa masarap na pagkain." ngiti ni Nilo sa ina.
Natouch si Rita sa sinabing ito ni Nilo. Kahit mahirap ang sitwasyon nila, naiintindihan ito ni Nilo. Maluha-luha niyang niyakap ang anak. "Nawa palaging masarap ang pagkain natin." pagkasabi nito ay pumatak ang luha ni Rita.
"Nay, bakit ka umiiyak? Dapat lagi tayong masaya di ba sabi niyo?" sabi ni Nilo at pinahid ang luha ng ina.
"Oo nga." ngumiti si Rita. "Daan muna tayo sa palengke ha?"
"Opo nay."
>
"Diyan ka lang bantayan mo itong kariton." utos ni Rita.
"Bibili na po kayo?" tango lang ang sinagot nito.
>
"One fourth po ng liempo, magkano?"
"Kung tatawad ka wala na." sabat ng tindera sa pagtawad sana ni Rita.
"Wang... Wang... Wang..." tunog ng bumbero, malayo pa lang maririnig mo na ito. Alam mo ba kung bakit may wang wang? Alam ba ng lahat ito pati ng batang musmos? Kailangan tumabi at magbigay daan dahil importanteng hindi madelay ang mga lakad nito.
"May sunog ata?" sabi ng tindera pagkarinig ng sirena ng bumbero.
"Kawawa yung bata doon sa labas." "Oo nga eh. Hindi man pinansin nung trak." sabi ng dumaan na matanda.
Biglang kinutuban si Rita sa narinig. Dali-dali niyang binalikan si Nilo. "Oy yung baboy mo!" sigaw ng tindera ngunit hindi niya na ito pinansin.
Agad niyang tinignan ang pwesto kung saan niya iniwan si Nilo. "Nilo..!" sigaw na lang ni Rita nang makita ang kumpol ng tao.
"Lokong driver yun. Bumbero pa naman."
"Kawawa oh, buhay pa ba?"
"Ano ba kasi yung hinabol pa niya?"
"Oo nga eh. Nasaan ba ang magulang nito?"
"Gumagalaw pa siya."
Hinawi niya ang kumpol ng tao habang naririnig ang mga kwento ng mga ito. "Nilo... Nilo..." nakita niya ang duguang katawan ng anak. "Nilo! Anak uuwi na tayo, 'wag mo kong iiwan!" pagyakap niya sa anak.
"N...a...y..." mabagal na pagsasambit ni Nilo, tapos ay ngumiti ng marahan. Matapos nito, lumambot na ang katawan nito. Bumagsak ang kamay at humilig ang kanyang ulo. Sa kamay nito ay isang papel na pera, isang daang piso.
"Huwag kang susuko! Ni... Nilo! Tulong!" paghangos ni Rita. Walang magawa ang mga tao, nakatingin lamang sila. "Bakit nangyari 'to?!" pagkasabi nito ay lumuha na ang mga mata ng isang ina na nawalan ng isang mabait na anak.
>
"Manong! Yung kapatid ko nasa loob pa!" paghingi ng tulong ng isang bente anyos na babae.
"Yung lola ko ho sir." sabi naman ng isang ina kayakap ang kanyang limang taong gulang na anak. Umiiyak ito sa takot, mabuti na lang ay nailigtas siya ng kanyang ina.
"Sir! Fire is under control. Kung nahuli tayo ng kahit ilang minuto ay baka maraming namatay at natupok ng apoy." wika ng isang bumbero.
"Oo nga eh. Good job." sagot ng parang kapitan ng grupo na siyang nagmamaneho sa firetruck.
"May lola kaming nailigtas kanina, pakipuntahan na lang po sa medics." wika ng bumbero sa ina na kausap kanina.
"Ate! Bakit nasunog?" tanong ni Ren sa kapatid.
"Ren! Diyos ko, akala ko nasa loob ka pa. Buti at ligtas ka." yakap ng ate ni Ren.
>
Sumiklab ang apoy dahil sa upos ng sigarilyo na tumama sa papel at kumalat ito dahil sa leak ng lpg. Naibalitang walang namatay sa sunog na ito. Nailigtas ang marami. Sa likod ng mga papuri at magandang mga salita, lingid sa kaalaman ng marami, isang buhay ang maagang nagtapos. Ang mga saksi sa pagkamatay ni Nilo ay mabibilang lamang, pati ang mga buhay na nailigtas sa sunog. Isang tanong ang naiwan sa aking isipan, buhay ba o mga buhay ang matimbang na nasagip? Buhay ba ng isang batang masaya at may potensyal na makasagip din ng mga buhay sa darating na panahon, o mga buhay na nasagip sa mala-impyernong karanasan sa loob ng pumapatay na apoy?
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.