Friday, January 20, 2012

Everyday in the Rain 3



Tuliro

“Bakit mag-isa ka lang dito?”tanong ko kay Angelica.

“Dito ang trabaho ko kaya dito na ako tumira. Kapagod bumyahe eh. Paminsan-minsan dinadalaw ako ng parents ko at kapatid ko.” sagot niya.

“Ilan ba kayong magkakpatid?”

“3 kami, bakit ba ang dami mong tanong?”

“Masama ba magtanong?” as usual na sagot sa tanong na yun.

“Hindi naman.” As usual din na sagot sa sagot ko sa tanong niya.

“So, pwede pa ba magtanong?”

“Nagtanong ka na eh.” pilosopong sagot niya.

“Oo nga no? Hmm, may boyfriend ka ba?” tanong ko. Natahimik siya sa tanong ko, parang biglang nalungkot ng 3 seconds tapos ngumiti rin.

“Wala. Nagbreak din kami kamakailan lang. Kagaya mo…” sagot niya na halatang tinatago sa damit ang lungkot ng katawan.

“Happy Condolence!” sabi ko sa kanya at ngumiti.

“Bakit condolence naman?” tanong niya na para bang nagtataka na natatawa na maiiyak na ewan.



“Kasi nawalan ka ng minamahal sa buhay. Pero di magtatagal ikasasaya mo yun.” sagot ko sa kanya. Napakamot na lamang siya ng ulo, parang di pa rin niya naiintidihan ang eksplanasyon ko.

“Nga pala, nabasa ko yung tulang iniwan mo sakin. Salamat, kahit research paper ko yung sinulatan mo.”

“Ay! Sorry.” ngiti na lang ang binawi ko sa kanya simbolo na hindi ko sinasadya ito. “Buti naman nagustohan mo.”

“Parang ang dali mo lang kasing ginawa yung ganon kagandang message.” napansin ko lang na nawala na sa kanya ang usapan naming. Ang babae talaga.

“Bakit pala kayo naghiwalay ng boyfriend mo? Kung ok lang ba malaman ko? Siguro naman friends tayo.”

“ ’Wag na nating pag-usapan.” sabi ko na nga ba hindi siya ok eh. Ewan ko ba kung bakit nalulungkot ako kapag hindi siya nakangiti. Parang gusto kong pisilin ang pisngi niya kapag nakatawa, pero pag malungkot siya, nalulungkot din ako. Gusto kong pawiin ang lungkot na kanyang nadarama.

“ ’Wag ka ng malungkot. ‘Di bagay sayo.” sabi ko at hinawi ko ang kanyang buhok. Ayun! Ako pa ang nakurot sa pisngi.

“Sige. Para sa’yo ngingiti ako, Mr. Suplado.” sabi niya at ngumiti kita ang gilagid. “Eh ikaw, bakit kung ano-ano ang ginawa mo noong isang gabi?”

Ako naman ang natulala. Binalik niya sa akin ang pakiramdam ng nawalang na mahal sa buhay. Naalala ko si Gladys. “Ganyan ka, pinaalala mo pa.” tampo daw ako.

“Masama ba magtanong?” binalik niya sakin ang mga sinabi ko kanina. Napangiti tuloy ako.

“Nakipagbalikan kasi yung ex-boyfriend niya sa harap ko. Pagkatapos, sa oras ding ‘yon, naghiwalay na kami.”

“Nagtagal ba kayo?”

“Hindi. Hindi naman sukatan ang oras o haba ng taon ng relasyon niyo.”

“So, ok ka lang?”

“Mahal ko siya pero may mahal siyang iba. Kailangan kong maging masaya para sa kanya. Gusto kong umiyak pero para saan pa? Maibabalik ba siya sa'kin? Hindi ‘di ba?” 

“Tama yan. Move on na.” sabi ni Angelica at hinimas ang ano ko, likod.


Muli nanamang bumalik sa aking alaala ang mga panahon noong kami’y bata pa. Ang ngiti niyang kita ang ngipin, ang paghawi ko sa kanyang buhok , ang pagkurot ko sa kanyang pisngi at paghimas ng aking likod. Parang nauulit. De ja vu? Hindi eh. Napatitig ako sa kanya habang kumakain ng jump foods, junk goods, ah basta, Piatos. Nang akmang titingin na siya ay natauhan ako. “Pahinge! Natatakam ako eh.”

“Kuha ka.” aniya at tuloy sa panonood ng Final Destination na ilang ulit na ata niyang napapanood. Bago pa mangyari ay kinukwento na niya ang mga magaganap. Tapos, pipikit naman kapag nandoon na. Aakbayan ko sana siya, “Oy. Oy.” wag na lang.

‘Di na rin ako nagtagal dahil pagabi na at baka paluin pa ako ni Mama. Nasira ang gitara ko dahil sa kadramahan ko. Ewan ko ba bakit ang pag-ibig nagagawa tayong timang, ginagawa ang hindi dapat tapos kapag namulat sa katotohanan ay matatawa nalang tayo okaya ay magsisisi dahil sa ginawa natin.

Naglalakad na ako palabas nang tawagin niya ko. “Mr. Suplado!”

“Ano ba? May pangalan ako, Victor!” sabi ko. Linapitan ko siya habang palapit rin siya sa’kin. “Ano ba ‘yun?”

“Sa’yo ‘to ‘di ba?” ang panyong ibinigay ko sa kanya noong mga bata pa lamang kami. Napatingin ako sa kanya.

“Ikaw nga pala ‘yun. Si Gel. Angelica pala ang buo mong pangalan. Itinago mo pa pala ‘to.” may galak na sabi ko. May ibang pakiramdam sa puso ko ang tagpong ‘yon.

“Sabi ko na nga ba ikaw si Victor na nakilala ko noon.” nakangiting sagot niya. Kumikinang ang mga mata niya, puno saya at ligaya.

“Eh ano kung ako nga ‘yun?” biglang nawala ang ngiti sa mga labi niya. Saka ko lang napagtanto, nagulat ako sa mga salitang galing sa mga labi ko. Babawiin ko sana pero isang sampal ang dumapo sa pisngi ko. Tumakbo siya palayo sa’kin, papasok sa kanyang bahay. Naiwan akong tulala sa pwesto ko, nakatayo at nakabilad sa araw. Bumabalik sa paningin ko ang pagtakbo niya palayo, limang beses, ang pagsampal niya sa akin, limang beses din. Bawat pagbalik sa paningin ko ay sumasakit ang sampal niya sa mukha ko, sumasakit, kumikirot at tumatagos sa kaloob-looban ng puso ko. Gusto ko man siyang katukin ay hindi ko na ginawa, nagdadalawang isip at nalilito. “Ano ba ang nagawa ko? Masama ba ang sinabi ko?” mga tanong na paulit-ulit sa isip ko, habang ako’y naglalakad pauwi. “Bakit niya ‘ko sinampal? Bakit?” parang timang na nagsasalita mag-isa, umiiling, hinahawakan ang pisngi, titngala, yuyuko at hindi tumitingin sa dinadaanan.

Sabi ko na nga ba eh, babangga ako. “Sorry ho.” sabi ko kahit hindi ko pa kilala ang nabangga ko.

“O Victor, wala ka ata sa sarili mo?” wika ng boses.

“Tay! Ba’t nandito kayo?”

“Ayaw mo ba?”

“Gusto!”

itutuloy…

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.