Sunday, October 13, 2013

Ligaw


Mainit ang pakiramdam ko, may nakikita akong apoy. May sumigaw, kaya hinanap ko. Tapos nagdilim ang lahat.


"Aaaaaaaaaaaaaaaahhhh!" nagising ako sa ilalim ng puno ng Narra dito sa isang eskwelahan.Hindi ko alam kung saan ito at kung dito nga ba ako nag-aaral. Tinignan ko ang isang babae mula ulo hanggang paa, nagulat ako sa reaksyon niya marahil akala niya ay hinuhusgahan ko ang pananamit niya. Napasinghap na lamang ako, tinignan ko rin ang suot ko at magkapareho kami ng suot ng babae. Malamang ay dito nga ako nag-aaral.

Nagulat ako nang mapansing palubog na ang araw. Laking pagtataka ko na lang dahil wala akong maalala. Wala akong matandaan kahit ang aking pangalan. Kung saan ako nakatira at kahit na ano tungkol sa sarili ko. Ang alam ko lang ngayon ay babae ako dahil sa paldang nakasuot sa akin.

Sa aking daan pauwi, kahit hindi ko naman alam talaga kung saan ako pupunta, napadaan ako sa isang palaruan. Hindi ko alam kung ilang taon na ba ako kaya napaisip ako kung dapat pa ba akong maglaro sa lugar na iyon. Sabi ko na lang sa sarili ko na, "Bahala na." Wala naman sigurong masama dahil wala rin namang age limit ang paglalaro.

Tumakbo ako papalapit sa duyan at idinuyan `yon agad-agad. Nakaka-enjoy maglaro, ang sarap ng masaya pero parang may kulang sa'kin. Parang may kulang sa mga ngiti ko. Malamang ay dahil sa hindi ko matandaan ang tungkol mismo sa sarili ko. Unti-unti kong binagalan ang ugoy ng duyan habang nakapwesto ang aking kamao sa aking baba, tanda na nag-iisip ako.

Maya-maya ay may narinig ako na umiiyak. Batang umiiyak. Nakaramdam ako ng awa kaya hinanap ko kung saan nanggagaling ang boses. Habang nakaupo pa sa duyan ay tumingin ako sa ilalim nitong duyan sakto sa pagitan ng mga paa ko. Hindi ko mahagilap kung saan ang tunog na naririnig ko kaya tumayo ako. Tahimik akong naghanap hanggang sa makita ko ang isang batang babae na umiiyak sa ilalim ng slide. Napakacute niyang bata pero hindi niya bagay ang umiiyak.

"Bata, may problema ba?"

"Hik! Hik! Si ate..." paghagulgol niya.

Hingod ko lang ang likod niya, ramdam ko ang init ng kanyang katawan.

"Kasalanan ko." sabi niya.

"Anuman ang kasalanan mo sa ate mo, alam ko na hindi siya galit sa'yo. Ang magkapatid ay nagmamahalan at nagkakaintindihan. Kausapin mo lang siya at mapapatawad ka no'n. Ang magkapatid ay hindi dapat nagkakasamaan ng loob. Kung may kasalanan ka man sa kanya, sigurado `yon, mapapatawad ka agad niya. Wala namang mawawala kung kakausapin mo siya, luluwag pa ang pakiramdam mo at mawawala ang bigat sa puso mo." sabi ko sa kanya. Sana lang ay naintindihan niya ang mga sinabi ko dahil mukhang nasa lima hanggang sampung taong gulang pa lamang siya.

"Talaga ho?" sabi niya at lumingon sa akin.

"Oo naman." sagot ko pero bigla siyang tumakbo at lalong umiyak.

"Waaaaaaaaaaaaaaaaahhhh!!! May multooooooooooo..." sigaw niya. Wala naman kaming ibang kasama noong lumingon ako sa paligid namin. Siya lang ba ang nakakakita ng multo o ako ang multo? Napatakbo rin ako ng mabilis at nang hingalin ako ay napag-isip-isip ko na hindi pala ako naniniwala sa multo. Napanguso ako at nag-isip. Maya-maya ay napangiti na lang ako kasi nawala na siguro sa isip ng bata ang iniisip niyang problema dahil nabaling na sa multo ang isip niya.

Muli akong naglakad ng masaya, sinubukan ko ring sumipol kahit hindi ako marunong. Ngumiti ako kahit na gusto kong sumimangot dahil hindi ko talaga matandaan ang daan pauwi.

Kailangan ko ng masisilungan o kaya ay matututluyan pansamantala. Sino kaya ang mapagkakatiwalaan ko? Saan ako pwedeng tumuloy ngayong wala akong maalala? Gusto ko ng umiyak dahil lumalalim na ang gabi at nasa labas pa ako. "Mama... Papa..." paghangos ko. Gusto ko ng kalinga, ng yakap mula sa magulang pero hindi ko sila matandaan.

`Di kalayuan ay may nakita akong bahay na tinupok ng apoy. Marahil wala ng tao rito kaya pwede muna siguro akong magpalipas ng gabi. "Kinabukasan, babalik ako sa eskwelahang 'yon, baka may nakakakilala sa'kin." bulong ko sa sarili habang pinahihinahon ang mata ko sa hindi ko mapigilang pagpatak ng mga luha.

Gusto kong mahanap ang pamilya ko. Ang tahanan kung saan ako lumaki. Ang mga taong nakahalubilo ko. Ang mga kaibigan ko.

> 

Nagising ako nang makita ang liwanag ng araw na tumatama sa balat ko. Hindi ko rin napansin ang pag-ulan noong nakaraang gabi. Makikita mo lang ang bakas nito na nabuo sa isang mababang parte ng bahay na tinuluyan ko. Tumatama ang sinag ng araw dito kaya nakikita ko ang repleksyon ng mukha ko. Kung tatantyahin ko ay nasa labing-anim na taong gulang pa lamang ako base sa mukha ko.

Naalala ko na kailangan ko palang pumasok sa eskwelahan at wala akong dalang bag o mga kwaderno. Napasimangot ako. "Saan ko ba kasi iniwan 'yon. Aaaahhh!" gusto kong magdabog, magwala at mag-eskandalo pero wala akong mapapala kung gagawin ko 'yon kaya kahit na nakasimangot ay naglakad na ako palabas.

Muli akong napaatras nang maalala ko na wala akong pamalit na damit, ni hindi rin ako nakaligo o nakapagsipilyo. Nakakahiya man ay kailangan kong kumilos. Ngayong umaga ko malalaman ang tungkol sa sarili ko. Napangiti ako dahil sa excitement kaya tumakbo na ako papunta ng eskwela.

Huminga ako ng malalim nang makita ang main gate sa eskwelahan. Agad akong dumiretso sa puno kung saan ako nagising kahapon, nagbabaka sakaling makita ko ang bag ko at ang ilang parte ng nahulog kong alaala. Ilang beses na akong nagpaikot-ikot, split at tambling pero walang parte ng alaala ko ang bumalik. May nakita akong bag na nakasabit sa puno, marahil sa akin. "April pala ang pangalan ko." napanguso ako nang makita ang pangalan mula sa isang notebook. "Pwede na rin, pero gusto ko Jane." ngiti ko habang nakatingin sa malayo.

Iniisip ko tuloy kung ano pa ang mga pangalang nakarehistro sa utak ko. Nawala ang ngiti sa labi ko. Sakto akong nahimasmasan at naisip na baka magsisimula na ang klase. Isang hakbang pa lamang ang naisusulong ko ay napatigil agad ako. "Saan ba ako pupunta?" pagkamot ko sa ulo at ginulo ko ang buhok ko sa inis.

Ang dami ng pumapasok pero nakakapagtakang walang tumatawag sa akin dito sa pwesto ko. Nasa tabi lang naman ako ng entrance at kunwaring may hinihintay pero walang pumapansin sa'kin. Wala ba akong mga kaibigan?

Tumunog na ang bell at wala pa ring lumalapit sa'kin kaya napagdesisyunan ko na ako na ang lalapit. Sinubukan kong lapitan ang isang babae na sa tingin ko ay malapit lang ang edad sa akin. Gusto ko na syang batukan dahil sa pagpapapansin na ginagawa ko ay talagang hindi man lang ako inismiran.

"Excuse me miss." sabi ko. Lumingon lang siya sa likod at parang hindi ako nakikita kaya nagpatuloy sa paglalakad at diretsong nakatingin sa harap. Pakiramdam ko naging takure na ang ulo ko sa sobrang init kaya akmang hihilain ko ang kamay niya ay tumagos lamang ito.

Napatigil ako habang patuloy lang sa paglakad ang babae nang biglang may lumusot mula sa likuran ko tagusan sa katawan ko.

>

Madilim na pero hindi ko pa rin alam kung saan ako uuwi. Malamang ay bumalik muli ako sa bahay na nauna kong pinuntahan. Ginugulo ang isip ko ng mga pangyayari. "Patay na ba ako?"

Habang nasa daan at parang zombie na naglalakad ay may nakita ako na lamay sa isang bahay-ampunan. Gusto kong lapitan ang mga naroon pero nahiya ako dahil baka gawin nila 'yong ginawa no'ng bata. Pero ano ba ang pinag-aalala ko dahil hindi naman ako naniniwala sa mga multo. Lumapit ako, "Mukhang tatlong araw pa bago siya ilibing." Napatingin ako sa harapan.

Mayroong isang ale na hindi tumitigil sa pag-iyak. Mag-isa lamang siya doon sa harapang parte ng mga upuan. Naalala ko ang Mama ko. Ano kaya ang itsura niya? Sigurado lang ako na maganda siya gaya ko. Hindi ko matiis ang ale kaya nilapitan ko siya mula sa likuran. "Kayo ho ba ang magulang niya?" tanong ko at umupo.

"Oo. Mabait naman siyang bata eh. Hindi naman niya kailangang ibuwis ang buhay niya para sa'min. Pwede naman kaming mamatay lahat doon pero..." paghangos niya. Sinagot niya ang tanong ko ng hindi lumilingon kaya medyo napanatag ang loob ko na hindi siya matatakot.

"Alam ko ho mahirap ang mawalan ng mahal sa buhay pero base sa kwento niyo, pinili niya na mabuhay kayo imbes na mabuhay siya. Ibig sabihin, ang buhay niya ay nasa inyo na. Ialay niyo rin ang mga bagay para inyong mga iniligtas niya. Kaya huwag niyo pong sayangin ang buhay na inialay niya para sa inyo. Mabuhay kayo para sa kanya. Mabuhay kayo kung paano kayo dati." hindi ko na napansin na tumulo na pala ang mga luha ko. Nararamdaman ko kasi na parang sinasabi ko ito sa magulang ko.

May kung anong pwersa ang humila sa akin para tignan ang nasa loob ng ataol. "Aaaaaaaaaaaaaaahhhh!!!" Biglang sumakit ang ulo ko nang makita kung sino ito. Umihip ang napakalakas na hangin, tinangay nitong lahat ng magagaan na bagay. Ang mga plato ay nagkandabasag, ang mga tela ay nilipad at ang mga kalat ay lalong nagkalat. Nakakatakot para sa ibang mga taong naririto pero ang gusto ko lang ay mawala ang sakit sa ulo ko ngayon. Hawak at idinidiin ko ang ulo ko para mabaling sa mga kamay ko ang sakit na nararamdaman ng ulo ko pero walang epekto.

Ilang segundo pa ay bigla na lang akong nagbalik sa nakaraan.

>

Naaalala ko na.

Ilang araw pa lang ang nakalipas mula noong ilibing ako. Kita ko kung paano humagulgol ang mga mahal ko sa buhay, kita ko kung paano tumulo ang kanilang mga sipon at kita ko kung paano ako inilibing. Noon, hindi ko alam kung bakit pero hindi pa ako pinatawid sa langit. Ngayon alam ko na, nais lang ng kaluluwa ko na makauwi. Isang kasunduan na makitang ligtas lang ang aking pamilya, ang makita silang buo pa rin kahit na wala na ako, at ang makita lamang sila, ito lang ay masaya na ako. Maaari ko na silang iwan.

Kita ko ang kapatid ko, siya `yong umiiyak sa park at tumawag sa akin na multo. Sa ganda kong ito tinawag akong multo? Kung hindi ko lang siya kapatid sinakal ko na siya ngayon eh. Napangiti ako habang binabantayan sila. Ito ang tahanan ko, ang aking pamilya. Saan man kami mapunta, basta kompleto kami ay tahanan ko nang maitatawag iyon. Kaya pala dito ako nakaburol sa ampunan. Naging pamilya na rin nila ako. Kasama sila sa tahanan ko. Ang tahanan kung saan mararamdaman nila na may nagmamahal sa kanila.

Niyakap ko ang aking kapatid, sunod si nanay, tapos si tatay. Niyakap ko silang lahat upang iparamdam sa kanila na binantayan ko sila noong mga nakaraang araw. Na ako ang nagligtas sa kanila mula sa kapahamakan, na ako ay kasapi ng pamilyang ito sa loob nitong nag-iisang tahanan.

Ang sunog na tumupok sa aming kagamitan at ginawang abo ang ilang parte ng aming bahay ay hindi kayang sunugin at ubusin ang kalinga sa loob ng aming tahanan. Walang kahit ano, kahit kamatayan ay hindi kayang supilin ang pagmamahalan dito sa aming tahanan.

Ang tahanan ay isang lugar kung saan nag-aalaga tayo, inaalagaan, lugar kung saan tayo ligtas, lugar kung saan natin mararamdaman ang tunay na ligaya, at ito ay lugar na maaaring isang bahay, paaralan, simbahan, ampunan o sa kalsada.

Naligaw lang ako marahil hinulog ako mula sa langit dahil sa kakulitan ko. Ngayon, babalik akong muli. Bukal sa puso ko at tanggap ko na na patay na ako.

^_^

~ wakas



Ang kwentong ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.


ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng








No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.