Thursday, October 10, 2013

Alaala sa Sulok ng Eskinita



Naaalala ko pa noon, isang gabing umuulan. Isang gabing napakalamig at ang kidlat ay katabi ko lang. Dito sa sulok ng eskinita 'di kalayuan sa tirahan nila, dito ko siya unang nakilala. Ngayong napakatagal na naming magkasama, ang tanging hiling ko lang ay laging ligtas siya. Utang na loob ko sa kanya ang buhay ko, ang mga naranasan ko at ang lahat ng sa akin mula noon.



Hindi ko alam kung gaano katagal na niya akong tinititigan noon kasi daig pa niya ang taong napasailalim ng isang hipnotismo sa pagtitig sa akin. Hindi naman ako nagpapakita ng motibo sa kanya, hindi rin naman ako gano'n kacute para pansinin niya. Hindi ako maputi o sexy para maakit siya. Hindi rin ako malinis dahil sobrang dumi ko na sa paghiga dito sa eskinita.

Siguro ay nasa tatlong buwan na rin akong dito nagpapalipas ng gabi. Sa umaga ay naghahanap ako ng makakain sa iba't-ibang basurahan sa bayan. Swerte na kapag ang makakain ko ay Chicken Joy o Chicken Inasal. Nakita kong umalis siya pero pagbalik niya may dala siyang tinapay. Ginutom ako sa pag-iisip ng mga pagkaing swerte na para sa akin kapag nakita ko pero ang tinapay na galing sa kanya ay maituturing kong ginto sa lahat ng tansong napulot ko na.

Pinutol niya ito at hinagis sa akin ang kalahati na para bang ayaw niya akong lapitan. Kinain niya ang kalahati na nasa kanya, parang senyales na kainin ko rin ang bigay niya. Hindi ko siya masisisi marahil ay pinagbawalan siya ng kanyang magulang na lumapit sa akin. Hinila ko at inamoy muna ang tinapay na parang sinisipat kung masarap ba ito o kung dapat pa bang kainin ito. Dahil na rin sa gutom ay kinain ko na lang ang pandesal na bigay niya. Akala ko aalis na siya pero bumalik siya na may dala pang isa. Noong pagkakataon na iyon ay malapit lang sa kanya ang tinapay. Mukha naman siyang mabait kaya lumapit ako at kinuha ang tinapay. Kinain ko ito sa harap niya habang sinasabi sa isip ko na "Salamat."

Ipinakita rin niya na meron pa siyang isa pang plastik. Sinenyasan niya rin ako na sumama sa kanya. Hindi ko malaman kung anong mahika ang ginamit niya upang mapasunod ako pero laking pasasalamat ko dahil tama ang naging desisyon kong sumama sa kanya. Hindi ako umiimik habang kinakain ang bigay niya. Malamang may special sa tinapay na ito, parang may basbas ni Lord. Hindi ko nga namalayan na napasok na pala ako sa isang bahay, nasa bakuran na ako nang mapansin kong hindi na semento ang aking nilalakaran. Liningon niya ako at sinabing, "Dito ka na lang tumira." sabay ngiti niya.

Hindi maipiprint ang itsura ko sa sobrang tuwa. Pilit sinisigaw ng puso ko na "May bahay na ako! Hindi na ako mahirap!" Hindi naman gaanong malaki ang bahay nila pero malaki ang bakuran nila at kahit gano'n ay hindi siya nagdalawang-isip na isama ako. Kaya kahit na walang nagtatanong ay walang alinlangan kong sasabihin na "Ako ang poprotekta sa inyo. Pangako `yan!" 

Mula noon, wala na akong ibang hiling kundi ang makasama sila nang mas matagal pa araw-araw. Kung may magic arinola man akong mapulot at may genie na lumabas, kung bibigyan niya ako ng tatlong kahilingan ay hihilingin kong magkasama kami habambuhay, maging masaya lagi at magkaroon pa uli ng tatlo pang kahilingan kasi kulang ang tatlo, lima o sampung kahilingan  upang hilingin lahat ng makakabuti sa pamilyang kumupkop sa akin.

"Hala, Batik, nasaan na tayo?" dinig kong sabi niya kaya bumalik ako sa kasalukuyan. Akala ko totoo ang time machine dahil bumalik lahat ng masasayang alaala namin ni Aboy. Ayaw ko mang maligaw pero kasama ko naman siya kaya masaya pa rin pero dapat pa rin kaming makauwi. Alam kong hindi niya naman ako maiintindihan kaya tinitigan ko lang siya habang winawasiwas ko ang aking buntot, tanda na naiintindihan ko ang sinabi niya. Inaamin kong nanghihinayang ako dahil hindi kami magkapareho, tao siya at aso ako pero sapat na ang nariyan siya upang maging masaya ako.

Ipinagpatuloy namin ang paglalakad kahit hindi namin alam kung saan kami mapupunta. Gusto kong magpasalamat sa kanya dahil sa napakasayang buhay na ibinigay niya sa'kin, pati ang walang katulad na kalinga na ipinadama nila sa akin. Pinatuloy niya ako sa tahanan niya, itinuring akong isang kasapi ng pamilya.

Hindi ko pa rin makita kung saan ang dulo ng daan na aming tinatahak kaya humarang ako sa daan niya upang yayain na siyang bumalik. Pero mali yata ang pwesto ko dahil nadapa siya sa paglalakad dahil sa pag-iwas sa akin. "Aray ko po." sabi ni Aboy. Aboy ang tawag sa kanya ng kanyang mga magulang kaya ito na rin ang tawag ko sa kanya. Sa tahanan nila rin ako nabigyan ng pangalan, tinawag nila akong Batik dahil daw puro batik-batik ang balahibo ko. Hindi lang pangalan ang naibigay nila kundi ang buo kong pananaw sa buhay ay nahubog dahil sa kanila. Kita ko ang maliit na gasgas sa tuhod ni Aboy pero nang umungol ako ng mahina para sana humingi ng tawad ay bigla niya akong hinimas. Kinamot-kamot niya ang leeg ko at hinaplos ang katawan ko habang nakangiti ang mga labi niya. Kapag ginagawa niya ito, talagang hindi ko maitanggi na nararamdaman ko ang pagmamahal niya sa akin. Hindi ko rin maikakaila na alam niya ang kiliti ko.

"Sige, balik na lang tayo sa pinanggalingan natin." sabi niya. Hindi ko alam kung naintindihan ba niya ako o nagkataon lang? Tumayo siya at sa kanyang kanan naroon ako, nakatingin lang sa mga labi niyang may bakas pa rin ng ngiti kahit na naliligaw na kami.

Maya-maya ay hinaplos niya ang ulo ko, nagulat pa ako ng konti at muntik ng mapatalon sa malapit na kanal. Buti na lang ay muntik lang, nagsalita siya matapos magpatuloy sa paglalakad. "Alam mo, may pakiramdam ako na may gusto kang sabihin sa'kin pero alam naman natin na hindi tayo makakapag-usap. Kapag nandoon ka sa bahay, pakiramdam ko walang makakapanakit sa'kin dahil alam kong ipagtatanggol mo 'ko. Wala akong maaaring ikapahamak dahil binabantayan mo ako. Parang kapatid na kita Batik. Sana naiitindihan mo."

Pasipol-sipol pa siya ngayon at masiglang masigla. Pamilyar na rin ako dito sa lugar kaya hindi magtatagal ay maaabot din namin ang  aming tirahan. Hindi na ako nagtatakang lumaking masigla at mabait si Aboy dahil napalaki siya ng maayos ng kanyang mga magulang. Napakabait din ng mga magulang ni Aboy kaya sa loob pa lamang ng tahanan ay nahubog na siya ng husto upang maging isang mabait na bata.

Sa aming paglalakad pabalik ay napadaan kami sa eskinita kung saan niya ako unang nakita. Ito ang una kong tahanan, hindi ko alam na ang dati kong tulugan ay may natutulog rin pala ngayon. Isang malaking kahon lang ang bahay niya, protektado na siya nito sa ulan, sa init ng sikat ng araw at sa lamig ng ihip ng hangin tuwing gabi.

"Naaalala mo ba ito?"

"Arrff!" masigla kong sagot habang tumigil ako sa harap niya at winasiwas muli ang buntot ko. Dito sa sulok ng eskinita 'di kalayuan sa tirahan nila, dito ko siya unang nakilala. Parang ako ang pulubi rito ngayon, madungis, mabaho, gutom, mag-isa, at walang nagmamahal. Sana lang hindi siya maulanan para hindi siya magkasakit.

"Mukhang uulan pa naman ngayon." sabi ni Aboy nang makita akong nakatitig sa matanda. "Tara, isama natin siya." aya niya sa akin. Sabay naming nilapitan ang matanda upang yayain. Muli kong winasiwas ang buntot ko para maipakita sa pulubi na hindi kami masamang tao. Nais lang namin siyang isama sa isang tahanan na magpaparamdam sa kanya na may taong handa siyang tanggapin kahit ano at sino pa siya. Winawagayway ko pa ang buntot ko para ipakitang masaya ako at napabilang ako sa pamilyang ito, na kaisa ako sa tahanan na kanilang binuo gamit ang kabutihang loob.

"Manong..." nakangiting sabi ni Aboy. "`Yan po si Batik. Noong tuta pa lamang `yan, diyan din siya natutulog. Walang nag-aalaga sa kanya, nagugutom, nilalamig at naghahanap ng alaga. Alam ko hindi kayo hayop pero may pakiramdam rin kayo. Nangangailangan ng atensyon, pagkain, kaibigan, ginhawa, kasiyahan at tahanan. Gusto ho sana namin kayong maging parte ng tahanan namin. Ituturing namin kayong isang kapamilya, kaugnay ng puso at kapatid. Tara na." sabi niya at hinila ang maduming kamay ng matanda. `Di niya alintana ang masangsang nitong amoy at marungis na itsura. Alam ko, nakikita ko rin ang nakikita ni Aboy. Mabuting tao si Manong na nangangailangan lamang ng kaunting pag-aalaga.

~


Ang kwentong ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.


ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng







No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.