Wednesday, November 20, 2013

Noong Bata Ako Book 2 Chapter 3



Chapter 3

Naririnig ko si nanay na nagsasalita. Nakahiga pa rin ako pero nakapikit ang mga mata ko, nagkukunwari kasi akong tulog. Parang hindi tagalog ang sinasabi niya. Noong bata ako, lagi akong kinakausap ni nanay habang natutulog. Madalas sinasagot ko ang mga tanong niya kahit na tulog ako. Tapos kinabukasan no'n sasabihin niya sa'kin ang mga pinagsasasabi ko pero wala akong matandaan. Nasabi ko rin sa kanya na crush ko si Gel-gel habang natutulog! Nakakainis noon kasi daw nananaaginip ako na may kausap kaya tinanong ako ng tinanong. Ewan ko ba kung bakit nangyayari `yun. Parang nakahipnotismo ako nun dahil totoo ang mga sinasabi ko habang natutulog. Hindi ko alam kung ako lang ba ang ganito o pati ang ibang tao.


Hindi ko talaga maintindihan ang sinasabi ni nanay. Pabulong pa ang sinasabi niya. Dahan-dahan kong binuksan ang mga mata ko para hindi niya mahalata na gising ako at nakikinig pala sa kanya. Madilim pa ang paligid at nakahiga si nanay sa tabi ko. Hindi naman siya ang nagsasalita pero sino?

Unti-unting nagbago ang boses ng nagsasalita. Mula sa boses ni nanay ay naging malaki at parang matigas ang boses. Parang lalakeng nakakatakot. Nacurious ako at hindi ko napigilan ang sarili ko na mabilis na lumingon. Laking gulat ko na lang nang makita ang isang nakakatakot na nilalang na malapit sa mukha ko! Kitang kita ko ang mukha niya. Kulubot ang mukha niya, nanlilisik ang mga mata, matangos ang ilong, may isang pangil sa kaliwang bahagi ng kanyang bibig, at hindi natin kakulay ang kanyang balat yung medyo mapula na medyo maitim siya.

Ngayon nagsimula ko ng maintindihan ang mga sinasabi niya. "Kukunin kita. Mapapasa'kin ka. Walang makakatulong sa'yo. Kukunin kita. `Di magtatagal, mapapasa'kin ka. Gusto mo ba ng kasiyahan? Sumama ka sa'kin. Gusto mo ba ng pera? Bibigyan kita. Laruan? Meron ako doon. Tara."

Umiiling lang ako. Nararamdaman kong tumutulo ang pawis ko. Hindi ako makaalis. Naramdaman ko na lang na hinawakan niya ang kamay ko. "Ayoko. Ayoko. Ayoko..." sigaw ng isip ko pero hindi ko masabi. Nakakatakot ang hawak niya. Nakita ko ang kamay niya na may mahahabang kuko, napakalaki ng kamay niya kaya niyang hawakan ng buo ang ulo ko. Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya. Nakita ko ang daan na tinatahak niya. Parang binutas niya ang sahig ng bahay namin at naglagay ng hagdan doon. 

Napakadilim ng daan. Napakalayo pa ng dulo. Bigla kong naalala si nanay. Hinila ko ang kamay ko sa kanya at tumakbo pabalik. Bigla na lang sumasara ng mabagal ang butas na gawa niya. Mabilis kong tinakbo ang butas pero hindi ako makaalis sa kinalalagyan ko. Napakalapit ko na lang, abot kamay ko na dapat matapos ang tatlo o apat pang hakbang sa hagdan pero tumatakbo akong hindi lumalapit. Natakot akong baka hindi na ako makabalik kaya tinalon ko ang butas.

Isang kamay ang nahawakan ko at kumapit ako ng husto. Hinila niya ako at nasabi ko na lang. "Lord, huwag ninyo akong bibitawan."

Nagising akong hinihingal at basang-basa. Napalingon ako kung nasaan ako. Nasa Kalye 19 ako. May hawak akong kutsilyo at isang katawan ng tao ang nasa harapan ko. Lalake siya, tadtad ng saksak sa leeg at sa baga. Sadyang hindi pinatamaan ang puso at kita sa mata nito na naghirap siya bago mamatay. Hindi ako maaaring magkamali. Si Mang Boyet. Ang ama ni Boy-boy.

Malamang pati si Sleeping Beauty ay gugustuhing magising kahit hindi pa dumarating ang kanyang Prince Charming dahil sa panaginip na ito. Ang magising na may bangkay sa harap mo at puno ka ng dugo, tapos ikaw pa ang may hawak ng kutsilyo, ay hindi ko mapaniwalaang nangyari sa akin. Inaamin kong nakakatakot ang ama ni Boy-boy dahil kapag naglalaro kami ay pinapalo niya si Boy-boy sa harap namin. Sinisigawan pa niya ito kapag nagkamali siya sa utos ng ama. Madalas na lasing umuwi si Mang Boyet at napagtitripan niyang pagbuhatan ng kamay si Boy-boy.

Naisip ko na noon na ipagtanggol si Boy-boy pero wala akong magawa dahil sa laki ni Mang Boyet. Isang hamak na kaklase lang naman ako, pero bilang kaibigan, gusto kong maging normal na bata si Boy-boy. Oo nakakapaglaro kami pero kapag nandyan na ang ama niya ay iniiwan niya na kami. Gusto kong nakangiti lang siya. Gusto kong nakangiti lang ang mga kaibigan ko.

Hingal na hingal pa rin akong umuwi sa amin. Napadaan ako sa salamin at nawala ang bahid ng dugo sa akin. Isinoli ko rin ang kutsilyo sa kusina na parang hindi man lang ito nagalaw. Ngayon ko lang napagtanto, "Ako ba ang gumawa noon?" bulong ko sa sarili ko. 

Napatingin ako sa orasan, 2:34 am. Mahimbing pa ang tulog ni nanay. Habang naglalakad ako palapit sa papag namin ay naalala ko ang panaginip ko. Dito mismo sa lugar na ito nagpakita sa akin yung lalakeng nakakatakot. Dahan-dahan kong nilapat ang likod ko sa higaan at tumalikod kay nanay. Dito mismo sa pwesto kong ito ko nakita ang bawat detalye sa mukha niya. Walang kasing hirap sa pakiramdam ko ang pagpigil ng emosyon ko. `Di ko na napigilang umiyak.

"Ako ba?"

"Bakit si Mang Boyet?"

"Paano na si Boy-boy?"

"Bakit nangyayari ito?"

"Hindi ko magagawang ... pumatay."

Hindi ko matanggap na ako nga ang gumawa. Hindi ko maisip kung paano ko nagawa. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Noong bata ako, marami akong tanong kay nanay. Lahat ng isagot niya sa akin ay sinusundan ko ng tanong na "Bakit?" at matiyaga naman akong sinasagot ni nanay. Sasabihin ko ba kay nanay ang nangyari at sasagutin ba niya lahat ng "Bakit?" ko?

Magdamag akong gising at umiiyak. Takot na akong matulog at takot akong magmulat ng mata. Nakapikit man ako ay hindi ako nakatulog kahit na sobrang aga pa. Pilit bumabalik sa alaala ko ang mga nangyari, ang bangkay sa harap ko, ang dugo at ang panaginip ko. Hindi ko namalayan na inabot na ako ng paggising ni nanay. Nakapikit pa rin ako kaya ginising niya ako. Nagkunwari na lang akong nagising, gusto kong sabihin lahat sa kanya ang nangyari pero natatakot ako sa pwedeng mangyari kapag nalaman niyang nakapatay ako. Siguradong hindi lang palo ang maaabot ko o sermon, baka makulong pa ako. Ayokong mangyari `yun.

"Pido, gising na't baka malate ka pa." sabi lang ni nanay.

Dahan-dahan akong umupo at pinunasan ang mata, baka kasi may bakas pa ng luha dito. Hindi naman halata na napuyat ako.


~

Sa eskwela, inasahan ko ng hindi papasok si Boy-boy. Nagsimula akong umiwas sa mga kalaro ko dahil parang nawiwirduhan ako sa sarili ko at ayokong mapansin nila ito. Nakita kong nagbubulungan sina Larry, Rick at Jay habang nakatingin sa'kin. Nilapitan ko sila para sumali sa kanilang topic pero habang palapit ako, narinig ko si Jay na nagsabing, "Biglang tumahimik si Pido no? Hindi na siya nakikipaglaro." sabi niya dahil hindi niya nakita ang paglapit ko dahil nakatalikod siya sa akin.

"Ano'ng pinag-uusapan niyo? Parang narinig ko kasi ang pangalan ko?" tanong ko sa kanila.

"Ah wala." sabay tipid na ngiti ang isinukli sa akin. Ngumiti rin naman ako pero iba ang pakiramdam ko sa ngiti niya. Magkalaro rin kami ni Jay pero wala siya noong gabing naglaro kami ng taguan. Kung nandoon lang siya malamang ay hindi ako mapupunta sa Kalye 19 kasi siya ang magiging taya. Lagi ko kasi siyang ginagawang front line ko `pag taguan, mas madali kasing bigkasin ang pangalang Jay kaysa Pido, tapos nasa likuran niya ako lagi.

"Tara sama ka, puntahan natin si Boy-boy." aya ni Rick. Si Rick naman ay mabait na bata. Nakikipaglaro siya kapag hapon pero kapag gabi na ay uuwi na siya at kahit kailan ay hindi pa namin siya nayayang tumakas at maglaro ng gabi. Salutatorian kasi siya at gusto niyang mahabol si Larry.

Si Larry ang valedictorian. Hindi namin siya madalas makalaro dahil agad siyang umuuwi pagkatapos ng klase. Nakakalaro lang namin siya kapag school o ang teacher namin ang nagsimula ng laro. Hindi ko masabi ngayon kung sino ang magiging valedictorian sa kanila ngayong taon dahil mas matataas ang grades sa recitation at scores sa exams ni Rick sa lahat ng subject.

"Ok lang. Sasama ako." sabi ko.

"Sino pa ang sasama?" sabi ni Jay.

"Akala ko ba pupunta kayo? Bakit tinatanong mo pa kung sino pa ang sasama?" taka ko naman.

"Hehe. Tara na. Sama ka Lar, saka ikaw Rick." nakangiting sabi niya at inakbayan ang dalawa.

"Kala ko makakauwi na ako." sabi ni Larry. "Wala ka naman kasing sinabi na pupuntahan natin siya eh pero ok na rin. At least mabibisita natin ang kaibigan natin."

"Oo nga. Bakit ba dumating lang s-"

"Tara na! Hehehe!" malakas na kabig ni Jay kay Rick kaya napatigil ito ng pagsasalita. Sumabay na lang ako sa kanila sa paglalakad. 

Noong bata ako, pinipilit kong hindi maapakan ang pagitan ng bawat tiles sa mall o kahit saan man ako maakit na may tiles ay iniiwasan ko. Minsan nga sa banyo naman, sinusundan ko ang patak ng tubig kung saan dadaan tapos kapag nainip ako, papatakan ko pa para bumilis. Sana lang ang buhay hindi gano'n, walang sinuman ang may karapatan pabilisin ang buhay ng tao maliban kay God. Sabagay, kahit saksakin ka sa dibdib ay hindi ka mamamatay kung hindi mo pa oras. Maaaring mabitin ang saksak mo at hindi umabot sa puso.

"Pssst!"

"Pssst!"

Pilit kong pinipigilang lumingon dahil baka hindi naman ako ang tinatawag. Mahirap pigilan ang ulo mo sa adrenaline niya na lilingon kapag tinatawag.

"Pssst!" muli ko nanamang narinig ang pagtawag. Wala naman sigurong mawawala sa akin kung lilingunin ko sandali.

"Waaaaaaaaaaaaaaaahhh!" paglingon ko ay may nakita akong ulo na lumulutang sa malapit sa balikat ko kaya napatakbo na lang ako palayo.

"Anong nangyari doon?" takang tanong ni Larry.

"Ewan ko, gayahin na lang natin para hindi mapahiya." sagot naman ni Rick.

"Waaaaaaaaaaaaaaaaaa..." sigaw nila na parang walang kabuhay buhay habang tumatakbo at hinabol ako. Akala ba nila nagpapatawa ako? Ang hirap ng ako lang ang nakakakita. Mahirap dahil walang maniniwala sa akin. Wala akong mapagkukwentuhan. Walang malalapitan.

"Mga sira ulo. Hindi ko kilala ang mga `yon." mahinang bulong ni Jay habang mabagal pa ding naglalakad.

Puno ng dugo ang mukha ng ulo. Nakakainis lang dahil hindi ko mamukhaan dahil talagang uupakan ko ang may ari ng ulong iyon. Nanginginig pa ang mga tuhod ko habang humihingal sa tapat ng burol ng tatay ni Boy-boy. Napalingon na lang ako sa isang kubo `di kalayuan dahil sa isang matanda na nakatitig lang sa akin. Nakipagtitigan din ako dahil baka magkaintindihan ang mga mata namin.

Kumurap siya at kumurap na rin ako pero hindi ko pa rin maisip ang iniisip niya. Hindi pa nagtagal ay sinenyasan niya akong lumapit sa kanya. Tumingin ako sa likod ko pero ako lang naman ang nakatingin sa kanya kaya sigurado na ako ang kanyang sinenyasan. Bumalik ang mga mata ko sa kanya pero wala na siya doon. Lumakad ng mabagal ang kuryente sa katawan ko mula sa kaliwa papuntang kanan. Nakakakilabot pero hindi ko maiwasang humakbang palapit sa kanya.

"Oh saan nanaman pupunta `yan?" tanong ni Jay sa hangin habang hingal na hingal ang dalawa.

"Hayaan na natin siya. Trip niya `yan." sagot ni Rick.

"Pido!!! Dito ang bahay nina Bo-" sigaw ni Larry, hindi man lang naisip na nakakahiya ang ginawa niya kaya agad tinakpan ang bibig niya ni Rick.

"Loko ka talaga no? Tignan mo, sa atin na ang atensyon ng lahat ngayon. Hayaan mo na kasi siya." sabi ni Rick.

Hindi ko alam kung bakit hindi ko sila narinig noong mga oras na iyon. Ang tanging nasa isip ko lang ay makita ang matanda na tumawag sa akin. Siya rin kaya ang pumapaswit sa akin kanina? Bahala na! Curious ako eh. 

~ itutuloy

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.