Tuesday, September 17, 2013

Mind And Now


"May isang batng nakatira sa isa sa mga bahay sa Zamboanga City ang nagdadasal matapos lang kumain. Nagpasalamat siya sa mga taong tumutulong sa kapwa nila, pinagdasal niya ang kaligtasan ng kanyang pamilya at ng mga sundalo, at pinanalangin na magiging maayos din ang lahat. Dinig niya ang putok ng mga baril, ang amoy ng usok sa malapit na bahay na sinunog at kita ng mga inusente niyang mga mata ang mga iba't-ibang kalibre ng baril at mga sundalo. Nagpasya ang kanyang magulang na lumipat sa evacuation center para na rin sa kanilang kaligtasan. Tinahak nila ang daan patungo sa mga sundalo at nang makita sila ay agad silang kinoberan. Alam ng mga sundalo na ang daang iyon ay target area ng mga rebeldeng grupo kaya pinatakbo nila ng mabilis ang pamilya kasabay ng kanilang pagyuko upang hindi matamaan ng bala.

Hindi nga nagkamali ang mga sundalo. Pinaputukan sila ng mga rebelde, madapa-dapa nang hinila ng ama ang batang lalake habang ang kanyang asawa ay kanyang yakap upang protektahan. Hawak ang kanilang natitirang damit sa maliit na bag at ang konting de lata ay susuungin nila ang daan papunta sa kanilang kaligtasan. Walang kaalam-alam kung saan pupunta ang bata, basta na lamang siya sumusunod kung saan siya hilain ng kanyang mga magulang. Kapag narinig nila ang mga putok ng baril ay agad silang dadapa. Minsan pa ay papasukin nila ang mga kanal para lang hindi matamaan. Ang hirap na ito ay isang sugal ng kanilang buhay. Kung hindi sila lilikas ay aabutan sila ng mga rebelde at maaari pang gawing pananggalang ng mga ito na maaari nilang ikamatay.

Matapos ang ilang dapa at takbo ay naabot nila ang evacuation center. Puno na ito kaya kumuha na lang sila ng pwesto sa malapit sa pinto upang hindi na rin makisiksik sa iba. Pagod, takot at gutom ang naramdaman nila pero walang kaunting pagsuko ang kanilang naisip. Binuksan ng bata ang kanyang kendi. Lumuhod at pumikit.

Lord, sana po maging ligtas po lahat ng mababait na tao. Sana po mabigyan ng pagkain ang mga nagugutom. Sana po makauwi kami agad sa bahay namin. Lord, patawarin niyo po sila sa mga maling ginagawa nila. Sabi po ni tatay, may dahilan ang lahat ng tao sa paggawa ng masama. Lord, please, itama niyo po ang mga mali nila. Sana po-

Ito ang mga huling salita na nanggaling sa puso ng bata bago tamaan ng ligaw na bala sa ulo. Ang evacuation center na inaakala nilang magliligtas sa kanila sa kapahamakan ay hindi pa pala gano'n kaligtas. Dead on the spot ang bata."






What?

Daig ko pa ang narinig ang salitang "tae" habang kumakain nang makita kong tumatakbo ang mga tao palayo sa putukan at barilan. Nawalan ako ng gana sa pagkain ng paborito kong Sinigang na Baboy habang pinapanood ang balita sa tv lalo na ang mga walang muwang na bata na wala pang kamalay-malay sa nangyayari sa paligid nila. Basta lamang sila sumusunod kung saan sila hilain o itulak ng kanilang mga magulang para lang hindi matamaan ng ligaw na bala.

Ilang araw na rin ang nakakalipas mula noong magsimula ang tensyon sa Zamboanga City sa Mindanao at ito rin ang simula ng pakikinig ko sa mga AM Radio Stations. "Goooood GooGooGoood Goood Morning!!!" sigaw ng boses mula sa radyo na nakasanayan ko na ring gayahin kapag may tumawag agad sa telepono ko. Wala pa sa kalingkingan ng pagkadismaya ko kapag may tambak akong trabaho kaysa ang makarinig ng Good Morning at maya-maya ay sasabihin kung ano ang hindi maganda sa morning mo ang pakiramdam ko kapag naririnig ang pangalang Napoles. 

How?

Paano ba nila naatim na makita ang takot sa mga mata at sa puso ng mga tao? Paano nila nagagawang manakot gamit ang karahasan, baril at kamatayan? Paano nila natitiis pagnakawan ang mga taong nagpapakahirap magtrabaho ng matino? Kung ang halos 13% na VAT ay napunta sa higit 400 na bank accounts ng isang tao, na sana'y nakapagpakain na ng isang batang nagugutom sa kalsada, nakapagpatayo ng isang simbahan at nakapagpasweldo ng isang manggagawa. Kung ang bala na sana'y nangalawang na lamang sa taguan ay madungisan ng dugo ng kapwa nila Pilipino. At kung ang isang paa ay napakalapit na sa hukay; karahasan ba ang sagot upang makuha ang gusto mo? Pagnanakaw ba ang makakapagpasaya sa'yo? Bala ba ang gagamitin mong letra, pera ba ang dahilan ng iyong ngiti?

Mas masaya pa ang pakiramdam ng makitang ligtas ang iyong mahal sa buhay kaysa makapasa sa Physics Exam at walang  hanggang pasasalamat ang matatanggap ng Panginoon dahil dito. Naranasan na kaya ninyo ang kumain sa Jolibee pero hindi available para sa'yo ang order mo? Ang bumyahe sa daan dis-oras ng gabi habang nagkukwentuhan ang mga kasama mo tungkol sa patayan? Eh ang lumikas sakay ng trak ng militar, naranasan niyo na ba?

When?

Kailan ba nagsimula itong mga kaguluhan ay hindi rin alam ng lolo ko sa tuhod dahil nakausap ko siya kanina sa panaginip ko. Hindi na mahalaga kung gaano na katagal nagsimula ang kaguluhan, ang importante ay mahalaga. Ang mahalaga ay kung kailan ito matatapos? Kailan ba mamumuhay ang mga tao sa Mindanao ng tahimik? Kailan ba mawawala sa isip ko ang karahasan sa Mindanao? Kailan ba mauubos ang supply ng mga armas ng mga militanteng grupo? Kailan ba matitigil ang korapsyon? Kailan ba maglelevel-up ang Pilipinas? Napako na tayo sa pagiging 3rd world country. Kailan tayo magkakaisa?

Hindi ako naghihintay ng kasagutan, ang hinihintay ko ay aksyon. Hindi ang news segment sa TV5 kundi ang gawa. Hindi lang sana puro salita, sana'y magagawa rin. Simula sa sarili natin, pagkatapos sa pamilya, at susunod na ang kinabukasan.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.