Sunday, May 12, 2013

Caller



"Help..."

Ala-una ng madaling araw, kasisimula pa lamang naman ng kwentong ito ngunit ginising agad ako ng isang boses na hindi ko malaman kung saan galing. Pinilit kong bumalik sa pagtulog pero hindi ko na magawa. Sinubukan kong dumapa at imudmod ang ulo ko sa unan pero parang pinapaaga ko lang ang kamatayan ko sa ginagawa kong iyon. Kakabuwisit lang na ang tanging apat na oras na tulog ko ay napuputol pa. Sa trabaho kong puro overtime ay hindi na ako nag-eenjoy makipagbonding sa kama ko. Bumangon ako syempre para uminom ng gatas. Pupungas-pungas pa ako nang biglang tumunog ang cellphone ko. Sino naman ang tatawag sa akin sa ganitong oras ng gabi?


Hindi pa ako nakakapagsalita ay nakarinig na ako ng paghingi ng saklolo, ingay ng pananakit, mga ungol at iyak ng isang babaeng nasasaktan. Ano ang gagawin ko? Unknown ang number, hindi ko siya kilala. Papatayin ko na lang ba ang tawag na ito? Hindi. Hindi ko maatim na masaktan lang ang isang babae. Alam ko na may dahilan kung bakit ako natawagan. Bakit nga ba ako?

"Nasaan ka?" bulong ko pero madiin ang pagkasabi. Nagbabaka sakali akong marinig niya.

Laking pagtataka ko noong iba ang sumagot. Dinig ko pa rin ang iyak ng babae pero may ibang boses ng babae ang bumubulong din. "Sa parking ng ospital ng Remedios." mabagal pa niyang sabi.

Kahit na nagtataka ay agad akong tumakbo dahil malapit lang ito sa amin. Aabot pa ba ako? Ano ba ang nangyayari? Sino ba ang tumawag? Paano niya nalaman ang number ko? Bakit ba ang dami kong tanong?
Nasa tapat na ako ng ospital nang mapansin kong nakapajama pa ako at ngayon ko lang din napagtanto na napatakbo na ako. Hingal kong pinasok ang airconditioned hallway kahit na pawis ang likod ko. Alam kong nasa labas ang parking area pero gusto ko lang malamigan kahit sandali. Humampas ang malamig na hangin ng aircon pero nakakapagtakang may kasabay itong bulong. "Dalian mo..." sambit ng mahinang boses.

Nag-aaksaya ako ng oras, tumutulong ako hindi nagwiwindow shopping! Nagsimula akong matakot nang makita ang imahe ng isang babae sa entrance ng parking lot. Malayo para maaninag ko ang itsura niya pero halata na may itinuturo siya sa direksyon ng kaliwa. Tumingin ako sa kaliwa at nakita ang grupo ng mga lalake na sinusundan ang sa tingin ko ay pauwi na na nurse. Ibinalik ko ang tingin sa imahe ng babae pero wala na ito. Nakakapagduda na ang nangyayari sa'kin. Hindi na kalokohan ito.

Isang sigaw ang narinig ko mula sa pagmumuni-muni at pagkatulala. Sigaw na katulad ng boses na gumising sakin. "Help!" Parang ipinaalam sakin ang kasunod na mangyayari kaya bago pa mahuli ang lahat, humingi ako ng tulong sa guard on duty. Di kalayuan ay nakita ko uli ang imahe ng babae sa likuran ng guard, di ko pa rin maaninag ang mukha niya.

Agad nagtatakbo ang grupo ng mga lalake kaya nailigtas namin ang nurse. "Salamat kuya." medyo nahihiya pang sabi ng nurse. Cute siya huh.

Kinabukasan, gabi nanaman ang uwi ko nang muling may tumawag sakin. Unknown number uli. Nag-aalangan pa akong sagutin dahil baka kung ano nanaman ito pero wala akong choice dahil maari ring importante ito.

Gaya ng naunang pangyayari, hindi pa ako nakakapagsalita ay may narinig na agad akong bagay-bagay sa kabilang linya. Una ay tawanan pero ang kasunod ay nagpabingi sa akin. Napakalakas na busina ng isang sasakyan. Inilayo ko ang cellphone ko sa tainga ko. "Prank call ba ito?!" inis kong sabi sa sarili. Muli kong pinakinggan ang kabilang linya, iba't-ibang mga boses ang naririnig ko. Wala na akong maintindihan sa mga susunod na mga nangyayari. "Hello? Kung nagtitrip ka, 'wag ako! Humanap ka ng iba!" inis kong sabi at pinutol ang linya. Wala namang nagsalita, nakakainis na lang.

Tatlumpung minuto ang lumipas, nakasalubong ko ang mga barkada ko. Tapikan at apiran. "Pare, overtime ka nanaman? Wala ka ng oras sa sarili mo. Humanap ka kaya ng masyosyota."

"Oo nga. Tara sa bar! Libre mo ang isang bucket." sabay hila sakin habang tumatawa.

"Sira ulo. Babae ang lalapit sa'kin kaya hayaan niyo na." pagyayabang ko umano para lang tumahimik sila.

"Haha. Tignan mo si Jay! May bago uli, dapat ikaw rin." tawanan kaming lahat.

Tawanan? Napatigil ako ng saglit. Paglingon ko sa bandang kaliwa pagtawid ng daan ay nakita ko uli ang babae. Sinasadya yata niyang hindi tumapat sa street lights kaya hindi ko nanaman makita ang pagmumukha niya pero kita ko muli na may tinuturo siya malayo mula sa kanan namin. Nakita ko ang isang kotse na wala na sa tamang direksyon at lumilihis na sa daan. Hinila ko ang pinakamalapit na barkada ko at eksaktong side mirror na lamang ang tumama sa bewang niya. "Ayos ka lang tol?"

"Oo. Salamat pare." nakatingin ako sa lugar ng babae kanina pero wala na siya. Agad naming pinatignan ang barkada ko dito sa Ospital ng Remedios dahil hindi naman nalalayo ito.

Hindi na normal ang nangyayari sa akin. Kinikilabutan na ako. Tinatawagan ako ng misteryosong caller para sabihin o iparamdam sakin ang mangyayari. Alam ko na may kaakibat na responsibilidad ang hiram na abilidad na ito. Teka, hindi ito abilidad, nagkataon lang na sa akin tumawag ang caller.

Hirap na akong makatulog dahil sa mga pangyayari ng nakaraan. Tatlong oras na lang ako makakatulog pero hindi ko maipikit ang mga mata ko. Sa tuwing didilim ang paningin ko ay bumabalik ang dalawang scenariong kararaan lang. Kailan ang kasunod? Sino?

Napabalikwas ako nang pakiramdam kong mahuhulog ako. Medyo lumalim na pala ang pagtulog ko. Pagtingin ko sa cellphone ko, dalawang oras na rin pala akong nakatulog. May isang oras pa ako bago mag-ayos.

Ring...

Pakshet! May tumatawag nanaman. "Please isang oras na lang." sabi ko sa sarili. Di naman tumahimik sa pagring ang cellphone ko. Wala akong magawa, nawala na ang antok ko kaya sinagot ko na lang din.

"Tumayo ka na..." mabagal na boses ng babae. Wala pa akong salitang nasasabi, hindi man lang ako pinagsalita, o pinabuka man lang ang bibig. Naniniwala ako sa kasabihang, "Pagtripan mo na ang lasing, 'wag lang ang bagong gising."

Inis na ako kaya napasagot ako at pabiglang umupo. "Ano ba ito? Paliwanag mo naman sana-" nagulat ako sa isang pagsabog sa tapat ng tinitirhan ko. Parang yumanig pa ang kwarto ko at matitibag yata ang pader. Isang iglap lang ay may piraso ng bakal galing sa bintana ang tumilapon sa unan ko. Kayang kaya nitong hatiin ang bungo ko kung sakaling nakahiga pa ako. "Salamat naman napaupo ako." sabi ko sa sarili kasabay ng pagkaputol ng linya.

Sino ang mahiwaga kong caller? Hindi mawawala sa akin ang magtanong dahil hindi normal ang pangyayari sa buhay ko ngayong mga nakaraang araw dahil sa kanya. Lunch break sa trabaho, wala pa akong ginagawa. Pahinga muna matapos kumain nang maisipan kong tawagan ang numero ng caller. Wala namang mawawala sa akin kung tatawagan ko siya, kaysa naman kainin lang ng gutom kong network ang load ko.

"Hello." malamig na boses ng isang babae. Stunned ako kung yun ang english ng hindi makapagsalita at natulala. Boses pa lang gusto ko ng tapusin ang apat na taon kong pagiging single. Handa na rin akong mabasted kung sakaling liligawan ko siya. Kailangan ko nang isipin ang future ko at paghandaan ang maaaring mangyari dahil na rin sa itinuturo ng caller na ito ang mga mangyayari sa hinaharap.

"Pwede ko bang malaman ang pangalan mo?" mahinahon kong sagot. Ayokong komprontahin ang may ari ng boses dahil baka hindi naman siya responsable sa mga hindi ko maipaliwanag na pangyayari sakin.

"Emma. Sino ho ba sila?" magalang pa niyang tanong.

"Ah-ko nga pala si Marlon. Eh kasi, ano-" mautal-utal kong sagot. "Pwede bang makipagkaibigan?"

Ang tagal niyang mag-isip. Nag-aalangan yata siya. Nakakalungkot. "Sige." tipid niyang sagot. Ang sumisimangot ko ng mukha ay biglang napangiti. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko dahil parang may malamig na hangin ang nagpapakilig sakin.

Wala akong minutong sinayang, lahat ng oras kinausap ko siya. Katext ko rin siya habang nasa trabaho kaya wala akong matinong nagawa noong hapon. "Kita tayo, dito na lang sa rooftop ng ospital. Masarap kasing tumambay dito." sabi niya. Syempre mabilisang 'Oo' ang sagot ko. Hindi na nga ako nag-overtime para makita lang siya at ienjoy ang oras na kasama ko siya.

"Ikaw yung nurse noong isang araw?" guloat kong tanong sa kanya pagkakita sa kaisa-isang nilalang sa rooftop. Kataka-taka namang damit kamukha ng sa pasyente ang suot niya ngayon.

"Ang sarap ng hangin. Ang cute ng mga ulap." sabi niya.

Napabanat tuloy ako. "Para kang ulap, napakadali mong makita tapos nakakarelax titigan ang cute mong mukha."

"Cute pa ako diyan." sabi niya at ngumiti pagharap sakin. Parang matutunaw ako. Masaya siyang kausap, hindi mo aakalaing may tinatago siyang kalungkutan. Tumatawa siya sa mga jokes kong parang yellow na brief na dating puti sa sobrang luma. Hindi mo iisiping may sakit siyang nararamdaman. Sumasabay siya sa pagkacorny ko, hindi mo mapapansin ang butas sa pagkatao niya.

Alas-otso ng gabi, kasalukuyan kong katext si Emma habang nakahiga sa sofa nang mapabalikwas ako. May babaeng nakasilip sa paanan ko. Ulo lang ang kita ko pero kung nakatayo ito ay napakaliit naman niya. Nakangiti itong nakatitig sakin. Hindi ako makagalaw, natatakot akong baka dumikit ang paa ko sa kanya. Gaya ng dati, hindi ko siya mamukhaan.

Lalo pa akong nagulat nang magring ang cellphone ko dahil may pumasok na text. "Blag!" Nahulog ako sa sofa, nanginginig pa ang mga kalamnan ko. Naluluha pa ako at nanghihinang tumayo. Hindi mo ako masisising tumingin sa ilalim ng sofa, nakita kong tagusan ang katawan niya sa sahig.

Ang susunod kong natandaan ay nasa sofa na muli ako nakahiga. Panaginip lang ba ang lahat? Malamang sa hindi dahil may isa akong message oras bago ako makatulog o mawalan man ng malay. "I love you." pagbukas ko ng message.

Susunod na pumasok na message. "Sorry. Nakatulog ako."

Napangiti lang ako at nagreply ng "I love you too."

"Wrong sent ka ata." sabi sakin. Sounds creepy. May nagtitrip nanaman sakin.

"Eh nevermind. Hehe." reply ko. Nakakunot pa ang noo ko at may pedestrian lane dito dahil sa pag-iisip.

"Saan ka niyan?" sa tagal naming magkulitan kanina ay nalimutan ko ng itanong kung taga-saan siya.

"Dito sa ospital ng remedios." reply niya.

"Anong ginagawa mo dyan?" sagot ko pero ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa siya nagrereply.

Isang oras na ang lumipas pero hindi na siya nagparamdam. Naisip kong baka nakatulog na siya kaya hinayaan ko na lang. "Itetext ko na lang siya bukas para mapuntahan ko siya." sabi ko sa sarili.

Malapit ng matapos ang boxing dahil manaknockout na ako pero biglang nagring ang cellphone ko. Tumatawag si Emma. Singbilis ng pagngiti ko ang pagdampot ko ng aking cellphone.

"Hello?" pacute kong pagsagot sa tawag.

Sayang ang effort ko ng pagpapacute ng boses dahil walang sumasagot. Tanging mga pag-iyak lang ang naririnig ko. Akmang papatayin ko na nang marinig ang pangalang Emma sa kabilang linya.

"Hello? Hello!" pag-aalala ang agad na naramdaman ko.

Parang si Jimmy Neutron, gumana bigla ang adrenaline ng isip ko. Padabog kong ibinulsa ang cellphone ko at tumakbo sa ospital.

"Hindi pwede..."

"Bakit agad-agad?"

"Bakit kailangan niyang..." hindi ko matapos ang mga sinasabi ko dahil pakiramdam ko iiyak ako anumang oras. Kita ko ngayon sa harap ko ang babaeng nagpapakita sa akin kapag may mamamatay. Siya ang nagtuturo sakin kung saan mangyayari ang lahat. Nakalutang siya at paatras na gumagalaw kasabay ng pagtakbo ko. Parang itinuturo niya sakin ang daan. Dadalhin ba niya ako kay Emma?

Napabagal ang pagtakbo ko nang mapadaan ako sa maliwanag na eskinita. Ang babae, nakatapat siya ngayon sa liwanag. Oo nakikita ko na. Kitang kita ng mga mata ko na siya si Emma. Siya ang nurse na sinagip ko noong una. Iisa silang lahat pero hindi ito ang tamang oras para magtanong. Muli kong binilisan ang pagtakbo. Kasabay ng pag-alala sa malungkot na mukha ng kanyang kaluluwa, kasabay nito ang pagpatak ng luha saking mga mata.
Pagdating ko sa lobby, kita ko ang babae sa tapat ng ER. Malinaw na para bang totoo siya, malaking pagkakaiba nila ang lungkot sa mata. Masayahin si Emma, ganun din ang mga mata niya. Nilakasan ko ang loob kong lumapit sa ER.

"Excuse po. Padaan." paghawi sa akin ng lalakeng nurse sa daraanan ng isang pasyente. Si Emma.
Napakatamlay niya. Nakakapagtakang masigla siya kahapong nagkita kami. Akala ko ba nurse siya? Bakit siya nakaratay? May magagawa ba ako sa mga oras na ito?

Isang message ang pumasok. "Mukhang nakita mo na ang tunay na ako. Marlon, matagal na akong may cancer. Matagal na akong nakikipaglaban at nagpapakatatag para sa pamilya ko. Ayoko silang makitang nalulungkot. Pasensya na at hindi ako nakapagpakilala sa una nating pagkikita. Mahahalata kasi ng guard na tumakas lang ako sa kwarto ko noon. Gusto ko sanang maging masaya bago man lang ako sumuko. Salamat Marlon dahil pinaramdam mo sa akin iyon. Pasensya ka na rin kay Kuya dahil muntik na niyang mabangga ang kaibigan mo. Wala pa kasi siyang tulog, kailangan niyang magtrabaho at magbantay sa akin. Marlon gusto ko maging ligtas ka dahil alam kong magkikita uli tayo kaya kita tinawagan noong isang gabi. Buti na lang ligtas ka. Kahit na isang araw lang tayong nagkasama, ilang oras mo akong pinasaya. Pinadama mo sa akin ang maging masaya uli bago man lang ako bumitiw. Marlon minahal kita sa ilang oras na iyon kaya ipapangako ko na lagi kitang babantayan, mula ngayon hanggang sa tamang panahon.

Paalam Marlon."

"Emmaaaaaa!" sigaw sa loob ng ER eksaktong matapos kong mabasa ang mensahe. Matinis na tunog ang susunod kong narinig. Di tulad ng mga nauna ay may magagawa ako, kaya kong baguhin ang hinaharap. Ngayon ay wala akong nagawa. Kung ako ang doktor baka malamang... pero sumusuko na siya talaga. Parang naubos ang lahat ng lakas ko pagkakita sa kaluluwa niya na nakangiti sa akin. Ubos na ang lahat ng lakas ko, lumambot ang tuhod ko kaya napaluhod ako. Bumaba rin ang kamay ko at wala ng lakas ang pagkahawak ko sa cellphone. Bumagsak ang tanging nagbigay ng komunikasyon sa amin ni Emma. Di ko na rin mapigilan ang emosyon ko para kay Emma.

-wakas~

1 comment:

  1. Grabe ang haba pero sinubaybaybayan ko at naalarma ako sa tawag na yon! Nice blog po

    ReplyDelete

Note: Only a member of this blog may post a comment.