Saturday, October 13, 2012

XGF



"Pare, may sasabihin ako sa'yo, gusto kong malaman ang reaksyon mo." wika ng barkada kong si Gabyael habang nakasakay kami ng jeep pauwi.

"Aba depende 'yon." biro ko sa kanya. "Kung nasira mo 'yong cellphone ko na hiniram mo. Mapag-uusapan natin 'yon." pagpapatuloy ko.


Bakas ko sa mukha niya ang malalim niyang iniisip. Ewan ko lang, baka natatae lang ito. "Hindi 'yon." maiksi niyang sagot.

"Ano ba 'yon pare?" sumeryoso na rin ako.

Ilang segundo bago siya sumagot. "Natatae ako. Pwede ba akong magbanyo sa inyo?" biglang banat nito.

"Susmaryosep." tama ang hinala ko. "Kaya mo 'yan Gab, malapit na tayo." sabi ko at nakaamoy ng 'di ka-nais-nais.

"Utot lang 'yon Ton, 'wag kang mag-isip ng masama." sabat niya sa iniisip ko.

Ilang bahay na lamang ang agwat pero parang ang tagal at parang bumagal pa ang pagmamaneho ni Mang Kanor sa jeep niya. Ang dating 2 minutes ay parang 15 minutes pa, parang nang-aasar eh. Kulang na lang ay maglakad kami pero parang hindi magandang ideya 'yon.

Tama na ang patalastas at pumunta na tayo sa totoong kwento pero para sa nagtatanong, umabot naman si Gab at nakapaglabas ng sama ng loob. "Ton, may surprise ako sa'yo." sabi uli nito habang naghuhugas ng kamay.

"Ano? Success?"

"Oo." sabay thumbsup at kindat. "Pero hindi 'yon ang sasabihin ko."

"Ano ba kasi 'yon?"

"Paano ko ba uumpisahan?"

"Dalian mo baka ako ang mautot dito."

"Wag kang magagalit ah?"

"Tsong, ano namang ikagagalit ko?"

"Kase, girlfriend ko na ang ex-girlfriend mo." pagbubulgar niya ng isang pasabog, ito pala ang naaamoy ko kanina na hindi ka-nais-nais.

"Sino? Si Fe? Si Anne? O si Jasmin?" ito na lang ang mga salitang lumabas sa aking bibig.

"Si Anne, pare." nabigla ako dahil wala pang dalawang buwan matapos naming magbreak ni Anne, at  itinatago ko na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon.

"Pare, awkward 'to." sabi ko. "Teka, kailan pa? Paano? Bakit?" mga tanong na nais masagutan.

"Kahapon lang, pare, hindi ko napigil ang sarili ko, ayokong nalulungkot ang babae." unti-unti nang naaabsorb ng utak ko ang amoy ng pasabog ni Gab. Nanunuot ito sa ilong at nakakahimatay.

"Sa dami ng isda sa dagat, pare, bakit siya pa'ng napili mo?" malalim kong sabi.

"Pare hindi siya isda."

"Eh mukhang isda? Hindi ba?"

"Ton, ingatan mo ang pagsasalita mo sa girlfriend ko. Hindi porque, hindi na kayo pagsasalitaan mo na siya ng ganyan." mahinahon pa niyang sabi. Aba't siya pa'ng may ganang magalit? 'Di ba dapat ako? Pero bakit hindi ako galit? Bakit nga naman ako magagalit, eh wala na kami? Pero mahal ko pa siya. Ano ba 'tong nararamdaman ko? Panghihinayang? Oo, nanghihinayang ako.

"Amoy isda?"

"Ton, tumigil ka na."

"Ikaw eh, figure of speech lang 'yong sinabi ko, pinilosopo mo ako." tama lang ito, kaibigan ko si Gab. Hindi ako dapat magpaapekto. Hindi rin ba dapat tumama 'tong kamao ko? Pero awkward 'to kapag makikita ko sila, homaygad. 

"Pare idiom ang tawag do'n." tinalo na nga ako sa ex, tinalo pa ako do'n sa idiom porque mas matalino siya sa'kin.

"Ikaw na ang matalino. Kwento mo lahat pare, paano ba 'to nangyari? Lahat ha?"

>

Nakita ko siyang umiiyak doon sa labas ng simbahan, hindi ko alam na nakipagbreak ka na pala noon sa kanya. Nilapitan ko siya, natural para itanong kung ano'ng ginagawa niya do'on saka kung bakit siya umiiyak. Ayon nga, sinabi niya na nakipagbreak ka sa kanya. Ang gwapo mo, sabi ko nga no'n sa sarili ko kasi ikaw pa ang nakikipagbreak sa magandang babaeng tulad niya. Alam ko hindi mo gawain 'yong kaya tinanong ko siya kung ano ba'ng nangyari. "Si Chito, hindi na daw niya ako mahal." sagot niya, syempre pagagaanin ko ang loob niya. Mula noon, palagi ko na siyang binibisita.

Isang linggo na no'n, tinext niya ako. Nasa bar daw siya, kailangan niya ng kasama uminom. Hindi ko alam na umiinom siya pare, baka magpakalasing siya do'n kaya agad akong pumunta.


Dinatnan ko siyang may kausap na grupo ng mga lalake, "Tara na miss, umuwi ka na. Ihahatid kita." wika ng isa habang iba kung makatingin habang ang iba naman ay tinatakpan lang ang dalawa.


"May hinihintay ako." sabi ni Anne, buti na lang ay napatingin sa'kin habang papalapit ako sa kanya, "Hi Gab!" sigaw niya, lumayo ang ibang lalake at naiwan 'yong kausap niya. Mukhang ayaw rin nila ng gulo.


"Uwi na tayo." sabi ko at hinila siya.


"Aray!" sabi ni Anne sa mahinang tono.


"Sino ka pare?" tanong ng lalake.


"Kuya niya." pagsisinungaling ko.


"Oo! Kuya ko siya!" angas na sagot ni Anne at lumayo ang lalake na nakataas ang kamay.


"Gusto mo bang masira ang buhay mo?!" tanong ko sa kanya habang pauwi sakay ng tricycle ko pero hindi siya sumasagot. Nakatulog na pala siya sa sobrang kalasingan.


Binuhat ko siya pauwi, ako na rin ang nagpaliwanag sa magulang niya. Nang maihiga ko siya sa kwarto, ayaw niyang bitawan ang pagyakap sa'kin, gising pa pala siya. Dinampian niya ako ng halik, "Salamat." sabi niya.


Pare, doon na nag-umpisang maguluhan ang isip ko. Naglalaban ang puso at isip ko. Tuloy pa rin ang pagbisita ko sa kanya, minsan pumapalya ako ng ilang araw bago makabisita.


Isang buwan na ang lumipas, tanawagan niya ako, umiiyak nanaman siya. Sabi niya puntahan ko siya sa kanila, so pumunta ako. Nalaman ko sa parents niya na hindi pa siya kumakain mula kahapon. Kinausap ko siya.


"Bakit hindi ka kumakain? 'Wag mo ngang pabayaan ang sarili mo." hawak ko ang platong may lamang pagkain. Napansin kong may ilang bote ng alak sa gilid ng kama niya, lasing nanaman siya, hindi man lasing ay nakainom naman.


"Di niya sinasagot ang tawag ko. 'Di siya nagrereply sa mga text ko. Ayaw niyang magpakita sa'kin. 'Di niya ako kinakausap." sabi niya habang nakatulala sa cellphone na hawak niya. Halatang hinihintay ang tugon mo, malamang lumitaw lang ang pangalan mo sa screen ay ngingiti siya. Pero tatlong oras na pala siyang gano'n, tulala.


"Kain ka muna." sabi ko akmang susubuan ko siya.


"Di niya sinasagot ang tawag ko. 'Di siya nagrereply sa mga text ko. Ayaw niyang magpakita sa'kin. 'Di niya ako kinakausap. Hindi na niya ako mahal." sabi niya uli. Pare, ramdam ko ang lungkot sa puso niya. Kung ikaw ang nandoon malamang maawa ka rin.


Hindi ko natiis tsong, niyakap ko siya, sabay bulong ng "Hindi lang siya ang taong magmamahal sa'yo. Tignan mo nga ang sarili mo, napapabayaan mo na."


Muling tumulo ang mga luha niya, humagulgol siya. Hinigpitan ko ang yakap sa kanya, naririnig ko pa ring bumubulong siya, 

"Di niya sinasagot ang tawag ko. 'Di siya nagrereply sa mga text ko. Ayaw niyang magpakita sa'kin. 'Di niya ako kinakausap. Hindi niya na ako mahal. Wala na siya sa'kin."

Hindi siya tumitigil, hindi ko alam ang gagawin ko. Gusto ko na ring umiyak. Parang meteor storm sa paligid ko, parang nagugunaw ang mundo Pare. Ganito malamang ang pakiramdam niya. 


"Hindi niya na ako mahal. Wala na siya sa'kin. Paano na ako nito?" bulong niya ulit. Biglang gumalaw ang katawan ko.


Pare pasensya na, hinalikan ko siya no'n para tumahimik siya. Nagpupumiglas siya, nakapikit, pero hinawakan ko ang magkabila niyang kamay hanggang sa hindi na siya pumalag. Naramdaman kong bumawi na siya ng halik. Pare nadala ako, malungkot pati 'yong paghalik niya. Gusto ko siyang pasayahin no'n.


Binitawan ko 'yong mga kamay niya saka ako pumatong sa kanya. Nakapikit pa rin siya, ang ganda talaga ng xgf mo pare.


May luha pa sa gilid ng mata niya, hinaplos ko 'yon habang hinahalikan siya. Gusto kong mapawi ang lungkot niya, gusto ko siyang paligayahin no'n kahit may bahid ng mali ang ginawa ko.


"Hayaan mo akong paligayahin ka, Anne. Hindi mo bagay ang umiiyak." sabi ko matapos kumawala ng labi ko. Suminghot lang siya at minulat ang mata, "Mamahalin kita, higit sa pagmamahal sa'yo ng iba." nasabi ko na lang no'n.


Tumango siya, "Salamat, nandyan ka ngayong kailangan ko ng magmamahal sa'kin." sabi niya.


Pagkatapos ng nangyari sa'min, bumalik na siya sa normal niyang ginagawa. Tuloy pa rin ako sa pagbisita sa kanya, palagi ko siyang pinapatawa, palagi ko siyang sinasamahan, palagi ko ring pinaparamdam na importante siya sa'kin, minsan pa lang may nangyari sa'min pare, 'yun lang 'yun. Bawat araw na lumilipas no'n, nakilala ko ang Anne na minahal mo. Lalong lumalim pa ang pagtingin ko sa kanya hanggang last week, sinagot niya ako. Doon ko naisip na mahirap ang sitwasyon natin, pero hindi ko pinagsisihang niligawan ko siya kasi ngayon masaya uli siya, masigla gaya ng dati.


Pare sana maintindihan mo, ilang gabi ko ring pinag-isipan 'to kaya napili kong sabihin sa'yo. Tayo-tayo lang ang nakakaalam ng kwento pati ang mga nakabasa na nito, alam ko sa mata ng iba ako ang masama. Malamang husgahan din ako ng iba, pero ginawa ko lang ito dahil kay Anne. Sana pare, hindi ka galit.


>

"Hindi mo ba naisip na baka panakip-butas ka lang?" sabi ko sa kanya. Butas. Oo nga, butas ang kwento niya. Hindi siguro nakwento ni Anne na nag-eskandalo siya doon sa mall dahil sa pagseselos sa classmate kong babae, hindi ko siya masisisi, maganda kasi si classmate.

"Sabi niya sa'kin mahal na rin daw niya ako. Ang importante sa'kin, masaya siya at ok na siya." sagot ni Gab. Oo nga, ok na siya. Eh ako kaya, hindi ko nga pala nasabi sa'yo na mahal ko pa siya. Gago kasi 'tong si Chito, bakit sinabi niyang hindi na niya mahal si Anne.

"Bahala ka. Buhay mo 'yan." sabi ko at tumawa. Tawa na lang tayo, napagtripan tayo ng tadhana eh. Mas matalino sa'kin si Gab, mas mabait, mas matino, mas kalog at mas gwapo halos identical kami pero higit siya ng lahat sa'kin so what do you expect?

"Buti naman at ok ka lang." sabi niya, kung sasabihin kong hindi ako ok, iiwan mo ba siya? Gagawin mo ba 'yon para sa'kin? How sweet, sige tayo na no'n.

"Wala na kami Gab. Tapos na kami. Pero pare, hindi talaga ako ok, pero may magagawa pa ba ako? Basta ingatan mo lang siya. Alam ko nasa mabuti siyang kamay." matapos mong ikwento lahat ng nangyari sa inyo, oo, ok lang ako. Sira talaga ako, pinakwento ko pala. Tayo lang naman ang nakakaalam ng kwento, may kwento rin pala ako, plano ko palang maghintay kay Anne hanggang makatapos ako ng pag-aaral kasi may pagkachildish pa siya ngayon. Malamang pagkagraduate ko, matured na siya mag-isip. Alam mo? Hindi ko nga pala nakwento sa'yo.

Wala sa isip ko ang away, nanghinayang lang ako dahil palpak ang planong binuo ko. Masyadong risky. "Sige pare. Kita na lang tayo." sabi ni Gab. Sige, kita tayo sa impyerno.

"Sige! Sa'yo na lang ex-girlfriend ko." bulong ko sa kawalan. Tama, sa kawalan ang punta ko nito kapag hindi ako nakapagmove-on.

>

"Nakakailang talaga." sabi ko na lang habang kasabay sila sa jeep pauwi. Ang dati kong katabi, ay katabi na ng iba. Ang dating pumapawi ng luha niya, ngayo'y iba na ang gumagawa. Nakakatawa, 'yung barkada ko pa.


Senyoritang senyorita ang dating niya dati, ngayon, mature na nga siya. Kung hot siya dati, mas hot siya ngayon kasi lalong sumeksi ang katawan niya. Idikit mo lang ang posporo, sisindi na agad. Ang daming nagbago sa kanya sa loob lang ng isang taon, pero alam ko hindi siya magiging ganito kung hindi ako nakipaghiwalay sa kanya. 'Di na siya tulad ng dati na parang umaapaw ang La Mesa Dam kapag nagagalit, natatawa talaga ako sa nangyari.


"Gab, pinagtatawanan ka ni Chito oh." sabi ni Anne. Hindi niya alam malapit na akong mabaliw. Siguro hindi talaga kami ang magkakatuluyan, siguro tulay lang ako para magkakilala kayo. Kita mo, isang taon na kayo. Isang taon na palang masikip ang dibdib ko, kailangan ko na sigurong magmove on. Siguro.

Maybe one day we'll be friends again. `Til then I'll be missing you my friend. Tawa lang. Ganyan talaga ang buhay.

- enD - wakaS -

3 comments:

  1. Medyo naguluhan ako sa pov bandang gitna. Sakit nun ah. Bakit daw ba sila naghiwalay. Hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. rej,

      ehe..ikonek natin ang unang part sa third part,
      nageskandalo si babae dahil nagselos kaya nasabi ni lalake na hindi na niya mahal si babae pero deep inside kay lalake, mahal pa niya si babae..

      gulo talaga niyan..haha

      Delete
  2. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete

Note: Only a member of this blog may post a comment.